Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Pagiging “Lahat ng Bagay sa Lahat ng Uri ng Tao”

Pagiging “Lahat ng Bagay sa Lahat ng Uri ng Tao”

“Kapag nagpabautismo ka, iiwanan ko kayo!” Iyan ang banta ni Itay kay Inay noong 1941. Sa kabila nito, nagpabautismo pa rin si Inay bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova. Tinotoo ni Itay ang banta niya at umalis siya. Walong taon lang ako noon.

BAGO nito, interesado na ako sa katotohanang nasa Bibliya. Nakakuha si Inay ng mga publikasyon tungkol sa Bibliya, at tuwang-tuwa ako sa mga iyon, lalo na sa mga larawan. Pinagbawalan ni Itay si Inay na sabihin sa akin ang mga natututuhan niya. Pero mausisa ako at palatanong, kaya tinuturuan niya ako kapag wala si Itay sa bahay. Dahil dito, nagpasiya rin akong ialay ang buhay ko kay Jehova. Nabautismuhan ako sa Blackpool, England, noong 1943 sa edad na 10.

NAGSIMULA AKONG MAGLINGKOD KAY JEHOVA

Mula noon, regular na kaming nakikibahagi ni Inay sa ministeryo nang magkasama. Gumagamit kami ng mga ponograpo para ibahagi ang mensahe ng Bibliya. Malalaki ang mga iyon at tumitimbang nang mahigit apat na kilo. Isip-isipin na lang na isang batang gaya ko ang nagbubuhat ng ponograpo!

Noong 14 anyos ako, gusto kong magpayunir. Sinabi ni Inay na makipag-usap daw muna ako sa tinatawag na lingkod sa mga kapatid (ngayon ay tagapangasiwa ng sirkito). Iminungkahi ng brother na magkaroon muna ako ng kasanayan para masuportahan ang pagpapayunir ko. Kaya ganoon nga ang ginawa ko. Pagkatapos ng dalawang-taóng pagtatrabaho, nagtanong uli ako sa isa pang tagapangasiwa ng sirkito tungkol sa pagpapayunir. Sinabi niya, “Sige, magpayunir ka!”

Kaya noong Abril 1949, idinispatsa namin ni Inay ang mga muwebles sa inuupahan naming bahay at lumipat kami sa Middleton, malapit sa Manchester, at doon kami nagsimulang magpayunir. Makalipas ang apat na buwan, pumili ako ng isang brother na makakapartner ko sa pagpapayunir. Iminungkahi ng tanggapang pansangay na lumipat kami sa isang bagong-tatag na kongregasyon sa Irlam. Nagpayunir naman si Inay sa ibang kongregasyon kasama ng isang sister.

Kahit 17 anyos pa lang ako noon, kami ng partner ko ay inatasang magdaos ng mga pulong dahil kaunti lang ang kuwalipikadong brother sa bagong kongregasyon namin. Nang maglaon, lumipat ako sa Buxton Congregation, na kakaunti lang ang mamamahayag at nangangailangan ng tulong. Para sa akin, ang mga karanasang iyon ay pagsasanay para sa mga atas sa hinaharap.

Pag-aanunsiyo ng pahayag pangmadla sa Rochester, New York, 1953

Noong 1951, nag-aplay ako para mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead. Pero noong Disyembre 1952, ipinatawag ako para maglingkod sa militar. Humingi ako ng eksemsiyon dahil isa akong buong-panahong ministro, pero hindi ito kinilala ng korte at sinentensiyahan ako ng anim-na-buwang pagkabilanggo. Habang nasa bilangguan, nakatanggap ako ng imbitasyon para sa ika-22 klase ng Gilead. Kaya noong Hulyo 1953, sumakay ako sa barkong Georgic patungong New York.

