Ayon kay Lucas 17:1-37

17  Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad niya: “Darating talaga ang mga bagay na nagiging dahilan ng pagkatisod. Pero kaawa-awa ang taong nagiging dahilan para matisod ang iba!+ 2  Mas mabuti pang ibitin sa leeg niya ang isang gilingang-bato at ihulog siya sa dagat kaysa sa maging dahilan siya ng pagkatisod* ng isa sa maliliit na ito.+ 3  Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili. Kung magkasala ang kapatid mo, sawayin mo siya,+ at kung magsisi siya, patawarin mo siya.+ 4  Kahit pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses siyang lumapit at magsabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”+ 5  Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Palakasin mo ang pananampalataya namin.”+ 6  Kaya sinabi ng Panginoon: “Kung may pananampalataya kayo na kasinliit ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa punong ito ng itim na mulberi, ‘Mabunot ka at lumipat ka sa dagat!’ at susundin kayo nito.+ 7  “Ipagpalagay nang may alipin kayo na umuwi mula sa pag-aararo o pagpapastol sa bukid. Sasabihin ba ninyo sa alipin, ‘Halika, kumain ka’? 8  Hindi. Sa halip, sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka. Ipaghanda mo ako ng hapunan at pagsilbihan hanggang sa makakain ako at makainom; pagkatapos, puwede ka nang kumain at uminom.’ 9  Hindi kayo makadarama ng utang na loob sa alipin dahil ginawa lang niya ang mga atas niya, hindi ba? 10  Kaya kayo rin, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniatas sa inyo, sabihin ninyo: ‘Kami ay hamak na mga alipin lang. Ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”+ 11  Habang papunta siya sa Jerusalem, dumaan siya sa pagitan ng Samaria at Galilea. 12  Pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng 10 lalaking ketongin, pero tumayo lang sila sa malayo.+ 13  Sumigaw sila: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin!” 14  Nang makita niya sila, sinabi niya: “Magpakita kayo sa mga saserdote.”+ At gumaling sila+ habang papunta roon. 15  Nang makita ng isa sa kanila na gumaling na siya, bumalik siya habang sumisigaw ng papuri sa Diyos. 16  Sumubsob siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat sa kaniya. Sa katunayan, isa siyang Samaritano.+ 17  Sinabi ni Jesus: “Hindi ba 10 ang napagaling?* Nasaan ang 9 na iba pa? 18  Wala na bang ibang bumalik para pumuri sa Diyos bukod sa taong ito na iba ang lahi?” 19  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Tumayo ka at tumuloy na sa pupuntahan mo; pinagaling* ka ng pananampalataya mo.”+ 20  Nang tanungin siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang Kaharian ng Diyos,+ sumagot siya: “Hindi magiging kapansin-pansin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; 21  hindi rin sasabihin ng mga tao, ‘Tingnan ninyo, narito!’ o, ‘Tingnan ninyo, naroon!’ Dahil ang Kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.”+ 22  Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad: “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, pero hindi ninyo iyon makikita.+ 23  At sasabihin sa inyo ng mga tao, ‘Tingnan ninyo roon!’ o, ‘Tingnan ninyo rito!’ Huwag kayong lumabas o sumunod sa kanila.+ 24  Dahil kung paanong ang kidlat ay nagliliwanag mula sa isang bahagi ng langit hanggang sa kabilang bahagi nito, magiging gayon din ang Anak ng tao+ sa araw na iyon.*+ 25  Pero dapat muna siyang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng henerasyong ito.+ 26  Isa pa, ang mga araw ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe:+ 27  kumakain sila at umiinom at ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka,+ at dumating ang Baha at pinuksa silang lahat.+ 28  Magiging gaya rin ito noong panahon ni Lot:+ sila ay kumakain, umiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim, at nagtatayo. 29  Pero nang araw na lumabas si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre* mula sa langit at pinuksa silang lahat.+ 30  Gayon din ang mangyayari sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.+ 31  “Sa araw na iyon, kung nasa bubungan ang isang tao at nasa loob ng bahay ang mga pag-aari niya, huwag na siyang bumaba para kunin ang mga iyon, at huwag na ring balikan ng nasa bukid ang mga bagay na naiwan niya.+ 32  Alalahanin ang asawa ni Lot.+ 33  Ang sinumang gustong magligtas ng buhay niya ay mamamatay,* pero ang sinumang mamatay ay magliligtas sa buhay niya.+ 34  Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, dalawang tao ang hihiga sa isang higaan; isasama ang isa, pero iiwan ang isa.+ 35  May dalawang babae na magkasamang maggigiling ng trigo; isasama ang isa, pero iiwan ang isa.” 36  —— 37  Sinabi nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon magpupuntahan ang mga agila.”+

