A4
Ang Pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan
Ang pangalan ng Diyos, na binubuo ng apat na Hebreong katinig na יהוה, ay lumilitaw nang halos 7,000 beses sa Hebreong Kasulatan. Sa saling ito, ang apat na letrang iyon, na tinatawag na Tetragrammaton, ay isinaling “Jehova.” Iyan ang pangalan na pinakamaraming beses na lumitaw sa Bibliya. Ang mga manunulat ng Bibliya ay gumamit din ng maraming titulo at iba pang termino sa pagtukoy sa Diyos, gaya ng “Makapangyarihan-sa-Lahat,” “Kataas-taasan,” at “Panginoon,” pero ang Tetragrammaton lang ang nag-iisang pangalang ginamit nila para sa Diyos.
Ang Diyos na Jehova mismo ang nagsabi sa mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang pangalan niya. Halimbawa, ipinasulat niya kay propeta Joel: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:32) Ginabayan niya rin ang isang salmista na isulat: “Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Ang totoo, mga 700 beses lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Mga Awit pa lang—isang aklat ng mga tula na binibigkas o inaawit ng bayan ng Diyos. Pero bakit wala ang pangalan ng Diyos sa maraming salin ng Bibliya? Bakit “Jehova” ang ginamit sa saling ito? At ano ang ibig sabihin ng Jehova, ang pangalan ng Diyos?
Bakit wala ang pangalan ng Diyos sa maraming salin ng Bibliya? Iba-iba ang dahilan. Para sa ilan, hindi kailangan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ng pangalan para ipakilala ang sarili niya. Malamang na naimpluwensiyahan naman ang iba ng nakaugalian ng mga Judio—iniiwasan nilang gamitin ang pangalan ng Diyos, marahil sa takot na malapastangan ito. May mga naniniwala rin na dahil walang nakakatiyak kung ano ang eksaktong bigkas sa pangalan ng Diyos, mas mabuting gumamit na lang ng titulo, gaya ng “Panginoon” o “Diyos.” Pero hindi makatuwiran ang gayong mga argumento batay sa sumusunod na mga dahilan:
-
Kung sasabihin ng ilan na hindi kailangan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ng isang pangalan, binabale-wala nila ang ebidensiya na lumitaw ang pangalan ng Diyos sa sinaunang mga kopya ng kaniyang Salita, pati na sa mga kopya bago pa ang panahon ni Kristo. Gaya ng nabanggit na, ipinasulat ng Diyos ang pangalan niya sa kaniyang Salita nang mga 7,000 beses. Maliwanag, gusto niyang malaman natin ang pangalan niya at gamitin ito.
-
Nang alisin ng ilang tagapagsalin ang pangalan ng Diyos para masunod ang kaugalian ng mga Judio, hindi nila naisaalang-alang ang isang mahalagang bagay. Totoo, hindi binibigkas ng ilang eskribang Judio ang pangalan ng Diyos, pero hindi nila ito inalis sa mga kopya nila ng Bibliya. Maraming beses na lumitaw ang pangalan ng Diyos sa sinaunang mga balumbon na natagpuan sa Qumran, malapit sa Dagat na Patay. Ang ilang tagapagsalin ng Bibliya ay gumamit ng titulong “PANGINOON” na nasa malalaking letra para ipahiwatig na pangalan ng Diyos ang lumitaw sa orihinal na teksto. Pero ang tanong, Bakit basta na lang pinalitan o inalis ng mga tagapagsaling ito ang pangalan ng Diyos kahit na alam nilang libo-libong beses itong lumitaw sa orihinal na manuskrito ng Bibliya? Sino ang nagbigay sa kanila ng awtoridad na gawin iyon? Sila lang ang makasasagot.
-
Ang mga nagsasabing hindi dapat gamitin ang pangalan ng Diyos dahil walang nakaaalam sa eksaktong bigkas nito ay gumagamit ng pangalan ni Jesus. Pero ang bigkas ng mga alagad ni Jesus sa pangalan niya ay ibang-iba sa bigkas dito ng karamihan sa mga Kristiyano ngayon. Malamang na Ye·shuʹa‛ ang bigkas ng mga Judiong Kristiyano sa pangalan ni Jesus, at sa titulong “Kristo” naman ay Ma·shiʹach, o “Mesiyas.” I·e·sousʹ Khri·stosʹ ang tawag sa kaniya ng mga Kristiyanong nagsasalita ng Griego, at Ieʹsus Chriʹstus naman ng mga Kristiyanong nagsasalita ng Latin. Sa patnubay ng Diyos, ginamit sa Bibliya ang salin ng pangalan ni Jesus sa wikang Griego. Ipinapakita nito na ginamit ng mga Kristiyano noong unang siglo ang salin ng pangalan na karaniwan sa wika nila. Kaya para sa New World Bible Translation Committee, makatuwiran ding gamitin ang pangalang “Jehova,” hindi man iyon ang eksaktong bigkas sa pangalan ng Diyos sa sinaunang Hebreo.
Bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalang “Jehova”? Sa Ingles, ang apat na letra ng Tetragrammaton (יהוה) ay katumbas ng mga katinig na YHWH. Gaya ng lahat ng iba pang salita sa sinaunang Hebreo, ang Tetragrammaton ay walang patinig kapag isinusulat. Noong lagi pang ginagamit ang sinaunang Hebreo, alam ng mga bumabasa kung anong mga patinig ang gagamitin.
