Ayon kay Lucas 3:1-38
Talababa
Study Notes
ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio: Namatay si Cesar Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian). Noong Setyembre 15, pumayag si Tiberio na iproklama siya ng Senado ng Roma na emperador. Kung magsisimula ng pagbilang ng taon mula sa pagkamatay ni Augusto, ang ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio ay mula Agosto 28 C.E. hanggang Agosto 29 C.E. Pero kung magsisimula ng pagbilang mula nang opisyal siyang iproklama bilang emperador, ang ika-15 taon niya ay magiging mula Setyembre 28 C.E. hanggang Setyembre 29 C.E. Lumilitaw na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa tagsibol (sa hilagang hemisperyo) ng 29 C.E., na pasók sa ika-15 taon ng pamamahala ni Tiberio. Sa ika-15 taon ni Tiberio, malamang na si Juan ay mga 30 taóng gulang na, ang edad kung kailan nagsisimulang maglingkod sa templo ang mga saserdoteng Levita. (Bil 4:2, 3) Ayon sa Luc 3:21-23, si Jesus ay “mga 30 taóng gulang” din nang bautismuhan siya ni Juan at ‘pasimulan niya ang kaniyang gawain.’ Namatay si Jesus noong tagsibol, buwan ng Nisan, kaya ang tatlo-at-kalahating taon ng ministeryo niya ay lumilitaw na nagsimula nang taglagas, noong mga buwan ng Etanim (Setyembre/Oktubre). Malamang na mas matanda si Juan kay Jesus nang anim na buwan at lumilitaw na sinimulan din niya ang kaniyang ministeryo nang mas maaga nang anim na buwan kaysa kay Jesus. (Luc, kab. 1) Kaya makatuwirang isipin na sinimulan ni Juan ang ministeryo niya noong tagsibol ng 29 C.E.—Tingnan ang study note sa Luc 3:23; Ju 2:13.
Herodes: Si Herodes Antipas, anak ni Herodes na Dakila.—Tingnan sa Glosari.
tagapamahala ng distrito: Lit., “tetrarka,” ang tawag sa isang mababang tagapamahala ng distrito o opisyal na namamahala sa isang teritoryo dahil binigyan siya ng kapangyarihan ng Romanong awtoridad.—Tingnan ang study note sa Mat 14:1; Mar 6:14.
si Felipe na kapatid niya: Ang kapatid sa ama ni Herodes Antipas. Si Felipe ay anak ni Herodes na Dakila sa asawa nitong si Cleopatra ng Jerusalem. Kung minsan, tinatawag siyang Felipe na tetrarka para hindi siya maipagkamali sa kapatid niya sa ama na may pangalan ding Felipe (tinatawag kung minsan na Herodes Felipe), na binanggit sa Mat 14:3 at Mar 6:17.—Tingnan din ang study note sa Mat 16:13.
Iturea: Isang maliit na teritoryo na di-tiyak ang hangganan at makikita sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea; lumilitaw na malapit ito sa bulubundukin ng Lebanon at Anti-Lebanon.—Tingnan ang Ap. B10.
Traconite: Ang pangalang ito ay galing sa Griegong salitang-ugat na nangangahulugang “malubak”; malamang na tumutukoy ito sa pagiging malubak ng lugar na iyon. Makikita ang Traconite sa teritoryo na tinatawag noon na Basan (Deu 3:3-14), na nasa silangan ng Iturea. Mga 900 sq km (350 sq mi) lang ang lawak nito. Ang hilagang hangganan nito ay umaabot nang mga 40 km (25 mi) sa timog-silangan ng Damasco.
Lisanias: Ayon sa ulat ni Lucas, si Lisanias ang “tagapamahala ng distrito [lit., “tetrarka”]” ng Romanong distrito ng Abilinia noong pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista. Isang inskripsiyon sa Abila, kabisera ng Abilinia, na malapit sa Damasco ng Sirya (tingnan ang Ap. B10), ang nagpapatunay na isang tetrarkang nagngangalang Lisanias ang namahala kasabay ng Romanong Emperador na si Tiberio. Ipinapakita nito na hindi totoo ang sinasabi ng ilang kritiko na ang Lisanias na tinutukoy ni Lucas ay ang hari na namahala sa kalapit na lugar na Chalcis at pinatay noong mga 34 B.C.E., ilang dekada na mas maaga bago ang panahong binabanggit ni Lucas.
