Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 21

Pinaglabanan Niya ang Takot at Pag-aalinlangan

Pinaglabanan Niya ang Takot at Pag-aalinlangan

1-3. Ano ang nasaksihan ni Pedro nang araw na iyon, at ano ang nararanasan niya nang gabing iyon?

PAGÓD na si Pedro sa kasasagwan sa kalaliman ng gabi. May nakikita siyang liwanag sa dakong silangan. Magbubukang-liwayway na kaya? Masakit na ang kaniyang likod at balikat dahil sa matagal na pagsagwan. Napakalakas ng hangin sa Dagat ng Galilea. Hinahampas ng alon ang proa ng bangka, kaya nababasa siya ng malamig na tubig. Pero patuloy pa rin siya sa pagsagwan.

2 Iniwan ni Pedro at ng kaniyang mga kasama si Jesus sa may dalampasigan. Nang araw na iyon, nakita nilang pinakain ni Jesus ang libu-libong nagugutom sa pamamagitan lang ng ilang tinapay at isda. Natuwa ang mga tao at gusto nilang gawing hari si Jesus, pero ayaw niyang masangkot sa pulitika. Nais din ni Jesus na maging ganito ang paninindigan ng mga tagasunod niya. Dahil gusto niyang iwasan ang pulutong, sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na sumakay ng bangka at pumunta sa katapat na baybayin. Si Jesus naman ay pumunta sa bundok upang manalangin.​—Mar. 6:35-45; basahin ang Juan 6:14-17.

3 Gabi na at maliwanag ang buwan nang sumakay ng bangka ang mga alagad. Ngayon ay magbubukang-liwayway na pero hindi pa sila gaanong nakalalayo. Dahil sa pagod at sa lakas ng ugong ng hangin at alon, halos hindi sila makapag-usap. Kaya malamang na nag-iisip nang malalim si Pedro.

Sa loob ng dalawang taon, maraming natutuhan si Pedro kay Jesus, pero marami pa siyang dapat matutuhan

4. Bakit isang mahusay na halimbawa si Pedro para sa atin?

4 Napakarami ng posibleng pumasok sa isip ni Pedro! Mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang una niyang makilala si Jesus na taga-Nazaret. Marami na siyang natutuhan, pero marami pa siyang dapat matutuhan. Dahil handa siyang matuto kung paano mapagtatagumpayan ang mga hadlang gaya ng pag-aalinlangan at takot, isa siyang mahusay na halimbawa para sa atin. Tingnan natin kung bakit.

“Nasumpungan Na Namin ang Mesiyas!

5, 6. Paano mailalarawan ang buhay noon ni Pedro?

5 Hinding-hindi malilimutan ni Pedro ang araw nang makilala niya si Jesus. Ang kapatid ni Pedro na si Andres ang unang nagsabi sa kaniya ng napakagandang balita: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” Dahil sa mga salitang iyon, ganap na nabago ang buhay ni Pedro.​—Juan 1:41.

6 Nakatira si Pedro sa Capernaum, isang lunsod sa hilagang dalampasigan ng tubig-tabang na lawa na tinatawag na Dagat ng Galilea. Kasosyo nila ni Andres sa negosyong pangingisda sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Kapisan ni Pedro sa bahay hindi lang ang kaniyang asawa kundi pati ang kaniyang biyenang babae at si Andres. Para masuportahan ang kaniyang sambahayan sa hanapbuhay na pangingisda, kailangan niyang maging masipag, malakas, at mapamaraan. Isip-isipin ang mga gabing nagpapagal ang mga lalaking ito​—naghahagis ng lambat sa pagitan ng dalawang bangka at nag-aangat nito gaano man karami ang huli. Maguguniguni rin natin ang kanilang pagpapagal sa araw habang ibinubukud-bukod at ibinebenta ang mga isda, at hinahayuma at nililinis ang mga lambat.

7. Ano ang nabalitaan ni Pedro tungkol kay Jesus, at bakit nakatutuwa ang balitang iyon?

7 Ayon sa Bibliya, si Andres ay alagad ni Juan Bautista. Tiyak na sabik na pinakinggan ni Pedro ang mga ulat ng kaniyang kapatid tungkol sa mensahe ni Juan. Isang araw, nakita ni Andres si Juan na itinuturo si Jesus ng Nazaret at sinasabi: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos!” Agad na naging tagasunod ni Jesus si Andres at sabik nitong sinabi kay Pedro ang nakatutuwang balita: Dumating na ang Mesiyas! (Juan 1:35-40) Mga 4,000 taon na ang nakararaan, pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, ipinangako ng Diyos na Jehova na isang pantanging indibiduwal ang maglalaan ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. (Gen. 3:15) Nakilala ni Andres ang mismong Tagapagligtas, ang Mesiyas! Nagmadali si Pedro para makilala rin si Jesus.

8. Ano ang kahulugan ng pangalang ibinigay ni Jesus kay Pedro, at bakit kinukuwestiyon pa rin ng ilan ang pagpili sa pangalang iyon?

8 Kilala si Pedro noon sa pangalang Simon. Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “‘Ikaw ay si Simon na anak ni Juan; tatawagin kang Cefas’ (na isinasaling Pedro).” (Juan 1:42) Ang “Cefas” ay pangngalang pambalana na nangangahulugang “bato.” Maliwanag na isang hula ang sinabi ni Jesus. Patiuna niyang nakita na si Pedro ay magiging gaya ng bato​—matatag, matibay, at maaasahang impluwensiya sa mga tagasunod ni Kristo. Ganiyan ba ang tingin ni Pedro sa kaniyang sarili? Malamang na hindi. Kahit ang ilang nagbabasa ngayon ng mga ulat ng Ebanghelyo ay hindi nakikitang tulad-bato si Pedro. Sinasabi pa nga ng ilan na waring hindi siya matatag at pabagu-bago ang isip gaya ng ipinakikita sa ulat ng Bibliya.

9. Ano ang tinitingnan ni Jehova at ng kaniyang Anak, at sa palagay mo, bakit dapat tayong magtiwala sa kanila?

9 May mga kahinaan din si Pedro, at alam ito ni Jesus. Pero gaya ng kaniyang Ama na si Jehova, ang laging tinitingnan ni Jesus sa mga tao ay ang kanilang magagandang katangian. Nakita ni Jesus ang magagandang katangian ni Pedro, at sinikap Niya itong tulungan na malinang ang mga iyon. Nakikita rin ni Jehova at ng kaniyang Anak ang ating magagandang katangian. Baka maisip natin na wala naman silang makikitang maganda sa atin. Gayunman, kailangan nating magtiwala sa kanila at maging handang magpaturo at magpahubog, gaya ni Pedro.​—Basahin ang 1 Juan 3:19, 20.

“Huwag Ka Nang Matakot”

10. Ano ang malamang na nasaksihan ni Pedro, pero ano ang binalikan niya?

10 Malamang na sinamahan ni Pedro si Jesus sa Kaniyang pangangaral. Kaya maaaring nakita niya ang unang himala ni Jesus nang gawin niyang alak ang tubig sa kasalan sa Cana. Mas mahalaga, narinig niya ang kamangha-mangha at nakaaaliw na mensahe ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gayunman, iniwan pa rin niya si Jesus at bumalik sa pangingisda. Pero pagkaraan ng ilang buwan, muling nakausap ni Pedro si Jesus​—at sa pagkakataong ito, inaanyayahan siya ni Jesus na maging buong-panahong tagasunod niya.

11, 12. (a) Anong uri ng trabaho ang tiniis ni Pedro noong gabing iyon? (b) Anong mga tanong ang marahil ay naisip ni Pedro dahil sa mga narinig niya kay Jesus?

11 Noong gabing iyon, dismayadung-dismayado si Pedro. Paulit-ulit na inihagis ng mga mangingisda ang kanilang lambat pero wala silang mahuli. Tiyak na ginawa ni Pedro ang lahat ng kaniyang magagawa para makahuli ng isda. Nagpalipat-lipat sila kung saan posibleng may isda. Gaya ng maraming mangingisda, tiyak na naisip niya na sana’y nakikita niya kung nasaan ang kulupon ng mga isda o na sana’y kaya niyang papasukin ang mga ito sa lambat. Kaso, lalo lang siyang madidismaya kung patuloy niya itong iisipin. Hindi siya naroon para maglibang; maraming umaasa sa kaniya. Pero umuwi siyang walang huli. Kailangan pa niyang linisin ang mga lambat, kaya abalang-abala siya nang lumapit si Jesus.

Hindi nagsasawa si Pedro na marinig ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus​—ang Kaharian ng Diyos

12 Nagsisiksikan ang mga tao para makalapit kay Jesus dahil sabik silang makinig sa kaniyang mga turo. Kaya sumakay si Jesus sa bangka ni Pedro at sinabi niya rito na lumayo nang kaunti sa dalampasigan. Mula sa bangka, malinaw na naririnig si Jesus ng pulutong habang nagtuturo. Matama ring nakinig si Pedro. Hindi siya nagsasawang marinig ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus​—ang Kaharian ng Diyos. Isa ngang pribilehiyong makatulong kay Kristo upang mapalaganap sa buong lupain ang mensaheng ito ng pag-asa! Pero praktikal bang gawin iyan? Paano pakakanin ni Pedro ang kaniyang pamilya? Marahil muling naisip ni Pedro ang pagkadismaya niya noong nagdaang gabi.​—Luc. 5:1-3.

