TANONG 3
Paano Ako Makikipag-usap sa mga Magulang Ko?
ANO ANG GAGAWIN MO?
Pag-isipan ang senaryong ito: Miyerkules ng gabi. Tapós na sa kaniyang mga gawain si Geoff, 17 anyos, at makapagrerelaks na rin siya sa wakas! Binuksan niya ang TV at sumalampak sa paborito niyang silya.
Sabay datíng ng daddy niya, at hindi nito nagustuhan ang nadatnan nito.
“Geoffrey! TV na naman! ’Di ba dapat, tinutulungan mo ang kapatid mo sa assignment niya? Kahit kailan ka talaga!”
“Eto na naman kami,” bulong ni Geoff, pero narinig ng daddy niya.
Lumapit ang daddy niya. “Ano’ng sabi mo?”
“Wala po,” sabay buntonghininga at simangot.
Lalong nagalit ang daddy niya. “Huwag kang umasta ng gan’yan!” ang sabi nito.
Kung ikaw si Geoff, paano mo maiiwasan ang ganitong sitwasyon?
MAG-ISIP MUNA!
Ang pakikipag-usap sa mga magulang ay parang pagmamaneho. Kapag may nakaharang sa daraanan mo, puwede kang humanap ng ibang daan.
HALIMBAWA:
“Ang hirap kausap ni Daddy,” ang sabi ni Leah. “Kung minsan, ang dami ko nang nasabi, tapos sasabihin niya, ‘Ha? Ako ba’ng kinakausap mo?’”
MAY TATLONG PAGPIPILIAN SI LEAH.
-
Sigawán ang daddy niya.
Sisigaw si Leah, “Ano ba Dad, importante ’to! Makinig naman kayo!”
-
Hindi na makikipag-usap sa daddy niya.
Hindi na lang sasabihin ni Leah sa daddy niya ang kaniyang problema.
-
Maghintay ng tamang pagkakataon, at makipag-usap ulit.
Makikipag-usap ulit si Leah sa daddy niya sa ibang pagkakataon, o susulat siya sa kaniyang daddy tungkol sa problema niya.
Alin sa mga iyan ang imumungkahi mo kay Leah?
PAG-ISIPAN: Maraming iniisip ang daddy ni Leah kaya hindi niya ito napapansin. Sa A, baka magtaka ang daddy niya kung bakit siya sumisigaw. Malamang na lalong hindi makinig ang daddy niya. Isa pa, kawalang-galang iyon. (Efeso 6:2) Kaya wala itong magandang resulta.
Malamang na B ang pinakamadaling gawin, pero hindi ito ang pinakamabuti. Bakit? Dahil kailangan niya ang tulong ng daddy niya, at para makatulong ito, kailangan niyang sabihin ang mga nangyayari sa kaniya. Wala ring maitutulong ang pananahimik.
Pero sa C, hindi hahayaan ni Leah na maging dead end ang isang harang sa daan, wika nga. Susubukan niyang makipag-usap sa daddy niya sa ibang pagkakataon. At kung dadaanin niya ito sa sulat, baka gumaan agad ang pakiramdam ni Leah.
Sa sulat, masasabi niya ang talagang gusto niyang sabihin. Kapag nabasa ito ng daddy niya, malalaman nito ang problema niya at mas maiintindihan siya nito. Kaya parehong magiging maganda ang resulta para kay Leah at sa daddy niya. Sa aktuwal na pakikipag-usap man o sa sulat, nasusunod ang payo ng Bibliya na “itaguyod . . . ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”—Roma 14:19.
Ano pa kaya ang puwedeng gawin ni Leah?
Tingnan kung may maiisip ka at kung ano ang posibleng maging resulta nito.
MAG-ISIP BAGO MAGSALITA
Tandaan, puwedeng iba ang datíng sa magulang mo ng sinasabi mo.
HALIMBAWA:
Kapag tinanong ka nila kung bakit hindi maganda ang mood mo, baka sumagot ka, “Ayoko pong pag-usapan ’yan.”
Pero ang datíng sa magulang mo: “Wala akong tiwala sa inyo. Magsasabi ako sa mga kaibigan ko, pero sa inyo, hindi.”
Kunwari may mabigat kang problema at gusto kang tulungan ng magulang mo. Pero sinabi mo: “Huwag n’yo na ’kong intindihin. Ako na’ng bahala.”
-
Ano kaya ang datíng nito sa magulang mo?
-
Ano kaya ang mas maganda mong sabihin?