Talababa

O “paghina ng pananampalataya; pagkakasala.”
Lit., “luminis.”
O “iniligtas.”
Lit., “sa araw niya.”
Dito, ang salitang “asupre” ay tumutukoy sa isang uri ng bato na nag-aapoy.
O “mawawalan ng buhay.” Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Study Notes

dahilan ng pagkatisod: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na skanʹda·lon ay ipinapalagay na tumutukoy sa isang bitag; sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa isang patpat na pinagkakabitan ng isang pain. Nang maglaon, tumutukoy na rin ito sa anumang bagay na puwedeng ikatisod o ikabagsak ng isa. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang pagkilos o kalagayan na nagiging dahilan para malihis ng landas ang isang tao o magkasala. Sa Luc 17:2, ang kaugnay na pandiwang skan·da·liʹzo, na isinaling “maging dahilan . . . ng pagkatisod,” ay puwede ring isalin na “maging bitag; maging dahilan ng pagkakasala.”

pitong beses . . . sa isang araw: Posibleng naalala ni Pedro sa ekspresyong ito ang isinagot sa kaniya noon ni Jesus. Tinanong dati ni Pedro si Jesus kung ilang beses dapat magpatawad sa isang kapatid. Sinabi ni Jesus: “Hanggang sa 77 ulit.” (Tingnan ang study note sa Mat 18:22.) Hindi literal ang mga sinabing ito ni Jesus. Ang ibig sabihin ng “pitong beses” dito ay walang takdang bilang. (Ihambing ang ekspresyong “pitong ulit . . . sa isang araw” sa Aw 119:164, na nangangahulugang paulit-ulit at palagi.) Ang isang Kristiyano ay posibleng magkasala sa kapatid niya nang pitong beses sa isang araw at magsisi rin nang pitong beses sa araw na iyon. Kapag sinaway ang isang nagkasala at nagsisi siya, dapat siyang patawarin. Sa ganitong mga sitwasyon, walang limitasyon ang pagpapatawad sa nagkasala.​—Luc 17:3.

kasinliit ng binhi ng mustasa: Tingnan ang study note sa Luc 13:19.

punong ito ng itim na mulberi: Isang beses lang binanggit ang punong ito sa Bibliya. Sinasabing ang salitang Griego na ginamit dito, sy·kaʹmi·nos, ay ang puno ng mulberi, at karaniwan sa Israel ang itim na mulberi (Morus nigra). Matibay ang punong ito, at ang taas nito ay umaabot nang mga 6 m (20 ft). Malalaki at hugis-puso ang mga dahon nito, at ang mga bunga nito ay kulay pula o itim at kahawig ng blackberry. Malalim at malawak ang naaabot ng mga ugat nito, kaya hindi ito basta-basta mabubunot.

