Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 15, 2018
ARMENIA

Kung Paano Kinilala ng Armenia ang Karapatang Tumangging Magsundalo Dahil sa Budhi

Kung Paano Kinilala ng Armenia ang Karapatang Tumangging Magsundalo Dahil sa Budhi

Isang pasiya kamakailan lang mula sa European Court of Human Rights (ECHR) ang nagsulong ng karapatan ng mga kabataang lalaki na tumatangging maglingkod sa militar dahil sa budhi. Noong Oktubre 12, 2017, ginawang saligan ng ECHR ang kasong Adyan and Others v. Armenia may kinalaman sa uri ng alternatibong paglilingkod na puwede nilang gawin.

Sa loob ng maraming taon, hindi kinilala ng jurisprudence ng ECHR ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa budhi, at dahil diyan, marami ang pinag-usig at ibinilanggo. Pero noong 2011, nagbago ang desisyon ng Korte nang hatulan nito ang kasong Bayatyan v. Armenia. Kinilala ng kasong ito ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa budhi bilang pangunahing karapatan. Sa mas kamakailan lang na hatol sa kasong Adyan, napagpasiyahan ng ECHR na ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi ay may karapatang bigyan ng alternatibong paglilingkod na makatao at hindi bilang parusa.

Ipinakikita ng maikling kasaysayan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi sa Armenia na ang pagpabor ng ECHR sa kasong Bayatyan, Adyan, at iba pa, ay may malaking epekto sa pagtrato ng gobyerno sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

Ang Pangako at Pagkabigo ng Armenia na Maglaan ng ACS

Walang alternatibo kundi kaparusahan. Nang sumali ang Armenia sa Council of Europe noong 2001, nangako itong susundin nito ang batas sa alternative civilian service (ACS) na akma sa European standard, ibig sabihin, isang programa ng gawaing sibilyan na wala sa ilalim ng kontrol ng militar at hindi matagal. Sumang-ayon din ito na ipawawalang-sala ang lahat ng tumangging magsundalo dahil sa budhi. * Gayunman, hindi pa tinutupad ng Armenia ang pangakong iyan nang tawagin nito si Vahan Bayatyan, isang Saksi ni Jehova at tumatangging magsundalo dahil sa budhi, para maglingkod sa militar. Noong 2002, hinatulan siya at ikinulong dahil tumanggi siyang maglingkod sa militar, at walang ACS na inilaan ang Armenia. Noong 2003, nagsumite si Mr. Bayatyan ng aplikasyon sa ECHR, na sinasabing nilabag ng Armenia ang kaniyang kalayaan sa budhi at relihiyon nang parusahan siya ng pagkakabilanggo.

Depektibong alternatibo—na nauwi sa kaparusahan. Noong 2004, sinunod ng Armenia ang batas ng ACS, at ilang lalaking kabataang Saksi ang tumanggap ng opsiyon na magsagawa ng ACS kapalit ng serbisyo militar. Pero nang makapasok na sila rito, nakita nila na ang programa ay nasa ilalim ng militar, hindi ng sibilyang awtoridad, at matapos magbigay ng abiso ay umalis sa kanilang atas sa ACS. Dahil dito, inaresto sila at pinag-usig, at ang ilan ay ibinilanggo. Noong Mayo 2006, sina Hayk Khachatryan at 18 iba pang mga Saksi na tumangging magsundalo dahil sa budhi ay nagsumite ng aplikasyon sa ECHR, na sinasabing nilabag ang kanilang karapatan dahil sa ilegal na pag-uusig na ito. *

Ilang taóng walang pagbabago. Sa loob ng maraming taon, walang ginawang hakbang ang Armenia para baguhin ang batas nito sa ACS. Patuloy na tinatanggihan ng mga Saksi ang depektibong ACS, at patuloy naman silang ibinibilanggo ng Armenia—317 ang ibinilanggo sa pagitan ng 2004 (nang pairalin ang batas ng ACS) at 2013 (nang baguhin ang batas ng ACS) at ibinilanggo sila nang di-bababa sa 24 hanggang 36 na buwan.

Sa mga panahong iyon, halos walang pagbabagong ginawa ang ECHR may kinalaman sa isyu. Noong 2009, dininig nito ang reklamo ni Mr. Bayatyan, na nagsasabing ang pagtutol niya sa serbisyong militar ay protektado sa ilalim ng Article 9 ng European Convention, na tumitiyak sa karapatang maging malaya sa pagsamba at magdesisyon ayon sa budhi. Gayunman, napilitan ang ECHR na umasa sa ilang dekada nitong jurisprudence. Patuloy nitong idinahilan na maaaring pumili ang bawat bansa kung kikilalanin nito ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Kung hindi naman, hindi maaaring gamitin ang Article 9 para tiyaking magiging malaya mula sa pag-uusig ang mga tumatangging maglingkod sa militar. Dahil mukhang hindi angkop ang desisyon na ito sa mga umiiral na internasyonal na kasunduan may kinalaman sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi, umapela ang mga abogado ni Mr. Bayatyan sa Grand Chamber ng ECHR para sa rekonsiderasyon.