Pagdating ko, nakadalo ako sa 1953 New World Society Assembly. Pagkatapos, sumakay ako ng tren papuntang South Lansing, New York, kung saan naroon ang paaralan. Dahil kalalabas ko lang sa bilangguan, wala akong gaanong pera. Pagbaba ko ng tren, nag-bus naman ako papuntang South Lansing, at nanghiram pa nga ako ng 25-sentimong [U.S.] pamasahe sa isa pang pasahero.

ISANG ATAS SA IBANG BANSA

Ang pagsasanay sa Paaralang Gilead ay nakatulong sa amin na maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao” sa gawaing pagmimisyonero. (1 Cor. 9:22) Tatlo sa amin—sina Paul Bruun, Raymond Leach, at ako—ay naatasan sa Pilipinas. Ilang buwan din kaming naghintay para makakuha ng visa; pagkatapos, sumakay kami ng barko na daraan sa Rotterdam, Mediterranean Sea, Suez Canal, Indian Ocean, Malaysia, at Hong Kong—47 araw sa dagat! Sa wakas, nakarating kami sa Maynila noong Nobyembre 19, 1954.

Sakay ng barko, nagbiyahe kami ng kasama kong misyonero na si Raymond Leach nang 47 araw papuntang Pilipinas

Nagsimula kaming mag-adjust sa mga tao, sa lugar, at maging sa wika. Sa umpisa, inatasan kaming tatlo sa isang kongregasyon sa Quezon City, kung saan maraming residente ang nagsasalita ng Ingles. Kaya pagkaraan nang anim na buwan, kaunti pa rin ang alam naming Tagalog. Pero magbabago iyan sa susunod naming atas.

Isang araw noong Mayo 1955, pag-uwi namin galing sa ministeryo, nadatnan namin ni Brother Leach ang ilang liham sa aming kuwarto, na nagsasabing inaatasan kami bilang mga tagapangasiwa ng sirkito. Beinte dos anyos lang ako noon, pero dahil sa atas na ito, nagkaroon ako ng mga bagong pagkakataon na maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”

Habang nagpapahayag sa isang pansirkitong asamblea sa wikang Bicol

Halimbawa, ang unang pahayag ko bilang tagapangasiwa ng sirkito ay binigkas ko sa harap ng isang tindahan. Di-nagtagal, nalaman ko na kaugalian pala sa Pilipinas nang panahong iyon na ang pahayag pangmadla ay literal na binibigkas sa madla! Habang bumibisita ako sa iba’t ibang kongregasyon sa sirkito, nagpapahayag ako sa mga pampublikong gazebo, palengke, harap ng munisipyo, basketball court, parke, at kadalasan ay sa mga kanto. Minsan, sa San Pablo City, hindi ako nakapagpahayag sa palengke dahil sa ulan, kaya iminungkahi ko sa mga responsableng brother doon na sa Kingdom Hall na lang ako magpahayag. Pagkatapos, tinanong ako ng mga brother kung puwede ba itong iulat bilang pulong pangmadla dahil hindi naman ito idinaos sa pampublikong lugar!

Sa bahay ng mga kapatid ako laging tumutuloy. Simple lang ang bahay nila, pero lagi naman itong malinis. Kadalasan, natutulog ako sa banig na inilalatag sa sahig na kahoy. Dahil walang pribadong paliguan, natuto akong maligo sa banyo sa labas ng bahay. Sumasakay ako ng jeep at bus, at kung minsan naman ay bangka kapag papunta sa ibang isla. Sa lahat ng mga taon ng paglilingkod ko, hindi ako kailanman nagkaroon ng sasakyan.

Nakatulong sa akin ang ministeryo at ang pagdalaw sa mga kongregasyon para matuto ng Tagalog. Hindi ako pormal na nag-aral ng Tagalog, pero natuto ako dahil sa pakikinig sa mga kapatid sa ministeryo at sa pulong. Gustong-gusto ng mga kapatid na matuto ako, at pinahahalagahan ko ang kanilang pagtitiyaga at mga mungkahi.

