Liham sa mga Taga-Galacia 4:1-31

4  Ngayon ay sinasabi ko na hangga’t bata pa ang tagapagmana, wala siyang kaibahan sa isang alipin, kahit siya ang panginoon ng lahat ng bagay; 2  dahil nasa ilalim siya ng mga tagapagbantay at mga katiwala hanggang sa araw na patiunang itinakda ng ama niya. 3  Gayon din tayo; noong mga bata pa tayo, alipin tayo ng mga bagay sa sanlibutan.+ 4  Pero nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae+ at nasa ilalim ng kautusan,+ 5  para mabili niya at mapalaya ang mga nasa ilalim ng kautusan,+ nang sa gayon ay maampon tayo bilang mga anak.+ 6  At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos sa ating mga puso ang espiritu+ na nasa Anak niya, at sumisigaw ito: “Abba, Ama!”+ 7  Kaya hindi ka na alipin kundi isang anak; at kung isa kang anak, ginawa ka rin ng Diyos na isang tagapagmana.+ 8  Pero noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, alipin kayo ng di-totoong mga diyos. 9  At ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mahihina+ at walang-kabuluhang mga bagay at gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito?+ 10  Tinitiyak ninyong maipagdiwang ang mga araw, buwan,+ panahon, at taon. 11  Natatakot ako na baka nasayang lang ang mga pagsisikap kong tulungan kayo. 12  Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na tularan ninyo ako, dahil kagaya rin ninyo ako noon.+ Wala kayong ginawang mali sa akin. 13  Alam ninyo na naipahayag ko sa inyo sa unang pagkakataon ang mabuting balita dahil sa sakit ko. 14  At kahit naging pagsubok* sa inyo ang sakit ko, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman,* kundi tinanggap ninyo akong gaya ng isang anghel ng Diyos, gaya ni Kristo Jesus. 15  Nasaan na ang kaligayahan ninyong iyon? Alam na alam ko na kung puwede lang, dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin.+ 16  Pero ngayon ba ay kaaway na ninyo ako dahil sinasabi ko sa inyo ang totoo? 17  Ginagawa nila ang lahat para makuha ang loob ninyo, pero masama ang motibo nila; gusto nila kayong ihiwalay sa akin para sa kanila kayo sumunod. 18  Wala namang masama kung gusto ng iba na makuha ang loob ninyo kung maganda ang motibo nila, at gayundin, hindi lang kapag kasama ninyo ako. 19  Mahal kong mga anak,+ nakararanas na naman ako ng kirot ng panganganak dahil sa inyo, at mararamdaman ko ito hanggang sa matularan ninyo ang personalidad ni Kristo. 20  Kung puwede lang sanang makasama ko kayo ngayon at maging mas mahinahon ako sa pagsasalita,* dahil hindi ko alam ang gagawin sa inyo. 21  Sabihin ninyo sa akin, kayong mga gustong mapasailalim sa kautusan,+ hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22  Halimbawa, nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa alilang babae+ at ang isa naman ay sa malayang babae;+ 23  nagdalang-tao ang alilang babae sa natural na paraan+ pero nagdalang-tao ang malayang babae dahil sa pangako.+ 24  Ang mga bagay na ito ay isang makasagisag na drama, dahil ang mga babaeng ito ay sumasagisag sa dalawang tipan. Ang isa ay mula sa Bundok Sinai,+ na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin, at siya si Hagar. 25  Si Hagar ay sumasagisag sa Sinai,+ isang bundok sa Arabia, at kumakatawan siya sa Jerusalem ngayon, dahil siya* ay aliping kasama ng mga anak* niya. 26  Pero ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina. 27  Dahil nasusulat: “Magsaya ka, ikaw na babaeng baog na hindi nanganak; humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na babaeng hindi nakaranas ng kirot ng panganganak; dahil ang mga anak ng babaeng pinabayaan ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa.”+ 28  Kayo, mga kapatid, ay naging anak din dahil sa pangako, gaya ni Isaac.+ 29  Pero kung paanong ang anak na ipinagbuntis sa pamamagitan ng espiritu ay pinag-usig noon ng anak na ipinagbuntis sa natural na paraan,+ gayon din naman ngayon.+ 30  Gayunman, ano ba ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang alilang babae at ang anak niya, dahil ang anak ng alilang babae ay hindi kailanman magiging tagapagmanang kasama ng anak ng malayang babae.”+ 31  Kaya, mga kapatid, tayo ay mga anak ng malayang babae, hindi ng isang alilang babae.

