Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 19

Manatili sa Pag-ibig ng Diyos

Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos?

  • Paano tayo makapananatili sa pag-ibig ng Diyos?

  • Paano gagantimpalaan ni Jehova ang mga nananatili sa kaniyang pag-ibig?

Gagawin mo bang kanlungan si Jehova sa mabagyong mga panahong ito?

1, 2. Saan tayo makasusumpong ng ligtas na kanlungan sa ngayon?

GUNIGUNIHIN ang iyong sarili na naglalakad sa daan sa isang araw na mabagyo. Lalong dumilim ang kalangitan. Nagsimulang kumidlat, dumagundong ang kulog, at pagkatapos ay bumuhos ang ulan. Dali-dali kang naghanap ng kanlungan. Doon sa tabi ng daan, nakakita ka ng masisilungan. Ito ay matibay, tuyo, at kaayaaya. Kaylaki nga ng pasasalamat mo sa ligtas na dakong iyon!

2 Nabubuhay tayo sa mabagyong panahon. Ang mga kalagayan sa daigdig ay palubha nang palubha. Ngunit may isang ligtas na dako, isang kanlungan kung saan maiingatan tayo mula sa permanenteng pinsala. Ano ito? Pansinin ang itinuturo ng Bibliya: “Sasabihin ko kay Jehova: ‘Ikaw ang aking kanlungan at aking moog, ang aking Diyos, na pagtitiwalaan ko.’ ”​—Awit 91:2.

3. Paano natin magiging kanlungan si Jehova?

3 Gunigunihin iyan! Si Jehova, ang Maylalang at Soberano ng uniberso, ay maaari nating maging nagsasanggalang na kanlungan. Maiingatan niya tayong ligtas, sapagkat di-hamak na mas makapangyarihan siya kaysa sa sinuman o anuman na maaaring puminsala sa atin. Kahit na mapinsala tayo, kayang pawiin ni Jehova ang lahat ng masasamang epekto nito. Paano natin magiging kanlungan si Jehova? Kailangan tayong magtiwala sa kaniya. Karagdagan pa, hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.” (Judas 21) Oo, kailangan nating manatili sa pag-ibig ng Diyos, anupat pinananatili ang isang maibiging buklod sa ating makalangit na Ama. Sa gayon, makatitiyak tayo na siya ang ating kanlungan. Ngunit paano tayo magkakaroon ng gayong buklod?

PAGKILALA AT PAGTUGON SA PAG-IBIG NG DIYOS

4, 5. Ano ang ilan sa mga paraan na ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin?

4 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, kailangang mabatid natin kung paano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa atin. Pag-isipan ang ilan sa mga turo sa Bibliya na natutuhan mo sa tulong ng aklat na ito. Bilang Maylalang, ibinigay ni Jehova sa atin ang lupa bilang kalugud-lugod na tahanan natin. Pinunô niya ito ng saganang pagkain at tubig, likas na yaman, kawili-wiling buhay-hayop, at magandang tanawin. Bilang Awtor ng Bibliya, isiniwalat sa atin ng Diyos ang kaniyang pangalan at ang kaniyang mga katangian. Bukod diyan, isinisiwalat ng kaniyang Salita na isinugo niya rito sa lupa ang kaniya mismong minamahal na Anak, anupat pinahintulutang magdusa at mamatay si Jesus alang-alang sa atin. (Juan 3:16) At ano ang kahulugan para sa atin ng regalong iyan? Nagbibigay ito sa atin ng pag-asa na matamo ang isang kamangha-manghang kinabukasan.

5 Ang ating pag-asa sa hinaharap ay nakasalalay rin sa isa pang bagay na ginawa ng Diyos. Nagtatag si Jehova ng isang makalangit na pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian. Malapit na nitong wakasan ang lahat ng pagdurusa at gawing paraiso ang lupa. Isip-isipin iyan! Mabubuhay tayo roon sa kapayapaan at kaligayahan magpakailanman. (Awit 37:29) Samantala, binibigyan tayo ng Diyos ng patnubay kung paano tayo mamumuhay sa ngayon sa pinakamainam na paraang posible. Ibinigay rin niya sa atin ang kaloob na panalangin, isang bukás na linya ng pakikipagtalastasan sa kaniya. Ilan lamang ito sa mga paraan na ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig para sa sangkatauhan sa pangkalahatan at sa iyo bilang indibiduwal.

