Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi na nakikibahagi sa espesyal na kampanya sa Osaka (kaliwa) at Tokyo (kanang itaas at ibaba)

HULYO 30, 2024
JAPAN

Mga Saksi Mula sa Pitong Bansa, Nakibahagi sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Osaka at Tokyo, Japan

Mga Saksi Mula sa Pitong Bansa, Nakibahagi sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Osaka at Tokyo, Japan

Libo-libong Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa isang espesyal na kampanya ng pangangaral sa Osaka at Tokyo, Japan, noong Mayo 13 hanggang Hunyo 2, 2024. Bukod dito, mga 350 Saksi rin ang inimbitahan mula sa Australia, Canada, France, Germany, New Zealand, South Korea, at United States para suportahan ang kampanya.

Mahigit 15 milyon ang pinagsamang populasyon ng Tokyo at Osaka. Sumama ang lokal na mga Saksi sa dumadalaw na mga kapatid sa iba’t ibang anyo ng pampublikong pangangaral. Marami silang nakausap at nakapagpasimula rin sila ng mga Bible study.

Isang sister mula sa Australia na kasama ng isang sister sa Japan noong panahon ng kampanya

Habang nagka-cart witnessing, nanalangin ang isa sa ating mga sister na sana may makausap siyang interesadong mag-aral ng Bibliya. Di-nagtagal, may isang lalaking lumapit sa cart at nagsabi na gusto niyang matuto pa tungkol sa Bibliya. Dahil nagsasalita ng Chinese ang lalaki, isinaayos ng sister na dalawin ito ng isang brother na nagsasalita ng Chinese. Dumalo ang lalaki sa pulong pagkalipas ng dalawang araw mula noong makausap siya.

Habang nangangaral sa bahay-bahay, nakausap ng isang sister ang isang babae at ipinapanood ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? Pagkatapos, sinabi ng babae, “Y’ong mga tanong sa video, mga tanong ko rin yan!” Tinanggap niya ang alok na pag-aaral sa Bibliya at dumalo sa sumunod na pulong kasama ng sister.

Mga kapatid mula sa Honmachi Congregation sa Osaka kasama ang mga bisita sa isang welcome reception bago magsimula ang espesyal na kampanya sa pangangaral

Naging magandang pagkakataon din ang kampanya para magkasama-sama ang mga kapatid mula sa buong mundo at magpatibayan. Sinabi ni Aika, isang 20 anyos na sister mula sa Tatsuno, Japan: “Hinding-hindi ko ito makakalimutan. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil nakabahagi ako sa kampanya.” Sinabi naman ng lokal na elder na si Akihiro: “Napatibay talaga kami dahil nakasama naming mangaral ang mga kapatid mula sa ibang bansa. Mas na-enjoy namin ang pangangaral.”

Nagpapasalamat tayo sa maraming lokal at internasyonal na mga boluntaryo na ‘kusang-loob na inihandog ang sarili nila’ para sa espesyal na kampanyang ito at ’sumigaw ng papuri kay Jehova.’—Awit 110:3; Ezra 3:11.