Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Oceania
SI Reneé, isang sister na mahigit 30 anyos, ay lumaki sa isang masigasig na pamilyang Saksi sa Australia. “Maraming beses kaming nagpalipat-lipat para tumulong sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian,” ang sabi niya. “Sinikap nina Daddy at Mommy na gawing exciting at masaya ang buhay namin! Nang magkaroon ako ng dalawang anak, gusto kong maging ganoon din ang buhay nila.”
* Kaya sumulat kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia at sa New Zealand para magtanong kung anong lugar ang mas nangangailangan ng mga mamamahayag ng Kaharian. * Sumagot ang sangay at inanyayahan kaming lumipat sa Tonga—ang mismong lugar na nabasa namin!”
Ganiyan din ang tunguhin ng mister ni Reneé na si Shane, na malapit nang mag-40 anyos. Ipinaliwanag ni Shane: “Nang maipanganak ang bunso namin, nabasa namin sa Bantayan ang isang artikulo tungkol sa isang pamilyang Saksi na pumunta sa timog-kanlurang Pasipiko sakay ng kanilang yate para mangaral sa mga isla ng Tonga.Wala pang isang taon mula nang tumira sa Tonga sina Shane at Reneé kasama ng mga anak nila na sina Jacob at Skye, nagkaroon ng sunod-sunod na kaguluhan doon kaya napilitan silang bumalik sa Australia, pero tunguhin pa rin nilang palawakin ang kanilang ministeryo. Noong 2011, lumipat sila sa Norfolk Island, isang maliit na isla sa Pasipiko na mga 1,500 kilometro sa silangan ng Australia. Ano ang resulta? Sinabi ni Jacob, na 14 anyos na ngayon, “Hindi lang kami inalagaan ni Jehova—ginawa rin niyang masaya ang ministeryo namin!”
PAGLILINGKOD BILANG PAMILYA
Gaya nina Shane, Reneé, at ng kanilang mga anak, marami pang pamilyang Saksi ang kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili para maglingkod bilang mga “need greater.” Ano ang nagpakilos sa kanila?
“Maraming interesado at gusto namin silang bigyan ng pagkakataon na regular na makapag-aral ng Bibliya.” —Burnett
Ang mag-asawang sina Burnett at Simone, mahigit 30 anyos, kasama ng kanilang mga anak na sina Eston at Caleb, edad 12 at 9 ngayon, ay lumipat sa Burketown, isang liblib na bayan sa Queensland, Australia. “Tuwing tatlo o apat na taon lang nangangaral doon ang mga Saksi,” ang sabi ni Burnett. “Maraming interesado at gusto namin silang bigyan ng pagkakataon na regular na makapag-aral ng Bibliya.”
Sina Mark at Karen naman, na mahigit 50 anyos na ngayon, ay nakapaglingkod na sa iba’t ibang kongregasyon malapit sa Sydney, Australia, bago sila lumipat sa Nhulunbuy, isang liblib na minahan sa Northern Territory. Kasama nilang lumipat ang kanilang tatlong anak na sina Jessica, Jim, at Jack. Sinabi ni Mark: “Mahilig akong makisalamuha sa mga tao, kaya gusto kong pumunta kung saan maraming gawain sa kongregasyon at sa ministeryo.” Nagdalawang-isip naman si Karen na lumipat. “Pero nang patibayin ako ni Mark at ng ibang kapatid,” ang sabi niya, “gusto ko na ring subukan. Mabuti na lang at sinubukan ko!”
Noong 2011, sina Benjamin at Carolyn, kasama ang kanilang maliliit na anak na sina Jade at Bria, ay lumipat mula sa Queensland, Australia, pabalik ng Timor-Leste, isang maliit na bansa sa Timor Island sa kapuluan ng Indonesia. “Dati kaming naglingkod ni Carolyn bilang special pioneer sa Timor-Leste,” ang sabi ni Ben. “Napakasarap mangaral doon at napakatindi ng suporta ng mga kapatid. Lungkot na lungkot kami nang umalis kami at determinado kaming bumalik. Nang magkaanak kami, hindi muna kami bumalik, pero iyon pa rin ang tunguhin namin.” Idinagdag ni Carolyn: “Gusto namin na ang makasama ng mga anak namin ay mga misyonero, Bethelite, at mga special pioneer para mapatibay sila sa espirituwal.”
PAGHAHANDA SA PAGLIPAT
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin?” (Luc. 14:28) Kapag pinag-iisipan ng isang pamilya na lumipat sa isang lugar, maganda rin na magplanong mabuti. Ano-ano ang kailangang isaalang-alang?
