Ezekiel 2:1-10

  • Inatasan si Ezekiel bilang propeta (1-10)

    • “Makinig man sila o hindi” (5)

    • Nakakita ng balumbon na may mga awit ng pagdadalamhati (9, 10)

2  At sinabi niya sa akin: “Anak ng tao,* tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.”+ 2  Nang magsalita siya, sumaakin ang espiritu at itinayo ako nito+ para marinig ko ang Isa na nakikipag-usap sa akin. 3  Sinabi pa niya: “Anak ng tao, isusugo kita sa bayang Israel,+ sa rebeldeng mga bansa na nagrebelde sa akin.+ Sila at ang mga ninuno nila ay nagkakasala sa akin hanggang sa mismong araw na ito.+ 4  Isusugo kita sa mga anak na palaban at matigas ang ulo,+ at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’ 5  Makinig man sila o hindi—dahil sila ay isang rebeldeng sambahayan+—tiyak na malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.+ 6  “Pero huwag kang matakot sa kanila,+ anak ng tao, at huwag kang matakot sa sasabihin nila, kahit pa napapalibutan ka ng matitinik na halaman*+ at naninirahan ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa sasabihin nila+ at sa tingin nila,+ dahil sila ay isang rebeldeng sambahayan. 7  Sabihin mo sa kanila ang mga salita ko, makinig man sila o hindi, dahil sila ay isang rebeldeng bayan.+ 8  “Pero ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magrebelde gaya ng rebeldeng sambahayang ito. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibinibigay ko sa iyo.”+ 9  At may nakita akong kamay na nakaunat sa akin,+ at may hawak itong balumbon na may sulat.*+ 10  Nang iladlad niya iyon sa harap ko, may sulat iyon sa harap at likod.+ Pagdaing, paghagulgol, at mga awit ng pagdadalamhati ang nakasulat doon.+

Talababa

Ito ang una sa 93 paglitaw ng pananalitang “anak ng tao” sa Ezekiel.
O posibleng “kahit pa matigas ang ulo ng mga tao at gaya sila ng mga bagay na tumutusok sa iyo.”
O “balumbon ng isang aklat.”