Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?

Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?

KABANATA 35

Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?

Dahil sa isang malungkot na pangyayari sa buhay ni Jeremy, nakita niya ang kahalagahan ng pakikipagkaibigan sa Diyos. “Noong 12 anyos ako, iniwan kami ng tatay ko,” ang paliwanag niya. “Isang gabi bago ako matulog, nagsumamo ako kay Jehova na sana’y bumalik sa amin ang tatay ko.”

Lungkot na lungkot si Jeremy, kaya nagbasa siya ng Bibliya. Naantig siya nang husto nang mabasa niya ang Awit 10:14. Ganito ang sinasabi ng talatang iyon tungkol kay Jehova: “Sa iyo ipinagkakatiwala ng isang sawi, ng batang lalaking walang ama, ang kaniyang sarili. Ikaw naman ang naging kaniyang katulong.” Sinabi ni Jeremy: “Parang kinakausap ako ni Jehova at sinasabi sa akin na siya ang aking katulong; siya ang aking Ama. Para sa akin, walang nang amang hihigit pa sa kaniya.”

PAREHO man kayo ng situwasyon ni Jeremy o hindi, ipinakikita ng Bibliya na gusto kang maging kaibigan ni Jehova. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Isip-isipin kung ano ang kahulugan ng mga pananalitang iyan: Kahit na hindi mo siya nakikita​—at di-hamak na mas nakahihigit siya sa iyo sa lahat ng bagay​—inaanyayahan ka ng Diyos na Jehova na maging kaibigan niya!

Pero para maging kaibigan mo ang Diyos, kailangan mong magsikap. Bilang halimbawa: Kapag may halaman ka sa bahay, alam mong hindi ito lálaki nang mag-isa. Para lumago ito, kailangan mo itong palaging diligin at ilagay sa lugar na makakatulong sa paglaki nito. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Ano ang puwede mong gawin para lumago ang gayong pagkakaibigan?

Kahalagahan ng Pag-aaral ng Bibliya

Sa pagkakaibigan, kailangan ang komunikasyon​—pakikinig at pagsasalita. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Nakikinig tayo sa sinasabi ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.​—Awit 1:2, 3.

Totoo, baka hindi ka naman mahilig mag-aral. Mas gusto pa nga ng maraming kabataan na manood na lamang ng TV, maglaro, o makasama ang kanilang mga kaibigan. Pero kung gusto mong maging kaibigan ang Diyos, kailangan mong magsikap. Kailangan mong makinig sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita.

Ngunit wala kang dapat ipag-alala. Hindi naman kailangang maging pabigat ang pag-aaral ng Bibliya. Makakahiligan mo rin ito​—kahit na sinasabi mong hindi ka palaaral. Ang unang-unang kailangan mong gawin ay maglaan ng panahon para sa pag-aaral ng Bibliya. “May iskedyul ako,” ang sabi ng dalagitang si Lais. “Pagkagising ko tuwing umaga, nagbabasa ako ng isang kabanata sa Bibliya.” Iba naman ang iskedyul ng 15-anyos na si Maria. “Nagbabasa ako ng ilang bahagi ng Bibliya bago ako matulog sa gabi,” ang sabi niya.

Para magkaroon ka ng personal na pag-aaral ng Bibliya, basahin mo ang  kahon sa pahina 292. Pagkatapos, isulat sa ibaba kung kailan ka makapaglalaan ng kahit 30 minuto o higit pa para sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.

․․․․․

Ang pag-iiskedyul ay pasimula lamang. Pero kapag talagang nag-aaral ka na, baka makita mong hindi laging madaling basahin ang Bibliya. Maaaring sumang-ayon ka sa 11-anyos na si Jezreel, na umamin, “Mahirap intindihin ang ilang bahagi ng Bibliya at medyo nakakaantok basahin.” Kung ganiyan ang nadarama mo, huwag kang susuko. Tuwing mag-aaral ka ng Bibliya, ituring mong pagkakataon ito para makinig sa Diyos na Jehova, ang iyong kaibigan. Habang nagsisikap kang mag-aral ng Bibliya, nagiging kasiya-siya at kapaki-pakinabang ito!