6. Paano ka maaaring tumugon sa pag-ibig na ipinakikita ni Jehova sa iyo?

6 Ang napakahalagang tanong na dapat mong isaalang-alang ay ito: Paano ako tutugon sa pag-ibig ni Jehova? Marami ang magsasabi, “Buweno, dapat lamang na ibigin ko rin si Jehova.” Ganiyan ba ang nadarama mo? Sinabi ni Jesus na ang pinakadakila sa lahat ng utos ay ito: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Tiyak na marami kang dahilan para ibigin ang Diyos na Jehova. Ngunit ang pagkadama ba na may gayon kang pag-ibig ang tanging nasasangkot sa pag-ibig kay Jehova nang iyong buong puso, kaluluwa, at pag-iisip?

7. May higit pa bang nasasangkot sa pag-ibig sa Diyos bukod sa pagkadama nito? Ipaliwanag.

7 Gaya ng inilalarawan sa Bibliya, ang pag-ibig sa Diyos ay higit pa kaysa sa damdamin. Sa katunayan, bagaman napakahalaga ng pagkadama ng pag-ibig kay Jehova, ang damdaming iyan ay pasimula lamang ng tunay na pag-ibig sa kaniya. Napakahalaga ng buto ng mansanas upang magkaroon ng namumungang puno ng mansanas. Gayunman, kung gusto mo ng mansanas, masisiyahan ka ba kung ang ibibigay lamang sa iyo ay buto ng mansanas? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, ang pagkadama ng pag-ibig sa Diyos na Jehova ay pasimula lamang. Ganito ang itinuturo ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Upang maging totoo ang pag-ibig sa Diyos, dapat itong magluwal ng mainam na bunga. Dapat itong ipakita sa gawa.​—Mateo 7:16-20.

8, 9. Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa Diyos?

8 Ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos at ikinakapit ang kaniyang mga simulain. Hindi naman napakahirap gawin ito. Sa halip na makapagpabigat, ang mga kautusan ni Jehova ay dinisenyo upang tulungan tayong magkaroon ng maganda, maligaya, at kasiya-siyang buhay. (Isaias 48:17, 18) Sa pamumuhay alinsunod sa patnubay ni Jehova, ipinakikita natin sa ating makalangit na Ama na talagang pinahahalagahan natin ang lahat ng ginagawa niya para sa atin. Nakalulungkot, iilan lamang sa daigdig sa ngayon ang nagpapakita ng gayong pagpapahalaga. Ayaw nating maging di-mapagpahalaga, gaya ng ilang taong nabuhay noong narito pa sa lupa si Jesus. Pinagaling ni Jesus ang sampung ketongin, ngunit isa lamang ang bumalik upang pasalamatan siya. (Lucas 17:12-17) Tiyak na nais nating maging gaya ng isa na nagpasalamat at hindi gaya ng siyam na walang utang na loob!

9 Kung gayon, anong mga utos ni Jehova ang kailangan nating sundin? Marami sa mga utos na ito ang natalakay na natin sa aklat na ito, pero repasuhin natin ang ilan. Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay tutulong sa atin na manatili sa pag-ibig ng Diyos.

MAGING LALONG MALAPÍT KAY JEHOVA

10. Ipaliwanag kung bakit mahalaga na patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova.

10 Ang pagkatuto tungkol kay Jehova ay isang napakahalagang hakbang upang maging malapít sa kaniya. Ito ay dapat maging isang patuluyang proseso. Kung nasa labas ka sa isang napakalamig na gabi at nagpapainit ka sa harap ng apoy, hahayaan mo bang unti-unting humina ang apoy hanggang sa mamatay ito? Hindi. Patuloy kang maglalagay ng panggatong upang manatiling maningas at mainit ang apoy. Maaaring nakasalalay rito ang mismong buhay mo! Kung paanong nagsisilbing panggatong ang kahoy sa apoy, “ang mismong kaalaman sa Diyos” naman ang nagpapaningas ng ating pag-ibig kay Jehova.​—Kawikaan 2:1-5.