Abilinia: Isang Romanong distrito, o tetrarkiya, na isinunod ang pangalan sa kabisera nitong Abila at makikita sa rehiyon ng Kabundukan ng Anti-Lebanon sa hilaga ng Bundok Hermon.—Tingnan sa Glosari, “Bulubundukin ng Lebanon.”
Caifas at . . . punong saserdoteng si Anas: Nang banggitin ni Lucas ang pasimula ng ministeryo ni Juan Bautista, sinabi niyang naglilingkod noong panahong iyon bilang mga saserdoteng Judio ang dalawang prominenteng lalaki. Si Anas ay itinalagang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. ng Romanong gobernador ng Sirya na si Quirinio, at naglingkod siya hanggang mga 15 C.E. Kahit noong inalis na ng mga Romano si Anas bilang mataas na saserdote, lumilitaw na naging makapangyarihan at maimpluwensiya pa rin siya dahil sa pagiging mataas na saserdote niya noon at pinapakinggan pa rin siya ng mga prominenteng Judio. Lima sa mga anak niyang lalaki ang naglingkod bilang mataas na saserdote, at ang manugang niyang si Caifas ay naging mataas na saserdote mula mga 18 C.E. hanggang mga 36 C.E. Kaya kahit si Caifas na ang mataas na saserdote noong 29 C.E., puwede pa ring tawagin si Anas na ‘punong saserdote’ dahil sa prominenteng posisyon niya.—Ju 18:13, 24; Gaw 4:6.
Juan: Sa ulat lang ni Lucas ipinakilala si Juan bilang anak ni Zacarias. (Tingnan ang study note sa Luc 1:5.) Si Lucas lang din ang nagsabi na si Juan ay tumanggap ng mensahe mula sa Diyos; katulad ito ng pananalita sa Septuagint may kinalaman sa propetang si Elias (1Ha 17:2; 21:28 [20:28, LXX]), na inihahalintulad kay Juan. (Mat 11:14; 17:10-13) Sinasabi ng mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas na nasa ilang si Juan, pero si Mateo lang ang espesipikong bumanggit na ito ay “ilang ng Judea,” na nasa silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea at ang kalakhang bahagi ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
bautismo bilang sagisag ng pagsisisi: Tingnan ang study note sa Mar 1:4.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ipinakita ni Lucas na si Juan Bautista ang tinutukoy sa hulang ito. Ihahanda ni Juan ang dadaanan ni Jehova dahil ihahanda niya ang daan para kay Jesus, na kakatawan sa kaniyang Ama at darating sa ngalan ng kaniyang Ama. (Ju 5:43; 8:29) Sa Ebanghelyo ni apostol Juan, si Juan Bautista mismo ang nagsabi na siya ang tutupad sa hulang ito.—Ju 1:23.
Patagin ninyo ang lalakaran niya: Tingnan ang study note sa Mat 3:3.
magpabautismo: O “magpalubog.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
Kayong mga anak ng ulupong: Tingnan ang study note sa Mat 3:7.
Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng mga bungang angkop sa pagsisisi.” Ang pangmaramihang anyo ng salitang Griego para sa “bunga” (kar·posʹ) ay ginamit dito para tumukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.—Mat 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”
maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.
mga naglilingkod sa militar: Lumilitaw na sila ay mga sundalong Judio na rumoronda para mangolekta ng buwis. Ang mga sundalong Judio ay may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova. Kung gusto nilang magpabautismo bilang sagisag ng pagsisisi, kailangan nilang baguhin ang kanilang paggawi at tumigil na sa pangingikil at paggawa ng ibang krimen na karaniwan sa mga sundalo.—Mat 3:8.
