Exodo 24:1-18

24  At sinabi niya kay Moises: “Umakyat ka sa bundok, ikaw at si Aaron, sina Nadab at Abihu,+ at ang 70 sa matatandang lalaki ng Israel, at yumukod kayo kay Jehova mula sa malayo. 2  Si Moises lang ang lalapit kay Jehova; hindi dapat lumapit ang iba, at ang bayan ay hindi dapat umakyat kasama niya.”+ 3  Pagkatapos, dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng sinabi ni Jehova at ang lahat ng batas,*+ at sumagot ang buong bayan: “Handa naming gawin ang lahat ng sinabi ni Jehova.”+ 4  At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ni Jehova.+ Kinabukasan, bumangon siya nang maaga at nagtayo sa paanan ng bundok ng isang altar at ng 12 haligi na kumakatawan sa 12 tribo ng Israel. 5  Pagkatapos, nagsugo siya ng mga kabataang lalaking Israelita, at naghain sila ng mga handog na sinusunog at ng mga toro* bilang haing pansalo-salo+ para kay Jehova. 6  At kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay iyon sa mga mangkok, at ang isa pang kalahati ng dugo ay iwinisik niya sa ibabaw ng altar. 7  Pagkatapos, kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa iyon nang malakas sa bayan.+ At sinabi nila: “Handa naming gawin ang lahat ng sinabi ni Jehova, at magiging masunurin kami.”+ 8  Kaya kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik iyon sa bayan+ at sinabi: “Ang dugong ito ang nagbibigay ng bisa sa pakikipagtipan sa inyo ni Jehova ayon sa lahat ng bagay na narinig ninyo.”+ 9  Umakyat sina Moises at Aaron, Nadab at Abihu, at ang 70 sa matatandang lalaki ng Israel, 10  at nakita nila ang Diyos ng Israel.+ Parang sahig na yari sa batong safiro ang nasa ilalim ng mga paa niya, at kasing-aliwalas* ito ng langit.+ 11  Hindi niya sinaktan ang mga prominenteng lalaki sa Israel,+ at nakita nila ang tunay na Diyos sa isang pangitain at kumain sila at uminom. 12  Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Pumunta ka sa akin sa bundok at manatili ka roon. Ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato kung saan ko isusulat ang kautusan at batas na magtuturo sa kanila.”+ 13  Kaya kumilos si Moises at ang lingkod niyang si Josue,+ at umakyat si Moises sa bundok ng tunay na Diyos.+ 14  Pero sinabi niya sa matatandang lalaki: “Maghintay kayo rito hanggang sa makabalik kami.+ Kasama ninyo sina Aaron at Hur.+ Ang sinumang may kaso* ay puwedeng lumapit sa kanila.”+ 15  At umakyat si Moises sa bundok habang natatakpan ito ng ulap.+ 16  Nanatili sa Bundok Sinai ang kaluwalhatian ni Jehova,+ at tinakpan ito ng ulap sa loob ng anim na araw. Noong ikapitong araw, si Moises ay tinawag ng Diyos mula sa gitna ng ulap. 17  Para sa nakatinging mga Israelita, ang kaluwalhatian ni Jehova ay tulad ng lumalagablab na apoy sa tuktok ng bundok. 18  At pumasok si Moises sa ulap at umakyat sa bundok.+ Nanatili si Moises sa bundok nang 40 araw at 40 gabi.+

Talababa

O “hudisyal na pasiya.”
O “lalaking baka.”
O “kasindalisay.”
O “usapin sa batas.”

Study Notes

Media