Talababa

O “dinuraan.”
O “tukso.”
O posibleng “at ibahin ko ang tono ng boses ko.” Lit., “at ibahin ko ang boses ko.”
Lunsod ng Jerusalem.
Mga naninirahan sa lunsod.

Study Notes

nasa ilalim siya ng mga tagapagbantay at mga katiwala: Noong panahon ni Pablo, karaniwan nang may tagapag-alaga ang isang menor-de-edad. Inaatasan ang isang tagapagbantay na maging legal na tagapag-alaga ng bata at mangasiwa sa pananalapi nito. Ang mga katiwala naman ang nangangasiwa sa pananalapi ng isang buong sambahayan. Kaya “hangga’t bata pa ang tagapagmana,” kagaya lang siya ng isang alipin kahit pa siya ang “panginoon” ng mana niya. (Gal 4:1) Kinokontrol siya ng iba hangga’t hindi pa siya adulto. Diyan ikinumpara ni Pablo ang mga Judiong nasa ilalim ng Kautusan hanggang sa dumating ang takdang panahon kung kailan pinalaya sila ng Anak ng Diyos.—Gal 4:4-7.

mga bagay: O “panimulang mga bagay.” Puwede itong tumukoy sa pangunahing mga elemento ng anumang bagay, gaya ng bawat tunog at letra ng alpabetong Griego, ang pangunahing mga elemento na ginagamit para makabuo ng salita. Negatibo ang pagkakagamit ni Pablo sa ekspresyong ito dito at sa Col 2:8, 20. Tumutukoy ito sa pangunahing mga ideya na gumagabay sa sanlibutan, ang lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Kasama dito ang (1) mga pilosopiya na batay sa pangangatuwiran ng tao at mitolohiya (Col 2:8), (2) di-makakasulatang mga turo ng mga Judio na nagtataguyod ng pagkakait sa sarili at ‘pagsamba sa mga anghel’ (Col 2:18), at (3) turo na dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko para maligtas (Gal 4:4–5:4; Col 2:16, 17). Hindi kailangan ng mga Kristiyano sa Galacia ang ganoong “panimulang mga bagay,” dahil nakatataas ang paraan ng pagsamba nila na batay sa pananampalataya kay Kristo Jesus. Ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging gaya ng mga bata na alipin ng panimulang mga bagay—hindi na sila dapat magpasailalim sa Kautusang Mosaiko, na inihalintulad ni Pablo sa isang tagapagbantay. (Gal 3:23-26) Sa halip, dapat silang maging maygulang na mga anak ng kanilang Ama, ang Diyos. Hindi sila dapat bumalik sa pagsunod sa Kautusan o sa “mahihina at walang-kabuluhang mga bagay” na itinataguyod ng mga hindi sumusunod kay Kristo.—Gal 4:9.

itinakdang panahon: Sa ilang bersiyon ng Bibliya, isinalin itong “tamang panahon.” Ipinapakita ng tekstong ito na nagtakda si Jehova ng panahon kung kailan bababa sa lupa bilang Mesiyas ang kaisa-isa niyang Anak para matupad ang pangako niya na maglalaan siya ng isang “supling.” (Gen 3:15; 49:10) May binanggit din si apostol Pedro na “panahon” na may kinalaman kay Kristo. (1Pe 1:10-12) Makikita rin sa Hebreong Kasulatan na may espesipikong panahon ang paglitaw ng Mesiyas. (Dan 9:25) Nang ipanganak si Jesus noong 2 B.C.E., isinilang siya ng isang babae, ang Judiong birhen na si Maria.

nasa ilalim ng kautusan: Noong ministeryo ni Jesus sa lupa, sumusunod siya sa Kautusang Mosaiko dahil ipinanganak siyang Judio. (Mat 5:17; tingnan ang study note sa Luc 22:20.) Napawalang-bisa lang ang Kautusan pagkamatay niya.—Ro 10:4.

