Ayon kay Mateo 22:1-46
Study Notes
ilustrasyon: O “talinghaga.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
damit para sa kasalan: Dahil kasal ito ng anak ng hari, malamang na binigyan ng espesyal na damit ang mga bisita para sa okasyong ito. Kung gayon, talagang kawalang-galang kapag hindi isinuot ang damit na iyon sa kasalan.
magngangalit ang mga ngipin niya: Tingnan ang study note sa Mat 8:12.
para hulihin siya: Lit., “para bitagin siya,” gaya ng ibon sa lambat. (Ihambing ang Ec 9:12, kung saan ginamit ng Septuagint ang terminong Griego rito para ipanumbas sa salitang Hebreo na nangangahulugang “hulihin gamit ang bitag; bitagin.”) Gumagamit ang mga Pariseo ng pambobola at tusong mga tanong (Mat 22:16, 17) para makakuha ng sagot na magagamit nila laban kay Jesus.
mga tagasuporta ni Herodes: Tingnan sa Glosari.
buwis: Tumutukoy sa taunang buwis, na posibleng isang denario, o katumbas ng suweldo sa isang-araw na trabaho, na sinisingil ng mga Romano sa lahat ng nakarehistro sa nasasakupan nila.—Luc 2:1-3.
Cesar: O “Emperador.” Ang emperador ng Roma noong ministeryo ni Jesus ay si Tiberio, pero hindi lang tumutukoy ang termino sa namamahalang emperador. Puwede ring tumukoy ang “Cesar” sa awtoridad ng pamahalaang Romano, o sa Estado, at sa mga inatasang kinatawan nito, na tinatawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinatawag naman ni Pedro na “hari” at “gobernador.”—Ro 13:1-7; 1Pe 2:13-17; Tit 3:1; tingnan sa Glosari.
mapagkunwari: Tingnan ang study note sa Mat 6:2.
denario: Ang baryang pilak na ito ng mga Romano, na may nakasulat na pangalan ni Cesar, ang “buwis” na sinisingil ng mga Romano sa mga Judio. (Mat 22:17) Noong panahon ni Jesus, ang mga manggagawa sa bukid ay karaniwang sinusuwelduhan ng isang denario para sa 12-oras na trabaho sa isang araw, at karaniwang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang denario sa pagkalkula ng halaga ng ibang pera. (Mat 20:2; Mar 6:37; 14:5; Apo 6:6) Iba’t ibang klase ng baryang tanso at pilak ang ginagamit sa Israel, kasama na ang baryang ginawa sa Tiro na ginagamit na pambayad ng buwis sa templo. Pero sa pagbabayad ng buwis sa Roma, lumilitaw na ang pilak na denario na may larawan ni Cesar ang ipinambabayad ng mga tao.—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.
larawan at pangalan: Sa harap ng karaniwang baryang denario noong panahong iyon, may larawan ng Romanong emperador na si Tiberio na may koronang dahon ng laurel. Namahala siya mula 14 hanggang 37 C.E. May nakasulat din ditong pangalan sa wikang Latin, “Tiberio Cesar Augusto, anak ni Augusto na itinuturing na diyos.”—Tingnan din ang Ap. B14.
ibayad: Lit., “ibalik.” Si Cesar ang nagpagawa ng mga barya, kaya may karapatan siyang hilingin na ibalik sa kaniya ang ilan sa mga ito. Pero walang karapatan si Cesar na hilingin sa isang tao na ialay o ibigay ang buhay nito sa kaniya. Ang Diyos ang nagbigay sa mga tao ng “buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gaw 17:25) Dahil diyan, siya lang ang may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon, kaya sa Diyos lang puwedeng “ibalik,” o ibigay, ng isang tao ang buhay at debosyon niya.
kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar: Ang eksenang ito, na mababasa rin sa Mar 12:17 at Luc 20:25, ang nag-iisang nakaulat na pagkakataong binanggit ni Jesus ang Romanong emperador. Kasama sa “mga bagay na kay Cesar” ang pagbabayad para sa serbisyo ng gobyerno at ang pagbibigay ng karangalan at relatibong pagpapasakop sa mga awtoridad.—Ro 13:1-7.
sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos: Kasama rito ang buong-pusong pagsamba, buong-kaluluwang pag-ibig, at tapat na pagsunod sa lahat ng utos niya.—Mat 4:10; 22:37, 38; Gaw 5:29; Ro 14:8.
pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:31; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa ekspresyong “Ang iyong mga patay ay mabubuhay.”—Tingnan sa Glosari.
naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki: Tingnan ang study note sa Mar 12:21.
ang Kasulatan: Terminong karaniwang ginagamit para tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan.
pagkabuhay-muli: Tingnan ang study note sa Mat 22:23.
ang sinabi sa inyo ng Diyos: Ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang pag-uusap ni Moises at ni Jehova noong mga 1514 B.C.E. (Exo 3:2, 6) Noong panahong iyon, 329 na taon nang patay si Abraham, 224 si Isaac, at 197 si Jacob. Pero hindi sinabi ni Jehova: ‘Ako ang Diyos nila noon,’ kundi sinabi niya: ‘Ako ang Diyos nila.’—Mat 22:32.
Siya ang Diyos, hindi ng mga patay: Sinusuportahan ito ng pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito. Pero sa ilang manuskrito, inulit ang salitang “Diyos” kaya ang mababasa ay: “Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay,” at ito ang ginamit na batayan sa ilang salin ng Bibliya. Sa isang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo (ang J18 sa Ap. C), ginamit ang Tetragrammaton dito at puwedeng isaling: “Si Jehova ay hindi Diyos ng mga patay.”—Ihambing ang Exo 3:6, 15.
kundi ng mga buháy: Tingnan ang study note sa Mar 12:27.
napatahimik: Ang pandiwang Griego ay puwede ring isaling “hindi nakaimik” (lit., “binusalan”). Tamang-tama ang terminong ito para sa tusong tanong ng mga Saduceo. Epektibo ang sagot ni Jesus kaya hindi sila nakapagsalita.—1Pe 2:15, tlb.
Dapat mong ibigin: Ang salitang Griego rito na isinaling “ibigin” ay a·ga·paʹo. Ang pandiwang ito at ang kaugnay na pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig) ay ginamit nang mahigit 250 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa 1Ju 4:8, ang pangngalang a·gaʹpe ay ginamit sa pariralang “ang Diyos ay pag-ibig,” at tinukoy ng Kasulatan ang Diyos bilang ang sukdulang halimbawa ng di-makasariling pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo. Kumikilos ang Diyos para ipadama ang pag-ibig niya at pinag-iisipan niya kung paano ito ipapakita. Ang ganitong pag-ibig ay tapat at may kasamang gawa, hindi lang puro damdamin. Ang mga taong nagpapakita ng ganitong pag-ibig ay hindi pinilit, kundi pinili nilang ipakita ito bilang pagtulad sa Diyos. (Efe 5:1) Kaya naman ang mga tao ay puwedeng utusan na magpakita ng pag-ibig, gaya ng dalawang pinakadakilang utos, na binanggit sa kontekstong ito. Dito, sinipi ni Jesus ang Deu 6:5. Sa Hebreong Kasulatan, ang pandiwang Hebreo na ʼa·hevʹ o ʼa·havʹ (umibig) at ang pangngalang ʼa·havahʹ (pag-ibig) ang mga salitang karaniwang ginagamit para tumukoy sa pag-ibig. Malawak ang kahulugan ng mga ito gaya ng mga salitang Griego na nabanggit. Kapag may kaugnayan sa pag-ibig kay Jehova, ipinapakita ng mga salitang ito ang kagustuhan ng isang tao na ibigay ang buong debosyon niya sa Diyos at Siya lang ang paglingkuran. Perpektong naipakita ni Jesus ang ganitong pag-ibig. Ipinakita niya na ang pag-ibig kay Jehova ay hindi lang pagkadama ng pagmamahal. Gumagabay ito sa buong buhay ng isang tao, sa iniisip niya, sinasabi, at ginagawa.—Tingnan ang study note sa Ju 3:16.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:5, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.