mag-akusa ng di-totoo: Ang terminong Griego na isinaling “mag-akusa ng di-totoo” (sy·ko·phan·teʹo) na ginamit dito ay isinaling “kinikil” o “kinikil . . . sa pamamagitan ng di-totoong akusasyon” sa Luc 19:8. (Tingnan ang study note sa Luc 19:8.) Sinasabing ang literal na kahulugan ng pandiwang ito ay “kunin sa pamamagitan ng pagpapakita ng igos.” Iba-iba ang paliwanag sa pinagmulan ng salitang ito. Ito ang isa: Sa Atenas noon, ipinagbabawal ang pagluluwas ng igos. Kaya kapag pinagbibintangan ng isang tao ang kapuwa niya na nagtatangkang magluwas ng igos, tinatawag siyang “tagapagpakita ng igos.” Nang maglaon, ginamit na ang terminong ito para tumukoy sa nag-aakusa sa iba ng di-totoo para sa pakinabang, o blackmailer.
suweldo: O “probisyon; kabayaran.” Ginamit dito ang isang terminong panghukbo na tumutukoy sa suweldo ng isang sundalo. Noong una, kasama sa kabayaran ng mga sundalo ang pagkain at iba pang probisyon. Ang mga sundalong Judio na lumapit kay Juan ay posibleng mga sundalong rumoronda, partikular na para maningil ng buwis. Posibleng ibinigay ni Juan ang payong ito dahil mababa ang suweldo ng karamihan sa mga sundalo, at lumilitaw na nagiging dahilan ito para abusuhin ng mga sundalo ang kapangyarihan nila at madagdagan ang kinikita nila. Ginamit din ang terminong ito sa ekspresyon na “sarili niyang gastos” sa 1Co 9:7, kung saan sinasabi ni Pablo ang kabayaran na nararapat sa isang ‘sundalong’ Kristiyano.
naghihintay: O “nag-aabang.” Posibleng sabik na naghihintay ang mga tao dahil inihayag ng mga anghel ang kapanganakan ni Jesus at ipinamalita ng mga pastol ang mensaheng iyon. (Luc 2:8-11, 17, 18) Pagkatapos, humula naman tungkol sa bata ang propetisang si Ana sa templo. (Luc 2:36-38) Gayundin, ang sinabi ng mga astrologo na dumating sila para magbigay-galang sa “ipinanganak na hari ng mga Judio” ay may malaking epekto kay Herodes, sa mga punong saserdote, sa mga eskriba, at sa buong Jerusalem.—Mat 2:1-4.
Binabautismuhan ko kayo: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
sandalyas: Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
palang pantahip: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.
ipa: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.
apoy na hindi mapapatay: Tingnan ang study note sa Mat 3:12.
tagapamahala ng distrito: Tingnan ang study note sa Mat 14:1.
Habang nananalangin siya: Sa Ebanghelyo ni Lucas, nagtuon siya ng pansin sa panalangin. Si Lucas lang ang bumanggit ng marami sa mga panalangin ni Jesus. Halimbawa, si Lucas lang ang nagsabi na nanalangin si Jesus noong bautismo niya. Lumilitaw na iniulat ni Pablo nang maglaon ang ilang mahahalagang sinabi ni Jesus sa panalanging iyon. (Heb 10:5-9) Ang iba pang pagkakataong nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang nag-ulat ay mababasa sa Luc 5:16; 6:12; 9:18, 28; 11:1; 23:46.
nabuksan ang langit: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit, at malamang na kasama doon ang memorya niya noong nasa langit pa siya. Ang mga sinabi ni Jesus pagkatapos ng bautismo niya, partikular na ang napakapersonal na panalangin niya noong gabi ng Paskuwa ng 33 C.E., ay nagpapakitang alam na niya nang pagkakataong iyon ang buhay niya sa langit bago siya maging tao. Makikita rin na naalala niya ang mga narinig niyang sinabi ng kaniyang Ama at nakita niyang ginawa Niya, pati ang kaluwalhatian niya noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Posibleng naalala niya ang mga iyon noong bautismuhan siya at pahiran.
langit: Tingnan ang study note sa Mat 3:16.
tulad ng isang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa kay Jesus ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.
isang tinig ang narinig mula sa langit: Ito ang una sa tatlong pagkakataong iniulat sa Ebanghelyo na narinig ng mga tao na nagsalita si Jehova.—Tingnan ang study note sa Luc 9:35; Ju 12:28.