Tulad ng apoy, ang iyong pag-ibig kay Jehova ay nangangailangan ng panggatong upang manatili itong nagniningas

11. Ano ang naging epekto ng pagtuturo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

11 Nais ni Jesus na mapanatiling buháy at maningas ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa Kaniyang mahalagang Salita ng katotohanan. Nang siya’y buhaying muli, itinuro ni Jesus sa dalawa sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa ilan sa mga hula sa Hebreong Kasulatan na natupad sa kaniya. Ano ang naging epekto nito? Sinabi nila sa dakong huli: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?”​—Lucas 24:32.

12, 13. (a) Ano ang nangyayari sa pag-ibig sa Diyos at sa Bibliya ng karamihan sa mga tao sa ngayon? (b) Paano natin maiiwasang lumamig ang ating pag-ibig?

12 Nang una mong matutuhan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya, napansin mo ba na ang iyong puso ay nagsimulang magningas nang may kagalakan, sigasig, at pag-ibig sa Diyos? Tiyak na gayon nga. Ganiyan din ang nadama ng marami. Ang hamon ngayon ay ang mapanatiling buháy ang masidhing damdaming iyan at mapalago ito. Hindi natin gustong gayahin ang kalakaran ng sanlibutan sa ngayon. Inihula ni Jesus: “Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Paano mo maiiwasang lumamig ang iyong pag-ibig kay Jehova at sa mga katotohanan sa Bibliya?

13 Patuloy kang kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Bulay-bulayin, o pag-isipang mabuti, ang natututuhan mo mula sa Salita ng Diyos, anupat tinatanong ang iyong sarili: ‘Ano ba ang itinuturo nito sa akin tungkol sa Diyos na Jehova? Ano pang karagdagang dahilan ang ibinibigay nito sa akin upang siya ay ibigin ko nang buong puso, pag-iisip, at kaluluwa?’ (1 Timoteo 4:15) Sa pamamagitan ng gayong pagbubulay-bulay, mapananatili mong maningas ang iyong pag-ibig kay Jehova.

14. Paano makatutulong ang panalangin upang mapanatili nating buháy ang ating pag-ibig kay Jehova?

14 Ang isa pang paraan upang mapanatiling maningas ang iyong pag-ibig kay Jehova ay ang regular na pananalangin. (1 Tesalonica 5:17) Sa Kabanata 17 ng aklat na ito, natutuhan natin na ang panalangin ay isang mahalagang regalo mula sa Diyos. Kung paanong lumalago ang ugnayan ng mga tao dahil sa regular at bukás na pakikipagtalastasan, ang ating kaugnayan kay Jehova ay nananatiling mainit at buháy kapag regular tayong nananalangin sa kaniya. Napakahalaga na huwag nating hahayaan kailanman na maging mekanikal ang ating mga panalangin​—rutin na mga salita lamang na inuulit-ulit natin nang walang tunay na damdamin o kahulugan. Kailangang makipag-usap tayo kay Jehova gaya ng pakikipag-usap ng isang anak sa kaniyang minamahal na ama. Sabihin pa, nais nating maging magalang sa pakikipag-usap, ngunit bukás, tapat, at mula sa puso. (Awit 62:8) Oo, ang personal na pag-aaral ng Bibliya at marubdob na pananalangin ay napakahalagang mga aspekto ng ating pagsamba, at tinutulungan tayo ng mga ito na manatili sa pag-ibig ng Diyos.

MAKASUMPONG NG KAGALAKAN SA IYONG PAGSAMBA

15, 16. Bakit wasto nating maituturing ang pangangaral ng Kaharian bilang isang pribilehiyo at isang kayamanan?