Magbihis: Ang salitang Griego na pe·ri·zonʹny·mai, na isinaling “magbihis,” ay literal na nangangahulugang “magbigkis,” ibig sabihin, magsuot ng apron o sikipan ang damit, kadalasan nang sa pamamagitan ng sinturon, para maging handa sa paglilingkod. Ang salitang ito ay lumitaw rin sa Luc 12:35, 37 at Efe 6:14.​—Tingnan ang study note sa Luc 12:35, 37.

hamak: Lit., “walang-halaga; walang-silbi.” Sa ilustrasyong ito ni Jesus, hindi niya sinasabi na dapat isipin ng mga alipin, o ng mga alagad niya, na wala silang halaga o silbi. Sa konteksto, ipinapakita ng salitang “hamak” na dapat maging mapagpakumbaba ang mga alipin at hindi nila dapat isipin na karapat-dapat sila sa espesyal na papuri. Sinasabi ng ilang iskolar na ang terminong ito ay isang eksaherasyon na nangangahulugang “mga alipin lang kami na hindi karapat-dapat sa espesyal na atensiyon.”

Habang papunta siya sa Jerusalem, dumaan siya sa pagitan ng Samaria at Galilea: Noong papunta si Jesus sa Jerusalem, naglakbay muna siya pahilaga mula sa lunsod ng Efraim at dumaan sa Samaria at Galilea (posibleng sa bandang timog nito) papuntang Perea. Habang papasók siya sa isang nayon sa Samaria o Galilea, sinalubong siya ng 10 lalaking ketongin. (Luc 17:12) Ito ang huling pagpunta niya sa Galilea bago siya mamatay.​—Ju 11:54; tingnan ang Ap. A7.

10 lalaking ketongin: Noong panahon ng Bibliya, lumilitaw na nagsasama-sama ang mga ketongin o tumitira sa iisang lugar para matulungan nila ang isa’t isa. (2Ha 7:3-5) Sa Kautusan ng Diyos, dapat na nakabukod ang mga ketongin. Dapat ding sumigaw ang isang ketongin ng “Marumi, marumi!” para layuan siya ng mga tao. (Lev 13:45, 46) Kaya bilang pagsunod sa Kautusan, ang mga ketongin ay tumayo lang nang malayo kay Jesus.​—Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”

Magpakita kayo sa mga saserdote: Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, nasa ilalim siya ng Kautusan kaya kinilala niya ang pagkasaserdote mula sa linya ni Aaron, at inutusan niya ang pinagaling niyang mga ketongin na pumunta sa saserdote. (Mat 8:4; Mar 1:44) Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at magdala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo bilang hain.—Lev 14:2-32.

gumaling: O “luminis.” Si Lucas lang ang nag-ulat ng pagpapagaling ni Jesus sa 10 ketongin.

kapansin-pansin: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “pagmasdang mabuti; obserbahan.” Ayon sa ilang iskolar, ang ekspresyong ito ay ginagamit sa mga akda sa medisina para sa pag-obserba sa mga sintomas ng isang sakit. Maliwanag na ginamit ang salitang ito dito para ipakitang hindi magiging kapansin-pansin sa lahat ang pagdating ng Kaharian ng Diyos.

nasa gitna ninyo: O “kasama ninyo.” Ang panghalip na “ninyo” ay maliwanag na tumutukoy sa mga Pariseo, dahil sila ang kausap ni Jesus. (Luc 17:20; ihambing ang Mat 23:13.) Si Jesus ang kinatawan ng Diyos at pinili niya bilang hari sa kaniyang Kaharian; kaya masasabing ang “Kaharian” ay nasa gitna nila. Bukod diyan, binigyan din siya ng awtoridad para gumawa ng mga himala, na magpapakita ng kapangyarihan niya bilang haring pinili ng Diyos, at para ihanda ang mga posibleng makasama niya bilang tagapamahala sa darating na Kaharian.​—Luc 22:29-30.

kung paanong ang kidlat ay nagliliwanag: Ang presensiya ni Jesus ay magiging gaya ng kidlat dahil maliwanag na makikita ng lahat ng mapagbantay ang mga ebidensiya ng presensiya niya bilang Hari ng Kaharian.

