Paano Kung Naiinis Ako sa Hitsura Ko?
KABANATA 7
Paano Kung Naiinis Ako sa Hitsura Ko?
Madalas ka bang mainis sa hitsura mo?
□ Oo □ Hindi
Naisip mo na bang magparetoke o magdiyeta nang husto para gumanda ang hitsura mo?
□ Oo □ Hindi
Kung magagawa mo lamang, ano ang gusto mong baguhin sa hitsura mo? (Bilugan ang sagot.)
Taas
Timbang
Hubog ng katawan
Buhok
Kutis
Ilong
KUNG oo ang sagot mo sa unang dalawang tanong, at tatlo o higit pa ang gusto mong baguhin sa iyong hitsura, hindi kaya masyado ka lang nagiging negatibo? Malamang na hindi naman ganiyan ang tingin sa iyo ng iba. Napakadaling maging di-timbang at labis na mabahala sa hitsura. Sa katunayan, ipinakikita ng isang surbey na kadalasang mas kinatatakutan pa ng mga babae ang pagtaba kaysa sa digmaang nuklear, kanser, o pagkamatay ng kanilang mga magulang!
Walang-alinlangang may epekto ang iyong hitsura sa kumpiyansa mo sa iyong sarili—at sa pakikitungo ng iba sa iyo. “Noong bata kami, ang gaganda ng dalawang ate ko, samantalang ako, ang taba,” ang sabi ng 19-anyos na si Maritza. “Palagi akong tinutukso sa paaralan. At hindi lang iyan, ’yung tiyahin ko, tinawag pa akong Chubs [Tabatsingtsing sa Tagalog], na siyang pangalan ng kaniyang punggok at pagkataba-tabang aso!” Ganiyan din ang naging karanasan ng 16-anyos na si Julie. “Isang batang babae ang nanunukso sa akin sa paaralan. Sabi niya, ang mga ngipin ko raw ay parang sa kuneho. Wala naman sa akin ’yon, pero siyempre nakakahiya pa rin. Hanggang ngayon nga, naaasiwa pa rin ako sa mga ngipin ko!”
Pagkabahala o Obsesyon?
Hindi naman masamang mabahala ka sa iyong hitsura. Sa katunayan, pinupuri ng Bibliya ang pisikal na anyo ng ilang babae at lalaki, gaya nina Sara, Raquel, 1 Hari 1:4.
Jose, David, at Abigail. Sinasabi pa nga ng Bibliya na ang babaing si Abisag ay “sukdulan sa ganda.”—Pero nagiging obsesyon na ng maraming kabataan ang kanilang hitsura. Halimbawa, naniniwala ang ilang kababaihan na kung hindi ka payat, hindi ka maganda. Ang paniniwalang ito ay ginagatungan pa ng mapang-akit na larawan ng pagkapapayat na mga modelo sa mga magasin. Bagaman ang totoo ay niretoke o pinaganda lamang ng computer ang gayong mga larawan at halos hindi na kumakain ang mga modelong iyon para lamang mapanatili nila ang kanilang katawan, ang pagkukumpara ng iyong sarili sa nakikita mo sa mga magasin ay baka makasira pa rin ng iyong loob. Pero paano nga kung hindi mo talaga gusto ang iyong hitsura? Una, kailangan mong maging makatotohanan tungkol sa iyong sarili.
Ano ang Tingin Mo sa Iyong Hitsura?
Nasubukan mo na bang manalamin sa isang salaming may daya? Maaari kang magmukhang mas malaki o mas maliit. Alinman sa dalawa, hindi iyon ang tunay mong hitsura.
