Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA BUHAY AT KAMATAYAN?

Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay at Kamatayan

Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay at Kamatayan

Sa aklat ng Bibliya na Genesis, mababasa ang sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Malinaw na ipinakikita nito na kung sumunod si Adan sa utos ng Diyos, hindi sana siya mamamatay kundi patuloy siyang mabubuhay sa hardin ng Eden.

Nakalulungkot, imbes na sumunod at mabuhay magpakailanman, sinuway ni Adan ang Diyos at kumain ng ipinagbabawal na bunga nang bigyan siya ng kaniyang asawa, si Eva. (Genesis 3:1-6) Dinaranas natin hanggang ngayon ang resulta ng pagsuway na iyon. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Si Adan ang “isang tao” na iyon. Pero ano ang kasalanan, at bakit ito humantong sa kamatayan?

Ang ginawa ni Adan—ang kaniyang sadyang pagsuway o paglabag sa utos ng Diyos—ay kasalanan. (1 Juan 3:4) At ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, gaya ng sinabi ng Diyos kay Adan. Kung naging masunurin si Adan sa Diyos pati na ang kaniyang mga inapo, hindi sana sila nagkakasala at namamatay. Hindi nilalang ng Diyos ang tao para mamatay kundi para mabuhay magpakailanman.

Hindi matututulang ang kamatayan ay “lumaganap sa lahat ng tao,” gaya ng sinabi ng Bibliya. Pero may bahagi ba ng tao na patuloy na nabubuhay kapag namatay ito? Marami ang magsasabing oo. Sinasabi nilang ang bahaging iyon ay ang imortal na kaluluwa. Kung totoo iyan, lalabas na nagsinungaling ang Diyos kay Adan. Bakit masasabing ganoon? Kung may bahagi natin na patuloy na nabubuhay sa ibang daigdig pagkamatay natin, hindi magiging kabayaran ng kasalanan ang kamatayan, gaya ng sinabi ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Ang totoo, si Satanas ang nagsinungaling nang sabihin niya kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.”—Genesis 3:4.

Pero ang tanong, Kung isang kasinungalingan ang turo tungkol sa pagiging imortal ng kaluluwa, ano talaga ang nangyayari sa isang tao pagkamatay niya?

ITINUTUWID NG BIBLIYA ANG MGA BAGAY-BAGAY

Sinasabi ng ulat ng Genesis tungkol sa paglalang: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang pananalitang “isang kaluluwang buháy” ay mula sa salitang Hebreo na ne’phesh, * na literal na nangangahulugang “isang nilalang na humihinga.”—Genesis 2:7.

Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang bawat tao ay hindi nilalang na may imortal na kaluluwa. Sa halip, ang tao mismo ang “kaluluwang buháy.” Iyan ang dahilan kung bakit wala kang mababasa sa Bibliya na pananalitang “imortal na kaluluwa.”

Kung hindi itinuturo ng Bibliya na may imortal na kaluluwa ang tao, bakit itinuturo ito ng napakaraming relihiyon? Para masagot iyan, balikan natin ang sinaunang Ehipto.

LUMAGANAP ANG ISANG PAGANONG TURO

Sinabi ng Griegong istoryador na si Herodotus noong ikalimang siglo B.C.E. na ang mga Ehipsiyo “ang unang nagtaguyod sa pagiging imortal ng kaluluwa.” Naniwala rin ang sinaunang mga Babilonyo sa ideya na ang kaluluwa ay imortal. Nang masakop ni Alejandrong Dakila ang Gitnang Silangan noong 332 B.C.E., ipinalaganap ng mga Griegong pilosopo ang turong ito, at di-nagtagal, lumaganap ito sa buong Imperyo ng Gresya.

Wala kang mababasa sa Bibliya na pananalitang “imortal na kaluluwa”

Noong unang siglo C.E., itinuro ng dalawang prominenteng sekta ng mga Judio, ang mga Essene at mga Pariseo, ang tungkol sa kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng tao. Sinasabi ng The Jewish Encyclopedia: “Ang paniniwalang imortal ang kaluluwa ay nakuha ng mga Judio sa turo ng mga Griego, pangunahin na sa pilosopiya ni Plato.” Ayon pa sa unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus, hindi mula sa Banal na Kasulatan ang turong ito kundi mula sa “paniniwala ng mga anak ng Gresya,” na para sa kaniya ay koleksiyon ng kuwento ng kanilang mga mitologo.

Habang lumalaganap ang kulturang Griego, tinanggap din ng nag-aangking mga Kristiyano ang paganong turong ito. Sinabi ng istoryador na si Jona Lendering: “Dahil sa teoriya ni Plato na ang ating kaluluwa ay dating nasa mas magandang lugar at ngayon ay nasa isang magulong daigdig, madaling napagsama ang platonikong pilosopiya at Kristiyanismo.” Kaya ang paganong doktrina na imortal ang kaluluwa ay madaling tinanggap ng simbahang “Kristiyano” at naging pangunahing bahagi ng kanilang paniniwala.

“ANG KATOTOHANAN AY MAGPAPALAYA SA INYO”

Nagbigay ng babala si apostol Pablo noong unang siglo: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Totoong-totoo ang mga pananalitang ito! Ang doktrinang imortal ang kaluluwa ay isang “turo ng mga demonyo.” Hindi ito itinuturo ng Bibliya kundi ng mga sinaunang paganong relihiyon at pilosopiya.

Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Dahil may tumpak na kaalaman tayo sa katotohanan sa Bibliya, hindi tayo naililigaw ng mga turong nakasisirang-puri sa Diyos at ng mga gawaing itinataguyod ng maraming relihiyon sa daigdig. Bukod diyan, dahil sa katotohanan ng Salita ng Diyos, napalaya tayo sa mga tradisyon at pamahiing nauugnay sa kamatayan.—Tingnan ang kahong “ Nasaan ang mga Patay?

Hindi nilayon ng ating Maylalang na mabuhay lang tayo nang 70 o 80 taon sa lupa at pagkatapos ay mabuhay nang walang hanggan sa ibang daigdig. Ang kaniyang orihinal na layunin nang lalangin niya ang mga tao ay mabuhay sila magpakailanman dito mismo sa lupa bilang kaniyang masunuring mga anak. Katunayan ito ng pag-ibig ng Diyos sa mga tao, at hindi ito magbabago. (Malakias 3:6) Sinabi ng salmista: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.

 

^ par. 9 Sa ilang salin ng Bibliya, gaya ng Ang Bibliya, Bagong Salin sa Pilipino, isinalin ang ne’phesh bilang “kaluluwang may buhay,” at sa Magandang Balita Biblia naman ay “nagkaroon ito ng buhay.”