TALAMBUHAY
Nakita Na Namin ang “Perlas na May Mataas na Halaga”
SINA Winston at Pamela (Pam) Payne ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng Australasia. Masaya ang buhay nila pero may mga naging hamon din naman, gaya ng pakikibagay sa iba’t ibang kultura at ang pagkamatay ng ipinagbubuntis ni Pam. Gayunman, napanatili pa rin nila ang pag-ibig kay Jehova at sa mga kapananampalataya nila at ang masayang paglilingkod sa ministeryo. Sa interbyung ito, ikukuwento nila ang mga naging karanasan nila.
Winston, ikuwento mo naman sa amin ang tungkol sa paghahanap mo sa Diyos.
Lumaki ako sa isang farm sa Queensland, Australia. Hindi relihiyoso ang pamilya namin. Dahil nasa liblib na lugar kami, wala akong gaanong nakakausap kundi ang mga kapamilya ko. Noong mga 12 anyos ako, sinimulan kong hanapin ang Diyos. Nagdasal ako at humiling na malaman ko sana ang katotohanan tungkol sa kaniya. Nang maglaon, umalis ako sa farm at nakakita ako ng trabaho sa Adelaide, South Australia. Noong 21 anyos ako, nakilala ko si Pam nang magbakasyon ako sa Sydney. Naikuwento niya sa akin ang tungkol sa isang relihiyosong grupo na naniniwalang ang mga Britano ay galing sa mga tribo noon ng Israel. Sabi nila, ang mga tribong iyon ang 10 tribo ng hilagang kaharian na ipinatapon noong ikawalong siglo B.C.E. Kaya pag-uwi ko ng Adelaide, sinabi ko iyon sa katrabaho kong nagpapa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Sa ilang oras naming pag-uusap tungkol sa paniniwala ng mga Saksi, naisip kong nasasagot na ang aking dasal noong bata pa ako. Unti-unti ko nang nalalaman ang katotohanan tungkol sa aking Maylalang at sa kaniyang Kaharian! Nakita ko na ang “perlas na may mataas na halaga.”—Mat. 13:45, 46.
Pam, sinimulan mo ring hanapin ang perlas na iyon noong bata ka pa. Paano mo ’yon nakita?
Lumaki ako sa isang pamilyang relihiyoso sa bayan ng Coffs Harbour, New South Wales. Ang mga magulang ko at ang lolo’t lola ko ay naniniwala sa mga turo ng grupong binanggit ko kay Winston. Ako, ang kapatid kong lalaki, si Ate, at ang mga pinsan ko ay lumaki sa paniniwalang
pinapaboran ng Diyos ang mga Britano. Pero hindi pa rin ako kumbinsido rito, at pakiramdam ko, hindi pa rin ako malapít sa Diyos. Noong 14 anyos ako, sumasama ako sa iba’t ibang relihiyon gaya ng Anglikano, Baptist, at Seventh-day Adventist. Pero hindi pa rin ako kontento.Lumipat ang pamilya namin sa Sydney, at doon ko nakilala si Winston, noong nagbabakasyon siya roon. Gaya ng sabi niya, nagpa-Bible study siya sa mga Saksi dahil sa pag-uusap namin tungkol sa relihiyon. Mula noon, puro teksto na sa Bibliya ang mga sulat niya sa akin! Aaminin ko na noong una, nag-alala ako—at nainis pa nga. Pero unti-unti, naisip kong parang ito na nga ang katotohanan.
Noong 1962, lumipat ako sa Adelaide para mapalapít kay Winston. Sa tulong niya, nakakita ako ng matutuluyan na mag-asawang Saksi—sina Thomas at Janice Sloman—mga dating misyonero sa Papua New Guinea. Napakabait nila sa akin; 18 anyos pa lang ako noon, at malaking tulong sila sa akin para mas makilala ko si Jehova. Kaya nagpa-Bible study na rin ako, at di-nagtagal, nakumbinsi akong nakita ko na ang katotohanan. Pagkatapos ng kasal namin ni Winston, sinimulan agad namin ang napakasayang paglilingkod kay Jehova. Siyempre may mga problema rin, pero pinalalim ng paglilingkod na iyon ang pagpapahalaga namin sa magandang perlas na nakita namin.
Winston, kumusta naman ang mga unang taon mo ng paglilingkod kay Jehova?
Hindi pa natatagalan pagkakasal namin ni Pam, binuksan ni Jehova sa amin ang una sa ‘malalaking pinto’ para sa espesyal na mga atas. (1 Cor. 16:9) Ang unang pinto ay itinuro sa amin ni Brother Jack Porter, na tagapangasiwa ng sirkito sa aming maliit na kongregasyon. (Siyanga pala, kasama ko siya ngayong naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Australasia.) Si Jack at ang asawa niyang si Roslyn ang nagpatibay sa amin na mag-regular pioneer—isang pribilehiyong na-enjoy namin sa loob ng limang taon. Noong 29 anyos ako, kami ni Pam ay inatasan sa gawaing pansirkito sa South Pacific Islands, na pinangangasiwaan noon ng sangay sa Fiji. Ang mga islang iyon ay American Samoa, Samoa, Kiribati, Nauru, Niue, Tokelau, Tonga, Tuvalu, at Vanuatu.
Ang ilan sa mas liblib na mga isla doon ay mapaghinala sa mga Saksi ni Jehova, kaya nag-iingat kami. (Mat. 10:16) Dahil maliit lang ang mga kongregasyon, may ilan na walang maibigay sa amin na matutuluyan. Kaya nagtatanong-tanong kami sa mga tagaroon kung puwede kaming makituloy sa kanila. Ang babait nila sa amin.
Nasabi mong interesado ka sa pagsasalin. Bakit?
Kasi sa isla ng Tonga, kakaunti lang ang tract at buklet sa wikang Tongan—isang wika sa Polynesia. Ang ginagamit nilang pantulong sa pag-aaral ay ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa wikang Ingles. Kaya sa loob ng apat-na-linggong klase ng mga elder, tatlong elder na di-gaanong makapag-Ingles ang pumayag na isalin ang aklat na ito sa wikang Tongan. Si Pam ang nag-type, at ipinadala namin ito sa sangay ng United States para imprentahin. Inabot nang mga walong linggo ang proyektong ito. Kahit hindi masyadong maganda ang pagkakasalin, marami pa ring nagsasalita ng Tongan ang natulungan ng publikasyong ito na malaman ang katotohanan. Kami ni Pam ay hindi mga tagapagsalin, pero naging interesado kami sa gawaing ito dahil sa karanasang iyan.
Pam, kumusta ang buhay sa isla kumpara sa buhay n’yo sa Australia?
Ibang-iba! May mga lugar sa isla na maraming lamok, napakainit at maalinsangan, maraming daga, sakit, at kung minsan, kapos sa pagkain. Pero sa pagtatapos ng araw, nakakarelaks matanaw ang dagat mula sa aming fale—tawag
ng Samoan sa karaniwang bahay sa Polynesia na pawid ang bubong at walang dingding. Sa liwanag ng buwan, kitang-kita ang hugis ng mga puno ng niyog at ang pagtama ng sinag ng buwan sa dagat. Magandang pagkakataon iyan para magbulay-bulay at manalangin. Nakakatulong ito para mapalitan ng positibo ang mga negatibong naiisip namin.Napamahal din sa amin ang mga batang masayahin at gustong-gustong makakita ng mga puting tulad namin. Noong dumalaw kami sa Niue, hinaplos ng isang batang lalaki ang balbong braso ni Winston, sabay sabi, “Wow, parang balahibo ng ibon.” Halatang noon lang siya nakakita ng ganoong braso!
Awang-awa kami sa kalagayan ng mga tagaroon. Maganda ang paligid nila pero walang sapat na gamit para sa pangangalaga ng kalusugan at walang gaanong mapagkukunan ng tubig na maiinom. Pero parang hindi naman nababahala ang mga kapatid. Normal lang iyon sa kanila. Masaya pa rin sila dahil kasama nila ang kanilang pamilya, may lugar sila para sa pagsamba, at napupuri nila si Jehova. Nakatulong ito sa amin na magpokus sa mas mahahalagang bagay at manatiling simple ang buhay.
May mga pagkakataong ikaw mismo ang kailangang kumuha ng tubig at maghanda ng pagkain sa paraang hindi mo nakasanayan. Paano mo ’yon ginawa?
Si Itay ang dapat kong pasalamatan. Tinuruan niya ako ng maraming bagay, gaya ng pagpapaningas ng apoy para makapagluto at kung paano makakaraos kahit walang gaanong kagamitan. Noong minsang dumalaw kami sa Kiribati, tumuloy kami sa isang maliit na bahay na pawid ang bubong, mga batong korales ang sahig, at kawayan ang dingding. Para makapagluto, humuhukay ako sa sahig para mapaglagyan ng mga tuyong bunot ng niyog at makapagpaningas ng apoy. At para sa tubig naman, pumipila ako sa balon kasama ng mga babaeng tagaroon. Sa pag-igib ng tubig, gumagamit sila ng patpat na mga dalawang metro ang haba. May pising nakatali sa dulo nito na parang pamingwit ng isda. Pero sa halip na pangawit ang ilagay sa dulo ng pisi, lata ang inilalagay nila. Isa-isa kaming umiigib ng tubig. Ang galing nilang sumalok. Parang madali lang. Pero noong nasubukan ko na, mahirap pala. Noong una, ilang beses kong inihagis ang lata ko pero lumulutang lang ito! Tawanan silang lahat! Isa sa kanila ang tumulong sa akin. Likas silang mababait at matulungin.