Ikaw ang Anak ko: Tingnan ang study note sa Mar 1:11.
nalulugod ako sa iyo: Tingnan ang study note sa Mar 1:11.
pasimulan ni Jesus ang kaniyang gawain: O “pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo; magsimulang magturo si Jesus.” Lit., “magsimula si Jesus.” Ito rin ang ekspresyong Griego na ginamit ni Lucas sa Gaw 1:21, 22 at 10:37, 38 nang tukuyin niya ang pasimula ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Kasama sa ministeryo niya ang pangangaral, pagtuturo, at paggawa ng alagad.
gaya nga ng sinasabi ng mga tao: O posibleng “ayon sa batas.” Iniisip ng ilang iskolar na puwede itong isalin na “ayon sa batas,” dahil kasama rin ito sa kahulugan ng ginamit na terminong Griego. Sa kontekstong ito, ang ganitong salin ay nangangahulugang may legal na basehan ang ulat ni Lucas batay sa rekord ng talaangkanan na makukuha nang panahong iyon. Pero mas maraming iskolar ang sumusuporta sa salin ng Bagong Sanlibutang Salin.
gaya nga ng sinasabi ng mga tao, siya ay anak ni Jose: Ama-amahan lang ni Jesus si Jose, dahil ipinanganak si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu. Pero dahil nakita ng mga taga-Nazaret na pinalaki nina Jose at Maria si Jesus, natural lang na ituring nila siyang anak ni Jose. Makikita iyan sa mga tekstong gaya ng Mat 13:55 at Luc 4:22, kung saan tinawag si Jesus ng mga taga-Nazaret na “anak ng karpintero” at ‘anak ni Jose.’ Minsan, sinabi ng mga natisod kay Jesus: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kaniyang ama at ina.” (Ju 6:42) Sinabi rin ni Felipe kay Natanael: “Nakita na namin . . . si Jesus, na anak ni Jose.” (Ju 1:45) Kaya idinidiin dito ni Lucas na opinyon lang ng mga tao na si Jesus ay “anak ni Jose.”
Jose, na anak ni Heli: Ayon sa Mat 1:16, “naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria.” Sa ulat naman ni Lucas, si Jose ay tinawag na “anak ni Heli,” lumilitaw na dahil siya ay manugang ni Heli. (Para sa kaparehong kaso, tingnan ang study note sa Luc 3:27.) Kapag tinutunton ang ninuno ng isang tao sa panig ng kaniyang ina, karaniwan noon sa mga Judio na magpokus sa mga lalaki sa angkan, at malamang na iyan ang dahilan kaya inalis ni Lucas ang pangalan ng babae at ipinalit dito ang pangalan ng asawa niyang lalaki. Lumilitaw na tinunton ni Lucas ang angkan ni Jesus sa panig ni Maria, kaya makatuwirang isipin na si Heli ay ama ni Maria at lolo ni Jesus sa ina.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:27.
Zerubabel, na anak ni Sealtiel: Maraming beses na tinukoy si Zerubabel na “anak ni Sealtiel” (Ezr 3:2, 8; 5:2; Ne 12:1; Hag 1:1, 12, 14; 2:2, 23; Mat 1:12), pero minsan siyang tinukoy na isa sa “mga anak ni Pedaias,” na kapatid ni Sealtiel. (1Cr 3:17-19) Malamang na anak talaga ni Pedaias si Zerubabel, pero ang kinikilalang legal na ama niya ay si Sealtiel. Kung namatay si Pedaias noong bata pa ang anak niyang si Zerubabel, posibleng ang bata ay pinalaki ng panganay na kapatid na lalaki ni Pedaias na si Sealtiel bilang sarili niyang anak. Kung namatay naman si Sealtiel nang walang anak at kinuha ni Pedaias ang naiwan niyang biyuda bilang asawa (pag-aasawa bilang bayaw), ang anak ni Pedaias sa asawa ni Sealtiel ay ituturing na legal na tagapagmana ni Sealtiel.
Sealtiel, na anak ni Neri: Ayon sa 1Cr 3:17 at Mat 1:12, si Sealtiel ay anak ni Jeconias, hindi ni Neri. Posibleng naging asawa ni Sealtiel ang anak na babae ni Neri. Kaya matatawag siyang “anak ni Neri” dahil manugang siya nito. Karaniwan sa talaangkanan ng mga Hebreo na itala ang isang manugang na lalaki bilang isang anak. Ganiyan din ang kaso nang tawagin ni Lucas si Jose na “anak ni Heli,” ang ama ni Maria.—Tingnan ang study note sa Luc 3:23.
