Ikalawang Samuel 15:1-37

15  Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpagawa si Absalom ng isang karwahe at kumuha ng mga kabayo at 50 lalaki na tatakbo sa unahan niya.+ 2  Si Absalom ay bumabangon nang maaga at tumatayo sa tabi ng daan papunta sa pintuang-daan ng lunsod.+ Kapag may dumadaan doon na may idudulog na kaso sa hari,+ tinatawag ito ni Absalom at sinasabi niya rito: “Tagasaang lunsod ka?” Sinasabi naman nito: “Ang iyong lingkod ay mula sa isa sa mga tribo ng Israel.” 3  Sinasabi ni Absalom sa kaniya: “Nasa katuwiran ka, pero walang kinatawan ang hari para duminig sa kaso mo.” 4  Sinasabi pa ni Absalom: “Kung maaatasan lang sana akong hukom sa lupain! Makalalapit sa akin ang bawat taong may idudulog na kaso o usapin, at titiyakin kong mabibigyan siya ng katarungan.” 5  At kapag may taong lumalapit sa kaniya para yumukod, hinahawakan ito ni Absalom at hinahalikan.+ 6  Ganiyan ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelita na pumupunta sa hari para humingi ng katarungan; kaya patuloy na ninanakaw ni Absalom ang puso ng mga tao sa Israel.+ 7  Sa pagtatapos ng apat na taon,* sinabi ni Absalom sa hari: “Pakisuyo, payagan mo akong pumunta sa Hebron+ para tuparin ang panata ko kay Jehova. 8  Dahil ang iyong lingkod ay nagbitiw ng ganitong taimtim na panata+ noong nakatira ako sa Gesur+ sa Sirya: ‘Kung ibabalik ako ni Jehova sa Jerusalem, maghahandog* ako kay Jehova.’” 9  Sinabi sa kaniya ng hari: “Umalis kang payapa.” Kaya pumunta siya sa Hebron. 10  Pagkatapos, nagsugo si Absalom ng mga espiya sa lahat ng tribo ng Israel. Sinabi niya sa kanila: “Kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, isigaw ninyo, ‘Si Absalom ay naging hari sa Hebron!’”+ 11  May 200 lalaki mula sa Jerusalem na sumama kay Absalom; inimbitahan sila at sumama nang walang kamalay-malay sa nangyayari. 12  Pagkatapos, nang ialay ni Absalom ang mga handog, ipinatawag niya si Ahitopel+ na Gilonita, ang tagapayo ni David,+ mula sa lunsod nito na Gilo.+ Ang sabuwatan ay patuloy na tumitindi, at dumarami ang mga sumusuporta kay Absalom.+ 13  Nang maglaon, may dumating na tagapagbalita kay David, na nagsabi: “Ang puso ng mga tao sa Israel ay napunta na kay Absalom.” 14  Agad na sinabi ni David sa lahat ng lingkod na kasama niya sa Jerusalem: “Halikayo, tumakas na tayo.+ Kung hindi, walang makaliligtas sa atin kay Absalom! Dalian ninyo, dahil baka maabutan niya tayo at patayin tayo at ang lahat ng tao sa lunsod!”+ 15  Sumagot ang mga lingkod ng hari: “Anuman ang ipasiya ng panginoon kong hari ay handang gawin ng iyong mga lingkod.”+ 16  Kaya lumabas ang hari kasunod ang buong sambahayan niya, pero nag-iwan ang hari ng 10 pangalawahing asawa+ para mag-asikaso sa bahay.* 17  Nagpatuloy sa paglalakbay ang hari kasunod ang buong bayan, at huminto sila sa Bet-merhak. 18  Ang lahat ng lingkod niya na umalis kasama niya at ang lahat ng Kereteo, Peleteo,+ at Giteo,+ 600 lalaki na sumunod sa kaniya mula sa Gat,+ ay dumadaan at tinitingnan ng hari ang kalagayan nila. 19  Pagkatapos, sinabi ng hari kay Ittai+ na Giteo: “Bakit sasama ka rin sa amin? Bumalik ka at sumama sa bagong hari dahil banyaga ka, at isa pa, ipinatapon ka mula sa bayan mo. 20  Kahapon ka lang dumating, kaya bakit kita pasasamahin saanman at kailanman kami magpagala-gala? Bumalik ka at isama mo ang mga kapatid mo, at pagpakitaan ka nawa ni Jehova ng tapat na pag-ibig at katapatan!”