magiging gayon din ang Anak ng tao sa araw na iyon: O posibleng “magiging gayon din ang Anak ng tao.” Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay ang mas maikling bersiyon, pero ang bersiyon sa saling ito ang mababasa sa ibang sinaunang manuskrito at sa maraming salin ng Bibliya.

panahon ni Noe: Lit., “mga araw ni Noe.” Sa Bibliya, ang terminong “panahon ni” ay tumutukoy kung minsan sa panahong nabuhay ang isang partikular na tao. (Isa 1:1; Jer 1:2, 3; Luc 17:28) Dito, ang “panahon ni Noe” ay ikinumpara sa mga araw ng Anak ng tao. Sa katulad na pananalita na nasa Mat 24:37, ginamit ang ekspresyong “presensiya ng Anak ng tao.” Ipinapakita ni Jesus na ang sukdulang bahagi ng “mga araw” o “presensiya” niya ay may pagkakatulad sa sukdulang bahagi ng panahon ni Noe, kung kailan dumating ang Baha; pero hindi lang niya dito ikinukumpara ang “presensiya” niya. Maraming taon ang saklaw ng “panahon ni Noe.” Kaya may basehan sa unawa na ang inihulang “mga araw [o “presensiya”] ng Anak ng tao” ay sasaklaw rin ng maraming taon at magtatapos sa pagkapuksa ng mga hindi naghahanap ng kaligtasan.​—Tingnan ang study note sa Mat 24:3.

arka: Tingnan ang study note sa Mat 24:38.

Baha: O “delubyo.” Ang salitang Griego na ka·ta·kly·smosʹ ay tumutukoy sa malaking baha na mapaminsala, at ginagamit ng Bibliya ang salitang ito para sa Delubyo noong panahon ni Noe.​—Gen 6:17, Septuagint; Mat 24:38, 39; 2Pe 2:5.

nasa bubungan: Ang bubungan ng mga bahay noon ay patag at puwedeng gamitin na imbakan (Jos 2:6), pahingahan (2Sa 11:2), tulugan (1Sa 9:26), at para sa mga kapistahan ng pagsamba (Ne 8:16-18). Kaya kailangan na may halang ito. (Deu 22:8) Karaniwan na, may hagdan sa labas ng bahay para makababa ang nasa bubungan nang hindi na pumapasok sa bahay kaya masusunod nila ang sinabi ni Jesus. Idiniriin ng babala niya ang pagkaapurahan ng sitwasyon.

isasama: Ang terminong Griego na isinaling “isasama” ay ginagamit sa iba’t ibang konteksto, at kadalasan nang positibo ang ibig sabihin nito. Halimbawa, sa Mat 1:20, isinalin itong “pakasalan”; sa Mat 17:1, “isinama”; at sa Ju 14:3, ‘isasama sa bahay.’ Sa kontekstong ito, maliwanag na tumutukoy ito sa pagkakaroon ng magandang katayuan sa harap ng “Panginoon” at pagtanggap ng kaligtasan. (Luc 17:37) Maihahalintulad din ito sa pagpapasok kay Noe sa arka noong araw na dumating ang Baha at paghila sa kamay ni Lot palabas ng Sodoma. (Luc 17:26-29) Ang mga iiwan naman ay tumutukoy sa mga karapat-dapat sa pagkapuksa.

Sa ilang sinaunang manuskrito, idinagdag ang pananalitang ito: “Dalawang lalaki ang magtatrabaho sa bukid; ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan.” Pero hindi mababasa ang pananalitang ito sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, at lumilitaw na hindi talaga ito bahagi ng Lucas. Pero may ganiyang pananalita sa Mat 24:40. Kaya iniisip ng ilang iskolar na idinagdag ng isang tagakopya ang pananalitang ito sa Lucas mula sa Mateo.​—Tingnan ang Ap. A3.

Media