mabili . . . at mapalaya: Binili ni Jesus at pinalaya ang mga nasa ilalim ng kautusan, ang mga nananampalatayang Judio. Sinabi pa ni Pablo na “nang sa gayon ay maampon tayo (lumilitaw na tumutukoy sa lahat ng taga-Galacia na naging Kristiyano, Judio man o Gentil) bilang mga anak.” Ang salitang Griego na e·xa·go·raʹzo, na isinalin ditong “mabili . . . at mapalaya,” ay ginamit din sa Gal 3:13, kung saan sinabi ni Pablo: “Binili tayo ni Kristo at pinalaya mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay maging isang sumpa sa halip na tayo.”—Tingnan ang study note sa Gal 3:13.

maampon tayo bilang mga anak: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ilang beses na binanggit ni Pablo ang pag-aampon para ipakita ang bagong kalagayan ng mga tinawag at pinili ng Diyos. Binigyan sila ng pag-asang maging imortal sa langit. Dahil galing sila sa di-perpektong si Adan, alipin sila ng kasalanan at hindi sila puwedeng maging anak ng Diyos. Pero dahil sa hain ni Jesus na nag-aalis ng kasalanan, puwede silang ampunin ng Diyos at maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Ro 8:14-17) Hindi sila ang nagdedesisyon kung gusto nilang magpaampon. Ang Diyos ang pumipili sa kanila, ayon sa kalooban niya. (Efe 1:5) Itinuturing na sila ng Diyos bilang mga anak niya kapag naipanganak na silang muli sa pamamagitan ng espiritu. (Ju 1:12, 13; 1Ju 3:1) Pero dapat silang manatiling tapat hanggang kamatayan para maging ganap ang pag-aampon sa kanila bilang mga espiritung anak ng Diyos. (Ro 8:17; Apo 21:7) Kaya nasabi ni Pablo: “Hinihintay natin nang may pananabik ang pag-aampon sa atin bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa ating katawan sa pamamagitan ng pantubos.” (Ro 8:23; tingnan ang study note sa Ro 8:15.) Karaniwan noon ang pag-aampon. Nag-aampon ang mga Griego at Romano pangunahin nang para sa kapakinabangan ng nag-ampon, hindi ng inampon. Pero idiniin ni Pablo na dahil sa pag-ibig ni Jehova, gumawa siya ng paraan para maampon ang mga pinili niya at ito ay para sa kapakinabangan nila.—Gal 4:3, 4.

ang espiritu na nasa Anak niya: Dito, ang “espiritu” ay tumutukoy sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Sa pamamagitan ng Anak niya, inilalagay niya ito sa puso ng mga Kristiyanong pinipili niya.—Ihambing ang Gaw 2:33 at study note sa Gaw 16:7.

Abba: Transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo o Aramaiko na tatlong beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Literal itong nangangahulugang “ang ama” o “O Ama” at isang magiliw na tawag ng anak sa kaniyang minamahal na ama. (Tingnan ang study note sa Mar 14:36.) Ang kausap dito ni Pablo at sa Ro 8:15 ay ang mga Kristiyanong tinawag para maging anak ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu. Dahil naampon na sila ng Diyos, puwede na nilang tawagin si Jehova gamit ang ekspresyong hindi puwedeng itawag ng isang alipin sa kaniyang panginoon, maliban na lang kung inampon siya nito. Kaya kahit ang mga pinahirang Kristiyano ay mga “alipin ng Diyos” at “binili,” mga anak din sila sa sambahayan ng mapagmahal nilang Ama. At malinaw na ipinapaalám sa kanila ng banal na espiritu na ganito na ang kalagayan nila.—Ro 6:22; 1Co 7:23.

Ama: Ang lahat ng tatlong paglitaw ng Abba sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sinusundan ng saling ho pa·terʹ sa Griego, na literal na nangangahulugang “ang ama” o “O Ama.”

nakilala na ninyo ang Diyos: Dahil sa pangangaral ni Pablo, “nakilala” ng maraming Kristiyano sa Galacia ang Diyos. Ang pandiwang isinaling “nakilala” sa talatang ito ay nagpapahiwatig ng magandang ugnayan sa pagitan ng magkakilala. (1Co 8:3; 2Ti 2:19) Kaya para ‘makilala ang Diyos,’ hindi sapat na alamin lang ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa kaniya. Kailangan nating magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Ju 17:3.