+ 21  Pero sumagot si Ittai sa hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ang panginoon kong hari, saanman pumunta ang panginoon kong hari, sa kamatayan man o sa buhay, sasama ang iyong lingkod!”+ 22  Sinabi ni David kay Ittai:+ “Sige, tumawid ka.” Kaya tumawid si Ittai na Giteo, pati ang lahat ng tauhan niya at ang mga batang kasama niya. 23  Ang lahat ng nasa lupain ay umiiyak nang malakas habang ang lahat ng taong ito ay tumatawid, at ang hari ay nakatayo malapit sa Lambak ng Kidron;+ ang buong bayan ay tumatawid papunta sa daan na patungong ilang. 24  Naroon din si Zadok+ kasama ang lahat ng Levita+ na nagdadala ng kaban+ ng tipan ng tunay na Diyos,+ at inilapag nila ang Kaban ng tunay na Diyos; pumunta rin doon si Abiatar;+ samantala, nakaalis ang buong bayan sa lunsod at nakatawid. 25  Pero sinabi ng hari kay Zadok: “Ibalik mo sa lunsod ang Kaban ng tunay na Diyos.+ Kung nalulugod sa akin si Jehova, ibabalik niya ako at ipapakita iyon sa akin at ang tahanan nito.+ 26  Pero kung sasabihin niya, ‘Hindi ako nalulugod sa iyo,’ gawin niya sa akin kung ano ang mabuti sa paningin niya.” 27  Sinabi pa ng hari sa saserdoteng si Zadok: “Tagakita*+ ka, hindi ba? Bumalik kayong payapa sa lunsod, at isama ninyo ang anak mong si Ahimaas at ang anak ni Abiatar na si Jonatan.+ 28  Mananatili ako sa mga tawiran sa ilang hanggang sa makatanggap ako ng mensahe mula sa inyo.”+ 29  Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang Kaban ng tunay na Diyos, at nanatili sila roon. 30  Habang umaakyat si David sa Bundok ng mga Olibo,+ umiiyak siya; may takip ang ulo niya, at naglalakad siyang nakapaa. Ang lahat ng kasama niya ay nagtakip din ng ulo at umiiyak habang umaakyat. 31  May nag-ulat kay David: “Kasama si Ahitopel sa mga nakikipagsabuwatan+ kay Absalom.”+ Sinabi ni David: “Pakisuyo, gawin mong kamangmangan ang payo ni Ahitopel,+ O Jehova!”+ 32  Nang makarating si David sa tuktok ng bundok kung saan yumuyukod noon sa Diyos ang bayan, naroon si Husai+ na Arkita+ para salubungin siya; punít ang damit nito at may lupa sa ulo. 33  Pero sinabi ni David dito: “Kung sasama ka sa akin sa pagtawid, magiging pabigat ka sa akin. 34  Pero kung babalik ka sa lunsod at sasabihin mo kay Absalom, ‘Lingkod mo ako, O Hari. Dati akong lingkod ng iyong ama, pero ngayon ay lingkod mo na ako,’+ matutulungan mo akong biguin ang plano ni Ahitopel.+ 35  Hindi ba kasama mo roon ang mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar? Sabihin mo sa mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar ang lahat ng maririnig mo mula sa sambahayan ng hari.+ 36  Kasama nila si Ahimaas+ na anak ni Zadok at si Jonatan+ na anak ni Abiatar, at isugo mo sila para sabihin sa akin ang lahat ng maririnig ninyo.” 37  Kaya si Husai, na kaibigan* ni David,+ ay pumunta sa lunsod habang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.

Talababa

O posibleng “40 taon.”
O “sasamba.” Lit., “maglilingkod.”
O “palasyo.”
Tingnan sa Glosari.
O “napagsasabihan ng niloloob.”

Study Notes

Media