Napakahalaga ng Panalangin

Sa panalangin, tayo naman ang nagsasalita at ang Diyos ang nakikinig. Isip-isipin na lamang kung gaano kagandang regalo ang panalangin! Puwede kang tumawag sa Diyos na Jehova kahit anong oras, araw man o gabi. Palagi siyang handang makinig. Hindi lang iyan, gusto rin niyang marinig kung ano ang sasabihin mo. Iyan ang dahilan kung kaya sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”​—Filipos 4:6.

Gaya ng ipinakikita ng tekstong iyan, marami kang puwedeng sabihin kay Jehova. Kasama na diyan ang iyong mga problema at mga álalahanín. Puwede mo ring isama ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Tutal, hindi ba’t pinasasalamatan mo ang iyong mga kaibigan dahil sa mabubuting bagay na ginawa nila para sa iyo? Puwede mo ring gawin iyan kay Jehova, na di-hamak na mas maraming nagawang mabubuting bagay para sa iyo.​—Awit 106:1.

Ilista ang ilang bagay na gusto mong ipagpasalamat kay Jehova.

․․․․․

Tiyak na may mga pangamba at álalahanín ka rin kung minsan na nagpapabigat sa kalooban mo. Sinasabi ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”

Ilista ang anumang bagay na ikinababahala mo na gusto mong ipanalangin.

․․․․․

Personal na Karanasan

May isa pang bagay hinggil sa iyong pakikipagkaibigan sa Diyos na hindi mo dapat bale-walain. Sumulat ang salmistang si David: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Nang kathain ni David ang ika-34 na Awit, katatapos lang niyang pagdaanan ang isang nakakatakot na karanasan. Tumatakas siya noon kay Haring Saul na gustong pumatay sa kaniya. Ang masaklap pa nito, kinailangan niyang magtago doon mismo sa lugar ng kaniyang mga kaaway na Filisteo! Yamang tiyak na mapapatay siya, gumawa ng paraan si David. Nagpanggap siyang isang baliw kung kaya nakatakas siya.​—1 Samuel 21:10-15.

Sinabi ni David na nakaligtas siya sa bingit ng kamatayan hindi dahil sa sarili niyang galíng, kundi sa tulong ni Jehova. Ganito ang sinabi niya: “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako.” (Awit 34:4) Dahil sa karanasang ito ni David kaya hinimok niya ang iba na ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’ *

May naaalaala ka bang karanasan mo na nagpapakitang nagmamalasakit sa iyo si Jehova? Kung mayroon, isulat mo sa ibaba ang tungkol dito. Pansinin: Hindi naman ito kailangang maging madrama. Isipin ang simpleng mga pagpapala sa araw-araw, na ang ilan ay baka hindi mo lamang napapansin.

․․․․․

Baka mga magulang mo ang nagturo sa iyo ng Bibliya. Kung oo, pagpapala iyan. Gayunman, kailangan mong magkaroon ng personal na pakikipagkaibigan sa Diyos. Kung hindi mo pa iyan nagagawa, puwede mong ikapit ang mga punto sa kabanatang ito para makapagsimula ka. Pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong.”​—Mateo 7:7.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 38 AT 39

SA SUSUNOD NA KABANATA

Nahihirapan ka bang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Diyos? Alamin kung paano mo maipagtatanggol ang iyong mga paniniwala.

[Talababa]

^ par. 24 Sa ilang bersiyon ng Bibliya, ang pananalitang ‘tikman at tingnan’ ay isinaling “subukin ninyo at tikman,” “tuklasin mo,” at “sa karanasan malalaman mo.”​—Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino, Contemporary English Version, at The Bible in Basic English.

TEMANG TEKSTO

“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—Mateo 5:3.

TIP

Magbasa ka lamang ng limang pahina ng Bibliya bawat araw, matatapos mo itong basahin sa loob ng humigit-kumulang isang taon.

ALAM MO BA . . . ?

