Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

“Kailan ang Susunod na Asamblea?”

“Kailan ang Susunod na Asamblea?”

MAGTATAPOS na noon ang Nobyembre 1932 sa Mexico City. Isang linggo bago nito, sinimulang gamitin ang mga unang ilaw-trapiko sa lunsod na ito na may mahigit isang milyong residente. Pero ngayon, laós na ang balita tungkol sa mga ilaw-trapiko. Nakapokus na ang mga reporter sa mga mangyayari ngayong linggo. Sa istasyon ng tren, handa na ang kanilang mga kamera at hinihintay nila ang pagdating ng isang espesyal na panauhin—si Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Watch Tower Society. Naroon din ang lokal na mga Saksi para salubungin si Brother Rutherford, na dadalo sa kanilang tatlong-araw na pambansang kombensiyon.

“Walang alinlangan,” ang sabi ng The Golden Age, “ang kombensiyong ito ay tatatak sa kasaysayan bilang namumukod-tanging pangyayari sa pagsulong ng Katotohanan sa republika ng Mexico.” Pero bakit napakaespesyal ng kombensiyong ito, na dinaluhan lang ng mga 150 katao?

Bago ang kombensiyong iyon, kakaunti lang ang bunga ng Kaharian sa Mexico. Simula 1919, may idinaraos nang maliliit na asamblea, pero nang sumunod na mga taon, nabawasan ang bilang ng mga kongregasyon. Mukhang maganda ang ibinabadya ng pagbubukas ng tanggapang pansangay sa Mexico City noong 1929. Pero may mga hadlang. Nang tagubilinan ang mga colporteur na paghiwalayin ang pagtitinda at pangangaral, isang brother na colporteur ang naghinanakit, humiwalay, at nagtayo ng sarili niyang Bible study group. Nasangkot naman ang tagapangasiwa ng sangay sa di-makakasulatang paggawi kung kaya pinalitan siya. Kailangan ng tapat na mga Saksi sa Mexico ang pampatibay-loob.

Pinatibay ni Brother Rutherford ang tapat na mga kapatid sa kaniyang dalawang nakapagpapasiglang pahayag sa kombensiyon at limang mapuwersang lektyur sa radyo. Sa unang pagkakataon, isinahimpapawid ng mga istasyon ng radyo sa Mexico ang mabuting balita sa buong bansa. Pagkatapos ng kombensiyon, inorganisa ng bagong tagapangasiwa ng sangay ang gawain, at nagpatuloy ang masisigasig na Saksi nang may panibagong sigla at pagpapala ni Jehova.

Kombensiyon noong 1941, Mexico City

Nang sumunod na taon, nagkaroon ng dalawang kombensiyon sa bansa—isa sa lunsod ng Veracruz at isa sa Mexico City. Nagsisimula nang magbunga ang pagpapagal ng mga kapatid sa ministeryo. Noong 1931, may 82 mamamahayag lang. Pero pagkaraan ng 10 taon, 10 beses na ang idinami nila! Mga 1,000 ang pumunta sa Mexico City para dumalo sa Theocratic Assembly noong 1941.

“NILUSOB ANG MGA LANSANGAN”

Noong 1943, nagsuot ang mga Saksi ng mga sandwich sign para ianunsiyo ang “Free Nation’s” Theocratic Assembly na ginanap sa 12 lunsod sa Mexico. * Dalawang plakard ang nakasabit sa balikat ng bawat isa, isa sa harap at isa sa likod. Paraan ito ng pag-aanunsiyo na ginagamit ng mga Saksi mula pa noong 1936.

Isang magazine clipping noong 1944 na nagpapakita ng parada ng sandwich sign sa Mexico City

Dahil sa tagumpay ng parada ng mga nakasuot ng sandwich sign sa Mexico City, sinabi ng magasing La Nación: “Noong unang araw [ng asamblea], sinabihan [ang mga Saksi] na mag-imbita pa nang mas maraming tao. Kinabukasan, hindi na magkasya sa lugar ang mga dadalo.” Nagalit ang Simbahang Katoliko sa mga paradang ito, at sinalansang ang mga Saksi. Pero sa kabila nito, patuloy na nag-anunsiyo sa lansangan ang matatapang na kapatid. Iniulat pa ng La Nación: “Nakita sila ng buong lunsod . . . mga lalaki—at mga babae—na naging mga advertising ‘sandwich.’” Ipinakita ng artikulo ang isang litrato ng mga kapatid sa lansangan ng Mexico City. Sa ibaba ng litrato ay may kapsiyon: “Nilusob ang mga lansangan.”

“MGA KAMA NA MAS MALAMBOT AT MAINIT KAYSA SA SEMENTONG SAHIG”

Nang mga taóng iyon, karamihan ng mga Saksi ay nagsasakripisyo nang malaki para makadalo sa iilang kombensiyon sa Mexico. Maraming delegado ang mula sa liblib na mga nayon, kung saan walang linya ng tren, o kalsada man lang. Sumulat ang isang kongregasyon, “Ang tanging linya na dumaraan dito ay linya ng telegrapo.” Kaya naman, maraming delegado ang kailangang sumakay ng mga mula o maglakad nang ilang araw para lang makarating sa istasyon ng tren na papunta sa lunsod ng kombensiyon.

Mahihirap ang karamihan sa mga Saksi, at wala sila kahit pamasahe lang papunta sa kombensiyon. Pagdating nila, marami ang nakikitira sa mga Saksi na tagaroon, na maibiging nagpapatuloy sa kanila. May nakikitulog sa mga Kingdom Hall. Noong minsan, mga 90 delegado ang tumuloy sa sangay, kung saan natulog sila sa mga karton ng mga libro. Ayon sa ulat ng Yearbook, nagpasalamat ang mga panauhing ito dahil sa “mga kama na mas malambot at mainit kaysa sa sementong sahig.”

Para sa mapagpahalagang mga Saksi na ito, sulit ang mga sakripisyo para makapagtipon-tipon sa masayang asambleang Kristiyano. Sa ngayon, habang papalapít na sa isang milyon ang bilang ng mga mamamahayag sa Mexico, kitang-kita pa rin ang kanilang pagpapahalaga. * Tungkol sa mga kapatid sa Mexico, ganito ang sabi ng ulat ng sangay noong 1949: “Ang mahihirap na sitwasyon ay hindi nagpahina sa kanilang Teokratikong espiritu, dahil bawat asamblea namin ay matagal nilang pinag-uusapan at ang lagi nilang itinatanong ay, Kailan ang susunod na asamblea?” Ganiyan pa rin ang saloobin ng mga kapatid hanggang ngayon.—Mula sa aming archive sa Central America.

^ par. 9 Ayon sa 1944 Yearbook, dahil sa asambleang ito, nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong Mexico.

^ par. 14 Noong 2016, ang dumalo sa Memoryal sa Mexico ay 2,262,646.