SETYEMBRE 23, 2019
RUSSIA
Anim Pang Kapatid ang Nahatulan at Nabilanggo sa Russia
Noong Huwebes, Setyembre 19, 2019, anim pang kapatid mula sa lunsod ng Saratov sa Russia ang nahatulan at nasentensiyahang mabilanggo dahil lang sa pagiging mga Saksi ni Jehova.
Sinentensiyahan ni Judge Dmitry Larin ng Leninsky District Court of Saratov sina Brother Konstantin Bazhenov at Brother Aleksey Budenchuk na mabilanggo nang tatlo’t kalahating taon; si Brother Feliks Makhammadiyev, nang tatlong taon; sina Brother Roman Gridasov, Brother Gennadiy German, at Brother Aleksey Miretskiy, nang dalawang taon. Bukod diyan, kapag nakumpleto na ng mga kapatid ang sentensiya sa kanila, lahat sila ay pinagbabawalang maging lider ng mga pampublikong organisasyon sa loob ng limang taon. Pinaplano ng depensa na iapela ang hatol.
Sinampahan ng kaso ang anim na kapatid matapos magsagawa ng raid ang mga awtoridad ng Russia sa pitong bahay ng mga Saksi sa Saratov noong Hunyo 12, 2018. Pamilyado ang anim na kapatid na ito, at si Brother Budenchuk ay may dalawang anak na nag-aaral pa. Si Brother Budenchuk, pati na sina Brother Bazhenov at Brother Makhammadiyev, ay halos isang taóng nakulong matapos maaresto at bago pa man malitis.
Sa huling pahayag sa korte ng anim na kapatid na ito, sumipi sila ng nakakapagpatibay na mga teksto mula sa Bibliya at sinabing wala silang sama ng loob sa mga abogadong nag-aakusa sa kanila.
Sa ngayon, pitong lalaki na ang kinasuhan at sinentensiyahang makulong ng Russia. Mahigit 250 brother at sister sa Russia ang sinampahan ng kaso, at 41 sa kanila ang nakakulong (bago ang paglilitis o nahatulan na) at 23 ang naka-house arrest.
Ipinapanalangin natin na ang lahat ng ating tapat na kapatid sa Russia ay ‘mapalakas sana ng maluwalhating kapangyarihan ni Jehova para maging mapagpasensiya at masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.’—Colosas 1:11.