OKTUBRE 16, 2017
ARMENIA
European Court of Human Rights—Suportado ang Karapatan ng mga Tumatangging Magsundalo Udyok ng Budhi sa Armenia
Noong Oktubre 12, 2017, nagdesisyon ang European Court of Human Rights (ECHR) na di-makatarungang nahatulan ng pagkabilanggo ang apat na Saksi ni Jehova dahil sa pagtangging magsagawa ng alternatibong paglilingkod na nasa pangangasiwa at kontrol ng militar. Nagdesisyon ang ECHR na mali ang pagkakakulong sa apat na kabataang lalaki dahil hindi sila binigyan ng Armenia ng tunay na alternatibong serbisyong pansibilyan.
Kasangkot sa kaso na Adyan and Others v. Armenia, sina Artur Adyan, Vahagn Margaryan, Harutyun Khachatryan, at Garegin Avetisyan, na nahatulan noong tag-araw ng 2011, na mabilanggo nang dalawa at kalahating taon. Ipinasiya ng ECHR na nilabag ng mga pag-uusig at hatol na kaparusahan sa mga kabataang ito ang kanilang kalayaan sa budhi at relihiyon na ginagarantiyahan ng Article 9 ng European Convention on Human Rights (Convention). Ang Armenia ay inutusang magbayad nang EUR 12,000 (USD 14,200) sa bawat aplikante sa bayad-pinsala para sa hirap at pagdurusang dinanas nila.
Ang mga kabataang lalaki ay nahatulan pagkatapos magdesisyon ang Grand Chamber ng ECHR, sa kaso ng Bayatyan v. Armenia (2011), na protektado ng Convention ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi na magsagawa ng paglilingkod militar. * Dahil protektado na ang karapatang ito, ang Armenia ay hinilingang mag-alok ng alternatibo sa paglilingkod militar sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi. Pero ang alternatibong serbisyo ng Armenia noong panahong iyon ay hindi sumusunod sa internasyonal na mga pamantayan dahil kontrolado ito at pinangangasiwaan ng militar. Tinanggihan ng apat na kabataang lalaki ang anyong ito ng alternatibong serbisyo at ibinilanggo sila gaya ng marami sa kanilang mga kapananampalataya. Sa Adyan, nagdesisyon ang ECHR na dapat paglaanan ng Armenia ang mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi ng “isang alternatibong paglilingkod militar na talagang pansibilyan at hindi isa na pumipigil o nagpaparusa.”
Noong 2013, pagkatapos mapalaya ang apat na kabataang lalaking sangkot sa kasong Adyan, ipinatupad sa wakas ng Armenia ang totoong alternatibong serbisyong pansibilyan na hindi pinangangasiwaan ni kontrolado man ng militar. Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova sa Armenia na tumatangging magsundalo udyok ng budhi ay hindi na ikinukulong dahil sa pagsunod sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya at sa pagtangging magsundalo. Talagang pinahahalagahan nila ang pagkakataon na magsagawa ng totoong alternatibong serbisyo.
^ par. 3 Bayatyan v. Armenia [GC], no. 23459/03, ECHR 2011