15 Ang personal na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin ay mga gawa ng pagsamba na maaari nating gawin nang pribado. Subalit isaalang-alang natin ngayon ang isang aspekto ng pagsamba na isinasagawa natin nang hayagan: pakikipag-usap sa iba tungkol sa ating mga paniniwala. Ibinabahagi mo na ba sa iba ang ilang katotohanan sa Bibliya? Kung oo, tinatamasa mo na ang isang kamangha-manghang pribilehiyo. (Lucas 1:74) Kapag ibinabahagi natin ang mga katotohanang natututuhan natin tungkol sa Diyos na Jehova, isinasagawa natin ang isang napakahalagang atas na ibinigay sa lahat ng tunay na Kristiyano​—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

16 Itinuring ni apostol Pablo na mahalaga ang kaniyang ministeryo, anupat tinawag itong kayamanan. (2 Corinto 4:7) Ang pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin ang pinakamainam na gawaing maisasakatuparan mo. Paglilingkod ito sa pinakamahusay na Panginoon, at nagdudulot ito ng pinakamabubuting pakinabang na posible. Sa pakikibahagi sa gawaing ito, tinutulungan mo ang tapat-pusong mga tao na mapalapít sa ating makalangit na Ama at magsimulang tahakin ang daang patungo sa buhay na walang hanggan! May iba pa bang gawain na mas kasiya-siya kaysa rito? Karagdagan pa, ang pagpapatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Salita ay nagpapatibay ng iyong pananampalataya at nagpapasidhi ng iyong pag-ibig sa kaniya. At pinahahalagahan ni Jehova ang iyong mga pagsisikap. (Hebreo 6:10) Ang pananatiling abala sa gayong gawain ay tutulong sa iyo na manatili sa pag-ibig ng Diyos.​—1 Corinto 15:58.

17. Bakit apurahan sa ngayon ang ministeryong Kristiyano?

17 Mahalagang tandaan na ang pangangaral ng Kaharian ay apurahan. Sinasabi ng Bibliya: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito.” (2 Timoteo 4:2) Bakit napakaapurahan ang paggawa nito sa ngayon? Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zefanias 1:14) Oo, mabilis na dumarating ang oras upang wakasan ni Jehova ang buong sistemang ito ng mga bagay. Kailangang babalaan ang mga tao! Kailangan nilang malaman na ngayon na ang panahon para piliin nila si Jehova bilang kanilang Soberano. Ang wakas ay ‘hindi maaantala.’​—Habakuk 2:3.

18. Bakit natin dapat sambahin si Jehova nang hayagan kasama ng tunay na mga Kristiyano?

18 Nais ni Jehova na sambahin natin siya nang hayagan kasama ng tunay na mga Kristiyano. Kaya naman sinasabi ng kaniyang Salita: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Kapag nagtitipon tayo kasama ng mga kapananampalataya sa Kristiyanong mga pagpupulong, mayroon tayong magandang pagkakataon para purihin at sambahin ang ating minamahal na Diyos. Napatitibay at napasisigla rin natin ang isa’t isa.

19. Paano natin mapatitibay ang buklod ng pag-ibig sa loob ng kongregasyong Kristiyano?

19 Habang nakikisama tayo sa ibang mananamba ni Jehova, napatitibay natin ang buklod ng pag-ibig at pakikipagkaibigan sa loob ng kongregasyon. Mahalaga na hanapin natin ang magagandang katangian ng iba, kung paanong hinahanap ni Jehova ang magagandang katangian natin. Huwag umasa ng kasakdalan mula sa iyong mga kapananampalataya. Tandaan na ang lahat ay nasa iba’t ibang antas ng pagsulong sa espirituwal at na lahat tayo ay nagkakamali. (Colosas 3:13) Sikaping bumuo ng matalik na pakikipagkaibigan sa mga may masidhing pag-ibig kay Jehova, at makikita mong susulong ka sa espirituwal. Oo, ang pagsamba kay Jehova kasama ng iyong mga kapatid sa espirituwal ay tutulong sa iyo na manatili sa pag-ibig ng Diyos. Paano ginagantimpalaan ni Jehova yaong mga sumasamba sa kaniya nang buong katapatan at sa gayo’y nananatili sa kaniyang pag-ibig?