13, 14. Anong himala ang ginawa ni Jesus para kay Pedro, at ano ang reaksiyon ni Pedro?

13 Matapos magsalita si Jesus, sinabi niya kay Pedro: “Pumaroon ka sa malalim, at ibaba ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” Nag-alinlangan si Pedro. Sinabi niya: “Tagapagturo, buong gabi kaming nagpagal at walang nakuhang anuman, ngunit dahil sa sinabi mo ay ibababa ko ang mga lambat.” Kahuhugas lang ni Pedro sa mga lambat. Malamang na ayaw niyang muling ibaba ito​—lalo na ngayong hindi oras ng pangingisda! Pero sumunod pa rin siya at maaaring sinenyasan niya ang mga kasamahan niya sa ikalawang bangka na sundan sila.​—Luc. 5:4, 5.

14 Naramdaman ni Pedro na bumibigat ang lambat. Hindi siya makapaniwala kaya hinatak pa niya ang lambat, at nakita niya ang napakaraming isdang nagtatalunan sa loob ng lambat! Agad niyang sinenyasan ang mga kasamahan niya sa ikalawang bangka na tulungan sila. Pero napansin nilang hindi kasya sa isang bangka ang lahat ng isda. Punung-puno ang dalawang bangka kaya nagsimulang lumubog ang mga ito. Manghang-mangha si Pedro. Nakita na niya dati ang kapangyarihan ni Kristo. Pero sa pagkakataong ito, siya mismo ang nakaranas ng himala. Nasa harap niya ang isang taong may kapangyarihang papasukin ang mga isda sa lambat! Natakot si Pedro. Lumuhod siya at nagsabi: “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako ay taong makasalanan, Panginoon.” Paano nga siya magiging karapat-dapat na makasama ng Isa na may gayong bigay-Diyos na kapangyarihan?​—Basahin ang Lucas 5:6-9.

“Ako ay taong makasalanan, Panginoon”

15. Paano itinuro ni Jesus kay Pedro na walang basehan ang kaniyang mga pag-aalinlangan at takot?

15 May-kabaitang sinabi ni Jesus: “Huwag ka nang matakot. Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.” (Luc. 5:10, 11) Hindi ito ang panahon para mag-alinlangan o matakot. Walang basehan ang pag-aalinlangan ni Pedro tungkol sa pang-araw-araw na mga bagay gaya ng pangingisda; wala ring basehan ang pagkatakot niya tungkol sa kaniyang mga kahinaan at pagkukulang. Napakalaki pa ng gawain ni Jesus​—isang gawaing babago sa kinabukasan ng sangkatauhan. Naglilingkod siya sa Diyos na ‘magpapatawad nang sagana.’ (Isa. 55:7) Si Jehova ang bahala sa pangangailangan ni Pedro, kapuwa sa pisikal at espirituwal.​—Mat. 6:33.

16. Paano tumugon sina Pedro, Santiago, at Juan sa paanyaya ni Jesus, at bakit ito ang pinakamagandang desisyon nila?

16 Tumugon agad si Pedro, gaya nina Santiago at Juan. “Ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.” (Luc. 5:11) Nanampalataya si Pedro kay Jesus at sa Isa na nagsugo sa Kaniya. Ito ang pinakamagandang desisyon niya. Nagpapakita rin ng gayong pananampalataya ang mga Kristiyano sa ngayon na nagsisikap paglabanan ang kanilang pag-aalinlangan at takot para mapaglingkuran ang Diyos. Hindi mawawalan ng kabuluhan ang gayong pagtitiwala kay Jehova.​—Awit 22:4, 5.

“Bakit Ka Nagbigay-Daan sa Pag-aalinlangan?”

17. Ano ang mga naaalaala ni Pedro makalipas ang dalawang taon mula nang makilala niya si Jesus?

17 Makalipas ang mga dalawang taon mula nang makilala niya si Jesus, si Pedro ay nagsasagwan sa Dagat ng Galilea, gaya ng binanggit sa pasimula ng kabanatang ito. Siyempre hindi natin alam kung ano ang iniisip niya. Maaaring ang pagpapagaling ni Jesus sa kaniyang biyenang babae, o ang Sermon sa Bundok. Sa pamamagitan ng mga turo at himala ni Jesus, paulit-ulit niyang ipinakita na siya ang Pinili ni Jehova, ang Mesiyas. Habang lumilipas ang mga buwan, tiyak na nabawasan sa paanuman ang takot at pag-aalinlangan ni Pedro. Pinili pa nga ni Jesus si Pedro para maging isa sa 12 apostol! Pero gaya ng makikita ni Pedro, hindi pa lubusang nawawala ang kaniyang pag-aalinlangan at takot.

