Pumunta sa nilalaman

Si Brother Jovidon Bobojonov

NOBYEMBRE 18, 2020
TAJIKISTAN

Brother Jovidon Bobojonov, Binigyan ng Pardon ng Presidente ng Tajikistan at Pinalaya

Brother Jovidon Bobojonov, Binigyan ng Pardon ng Presidente ng Tajikistan at Pinalaya

“Tinulungan ako ni Jehova na manindigan sa pananampalataya ko,” ang sabi ni Brother Jovidon Bobojonov pagkatapos niyang mapalaya noong Nobyembre 1, 2020. Noong araw bago iyon, binigyan siya ng Presidente ng Tajikistan ng pardon, kasama ang 377 iba pang bilanggo. Nasentensiyahan si Jovidon na mabilanggo nang dalawang taon dahil tumanggi siyang magsundalo, at siyam na buwan siyang nabilanggo.

Noong Oktubre 4, 2019, dinampot ng mga sundalo si Jovidon, na 19 noon, mula sa bahay niya at idinitine sa enlistment office. Sa sumunod na mga buwan, inilipat siya sa iba’t ibang kampo ng militar. Sa bawat Temporary Detention Facility (TDF), kailangan niyang magpaliwanag kung bakit ayaw niyang magsundalo. “Kung ano-ano ang itinatanong sa akin ng mga kumander at sundalo. Gusto nilang lahat na itakwil ko ang relihiyon ko,” ang sabi ni Jovidon. “Sinusubukan nila akong galitin gamit ang mga tanong na ito. Minsan, ginigising nila ako ’pag gabi para lang itanong nang itanong kung bakit ayaw kong magsundalo.

“Nakatulong talaga sa akin ang panalangin. Noong nasa kampo ako ng militar, marubdob akong nananalangin araw at gabi habang umiiyak. Hinihiling ko kay Jehova na tulungan niya akong huwag sumuko, na huwag ko sana siyang mapalungkot, at na makapagpigil sana ako kapag ginagalit nila ako.

“Pakiramdam ko, hinawakan ni Jehova nang mahigpit ang kamay ko . . . Minsan, kapag nag-iisa ako, nadedepres ako. Pero pinapatibay ako ni Jehova gamit ang mga likha niya. Paggising ko tuwing umaga, naririnig ko ang huni ng mga ibon. Sa gabi naman, pinagmamasdan ko ang buwan at mga bituin. Dahil sa mga iyon, napatibay ako kaya naging masaya ako.”

Nahatulan si Jovidon noong Abril 2, 2020, at inilipat siya sa bilangguan mula sa TDF. Hindi siya puwedeng tumanggap ng sulat. Pero dinadalhan siya ng mga kapatid ng pagkain at isinusulat nila sa mga grocery bag ang teksto sa araw na iyon. “Dahil do’n, naramdaman ko na hindi ako nag-iisa, at na-realize ko na may mabubuti akong kaibigan,” ang sabi ni Jovidon.

Nagpapasalamat din si Jovidon na naaalala niya ang mga nakakapagpatibay na teksto, gaya ng Roma 8:37-39. Sinabi niya: “Noong nasa bilangguan ako, naging totoo talaga sa akin ang tekstong iyan. Hindi ako mailalayo ng anumang pagsubok sa pag-ibig ni Jehova. Tinulungan ako ni Jehova na manatiling matatag ang pananampalataya ko.”

Napatibay ang mga magulang ni Jovidon sa kaniya. Sinabi ng tatay niyang si Abdujamol: “Tumibay ang pananampalataya namin dahil sa panalangin at sa magandang halimbawa ng anak namin na nakapagtiis ng pagsubok. Talagang sinuportahan kami ng mga kapatid sa buong mundo. Pinapahalagahan namin ang mga panalangin nila. Nagpapasalamat kami kay Jehova kasi binigyan niya kami ng mapagmahal at mapagmalasakit na mga kaibigan.”

Sa panahong ito ng kawakasan, inaasahan natin na makakaranas tayo ng “mabibigat na pagsubok.” (1 Pedro 4:12) Sinabi ni Jovidon: “Ngayong malaya na ako, gusto kong gamitin ang kalayaang ito para palalimin pa ang kaalaman ko at maging handa sa mga darating pang pagsubok. Kung hindi pa kayo nakakaranas ng matinding pagsubok, napakahalagang gamitin ninyo ang panahon ngayon para palalimin ang kaalaman ninyo tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng pagbabasa ng kaniyang Salita at ng mga publikasyon natin.”