Pumunta sa nilalaman

Ang Constitutional Court ng Colombia

HUNYO 9, 2021
COLOMBIA

Sa Mahalagang Kaso, Kinilala ng Constitutional Court ng Colombia ang Kalayaan sa Pagsamba ng Isang Mature Minor

Sa Mahalagang Kaso, Kinilala ng Constitutional Court ng Colombia ang Kalayaan sa Pagsamba ng Isang Mature Minor

Noong Abril 7, 2021, nagdesisyon ang Constitutional Court ng Colombia pabor sa isang Saksi ni Jehova sa isang kaso na kumikilala sa karapatan ng isang mature minor na gumawa ng sariling niyang desisyon tungkol sa medikal na paggamot. Sa kasong ito, humiling ang pasyente ng isang paraan ng paggamot na hindi siya sasalinan ng dugo. Kinilala rin ng Constitutional Court na may bisa ang form na durable power of attorney na pinirmahan ng mature minor at na hindi pinababayaan ng mga magulang ng mga minor na ito ang medikal na pangangalaga sa kanilang mga anak.

Si Sister Daniela Caicedo kasama ang mga magulang niya

Noong Mayo 27, 2020, si Sister Daniela Caicedo, 16 na taóng gulang noon, ay na-diagnose na may B-cell acute lymphoblastic leukemia. Gusto ng mga doktor at nars na salinan siya ng dugo at i-chemotherapy siya. Kahit na nanghihina siya, magalang na sinabi ni Daniela sa mga doktor at nars na ayaw niyang magpasalin ng dugo dahil sa kaniyang salig-Bibliyang mga paniniwala.—Gawa 15:29.

Noong Hunyo 24, 2020, binigyan ng Colombian Institute of Family Welfare (ICBF) ang mga doktor at nars ng awtoridad na salinan ng dugo si Daniela sa kabila ng pagtutol niya. Hiniling din ng ICBF na suriin ng isang sikologo si Daniela. Sa pagsusuring ito, pinatunayan ni Daniela na mature na ang isip at damdamin niya para magpasiya kung anong uri ng paggamot ang tatanggapin niya o hindi. Pinatunayan din ng pagsusuri ng sikologo na tinanggihan ni Daniela ang pagsasalin ng dugo hindi dahil sa pinilit siya kundi dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala.

Ipinagtanggol ng hukom sa mababang hukuman ang karapatan niyang tumanggi na magpasalin ng dugo bilang isang mature minor. Pero nagdesisyon ang court of appeals na kung sa tingin ng kaniyang doktor ay kailangan siyang salinan ng dugo, maaari nila siyang salinan ng dugo. Sa tulong ng kaniyang mga magulang, nagpasiya si Daniela na umapela sa Constitutional Court para ipaglaban ang kaniyang karapatan na tumangging magpasalin ng dugo.

Sa huling desisyon, pinrotektahan ng Constitutional Court ang karapatan ni Daniela sa pamamagitan ng pagkilala na “protektado ng [kalayaan sa pagsamba] ang personal na kaugnayan ng isa sa Diyos pati na ang ginagawa niya para sambahin at sundin ang Diyos.” Sinabi pa nito na ang pagpilit kay Daniela na magpasalin ng dugo ay makakasira sa kaugnayan niya sa Diyos at labag sa kaniyang karapatan at dignidad. Kinilala rin ng desisyon ng korte ang karapatan niyang tumanggap ng paggamot na walang pagsasalin ng dugo.

Pinagtibay ng mahalagang desisyong ito na dapat igalang ng mga doktor at nars ang karapatan ng mature minor na mga Saksi na tumanggap ng paggamot na hindi labag sa kanilang relihiyosong paniniwala. Sinabi ng isa sa mga abogado na humawak sa kaso niya: “Kinikilala ng Constitutional Court na ang karapatang mabuhay ng mga mature minor ay tuwirang nauugnay sa karapatan nilang maging maligaya. Kaya para ma-enjoy ng mga mature minor ang isang maligayang buhay, dapat igalang ang relihiyosong paniniwala nila, kahit na hindi ito kapareho ng paniniwala ng mga hukom o doktor.”

Pagkatapos marinig ang desisyon ng Constitutional Court, sinabi ni Daniela: “Napakasaya ko dahil naluluwalhati ang pangalan ni Jehova. Tinuruan ako nito na anuman ang pagsubok, puwede itong gawin ni Jehova na isang pagkakataon para sa atin na ipakita kung gaano natin siya kamahal.”

Maganda na ang kalusugan ni Daniela, at patuloy siyang tumatanggap ng napakahusay na paggagamot. Mag-aaral siya sa pioneer school sa Agosto 2021. Alam nating natutuwa ang Diyos na Jehova kapag nakikita niya ang mga kabataan na pinararangalan siya sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi.—Awit 148:12, 13.