Dininig ng Grand Chamber ng ECHR ang kasong Bayatyan v. Armenia, noong Nobyembre 24, 2010

Isang malaking pagsulong. Biglang nagbago ang ihip ng hangin nang muling suriin ng Grand Chamber ng ECHR ang apela ni Mr. Bayatyan. Noong Hulyo 7, 2011, sa unang pagkakataon, malinaw na binanggit ng ECHR na ang pagtangging magsundalo dahil sa budhi ay isang karapatan sa ilalim ng Article 9 ng Kombensiyon. Binanggit nito na ang Kombensiyon ay isang “buháy na instrumento,” na nangangahulugang, ang nagbabagong batas ay nagdala ng “malawakang pagkakasundo sa mga problema sa Europe at iba pang lugar.” Hindi lang itinaas ng hatol ng Grand Chamber ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa budhi sa Europe, inobliga rin nito ang Armenia na magbigay ng tunay na alternatibo sa serbisyong militar para sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

“Ang pagkontra sa paglilingkod sa militar, kung dahil sa seryoso at mabigat na problema sa pagitan ng obligasyong paglingkuran ang militar at ng budhi ng tao o ng kaniyang malalim at taimtim na relihiyoso o iba pang paniniwala, ay mabigat, seryoso, matibay, at sapat para mapasailalim ng batas na ginagarantiyahan ng Article 9.”—Bayatyan v. Armenia [GC], no. 23459/03, § 110, ECHR 2011”

Binago ng Armenia ang Batas Nito sa ACS

Problema pa rin ang kakulangan sa tunay na alternatibong serbisyong pansibilyan. Noong tag-araw ng 2011, apat na Saksi sa Armenia, kasama na si Artur Adyan, ang inaresto at ibinilanggo dahil sa pagtanggi nila sa ACS, na nasa ilalim ng kontrol ng militar. Umapela sila sa ECHR, na sinasabing nilabag ng Armenia ang kanilang karapatan—ang alternatibo na ibinibigay ng Armenia mula pa 2004 ay hindi ayon sa European standard at kontra sa kanilang budhi.

Patuloy pa rin ang problema dahil sa pangangasiwa ng militar sa isang programang pansibilyan. Noong Nobyembre 27, 2012, inilabas ng ECHR ang desisyon nito sa kasong Khachatryan and Others v. Armenia, kung saan sangkot ang 19 na Saksing umalis sa ACS program dahil hindi ito pinangangasiwaan ng sibilyan kundi ng militar. Sinabi ng ECHR na ilegal ang pag-uusig at pagkukulong na dinanas ng mga Saksi. Kahit na idiniin sa hatol na umapela ang mga nasa ilalim ng ACS program dahil kinokontrol ito ng militar, hindi ang puntong iyon ang naging basehan ng Korte sa kasong Khachatryan.

Isang tunay na alternatibo. Noong tag-araw ng 2013, inamyendahan ng gobyerno ng Armenia ang batas nito para isama ang ACS, gaya ng ipinangako nito noong 2001. Noong Oktubre 2013, karamihan ng mga nakakulong na Saksi sa Armenia ay pinalaya na, pero may ilan na malapit nang matapos ang sentensiya ang nagdesisyong tapusin na lang ito. Mula noon, ang mga tumatangging maglingkod sa militar dahil sa budhi sa Armenia ay nakatanggap na ng ACS.

Pagsulong ng mga Kaso sa ECHR

Malinaw na ipinakikita ng dalawang hatol ng ECHR, sa Bayatyan at Khachatryan, na ang mariing pagtanggi sa serbisyong militar dahil sa budhi ay isang pangunahing karapatan na dapat igalang ng gobyerno ng Armenia. Pero hindi binigyang-pansin ng ECHR ang ACS program, na dapat ay wala sa ilalim ng kontrol o pangangasiwa ng militar.

Noong Oktubre 12, 2017, nagkaroon ng pagsulong tungkol diyan, nang ilabas ng ECHR ang hatol sa kasong Adyan and Others v. Armenia. Sa kasong Adyan, idinahilan ng ECHR na dahil protektado ang karapatang tumangging magsundalo udyok ng budhi, obligado ang Armenia na magbigay ng alternatibo sa paglilingkod sa militar na sumusunod sa European standard. Ang ACS program ay dapat na wala sa kontrol at pangangasiwa ng militar, at hindi iyon dapat na isang parusa. Nagbigay ang ECHR ng danyos para sa parusang dinanas ng mga kapatid dahil sa pagtanggi nila sa depektibong programang iyon.

