Ezekiel 13:1-23

  • Laban sa huwad na mga propeta (1-16)

    • Babagsak ang mga pader na pininturahan ng puti (10-12)

  • Laban sa huwad na mga propetisa (17-23)

13  Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2  “Anak ng tao, humula ka laban sa mga propeta ng Israel,+ at sabihin mo sa gumagawa ng sarili nilang mga hula,*+ ‘Pakinggan ninyo ang mensahe ni Jehova. 3  Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kaawa-awang mangmang na mga propeta, na sumusunod sa sarili nilang kaisipan,* dahil wala naman silang nakikita!+ 4  O Israel, ang mga propeta mo ay parang mga asong-gubat* sa kaguhuan. 5  Hindi kayo pupunta sa sirang mga bahagi ng batong pader para ayusin ito alang-alang sa sambahayan ng Israel+ at sa gayon ay manatiling nakatayo ang Israel sa labanan sa araw ni Jehova.”+ 6  “Nakakita sila ng di-totoong mga pangitain at humula ng kasinungalingan, sila na mga nagsasabi, ‘Ang sabi ni Jehova ay,’ pero hindi naman sila isinugo ni Jehova, at hinihintay nilang magkatotoo ang sinabi nila.+ 7  Hindi ba ang nakikita ninyo ay di-totoong pangitain at ang inihuhula ninyo ay isang kasinungalingan kapag sinasabi ninyo, ‘Ang sabi ni Jehova ay,’ samantalang wala naman akong sinabi?”’ 8  “‘Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “‘Dahil hindi totoo ang sinasabi ninyo at kasinungalingan ang mga pangitain ninyo, kaaway ninyo ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”+ 9  Gagamitin ko ang kapangyarihan* ko laban sa mga propetang hindi totoo ang mga pangitain at kasinungalingan ang hula.+ Hindi sila magiging bahagi ng bayang malapít sa akin; hindi sila mairerehistro sa sambahayan ng Israel; hindi sila makababalik sa lupain ng Israel; at malalaman ninyo na ako ang Kataas-taasang Panginoong Jehova.+ 10  Mangyayari ang lahat ng ito dahil inililigaw nila ang bayan ko sa pagsasabi, “May kapayapaan!” pero wala namang kapayapaan.+ Kapag nagtatayo sila ng mahinang pader, pinipinturahan nila ito ng puti.’*+ 11  “Sabihin mo sa mga nagpipintura ng puti sa pader na babagsak iyon. May darating na napakalakas na ulan, may babagsak na mga tipak ng yelo,* at sisirain iyon ng napakalakas na mga buhawi.+ 12  At kapag bumagsak ang pader, tatanungin kayo, ‘Ano na ang nangyari sa ipinahid ninyong pintura?’+ 13  “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Magpapakawala ako ng napakalakas na mga buhawi dahil sa poot ko at napakalakas na ulan dahil sa galit ko at mga tipak ng yelo para wasakin ito dahil galit na galit ako. 14  Gigibain ko ang pader na pininturahan ninyo ng puti at pababagsakin ko iyon sa lupa, at mahahantad ang pundasyon nito. Kapag bumagsak ang lunsod, mamamatay kayo sa loob niya; at malalaman ninyo na ako si Jehova.’ 15  “‘Kapag lubusan ko nang nailabas ang poot ko sa pader at sa mga nagpintura nito ng puti, sasabihin ko sa inyo: “Wala na ang pader, pati ang mga nagpintura nito.+ 16  Wala na ang mga propeta ng Israel, na humuhula sa Jerusalem at nakakakita ng mga pangitain ng kapayapaan para sa kaniya, pero wala namang kapayapaan,”’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 17  “Ikaw, anak ng tao, tingnan mo ang mga anak na babae ng iyong bayan na gumagawa ng sarili nilang mga hula, at humula ka laban sa kanila. 18  Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kaawa-awang mga babaeng nagtatahi ng panali para sa lahat ng braso* at gumagawa ng belo na iba-iba ang sukat para bitagin ang mga tao! Binibitag ba ninyo ang bayan ko at sinisikap na iligtas ang sarili ninyong buhay? 19  Nilalapastangan ninyo ako sa gitna ng aking bayan kapalit lang ng mga dakot ng sebada at mga piraso ng tinapay;+ pinapatay ninyo ang mga taong* hindi dapat mamatay at inililigtas ang mga taong* hindi dapat mabuhay sa pamamagitan ng kasinungalingan ninyo sa aking bayan, na nakikinig naman sa inyo.”’+ 20  “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘Napopoot ako sa mga panali ninyo, O mga babae, na ipinambibitag ninyo sa mga tao na para bang sila ay mga ibon, at pipigtasin ko ang mga iyon sa mga braso ninyo, at palalayain ko ang mga binibitag ninyong gaya ng mga ibon. 21  Hahablutin ko ang mga belo ninyo at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na ninyo sila mabibitag; at malalaman ninyo na ako si Jehova.+ 22  Dahil sa inyong kasinungalingan,+ pinahihina ninyo ang loob ng matuwid gayong ayoko siyang masaktan,* at pinalalakas ninyo ang masama,+ kaya hindi na siya tumalikod sa kasamaan para manatiling buháy.+ 23  Kaya kayong mga babae ay hindi na makakakita ng di-totoong mga pangitain at hindi na rin makapanghuhula;+ at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at malalaman ninyo na ako si Jehova.’”

Talababa

O “sa mga humuhula mula sa sarili nilang puso.”
Lit., “espiritu.”
Sa Ingles, fox.
Lit., “kamay.”
Nagtatayo ng mahinang pader pero pinipinturahan ito ng puti para magmukhang matibay.
Lit., “at kayo, O mga graniso, ay babagsak.”
Mga panaling may kaugnayan sa mahika na isinusuot sa braso o siko.
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mabagabag.”