Mga sanlibong taon mula nang matapos ang Hebreong Kasulatan, bumuo ang mga Judiong iskolar ng isang sistema ng paglalagay ng Genesis 13:4; Exodo 3:15) Ang alam lang natin, paulit-ulit na ginamit ng Diyos ang pangalan niya sa pakikipag-usap sa bayan niya, tinawag siya ng bayan niya sa pangalang iyon, at ginagamit nila iyon kapag nakikipag-usap sa iba.—Exodo 6:2; 1 Hari 8:23; Awit 99:9.
tuldok at iba pang simbolo sa mga katinig para matukoy kung anong mga patinig ang dapat gamitin kapag nagbabasa ng Hebreo. Pero nang panahong iyon, naging pamahiin ng maraming Judio na maling bigkasin nang malakas ang pangalan ng Diyos, kaya gumamit sila ng ibang mga katawagan. Lumilitaw na nang kopyahin nila ang Tetragrammaton, pinagsama nila ang mga patinig ng ibang mga katawagan at ang apat na katinig ng pangalan ng Diyos. Kaya ang mga manuskritong may mga tuldok at iba pang simbolo sa pangalan ng Diyos ay hindi nakatulong para malaman kung paano talaga ito binibigkas sa Hebreo. May mga nagsasabing “Yahweh” ang bigkas dito, pero iba naman ang opinyon ng ilan. Sa isang bahagi ng aklat ng Levitico sa wikang Griego na kasama sa Dead Sea Scrolls, Iao ang transliterasyon sa pangalan ng Diyos. Pero sinasabi rin ng sinaunang mga manunulat na Griego na posibleng Iae, I·a·beʹ, o I·a·ou·eʹ ang bigkas dito. Kaya hindi natin puwedeng ipilit ang isang partikular na bigkas. Wala talagang nakakatiyak kung paano ito binigkas sa wikang Hebreo ng mga lingkod ng Diyos noon. (Kaya bakit “Jehova” ang ginamit sa saling ito? Dahil matagal nang ginagamit sa wikang Ingles ang “Jehovah” bilang pangalan ng Diyos, gayundin ang “Jehova” sa Bibliyang Tagalog.
Unang lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Bibliyang Ingles noong 1530 sa salin ni William Tyndale ng Pentateuch. Ginamit niya ang “Iehouah.” Sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbago ang wikang Ingles, at ginawang moderno ang ispeling ng pangalan ng Diyos. Halimbawa, noong 1612, ginamit ni Henry Ainsworth ang “Iehovah” sa buong salin niya ng aklat ng Mga Awit. At noong 1639, nang irebisa ang saling iyon at ilimbag kasama ng Pentateuch, ginamit ang
“Jehovah.” Noong 1901, ginamit ng mga tagapagsalin ng American Standard Version ang “Jehovah” sa mga teksto sa Hebreong Kasulatan kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. Sa Bibliyang Tagalog naman na Ang Dating Biblia na inilathala noong 1905, ginamit nang 16 na beses ang pangalang “Jehova.”Ipinaliwanag ng iginagalang na iskolar ng Bibliya na si Joseph Bryant Rotherham kung bakit niya ginamit ang “Jehovah” sa halip na “Yahweh” sa isinulat niyang Studies in the Psalms noong 1911. Sinabi niya na gusto niyang gamitin ang “pangalan na mas pamilyar (at katanggap-tanggap din naman) sa karamihan ng mga nagbabasa ng Bibliya.” Noong 1930, ganiyan din ang sinabi ng iskolar na si A. F. Kirkpatrick tungkol sa paggamit ng “Jehovah.” Sinabi niya: “Iginigiit ng makabagong mga gramariyan na dapat itong basahin nang Yahveh o Yahaveh; pero lumilitaw na matagal nang ginagamit ang JEHOVAH sa wikang Ingles, at ang talagang mahalaga ay hindi ang eksaktong bigkas, kundi ang maipakita na isa itong Pangalang Pantangi, hindi lang basta isang titulo gaya ng ‘Panginoon.’ ”
Ano ang ibig sabihin ng pangalang Jehova? Sa Hebreo, ang pangalang Jehova ay galing sa isang pandiwa na nangangahulugang “maging,” at maraming iskolar ang nagsasabi na ang pandiwang ito ay nasa causative form. Kaya sa pagkaunawa ng New World Bible Translation Committee, ang ibig sabihin ng pangalan ng Diyos ay “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar, kaya hindi natin puwedeng ipilit na iyon talaga ang kahulugan. Pero ang kahulugang iyon ay angkop na angkop sa papel ni Jehova bilang Maylalang ng lahat ng bagay at Tagatupad ng kaniyang layunin. Hindi lang niya pinangyaring umiral ang uniberso at ang matatalinong nilikha, kundi sa paglipas ng panahon, patuloy niyang pinangyayari na matupad ang kalooban niya at layunin.
Kaya hindi sapat ang kaugnay na pandiwang ginamit sa Exodo 3:14 para maipakita ang buong kahulugan ng pangalan ni Jehova. Sinasabi rito: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.” Ipinapakita ng tekstong ito ang isang aspekto ng personalidad ng Diyos—siya ay nagiging anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya. Pero hindi lang iyan ang ibig sabihin ng pangalang Jehova. Kasama rin dito ang kakayahan ni Jehova na pangyarihin ang mga pagbabago sa kaniyang nilalang at sa iba pang bagay para matupad ang layunin niya.