Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INDONESIA

Isang Payunir na Malakas ang Loob

André Elias

Isang Payunir na Malakas ang Loob
  • ISINILANG 1915

  • NABAUTISMUHAN 1940

  • Isang payunir na paulit-ulit na nanindigan sa harap ng mga interogasyon at pagbabanta.

NOONG Digmaang Pandaigdig II, si Brother Elias at ang misis niyang si Josephine ay humarap sa mga opisyal sa Sukabumi, West Java, sa himpilan ng kinatatakutang Kempeitai—pulis-militar ng mga Hapon. Si André ang unang pinagtatanong. “Ano ba ang mga Saksi ni Jehova? Kalaban ba kayo ng gobyerno ng Hapon? Espiya ka ba?”

“Lingkod po kami ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at wala kaming ginagawang masama,” ang sagot ni André. Kinuha ng kumandante ang samurai na nasa dingding sabay amba.

“Kung patayin kita ngayon?” ang sigaw niya. Iniyuko ni André ang ulo niya sa mesa at nanalangin nang tahimik. Nagkaroon ng mahabang katahimikan. Pagkatapos, biglang nagtawanan ang mga opisyal. “Ang tapang mo!” ang sabi ng opisyal. Pagkatapos, ipinatawag naman niya si Josephine. Nang makita niyang pareho ang sagot nila, sumigaw ang opisyal: “Hindi kayo mga espiya. Umalis na kayo!”

Makalipas ang ilang buwan, inakusahan si André ng “mga bulaang kapatid” at nakulong. (2 Cor. 11:26) Sa loob ng ilang buwan, para lang may makain, namumulot siya ng tira-tirang pagkain sa kanal ng selda. Pero hindi nagtagumpay ang mga tagapagbilanggo na sirain ang kaniyang katapatan. Nang makadalaw sa kaniya si Josephine, ibinulong niya habang nasa likod ng mga rehas: “Huwag kang mag-alala. Patayin man nila ako o palayain, mananatili akong tapat kay Jehova. Mailalabas nila ako na isang bangkay, pero hindi isang traidor.”

Makalipas ang anim na buwan, nilitis si André sa Mataas na Hukuman ng Jakarta at pinalaya.

Pagkaraan ng mga 30 taon, nang muling ipagbawal ng gobyerno ng Indonesia ang mga Saksi ni Jehova, ipinatawag si André ng district attorney sa Manado, North Sulawesi. “Alam mo bang bawal na ang mga Saksi ni Jehova?” ang tanong niya.

“Opo,” ang sagot ni André.

“Magbabago ka na ba ng relihiyon?” ang tanong ng abogado.

Bahagyang lumapit si André at kinabog ang kaniyang dibdib. “Dukutin man ninyo ang puso ko, hindi ninyo ako mapipilit na baguhin ang aking relihiyon,” ang sabi niya sa malakas na tinig.

Pinauwi ng abogado si André at hindi na ginulo pa.

Noong 2000, namatay si André sa edad na 85, pagkatapos ng mga 60-taóng paglilingkod bilang masigasig na payunir.