KABANATA 9
Lumaki sa Nazaret
-
LUMAKI ANG PAMILYA NINA JOSE AT MARIA
-
NATUTONG MAGKARPINTERO SI JESUS
Lumaki si Jesus sa Nazaret, isang maliit at hindi prominenteng lunsod. Ito ay nasa maburol na lugar sa rehiyon ng Galilea, sa kanluran ng malaking lawa na tinatawag na Lawa ng Galilea.
Mga dalawang taóng gulang si Jesus nang dalhin siya rito nina Jose at Maria mula sa Ehipto. Lumilitaw na noong panahong ito, nag-iisang anak pa lang siya. Pero nang maglaon, nagkaroon din sina Jose at Maria ng mga anak na lalaki—sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. Nagkaroon din sila ng mga anak na babae. Kaya di-bababa sa anim ang naging kapatid sa ina ni Jesus.
Siyempre, may mga kamag-anak din si Jesus. Kilala na natin si Elisabet at ang anak niyang si Juan na nakatira sa Judea, malayo kina Jesus. Nakatira naman malapit kina Jesus sa Galilea si Salome, na lumilitaw na kapatid ni Maria, kaya tiyahin siya ni Jesus. Asawa ni Salome si Zebedeo. Kaya ang dalawa nilang anak, sina Santiago at Juan, ay mga pinsang buo ni Jesus. Hindi natin alam kung lumaking kasama ni Jesus ang mga batang ito, pero nang maglaon, sila ay naging malapít na kasama ni Jesus bilang kaniyang mga apostol.
Kinailangang magtrabahong mabuti ni Jose para buhayin ang kaniyang lumalaking pamilya. Isa siyang karpintero. Pinalaki ni Jose si Jesus na parang tunay niyang anak, kaya si Jesus ay tinawag na “anak ng karpintero.” (Mateo 13:55) Tinuruan ni Jose si Jesus na magkarpintero, at naging mahusay siya rito. Sa katunayan, nang maglaon ay sinabi ng mga tao tungkol kay Jesus: “Siya ang karpintero.”—Marcos 6:3.
Ang buhay ng pamilya ni Jose ay nakasentro sa pagsamba kay Jehova. Bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, tinuturuan nina Jose at Maria ang kanilang mga anak ng espirituwal na mga bagay ‘kapag nakaupo sila sa bahay at kapag naglalakad sa daan at kapag nakahiga at kapag bumabangon.’ (Deuteronomio 6:6-9) May sinagoga sa Nazaret. Siguradong dinadala roon ni Jose ang kaniyang pamilya para sumamba. Nang maglaon, binanggit pa nga na si Jesus ay nagpunta sa sinagoga “gaya ng nakagawian niya tuwing araw ng Sabbath.” (Lucas 4:16) Masayang-masaya rin ang pamilya sa tuwing maglalakbay sila papunta sa templo ni Jehova sa Jerusalem.