o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos: Sa paggamit ni Pablo ng pananalitang ito, ipinakita niya na para ‘makilala ng isang tao ang Diyos,’ dapat na kilala rin siya, o sinasang-ayunan, ng Diyos. Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego para sa “makilala” ay nangangahulugang “magkaroon ng malapít na kaugnayan sa isa at makita ang kaniyang personalidad o halaga.” Kaya para makilala ng Diyos ang isang tao, dapat siyang mamuhay kaayon ng pamantayan, pamamaraan, at personalidad ng Diyos.

walang-kabuluhang: O “malapulubing.” Ang ilang Kristiyano sa Galacia ay bumabalik sa panimulang mga bagay na ginagawa nila noon. Posibleng kasama rito ang pagsunod sa mga pilosopiya ng tao o sa turo na dapat pa ring sumunod ang mga Kristiyano sa Kautusang Mosaiko o sa ilang utos nito. (Col 2:8, 16-18, 20; tingnan ang study note sa Gal 4:3.) Inilarawan ni Pablo ang panimulang mga bagay na ‘walang kabuluhan’ gamit ang terminong Griego na literal na nangangahulugang “mahirap, nangangailangan.” Puwede rin itong mangahulugang “miserable” o “walang kuwenta.” Talagang ‘walang kabuluhan’ ang gayong mga bagay kumpara sa espirituwal na mga pagpapalang matatanggap nila sa pamamagitan ni Kristo Jesus.

mga araw, buwan, panahon, at taon: Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang espesyal na mga okasyon na dapat ipagdiwang noon ng bayan ng Diyos ayon sa Kautusang Mosaiko. Ang ilang halimbawa nito ay ang mga Sabbath at taon ng sabbath (Exo 20:8-10; Lev 25:4, 8, 11), mga bagong buwan (Bil 10:10; 2Cr 2:4), taunang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 16:29-31), Paskuwa (Exo 12:24-27), Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa (Lev 23:6), Kapistahan ng mga Sanlinggo (Exo 34:22), at Kapistahan ng mga Kubol (Lev 23:34). May nakatakdang panahon para sa bawat okasyong ito. Ang ilang Kristiyano sa Galacia ay dating nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, at maraming taon nilang ipinagdiwang ang mga okasyong iyon. Pero nang malaman nila ang tungkol sa haing pantubos ni Kristo, masaya nilang tinanggap ang mga pakinabang nito at ang paglaya nila sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko. (Gaw 13:38, 39) Kaya natatakot si Pablo para sa mga bumabalik sa istriktong pagsunod sa Kautusan at pagdiriwang sa espesyal na mga okasyong iyon. (Gal 4:11) Sa katulad na paraan, kung ipagdiriwang ulit ng isang Gentil na naging Kristiyano ang mga paganong okasyon sa dati niyang relihiyon, pagpapakita rin ito ng kawalan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo.

dahil sa sakit ko: Posibleng may sakit si Pablo noon sa mata. (Gal 4:15; 6:11; ihambing ang Gaw 23:1-5.) Anuman ang sakit na tinutukoy dito ni Pablo, naging dahilan ito para maipahayag niya ang mabuting balita sa Galacia sa unang pagkakataon. Posibleng nangyari ito noong mga 47-48 C.E., sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Noon sila nagpunta ni Bernabe sa Galacia, at binisita nila ang mga lunsod ng Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe. (Gaw 13:14, 51; 14:6, 21) Noong mga 49 C.E., bago isulat ni Pablo ang liham na ito, bumisita siyang muli sa mga lunsod na iyon sa Galacia.—Gaw 15:40–16:1.

dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin: Ginamit dito ni Pablo ang isang karaniwang idyoma para idiin kung gaano siya kamahal ng mga taga-Galacia. Handa silang ibigay ang lahat para sa kaniya, kahit pa ang mga bagay na napakahalaga sa kanila gaya ng mata nila. Tamang-tama ang pagkakagamit niya sa ekspresyong ito lalo na kung may problema talaga siya sa mata, na posibleng ang “sakit” na kakabanggit lang niya.—Gal 4:13, 14; tingnan din ang Gaw 23:2-5; 2Co 12:7-9; Gal 6:11.