Ang pagbabasa mo ng aklat na ito at ang pagsunod mo sa payo nito mula sa Bibliya ay nagpapakitang interesado sa iyo si Jehova.​—Juan 6:44.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para higit akong makinabang sa personal na pag-aaral ng Bibliya, ang gagawin ko ay ․․․․․

Para lalo akong maging regular sa pananalangin, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Ano ang puwede mong gawin para maging higit na kapana-panabik ang pag-aaral ng Bibliya?

● Bakit gustong marinig ni Jehova ang panalangin ng di-sakdal na mga tao?

● Paano mo mapasusulong ang kalidad ng iyong mga panalangin?

[Blurb sa pahina 291]

“Noong bata ako, paulit-ulit lang ang mga panalangin ko. Pero ngayon, sinisikap kong idalangin ang mabubuti at masasamang bagay na nangyayari sa bawat araw. Iba-iba naman ang nangyayari araw-araw, kaya naiiwasan kong ulit-ulitin na lamang ang mga sinasabi ko.”​—Eve

[Kahon/Larawan sa pahina 292]

 Suriin ang Iyong Bibliya

1. Pumili ng isang kuwento sa Bibliya na gusto mong basahin. Manalangin sa Diyos na bigyan ka ng karunungan para maintindihan ito.

2. Basahing mabuti ang kuwento. Huwag kang magmadali. Habang nagbabasa, isipin mo ang eksena. Ipagpalagay mong naroroon ka. Tingnan mo kung ano ang ginagawa ng mga tauhan, pakinggan ang kanilang pag-uusap, langhapin ang hangin, tikman ang pagkain, at iba pa.

3. Pag-isipan ang binasa mo. Itanong sa iyong sarili ang sumusunod:

● Bakit ipinasulat ni Jehova sa kaniyang Salita ang kuwentong ito?

● Sinu-sinong tauhan ang karapat-dapat tularan, at sinu-sino naman ang hindi dapat tularan?

● Anu-anong praktikal na aral ang matututuhan ko sa binasa ko?

● Ano ang itinuturo sa akin ng kuwentong ito tungkol kay Jehova at kung paano niya hinaharap ang mga situwasyon?

4. Manalangin nang maikli kay Jehova. Sabihin mo sa kaniya kung ano ang natutuhan mo sa pag-aaral ng Bibliya at kung paano mo ito pinaplanong ikapit sa iyong buhay. Laging pasalamatan si Jehova sa regalong ibinigay niya sa iyo​—ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya!

[Larawan]

“Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”​—Awit 119:105.

[Kahon/Larawan sa pahina 294]

Unahin Kung Ano ang Importante

Masyado ka bang abala kaya wala kang panahong manalangin o mag-aral ng Bibliya? Kadalasan nang nakadepende ito sa kung ano ang gusto mong unahin sa iyong buhay.

Subukan ang eksperimentong ito: Kumuha ka ng timba, at lagyan mo ito ng ilang malalaking bato. Pagkatapos, punuin mo ito ng buhangin. Mayroon ka na ngayong isang timba na punô ng bato at buhangin.

Ngayon, ibuhos mo ang laman ng timba, pero itabi mo ang ginamit mong buhangin at mga bato dahil ito rin ang gagamitin mo. Baligtarin mo naman ang proseso: Punuin mo muna ng buhangin ang timba, at saka mo subukang ilagay ang mga bato. Hindi na kasya? Kasi, sa pagkakataong ito, inuna mong ilagay sa timba ang buhangin.

Ano ang punto? Sinasabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Kung uunahin mo sa buhay ang maliliit na bagay gaya ng paglilibang, parang wala nang lugar sa buhay mo ang malalaking bagay​—ang mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa Diyos. Pero kung susundin mo ang payo ng Bibliya, makikita mong may lugar sa iyong buhay kapuwa ang paglilingkod sa Diyos at ang paglilibang. Depende lang iyan sa kung ano ang una mong ilalagay sa iyong “timba”!

[Larawan sa pahina 290]

Kung paanong kailangang alagaan ang isang halaman para lumago ito, gayon din ang pakikipagkaibigan sa Diyos