Marami sa mga kabataan ngayon ang waring nakatingin din sa isang salaming may daya. Dismayado sila sa nakikita nilang
hitsura nila sa salamin. Pansinin ito: Sa isang pag-aaral, 58 porsiyento ng mga babae ang nagsabing sobra ang timbang nila, gayong 17 porsiyento lamang sa kanila ang talagang sobra sa timbang. Sa isa pang pag-aaral, 45 porsiyento ng mga babaing kulang sa timbang ang nagsabing napakataba nila!Sinasabi ng ilang mananaliksik na karamihan sa mga babaing nababahala sa kanilang timbang ay wala naman talagang dahilan para mabahala. Pero baka isipin mo na iba namang usapan kung likas na bilugán ang iyong katawan. Ano kaya ang dahilan?
Siguro ay nasa lahi ninyo iyon. May mga taong likas na payat. Pero kung nasa lahi ninyo ang pagiging bilugán at tabain, hindi ka talaga gaanong papayat. Kahit tamang-tama lamang ang timbang mo, malamang na magmukha ka pa ring mas mataba kaysa sa gusto mo. Maaaring makatulong ang ehersisyo at pagdidiyeta, pero hindi pa rin nito gaanong mababago ang namana mong hubog ng katawan.
Ang isa pang dahilan marahil ay ang mga pagbabagong kaakibat ng pagbibinata o pagdadalaga. Kapag nagdadalaga ang isa, ang dating 8 porsiyento ng taba sa katawan ay nagiging mga 22 porsiyento. Kadalasan namang nagbabago rin iyon sa paglipas ng panahon, at ang bilugáng batang babae, na 11 o 12 taóng gulang, ay maaaring magkaroon ng magandang hubog ng katawan kapag nagdalaga na. Pero paano kung ang iyong katawan ay resulta ng di-wastong pagkain o hindi pag-eehersisyo? Paano kung kailangan mo talagang magpapayat para bumuti ang kalusugan mo?
Maging Timbang
Pinupuri ng Bibliya ang isa na “katamtaman ang pag-uugali.” (1 Timoteo 3:11) Kaya iwasan ang pagpapalipas ng gutom o pagdidiyeta nang sobra-sobra. Marahil, ang pinakamabisang paraan para magbawas ng timbang ay ang wastong pagkain at katamtamang ehersisyo.
Hindi mo kailangang subukan ang nauusong pagdidiyeta. Halimbawa, maaari ngang mabawasan ang gana mo dahil sa mga tabletang pampapayat; pero sa kalaunan ay hindi na ito papansinin ng iyong katawan at babalik din ang gana mo. O babagal ang iyong metabolismo, at tataba ka na namang muli—bukod pa sa masasamang epekto na nararanasan ng ilan gaya ng pagkahilo, pagtaas ng presyon ng dugo, pagsumpong ng nerbiyos, at marahil, pagkasugapa pa nga sa mga tabletang ito. Ganiyan din ang epekto ng mga tabletang pampaihi o pampabilis ng metabolismo.
Sa kabaligtaran, ang wastong pagkain at katamtaman pero regular na ehersisyo ay hindi lamang nakapagpapaganda ng hitsura kundi nakapagpapasigla pa ng katawan. Ang katamtamang aerobics ilang beses sa isang linggo ay mabuti rin sa kalusugan. Maaari ding makatulong ang mabilis na paglalakad o ang pag-akyat ng hagdan.
Mag-ingat, Baka Maging Anorexic Ka!
Sa kagustuhang pumayat, maraming kabataan ang nagiging biktima ng anorexia—isang nakamamatay na sakit na nauugnay sa pagkain, at katumbas ng labis na pagpapakagutom. Ganito ang sabi ni Masami na mga apat na buwan nang nagpapagamot dahil sa anorexia: “Kapag sinasabi ng mga tao na, ‘Ang ganda ng katawan mo ngayon,’ ang sabi ko naman sa sarili ko, ‘Siguro tumataba na ako.’ Kapag ganoon, umiiyak ako. Sa loob-loob ko, ‘Sana pumayat uli ako at bumalik sa dati kong timbang—ang timbang ko apat na buwan na ang nakalilipas!’”