18, 19. (a) Ilarawan ang nakita ni Pedro sa Dagat ng Galilea. (b) Paano ipinagkaloob ni Jesus ang kahilingan ni Pedro?

18 Sa ikaapat na pagbabantay sa gabi, o sa pagitan ng 3:00 n.u. at ng pagsikat ng araw, natigilan si Pedro at napahinto sa pagsagwan. Sa di-kalayuan, may nakikita siya! Alon lang kaya iyon na tinatamaan ng sinag ng buwan? Hindi, parang tao! Oo, tao nga at naglalakad ito sa ibabaw ng tubig! Waring papalapit ito sa kanila. Natakot ang mga alagad at inakalang namamalikmata sila. Nagsalita ang taong iyon: “Lakasan ninyo ang inyong loob, ako ito; huwag kayong matakot.” Si Jesus pala iyon!​—Mat. 14:25-28.

19 Tumugon si Pedro: “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo ako na pumunta sa iyo sa ibabaw ng tubig.” Nanaig ang lakas ng loob ni Pedro. Manghang-mangha siya sa kakaibang himalang ito at gusto niyang subukan ang kaniyang pananampalataya. Gusto rin niyang makalakad sa tubig. Kaya pinalapit siya ni Jesus. Bumaba si Pedro mula sa bangka at tumuntong sa ibabaw ng tubig. Gunigunihin ang nadarama niya habang humahakbang siya papalapit kay Jesus. Pero di-nagtagal, takot naman ang nanaig kay Pedro.​—Basahin ang Mateo 14:29.

“Nang makita [niya] ang buhawi, natakot siya”

20. (a) Paano nawala ang pokus ni Pedro kay Jesus, at ano ang resulta? (b) Anong aral ang itinuro ni Jesus kay Pedro?

20 Kailangang magpokus si Pedro kay Jesus. Sa tulong ng kapangyarihan ni Jehova, napalakad ni Jesus si Pedro sa ibabaw ng maalong tubig. At ginawa iyon ni Jesus dahil nananampalataya si Pedro sa kaniya. Pero may nakagambala kay Pedro. Mababasa natin: “Nang makita [niya] ang buhawi, natakot siya.” Tumingin si Pedro sa alon na dumadaluyong at sumasalpok sa bangka, kaya nataranta siya. Malamang na naiisip niya ang sarili niya na lumulubog at nalulunod. Habang tumitindi ang kaniyang takot, humihina ang kaniyang pananampalataya. Ang lalaking tinawag na Bato dahil sa ipakikita nitong katatagan ay nagsimulang lumubog na parang bato dahil sa mabuway na pananampalataya. Mahusay lumangoy si Pedro, pero hindi siya umasa sa kaniyang kakayahan. Sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at hinila siya. Pagkatapos, habang nasa ibabaw pa ng tubig, itinuro ni Jesus kay Pedro ang mahalagang aral na ito: “Ikaw na may kakaunting pananampalataya, bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?”​—Mat. 14:30, 31.

21. Bakit mapanganib ang pag-aalinlangan, at paano natin ito mapaglalabanan?

21 Angkop nga na itanong iyon ni Jesus kay Pedro. Ang pag-aalinlangan ay talagang nakapipinsala. Kung magpapadaig tayo rito, sisirain nito ang ating pananampalataya at lulubog ang ating espirituwalidad, wika nga. Dapat natin itong labanan nang puspusan. Paano? Kailangan ang tamang pokus. Kung palagi nating iisipin ang mga bagay na kinatatakutan natin, nagpapahina ng ating loob, o nakagagambala sa paglilingkod natin kay Jehova at sa kaniyang Anak, lalo tayong mag-aalinlangan. Kung magpopokus tayo kay Jehova at sa kaniyang Anak, at sa mga ginawa, ginagawa, at gagawin nila para sa mga umiibig sa kanila, mawawala ang ating pag-aalinlangan.

22. Bakit magandang tularan ang pananampalataya ni Pedro?

22 Nang pabalik na si Pedro sa bangka kasunod ni Jesus, nakita niyang tumigil ang buhawi. Kalmado na ang Dagat ng Galilea. Si Pedro at ang iba pang mga alagad ay nagsabi: “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.” (Mat. 14:33) Magbubukang-liwayway na at tiyak na punung-puno ng pasasalamat ang puso ni Pedro. Natutuhan niya na hindi siya dapat magpadaig sa pag-aalinlangan at takot. Totoo, marami pa siyang dapat baguhin para maging tulad-batong Kristiyano gaya ng inihula ni Jesus. Pero determinado siyang patuloy na magsikap at sumulong. Ganiyan din ba ang iyong determinasyon? Makikinabang ka kung tutularan mo ang pananampalataya ni Pedro.