ESPIRITUWAL: “Gusto naming maglingkod sa iba at ayaw naming maging pabigat,” ang sabi ni Ben. “Kaya bago kami lumipat, pinatibay namin ang aming espirituwalidad. Dinagdagan din namin ang aming panahon sa ministeryo at sa mga aktibidad sa kongregasyon.”
Sinabi ni Jacob, na binanggit kanina: “Bago kami lumipat sa Norfolk Island, nagbasa kami ng maraming talambuhay sa Bantayan at Gumising! tungkol sa mga pamilyang naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pinag-usapan namin ang mga problemang napaharap sa kanila at kung paano sila inalalayan ni Jehova.” Sinabi ng kapatid niyang si Skye, na 11 anyos: “Lagi akong nananalangin nang mag-isa at kasama nina Mommy at Daddy!”
EMOSYONAL: Sinabi ni Reneé: “Nakatira kami malapit sa pamilya at malalapít na kaibigan sa isang lugar na gustong-gusto ko, kaya mahirap talagang umalis. Pero sa halip na manghinayang, ang inisip ko ay kung paano makikinabang ang pamilya namin kapag lumipat na kami.”
KULTURA: Maraming pamilya ang nagre-research bilang paghahanda sa bago nilang kapaligiran. “Nagbasa kami nang nagbasa tungkol sa Nhulunbuy,” ang sabi ni Mark. “Pinadalhan kami ng mga kapatid doon ng mga diyaryo nila kaya nagkaideya kami tungkol sa mga tagaroon at sa kanilang kultura.”
Idinagdag pa ni Shane, na lumipat sa Norfolk Island: “Higit sa lahat, sinikap kong magpakita ng Kristiyanong mga katangian. Alam ko na kung taimtim ako, mahinahon, tapat, at masipag, hindi ako mahihirapang makibagay kahit saan ako mapunta.”
PAGHARAP SA MGA HAMON
Ayon sa matagumpay na mga “need greater,” mahalaga ang pakikibagay at pagiging positibo kapag may di-inaasahang mga problema. Tingnan ang ilang halimbawa:
Ikinuwento ni Reneé: “Natutuhan kong maging mapamaraan. Halimbawa, kapag maalon ang dagat sa Norfolk Island, hindi makadaong ang mga barkong nagdadala ng mga suplay, kaya kaunti lang ang mabibiling groseri at napakamahal pa. Natuto tuloy akong magremedyo kapag naghahanda ng pagkain.” Idinagdag ng asawa niyang si Shane: “Nagtitipid din kami para magkasya ang badyet namin linggo-linggo.”
Ibang hamon naman ang ikinuwento ng anak nilang si Jacob. “Lahat ng pitong bagong kakongregasyon namin ay mga adulto. Kaya wala akong kaibigang kaedad ko! Pero nang makasama ko sila sa ministeryo, napalagay na agad ang loob ko.”
Ganiyan din ang sitwasyon ni Jim, na 21 anyos na ngayon. “Ang pinakamalapit na kongregasyon sa Nhulunbuy ay mahigit 725 kilometro, kaya sinusulit namin ang mga asamblea at kombensiyon. Maaga kaming dumarating at sinasamantala namin ang panahon para makipagkuwentuhan sa mga kapatid. Iyon ang pinakamasasayang okasyon namin sa bawat taon!”
“MABUTI NA LANG AT LUMIPAT KAMI DITO!”
Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman.” (Kaw. 10:22) Sa buong daigdig, napatunayan iyan ng maraming “need greater.”
“Ang pinakamagandang pagpapala ng paglipat namin ay ang epekto nito sa aming mga anak,” ang sabi ni Mark. “Buo ang tiwala ng dalawang nakatatanda naming anak na kapag inuna ng isa ang Kaharian, aalalayan siya ni Jehova. Hindi mabibili ang gayong tiwala.”
Sinabi ni Shane: “Mas malapít ako ngayon sa aking asawa at mga anak. Tuwang-tuwa akong marinig sa bibig nila ang mga nagawa ni Jehova para sa kanila.” Sang-ayon diyan ang anak niyang si Jacob: “Ang saya-saya ko. Mabuti na lang at lumipat kami dito!”
^ par. 3 Tingnan ang artikulong “Mga Kaibigan ng Diyos sa ‘Palakaibigang mga Pulo’” sa Bantayan, Disyembre 15, 2004, p. 8-11.
^ par. 3 Noong 2012, pinagsama ang sangay ng Australia at ng New Zealand at naging sangay ng Australasia.