ABRIL 26, 2019
COLOMBIA
Pinarangalan ang mga Saksi ni Jehova sa Pagtuturo ng Bibliya sa mga Bilanggo sa Colombia
Ang mga kapatid natin sa Colombia ay mahigit 20 taon nang nagdaraos ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa mga bilanggo. Noong Nobyembre 30, 2018, isang sertipiko ng pagkilala ang ibinigay ng Paulo Freire Educational Center sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagtuturo ng Bibliya sa isang bilangguan sa lunsod ng Valledupar. Sa kasalukuyan, 50 bilanggo roon ang nakikipag-aral ng Bibliya.
Sa buong Colombia, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng 782 pag-aaral sa Bibliya sa 65 bilangguan. Lahat-lahat, 60 indibidwal na ang nabautismuhan mula noong 1996.
Si Néver Antonio Cavadía ay nakipag-aral ng Bibliya sa loob ng bilangguan sa Valledupar at nabautismuhan noong 1998. Pinalaya siya noong 2007. Tungkol sa mga kapakinabangan ng pag-aaral niya ng Bibliya, sinabi niya: “Naprotektahan ako at natulungan ng mga prinsipyo sa Bibliya na magkaroon ng karunungan habang nasa bilangguan. Natulungan din ako nitong gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay ko at huwag mawalan ng pag-asa.”
Sa buong mundo, sinisikap nating makausap ang mga bilanggo dahil gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.