Pagpapala Para sa mga Sumusunod sa Diyos
Sinabi ng propetang si Moises na kung susundin natin ang mga utos ng Diyos, pagpapalain niya tayo. (Deuteronomio 10:13; 11:27) Sumusunod tayo sa Diyos hindi dahil natatakot tayong maparusahan. Kapag nakikita natin ang magagandang katangian ng Diyos, mas minamahal natin siya at ayaw nating makagawa ng bagay na magpapalungkot sa kaniya. Dahil dito, sinusunod natin siya. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya.”—1 Juan 5:3.
Anong mga pagpapala ang matatanggap ng mga sumusunod sa Diyos? Tingnan ang dalawa sa mga ito:
1. MAGIGING MARUNONG TAYO
“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang nagtuturo sa iyo para makinabang ka, ang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”—ISAIAS 48:17.
Kilala tayo ng Diyos na Jehova, ang ating Maylalang, at pinapatnubayan niya tayo. Kapag pinag-aralan natin ang Banal na Kasulatan, malalaman natin kung ano ang gusto ng Diyos na gawin natin. At kapag sinunod natin ang mga ito, makakagawa tayo ng tamang desisyon.
2. MAGIGING MALIGAYA TAYO
“Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—LUCAS 11:28.
Sa ngayon, milyon-milyon ang nagiging maligaya dahil sinusunod nila ang Salita ng Diyos. Halimbawa, isang lalaki na taga-Spain ang mainitin ang ulo at hindi magandang makitungo sa iba—pati na sa asawa niya. Isang araw, nabasa niya ang isinulat ng propetang si Moises tungkol sa kahinahunan ni Jose, ang anak ni Jacob. Ibinenta si Jose para maging alipin at di-makatarungang ibinilanggo, pero nanatili siyang mahinahon, mapagpayapa, at mapagpatawad. (Genesis, kabanata 37-45) Sinabi ng lalaking taga-Spain: “Dahil sa halimbawa ni Jose, napakilos ako na maging mahinahon at mabait at magkaroon ng pagpipigil sa sarili. Kaya mas masaya na ang buhay ko.”
Itinuturo ng Banal na Kasulatan kung paano natin dapat pakitunguhan ang iba. Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.