SEKSIYON 4
Kung Paano Magbabadyet ng Pera
“Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.”—Kawikaan 13:10
Kailangan natin ng pera para mapaglaanan ang ating pamilya. (Kawikaan 30:8) Tutal, “ang salapi ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Baka mahirap para sa inyong mag-asawa na pag-usapan ang tungkol sa pera. Pero huwag hayaang maging problema ito sa inyong pagsasama. (Efeso 4:32) Dapat kayong magtiwala sa isa’t isa at magkasamang magdesisyon kung paano magbabadyet.
1 MAGPLANONG MABUTI
ANG SABI NG BIBLIYA: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Napakahalagang planuhing magkasama kung paano gagamitin ang inyong pera. (Amos 3:3) Alamin kung ano ang kailangang bilhin at kung magkano lang ang inyong badyet. (Kawikaan 31:16) Hindi komo may pambili ka ay bibili ka na. Iwasang mangutang. Gumastos lang ayon sa pera mo.—Kawikaan 21:5; 22:7.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
-
Kung may sobrang pera sa katapusan ng buwan, pag-usapan kung ano ang gagawin ninyo rito
-
Kung kapusin naman kayo, planuhin kung paano babawasan ang inyong gastusin. Halimbawa, magluto na lang imbes na kumain sa labas
2 MAGING TAPAT AT MAKATOTOHANAN
ANG SABI NG BIBLIYA: “Gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Sabihin sa iyong asawa ang totoo mong kita at gastos.
Laging kumonsulta muna sa asawa bago gumawa ng malalaking desisyon tungkol sa pera. (Kawikaan 13:10) Kung gagawin ninyo ito, maiiwasan ang pagtatalo. Isipin na ang kita mo ay hindi mo lang pera, kundi pera ng pamilya.—1 Timoteo 5:8.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
-
Pagkasunduan ang halaga na puwedeng gastusin ng bawat isa nang hindi na nagpapaalam
-
Huwag hintaying magkaproblema bago pag-usapan ang tungkol sa pera