ABUTIN ANG “TUNAY NA BUHAY”

20, 21. Ano ba ang “tunay na buhay,” at bakit ito isang napakagandang pag-asa?

20 Gagantimpalaan ni Jehova ng buhay ang kaniyang tapat na mga lingkod, ngunit anong uri ng buhay? Buweno, nabubuhay ka ba talaga sa ngayon? Ang karamihan sa atin ay magsasabi na maliwanag naman ang sagot. Tutal, humihinga tayo, kumakain, at umiinom. Siguro naman ay talagang nabubuhay tayo. At sa ating mas maliligayang sandali, baka sinasabi pa nga natin, “Ito talaga ang masarap na buhay!” Gayunman, ipinahihiwatig ng Bibliya na sa mahalagang diwa, walang tao sa ngayon ang talagang nabubuhay.

Nais ni Jehova na tamasahin mo ang “tunay na buhay.” Gusto mo rin bang tamasahin ito?

21 Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na ‘manghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:19) Ipinakikita ng mga salitang iyon na ang “tunay na buhay” ay isang bagay na inaasahan nating matamo sa hinaharap. Oo, kapag naging sakdal na tayo, magiging buháy tayo sa ganap na diwa ng salita, sapagkat mabubuhay tayo gaya ng orihinal na nilayon ng Diyos para sa atin. Kapag nabubuhay na tayo sa paraisong lupa sa sakdal na kalusugan, kapayapaan, at kaligayahan, tatamasahin na rin natin sa wakas ang “tunay na buhay”​—buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 6:12) Hindi ba isang napakagandang pag-asa iyan?

22. Paano ka ‘makapanghahawakang mahigpit sa tunay na buhay’?

22 Paano tayo ‘makapanghahawakang mahigpit sa tunay na buhay’? Sa konteksto rin nito, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na “gumawa ng mabuti” at “maging mayaman sa maiinam na gawa.” (1 Timoteo 6:18) Kung gayon, maliwanag na malaki ang nakasalalay sa pagkakapit natin ng mga katotohanang ating natutuhan sa Bibliya. Ngunit ang ibig bang sabihin ni Pablo ay nararapat tayong tumanggap ng “tunay na buhay” dahil sa ating mabubuting gawa? Hindi, sapagkat ang gayong kamangha-manghang pag-asa ay nakasalalay talaga sa pagtanggap natin ng “di-sana-nararapat na kabaitan” ng Diyos. (Roma 5:15) Gayunman, nalulugod si Jehova na gantimpalaan ang mga naglilingkod sa kaniya nang buong katapatan. Nais niyang makitang tinatamasa mo ang “tunay na buhay.” Ang mga nananatili sa pag-ibig ng Diyos ay makaaasa ng gayong maligaya, mapayapa, at walang-hanggang buhay.

23. Bakit mahalaga na manatili sa pag-ibig ng Diyos?

23 Makabubuting tanungin ng bawat isa sa atin ang kaniyang sarili, ‘Sinasamba ko ba ang Diyos sa paraang itinakda niya sa Bibliya?’ Kung titiyakin natin sa araw-araw na ang sagot ay oo, kung gayon ay nasa tamang landas tayo. Makapagtitiwala tayo na si Jehova ang ating kanlungan. Iingatan niyang ligtas ang kaniyang tapat na bayan sa magulong mga huling araw ng matandang sistemang ito ng mga bagay. Ililigtas din tayo ni Jehova tungo sa maluwalhating bagong sistema ng mga bagay na kaylapit na. Tunay ngang nananabik tayong makita ang panahong iyan! At tunay ngang malulugod tayo na ginawa natin ang tamang mga pasiya sa mga huling araw na ito! Kung gagawin mo na ngayon ang gayong mga pagpapasiya, tatamasahin mo ang “tunay na buhay,” ang buhay na talagang nilayon ng Diyos na Jehova, magpakailanman!