“Isinasaalang-alang ng Korte na ang karapatang tumangging magsundalo dahil sa budhi na ginagarantiyahan ng Article 9 ng Kombensiyon ay mapandaya kung hahayaan ang Estado na organisahin at ipatupad ang sistema nito ng alternatibong paglilingkod na hindi naman makapagbibigay – sa batas man o sa gawa – ng isang alternatibong paglilingkod militar na talagang pansibilyan at hindi isa na pumipigil o nagpaparusa.”—Adyan and Others v. Armenia, no. 75604/11, § 67, ECHR 2017

Resolusyon sa Isyu

Nitong Enero 2018, natapos na ng 161 Saksing lalaki sa Armenia ang kanilang ACS, at 105 lalaki ang kasalukuyan pang nasa programang ito. Masaya kapuwa ang mga Saksi at ang mga awtoridad na namamahala sa ACS program dahil sa tagumpay nito. Talagang nakatulong ito sa komunidad at katanggap-tanggap din sa mga taong humihiling ng alternatibong anyo ng paglilingkod. Inaalis din nito ang problema sa karapatang pantao na dati’y umiiral sa Armenia.

Kinomendahan ni André Carbonneau, isa sa mga abogado ng mga Saksi sa Armenia, ang gobyerno dahil sa pag-ayos nito sa isyu. Sinabi niya: “Kapag tiningnan natin ang mga hatol ng ECHR laban sa Armenia, makikita natin ang pagsulong mula sa kasong Bayatyan noong 2011. Ang mga hatol sa Khachatryan at Adyan ay nagbigay-daan para maprotektahan ang alternatibong serbisyong pansibilyan mula sa pakikialam ng militar. Umaasa kaming mapapansin ng ibang bansa na walang tunay na alternatibong programa sa paglilingkod ang tagumpay ng Armenia sa pagpapatupad ng isang alternatibong serbisyo na katanggap-tanggap sa mga Saksi at nakatutulong sa lipunan.”

Ilang Bansa na may Compulsory Military Service at Walang Katanggap-tanggap na Alternative Civilian Service (ACS)

 

Walang ACS

Nagiging Parusa ang ACS

Mayroong ACS Pero Hindi Ipinatutupad

Azerbaijan

 

 

X

Belarus

 

X

 

Eritrea

X

 

 

Lithuania

X *

 

 

Singapore

X

 

 

South Korea

X

 

 

Tajikistan

 

 

X

Turkey

X

 

 

Turkmenistan

X

 

 

Time Line

  1. Oktubre 12, 2017

    Inilabas ng ECHR ang hatol sa kasong Adyan and Others v. Armenia

  2. Enero 2014

    Sinimulan ng unang mga Saksi ang kanilang trabaho sa ilalim ng ACS program

  3. Nobyembre 12, 2013

    Sa kauna-unahang pagkakataon sa mahigit na 20 taon, wala nang Saksi ang nakakulong dahil sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi

  4. Hunyo 8, 2013

    Gumawa ang Armenia ng mga pagbabago sa Batas ng ACS, na ipinatupad noong Oktubre 2013

  5. Nobyembre 27, 2012

    Inilabas ng ECHR ang hatol sa kasong Khachatryan and others v. Armenia

  6. Enero 10, 2012

    Sinunod ng ECHR ang hatol sa Bayatyan bilang hatol sa mga kasong Bukharatyan v. Armenia at Tsaturyan v. Armenia, at nakita ng ECHR na nilabag ng Armenia ang Article 9 nang ikulong nito ang mga Saksi

  7. Hulyo 7, 2011

    Napatunayan ng Grand Chamber ng ECHR na nilabag ang kalayaan sa budhi (Article 9 ng European Convention), na pumoprotekta sa karapatang tumangging magsundalo dahil sa budhi sa bilang na 16-1 sa kasong Bayatyan v. Armenia

  8. Oktubre 27, 2009

    Inilabas ng ECHR ang hatol sa kasong Bayatyan v. Armenia, na sinasabing hindi angkop ang Article 9 ng European Convention sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi; iniakyat ang kaso sa Grand Chamber ng ECHR

  9. 2004

    Binuo ng Armenia ang batas ng ACS—sa ilalim ng pangangasiwa ng militar

  10. 2001

    Sinabi ng Armenia na ipapatupad nito ang batas ng ACS

^ par. 6 Inirekomenda ng Opinion No. 221 (2000) ng Parliamentary Assembly of the Council of Europe na imbitahan ang Armenia para maging miyembro ng Council of Europe sa kondisyon na “Tatanggapin ng Armenia at kikilalanin ang sumusunod na karapatan: . . . magbibigay ito, sa loob ng tatlong taon mula sa pagtamo nito, ng isang batas sa alternatibong paglilingkod bilang pagsunod sa European standard, at pansamantala, palayain nito ang lahat ng tumangging magsundalo dahil sa budhi na nakakulong o naglilingkod sa mga disciplinary battalion, at hahayaan silang pumili, kapag ipinatutupad na ang batas sa alternatibong paglilingkod, kung magsasagawa ng di-armadong uri ng paglilingkod sa militar o ng alternatibong serbisyong pansibilyan.”

^ par. 7 Ang pag-uusig at pagkukulong ng Armenia sa 19 na Saksi ay ilegal dahil wala pang batas sa Armenia na nagbabawal sa pag-iwan sa alternatibong paglilingkod nang ikulong sila noong 2005.

^ par. 39 Ang “alternative national defense service” ng Lithuania ay nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng militar.