Sa paglipas ng panahon, gumawa pa ako ng maraming pagbabago dahil sa bagong mga atas. Noong 1956 nang bumisita si Brother Nathan Knorr, naatasan akong mangasiwa sa public relations para sa pambansang kombensiyon. Wala akong karanasan, kaya tinulungan ako ng iba. Wala pang isang taon, isa pang pambansang kombensiyon ang isinaayos at bumisita si Brother Frederick Franz mula sa pandaigdig na punong-tanggapan. Habang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng kombensiyon, natuto ako kay Brother Franz dahil handa siyang makibagay. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na Pilipino nang makita nila si Brother Franz na nakasuot ng barong Tagalog habang nagpapahayag.

Mas marami pa akong ginawang pagbabago nang maatasan ako bilang tagapangasiwa ng distrito. Nang panahong iyon, ipinapalabas namin ang pelikulang The Happiness of the New World Society, kadalasan ay sa pampublikong mga lugar. Kung minsan, naaabala kami ng mga insekto. Naaakit sila sa liwanag ng projector at pumapasok sa loob nito. Matrabaho ang paglilinis ng projector! Hindi madaling magsaayos ng mga palabas, pero nakatutuwang makita ang tugon ng mga tao habang nalalaman nila na internasyonal pala ang organisasyon ni Jehova.

Ginigipit ng mga paring Katoliko ang ilang lokal na awtoridad para huwag kaming bigyan ng permit na magdaos ng mga asamblea. O kaya naman, kinakalembang nila ang mga kampana sa tuwing magpapahayag kami malapit sa kanilang simbahan. Pero sumulong pa rin ang gawain, at marami nang mananamba ni Jehova sa mga lugar na iyon.

BAGONG MGA ATAS, HIGIT PANG PAGBABAGO

Noong 1959, nakatanggap ako ng liham na nagsasabing inaatasan akong maglingkod sa tanggapang pansangay. Dahil dito, mas marami pa akong natutuhan. Nang maglaon, hinilingan akong dumalaw sa ibang mga bansa bilang tagapangasiwa ng sona. Sa isa sa mga paglalakbay ko, nakilala ko si Janet Dumond, isang misyonera sa Thailand. Nagsulatan kami nang ilang panahon at saka nagpakasal. Sa ngayon, 51 taon na kaming masayang naglilingkod bilang mag-asawa.

Kasama si Janet sa isa sa maraming isla sa Pilipinas

Masaya ako na nadalaw ko ang mga lingkod ni Jehova sa 33 bansa. Talagang nagpapasalamat ako na naihanda ako ng mga atas ko noon para sa mga hamon sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tao! Dahil sa mga pagdalaw na ito, lalo pang lumawak ang pananaw ko at natulungan akong makita na mahal ni Jehova ang iba’t ibang uri ng tao.—Gawa 10:34, 35.

Tinitiyak namin na regular kaming nakikibahagi sa ministeryo

NAG-A-ADJUST PA RIN KAMI

Napakasaya ngang maglingkod kasama ng mga kapatid sa Pilipinas! Mga 10 beses na ang idinami ng mamamahayag kaysa noong bagong dating ako. Naglilingkod pa rin kami ni Janet sa tanggapang pansangay sa Pilipinas sa Quezon City. Kahit mahigit 60 taon na ako sa bansang ito bilang misyonero, kailangan ko pa ring maging handang mag-adjust sa mga nais ni Jehova. Dahil sa mga pagbabago sa organisasyon kamakailan, kailangan naming patuloy na mag-adjust sa paglilingkod sa Diyos at sa mga kapatid.

Masayang-masaya kami sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga Saksi

Pinagsisikapan naming ibigay ang aming buong makakaya para gawin ang nauunawaan naming kalooban ni Jehova, at ito ang pinakakasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Sinisikap din naming gumawa ng mga kinakailangang pagbabago at maglingkod nang husto sa mga kapatid. Oo, habang ipinahihintulot ni Jehova, determinado kami na maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”

Naglilingkod pa rin kami sa tanggapang pansangay sa Quezon City