Jesus: O “Josue (Jesua).” Ang mababasa sa ilang sinaunang manuskrito ay “Jose(s).”—Tingnan ang study note sa Mat 1:21.
Natan: Ang anak ni David kay Bat-sheba na ninuno ni Maria. (2Sa 5:13, 14; 1Cr 3:5) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit si Natan. Magkaiba ang talaangkanan ni Jesus na iniulat nina Lucas at Mateo, dahil tinunton ni Lucas ang linya mula sa anak ni David na si Natan, at tinunton naman ni Mateo ang linya mula sa anak ni David na si Solomon. (Mat 1:6, 7) Lumilitaw na sinundan ni Lucas ang talaangkanan ni Maria, na nagpapakitang talagang kadugo ni David si Jesus, at ipinakita naman ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David dahil tinunton niya ang linya mula kay Solomon hanggang kay Jose, ang legal na ama ni Jesus. Parehong ipinakita nina Mateo at Lucas na si Jose ay ama-amahan ni Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 16; Luc 3:23.
Salmon: Ang Griegong ispeling ng pangalang ito ay “Sala” sa ilang sinaunang manuskrito at “Salmon” naman sa iba. Naging asawa ni Salmon si Rahab na mula sa Jerico, at naging anak nila si Boaz. (Ru 4:20-22; Mat 1:4, 5) Sa 1Cr 2:11, ibang ispeling sa Hebreo ang ginamit sa pangalang ito. Sinasabi nito: “Naging anak ni Salma si Boaz.”
Arni: Ibang anyo ng pangalang Ram (sa Griego, A·ramʹ) na makikita sa Mat 1:3, 4. Sa 1Cr 2:9, isa si Ram sa “mga anak ni Hezron,” at sinasabi sa Ru 4:19 na “naging anak ni Hezron si Ram.” Sa ilang manuskrito, “Ram” ang ginamit sa ulat ni Lucas, pero maraming maaasahang manuskrito ang sumusuporta sa paggamit ng “Arni.”
anak ni Cainan: Sa ilang sinaunang manuskrito, inalis dito ang “anak ni Cainan.” Kaayon ito ng makikita sa tekstong Masoretiko ng Gen 10:24; 11:12, 13; at 1Cr 1:18, kung saan sinasabing si Shela ay anak ni Arpacsad. Pero lumitaw ang pangalan ni Cainan sa mga talaangkanang ito sa natitirang kopya ng Griegong Septuagint, gaya ng Codex Alexandrinus na mula noong ikalimang siglo C.E. Mababasa sa maraming manuskrito ng Ebanghelyo ni Lucas ang ekspresyong “anak ni Cainan,” kaya hindi ito inalis sa karamihan ng mga salin ng Bibliya.
anak ni Adan: Tinunton ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus hanggang kay Adan, ang ninuno ng lahat ng tao. Ipinakita nitong talagang isinulat ni Lucas ang mabuting balita para sa lahat ng tao, Judio man o hindi. Tinunton naman ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus hanggang kay Abraham, dahil lumilitaw na isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo, partikular na para sa mga Judio. Maliwanag din na para sa lahat ng tao ang Ebanghelyo ni Lucas dahil makikita dito na ang mensahe at mga gawa ni Kristo ay nakakatulong sa anumang uri ng tao, gaya ng ketonging Samaritano, mayamang maniningil ng buwis, at makasalanang magnanakaw na nag-aagaw-buhay sa tulos.—Luc 17:11-19; 19:2-10; 23:39-43.
Adan, na anak ng Diyos: Ipinapakita nito ang pinagmulan ng lahat ng tao, at kaayon ito ng ulat ng Genesis na nilalang ng Diyos ang unang tao at ginawa niya ang tao ayon sa kaniyang larawan. (Gen 1:26, 27; 2:7) Sinusuportahan din nito ang iba pang bahagi ng Kasulatan, gaya ng Ro 5:12; 8:20, 21; at 1Co 15:22, 45.