Napamahal na sa inyong dalawa ang atas n’yo sa mga isla. Gusto n’yo bang ikuwento sa amin ang ilang karanasang hindi n’yo malilimutan?
Winston: May mga kostumbre sila na hindi namin agad naintindihan. Halimbawa, kapag nagpapakain ang mga kapatid, inihahain nila ang lahat ng kanilang pagkain. Noong una, hindi namin alam na dapat pala namin silang tirhan. Kaya kinakain namin ang lahat ng nakahain! Pero siyempre nang maintindihan namin ang sitwasyon, nagtitira na kami para sa kanila. Maunawain ang mga kapatid sa mga pagkakamali namin. Tuwang-tuwa silang makita kami tuwing mga anim na buwan kapag dumadalaw sa kongregasyon nila. Bukod sa mga kapatid na tagaroon, kami lang ang ibang Saksing nakikita nila noong panahong iyon.
Magandang patotoo rin sa mga tagaroon ang mga pagdalaw namin. Akala nila, imbento lang ang relihiyon ng mga kapatid. Kaya nang may dumalaw na mag-asawang dayuhan, naisip nilang totoong relihiyon nga ito at humanga sila.
Pam: May karanasan kami sa Kiribati na hindi ko malilimutan. Kakaunti lang ang mga kapatid sa isang kongregasyon doon. Ang kaisa-isang elder na si Itinikai Matera ang nag-aasikaso sa amin. Isang araw, dumating siya dala ang isang basket na may lamang isang itlog. “Para sa inyo,” ang sabi niya. Bihirang-bihira kaming makakain ng itlog ng manok noon. Na-touch talaga kami.
Pam, ’di ba nakunan ka noon? Ano ang nakatulong sa iyo para makayanan ’yon?
Nagdalang-tao ako noong 1973 habang nasa South Pacific kami ni Winston. Nagdesisyon kaming bumalik sa Australia, at doon ako nakunan makalipas ang apat na buwan. Masyado kaming nasaktan ni Winston. Sa paglipas ng panahon, nabawasan ang lungkot namin, pero hindi pa rin ito lubusang nawawala hanggang sa dumating ang Abril 15, 2009, isyu ng Bantayan. Sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa,” ganito ang itinanong: “Bubuhayin kayang muli ang sanggol na namatay sa sinapupunan?” Tiniyak sa amin ng artikulo na depende ito kay Jehova at lagi niyang ginagawa kung ano ang tama. Kapag inutusan na niya ang kaniyang Anak na ‘sirain ang mga gawa ni Satanas,’ mawawala na ang lahat ng kirot na dulot ng masamang sanlibutang ito. (1 Juan 3:8) Nakatulong din sa amin ang artikulong ito para mas mapahalagahan ang mamahaling “perlas” na taglay natin bilang mga lingkod ni Jehova. Buti na lang may pag-asa tayo dahil sa Kaharian.
Pagkatapos, nagbalik kami sa buong-panahong paglilingkod. Ilang buwan kaming naglingkod sa Australia Bethel, at nang maglaon, bumalik kami sa gawaing pansirkito. Noong 1981, matapos maglingkod nang apat na taon sa mga lalawigan ng New South Wales at Sydney, inatasan kami sa sangay sa Australia, gaya ng tawag noon, at naroon pa rin kami hanggang ngayon.
Winston, bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Australasia, nakatulong ba sa iyo ang karanasan n’yo sa South Pacific Islands?
Oo. Noong una, inilagay sa pangangasiwa ng Australia ang American Samoa at Samoa. Pagkatapos, isinama ang sangay ng New Zealand sa Australia. Sa ngayon, ang teritoryo ng sangay ng Australasia ay binubuo ng Australia, American Samoa at Samoa, Cook Islands, New Zealand, Niue, Timor-Leste, Tokelau, at Tonga, at karamihan sa mga ito ay nadalaw ko na bilang kinatawan ng sangay. Ang karanasan kong makasama ang tapat na mga kapatid sa mga islang iyon ay napakalaking tulong sa akin ngayong pinaglilingkuran ko sila mula sa tanggapang pansangay.
Gusto ko rin sanang sabihin na dahil sa karanasan namin ni Pam, alam na namin noon pa man na hindi lang mga adulto ang naghahanap sa Diyos. Gusto rin ng mga kabataan ang “perlas na may mataas na halaga”—kahit walang interes dito ang mga kapamilya nila. (2 Hari 5:2, 3; 2 Cro. 34:1-3) Talagang maibiging Diyos si Jehova at gusto niyang magkamit ng buhay ang lahat, bata man o matanda!
Nang simulan namin ni Pam ang paghahanap sa Diyos mahigit 50 taon na ang nakalilipas, hindi namin alam kung saan ito hahantong. Talaga ngang isang perlas na di-matutumbasan ang katotohanan tungkol sa Kaharian! Hinding-hindi namin bibitiwan ang napakahalagang perlas na ito anuman ang mangyari!