Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 24

Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?

Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?

Nepal

Togo

Britain

Ang aming organisasyon ay naglalathala at namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya at iba pang publikasyon taon-taon nang walang bayad. Nagtatayo kami at nagmamantini ng mga Kingdom Hall at tanggapang pansangay. Sinusuportahan namin ang libo-libong Bethelite at misyonero, at tumutulong kami kapag may sakuna. Kaya baka maitanong mo, ‘Saan nagmumula ang pondo ninyo?’

Hindi kami nangongolekta, nagpapabayad, o nanghihingi ng ikapu. Kahit malaki ang nagagastos para sa aming gawaing pag-eebanghelyo, hindi kami nanghihingi ng pera. Mahigit sandaang taon na ang nakalilipas, sinabi ng ikalawang isyu ng magasing Watchtower na naniniwala kami na si Jehova ang sumusuporta sa amin at “hindi [kami] kailanman mamamalimos ni manghihingi ng tulong sa mga tao”—at hindi nga namin iyon ginawa!—Mateo 10:8.

Ang mga gawain namin ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon. Maraming tao ang nagpapahalaga sa aming gawaing pagtuturo na salig sa Bibliya, at nagbibigay sila ng donasyon para dito. Ang mga Saksi mismo ay masayang nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, pera, at iba pang tinatangkilik para sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa buong lupa. (1 Cronica 29:9) Sa Kingdom Hall at sa aming mga asamblea at kombensiyon, may mga kahon ng kontribusyon para sa mga gustong magbigay ng donasyon. Puwede rin itong gawin sa pamamagitan ng aming website na jw.org®. Karaniwan na, ang donasyon ay nagmumula sa mga taong hindi naman mayaman, gaya ng mahirap na biyuda na pinuri ni Jesus kahit naghulog lang ito ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman ng templo. (Lucas 21:1-4) Kaya ang sinuman ay maaaring regular na “magbukod” para magbigay “nang mula sa puso.”—1 Corinto 16:2; 2 Corinto 9:7.

Kumbinsido kami na patuloy na pakikilusin ni Jehova ang puso ng mga gustong ‘parangalan siya sa pamamagitan ng mahahalagang pag-aari nila’ bilang pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian para matupad ang kalooban niya.—Kawikaan 3:9.

  • Ano ang pagkakaiba ng aming organisasyon at ng ibang relihiyon?

  • Saan ginagamit ang kusang-loob na mga donasyon?