Posibleng magkaroon ng anorexia ang isa nang hindi niya namamalayan. Maaaring sa simula, nagdidiyeta lamang ang isang kabataan—marahil, para lamang magbawas nang ilang kilo. Pero kahit nabawasan na ang timbang niya, hindi pa rin siya makokontento. “Ang taba-taba ko pa rin!” ang sasabihin niya habang umiiling-iling sa harap ng salamin. Kaya nagpasiya siyang magbawas ng ilan pang kilo. Saka ng ilan pa. At ilan pa, hanggang sa maging anorexic na siya.
Kung may sintomas ka ng anorexia o anumang sakit na nauugnay sa pagkain, kailangan mo ng tulong. Ipagtapat iyon sa iyong magulang o sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Binabanggit ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17.
Ano ang Tunay na Kagandahan?
Hindi masyadong idiniriin sa buong Bibliya ang pisikal na hitsura o hubog ng katawan. Sa halip, ipinakikita nito na ang tinitingnan ng Diyos ay ang pagkatao ng isa, hindi ang kaniyang pisikal na hitsura.—Kawikaan 11:20, 22.
2 Samuel 14:25) Pero taksil ang kabataang ito. Dahil sa kaniyang kayabangan at ambisyon, gusto niyang agawin ang trono ng haring pinahiran ni Jehova. Kaya negatibo ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Absalom. Inilalarawan siya nito bilang isang taong walang kahihiyan, di-tapat, at nababalot ng matinding poot.
Pansinin ang anak ni Haring David na si Absalom. Sinasabi ng Bibliya: “Walang lalaki na gayon kaganda sa buong Israel anupat pinupuri nang gayon na lamang. Mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo ay walang kapintasan sa kaniya.” (Ano ang matututuhan natin dito? “Sinusukat ni Jehova ang mga puso”—hindi ang baywang ng babae o ang braso ng lalaki. (Kawikaan 21:2) Bagaman wala namang masama kung gusto mong maging maganda, mas mahalaga pa rin ang pagkatao mo kaysa sa iyong hitsura. Ang totoo, magiging maganda ka sa paningin ng iba, hindi dahil sa iyong maliit na baywang o maskuladong katawan kundi dahil sa iyong espirituwal na mga katangian!
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 10
Maraming kabataan ang pinahihirapan ng nagtatagal na sakit o kapansanan. Kung iyan ang nararanasan mo, paano mo mahaharap ang iyong situwasyon?
TEMANG TEKSTO
“Ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
TIP
Kung nagpapapayat ka . . .
● Mag-almusal. Kung hindi, magugutom ka at mapaparami lang ang makakain mo.
● Uminom ng isang malaking baso ng tubig bago kumain. Tutulong ito na mabawasan ang iyong gana, kaya kaunti lang ang makakain mo.
ALAM MO BA . . . ?
Nagbababala ang ilang eksperto na kung gugutumin mo ang iyong sarili para pumayat ka, gagawa ng sariling paraan ang katawan mo. Pababagalin nito ang iyong metabolismo, babawiin ang nawala mong taba, at muling bibigat ang iyong timbang!
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para maingatan ko ang aking kalusugan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang angkop na mga ehersisyong para sa akin ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Ano ang masasabi mo sa iyong hitsura?
● Anu-anong makatuwirang hakbang ang magagawa mo para mapaganda ang iyong hitsura?
● Ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan na may sakit na nauugnay sa pagkain?
● Paano mo tutulungan ang iyong nakababatang kapatid na magkaroon ng timbang na pangmalas sa kaniyang hitsura?
[Blurb sa pahina 69]
“Lagi akong tinutukso noon dahil ang laki raw ng mga mata ko. Pero natuto akong tawanan na lamang ito, at magtiwala sa aking sarili at sa aking mga kakayahan. Natutuhan ko ring tanggapin ang aking hitsura at kung sino ako.”—Amber
[Larawan sa pahina 68]
Ang tingin mo sa iyong sarili ay maaaring gaya ng alun-along repleksiyon sa salamin