Mahal kong mga anak: O “Maliliit kong anak.” Sa talatang ito, inihalintulad ni Pablo ang sarili niya sa isang ina at ang mga taga-Galacia naman, sa mga anak niya. Sinabi niya sa mga Kristiyanong iyon: Nakararanas na naman ako ng kirot ng panganganak dahil sa inyo. Makikita dito kung gaano kamahal ni Pablo ang mga taga-Galacia at na gustong-gusto niyang sumulong sila bilang mga Kristiyano. Ang ginamit ng ilang sinaunang manuskrito dito ay ang salitang Griego para sa “anak” (teʹknon), pero may ibang maaasahang manuskrito na gumamit ng pangmaliit na anyo (te·kniʹon) ng salitang iyan. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangmaliit na anyo ay kadalasan nang ginagamit para magpahiwatig ng pagmamahal at pagiging pamilyar, kaya ang salitang Griegong ito ay isinalin ditong “mahal kong mga anak.”—Tingnan sa Glosari, “Pangmaliit na anyo.”

malayang babae: Tumutukoy ang terminong ito sa asawa ni Abraham na si Sara at sa “Jerusalem sa itaas.” (Gal 4:26) Inihalintulad ni Pablo ang Jerusalem noong panahon niya sa alilang babae na si Hagar. (Gal 4:25) Ang bansang Israel, kasama na ang kabisera nitong Jerusalem, ay hindi puwedeng tawaging malayang babae dahil sa Kautusan. Ipinakita ng Kautusan na ang mga Israelita ay alipin ng kasalanan. Sa kabaligtaran, ang makasagisag na asawang babae ng Diyos, ang Jerusalem sa itaas, ay hindi kailanman naging alipin. Kagaya ito ni Sara, na isang malayang babae. Ang “mga anak ng malayang babae” ay pinalaya ng Anak ng Diyos mula sa pagkaalipin sa kasalanan at sa Kautusang Mosaiko.—Gal 4:31; 5:1 at study note; Ju 8:34-36.

sa natural na paraan: Lit., “ayon sa laman.”—Tingnan ang study note sa Ro 1:3.

isang makasagisag na drama: Gumamit dito si Pablo ng isang talinghaga, kung saan ang mga tao, bagay, at pangyayari ay may isinasagisag. Sa makasagisag na dramang ito batay sa Genesis 16 hanggang 21, pinagkumpara ni Pablo ang “malayang babae” (Sara) at ang “alilang babae” (Hagar).—Gal 4:22–5:1; tingnan sa Media Gallery, “Dalawang Babae sa Isang Makasagisag na Drama.”

ang mga babaeng ito ay sumasagisag sa dalawang tipan: Lumilitaw na ang mga tipang ito ay ang tipan ng Kautusang Mosaiko at ang Abrahamikong tipan. Hindi naman kumakatawan sina Hagar at Sara sa mismong mga tipang ito. Pero sa dramang ito na isa ring hula, ginamit sila para ipakita ang magkaibang aspekto ng kaugnayan ng Diyos sa bayan niya—ang tipang Kautusan na nagdudulot ng pagkaalipin at ang Abrahamikong tipan na umaakay sa tunay na kalayaan.

pinag-usig: Tinutukoy dito ni Pablo ang ulat sa Gen 21:9, kung saan sinabi na “si Isaac ay nilalait” ni Ismael. Si Ismael ang ipinagbuntis sa natural na paraan. Si Isaac naman ang ipinagbuntis sa pamamagitan ng espiritu dahil ginamit ni Jehova ang banal na espiritu niya para buhayin ang kakayahang magkaanak nina Abraham at Sara at matupad ang pangako niya. (Gen 12:3; 13:14-16; 17:7-9, 19; Gal 4:28) Sa bahagi ng “makasagisag na drama” kung saan pinag-uusig ni Ismael si Isaac (Gal 4:24), sinabi ni Pablo na gayon din naman ngayon; ipinaliwanag niya na ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus, ang mga “anak . . . dahil sa pangako” (Gal 4:28), ay pinag-uusig ng likas na mga Judio, na nag-aangking legal na mga tagapagmana ni Abraham.

sa natural na paraan: Lit., “ayon sa laman.”—Tingnan ang study note sa Ro 1:3.

Media