puso: Kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ang terminong ito ay karaniwang tumutukoy sa buong panloob na pagkatao. Pero kapag binabanggit kasama ng “kaluluwa” at “pag-iisip,” nagiging mas espesipiko ang kahulugan nito at pangunahin nang tumutukoy sa emosyon, kagustuhan, at damdamin ng isang tao. May pagkakapareho sa kahulugan ang tatlong terminong ito (puso, kaluluwa, at pag-iisip); ang paggamit sa mga ito nang sama-sama ang pinakamapuwersang paraan para idiin na kailangang ibigin ang Diyos nang buong-buo.
buong kaluluwa: O “buong pagkatao.”—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
pag-iisip: Tumutukoy sa kakayahang mag-isip. Dapat gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makilala ang Diyos at mahalin Siya. (Ju 17:3; Ro 12:1) Sa Deu 6:5, na sinipi rito, ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino, ‘puso, kaluluwa, at lakas.’ Pero sa ulat ni Mateo na mababasa sa Griego, “pag-iisip” ang ginamit sa halip na “lakas.” May ilang posibleng dahilan sa paggamit ng magkaibang termino. Una, walang espesipikong salita sa sinaunang Hebreo para sa “pag-iisip,” pero ang kahulugan nito ay karaniwan nang saklaw ng salitang Hebreo para sa “puso.” Kapag ginamit sa makasagisag na diwa ang terminong Hebreo na ito, tumutukoy ito sa buong panloob na pagkatao ng isa, kasama ang iniisip, nadarama, saloobin, at motibo niya. (Deu 29:4; Aw 26:2; 64:6; tingnan ang study note sa puso sa tekstong ito.) Dahil diyan, kapag ginagamit ang salitang “puso” sa Hebreong Kasulatan, karaniwang ginagamit ng Septuagint ang salitang Griego para sa “pag-iisip.” (Gen 8:21; 17:17; Kaw 2:10; Isa 14:13) Ang isa pang posibleng dahilan kung bakit ginamit ni Mateo ang salitang “pag-iisip” sa halip na “lakas” nang sipiin niya ang Deu 6:5 ay dahil ang salitang Hebreo para sa “lakas” ay puwedeng tumukoy sa pisikal na lakas at kakayahang mag-isip. Anuman ang dahilan, makakatulong ang paliwanag tungkol sa pagkakatulad sa kahulugan ng mga terminong Hebreo at Griego para maintindihan natin kung bakit magkakaiba ang pananalitang ginamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sumipi sila sa Deuteronomio.—Tingnan ang study note sa Mar 12:30; Luc 10:27.
Ang ikalawa: Mababasa sa Mat 22:37 ang direktang sagot ni Jesus sa Pariseo, pero sa tekstong ito, higit pa sa itinatanong ang sinabi ni Jesus. Sumipi siya ng isa pang utos (Lev 19:18) para ituro na ang dalawang utos na ito ay laging magkaugnay at saligan ng buong Kautusan at mga Propeta.—Mat 22:40.
kapuwa: Ang salitang Griego para sa “kapuwa” na literal na nangangahulugang “ang isa na malapit” ay hindi lang tumutukoy sa mga taong nakatira malapit sa isa’t isa. Tumutukoy ito sa sinumang nakakasalamuha ng isang tao.—Luc 10:29-37; Ro 13:8-10; tingnan ang study note sa Mat 5:43.
buong Kautusan at mga Propeta: Tingnan ang study note sa Mat 5:17.
saligan: Ang literal na salin ng pangungusap na ito ay “Sa dalawang utos na ito nakasabit ang buong Kautusan at mga Propeta.” Ang pandiwang Griego rito ay ginamit sa makasagisag na diwa at nangangahulugang “nakadepende; nakabatay.” Ipinapakita rito ni Jesus na hindi lang ang Kautusan, kasama na ang Sampung Utos, ang nakabatay sa pag-ibig kundi ang buong Hebreong Kasulatan.—Ro 13:9.
Kristo: O “Mesiyas.”—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.
udyok ng banal na espiritu: Lit., “sa espiritu.”—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”