Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Mahal Naming mga Kapuwa Saksi ni Jehova:

Kaylaking pribilehiyo na taglayin ang pangalan ng Diyos na Jehova, ang Soberano ng Sansinukob! Ang pangalan niya ay walang hanggan, walang wakas, at walang katulad. Si Jehova mismo ang nagbigay sa atin ng kaniyang pangalan, at mula pa noong 1931, kilala na tayo sa pangalang iyan. (Isa. 43:10) Ikinararangal nating tawagin tayong mga Saksi ni Jehova.

Walang ibang gusto ang Diyablo kundi ang burahin ang pangalan ng Diyos. Kontrolado niya ang mga bansa at ayaw kilalanin ng mga ito ang pangalan ni Jehova. Ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay galít sa banal na pangalan anupat tinanggal ito sa maraming salin ng Bibliya. Kabaligtaran nito ang ginawa ni Jesus. Pinarangalan niya ang pangalan ng kaniyang Ama. Ito ang inuna niya sa panalanging itinuro niya sa mga alagad: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Mat. 6:9) Taos-puso siyang nanalangin sa kaniyang Ama: “Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Gaya ni Jesus, determinado tayo higit kailanman na puspusang ipakilala ang pangalan ni Jehova sa buong lupa.

Ang taunang teksto para sa 2009, “Lubusang magpatotoo sa mabuting balita,” ay nagpasigla sa atin na puspusang ganapin ang ating ministeryo. (Gawa 20:24) Saganang pinagpala ni Jehova ang pagsisikap natin sa nakaraang taon ng paglilingkod. Malaking patotoo ang naibigay natin sa buong mundo at nagdulot ito ng kaluwalhatian at karangalan sa pangalan ni Jehova. Isang bagong peak na 7,313,173 mamamahayag ang nagkaisa sa pangangaral at pagtuturo sa maaamo na naghahanap ng sagot sa kanilang mga problema sa araw-araw. Ang 18,168,323 dumalo sa Memoryal ng Kamatayan ni Kristo ay nagpapakitang milyun-milyon pa ang may pagkakataong kumilala sa pangalan ni Jehova bago magwakas ang masamang sistemang ito ng mga bagay.

Hanggat ipinahihintulot ni Jehova, patuloy at buong-sigasig nating ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian, na ginagawa ang lahat ng paraan para makausap ang mga tao sa ating teritoryo. (Mat. 24:14; Mar. 13:10) Sa bahay-bahay man, sa lansangan, sa di-pormal na paraan, o sa pamamagitan ng liham o telepono, ipahayag nawa natin ang pangalan at layunin ni Jehova sa pinakamaraming tao hangga’t maaari.

Lubos tayong nagtitiwala na malapit nang kumilos si Jehova para pabanalin ang kaniyang pangalan. (Ezek. 36:23) Di-magtatagal at patatahimikin ang lahat ng lumalapastangan sa pangalan ng Diyos. Pagdating ng araw na iyon, anong ligaya nga ng tapat na mga tagapaghayag ng pangalan ni Jehova at tagasuporta ng kaniyang soberanya!

Kitang-kita sa 2009 “Patuloy na Magbantay!” na Pandistrito at Internasyonal na Kombensiyon ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan. Di-malilimutan ang mga kombensiyong iyon. Naudyukan tayo na lalong maging mapagbantay sa araw ni Jehova.—Mar. 13:37; 1 Tes. 5:1, 2, 4.

Talagang napakabuti ni Jehova! Ang ating mga puso ay pinupuno niya ng kagalakan. Pinahihiga niya tayo sa madamong pastulan at inaakay tayo sa pahingahang-dako na natutubigang mainam.—Awit 23:1, 2; 100:2, 5.

Umasa kayo na lagi kayong pagpapalain ni Jehova habang patuloy kayong naglilingkod ukol sa Kaharian sa darating na mga buwan!

Tanggapin ninyo ang aming mainit na Kristiyanong pag-ibig.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova