ARALING ARTIKULO 5
AWIT BLG. 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos
Kung Paano Tayo Nakikinabang sa Pag-ibig ni Jehova
“Si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.”—1 TIM. 1:15.
MATUTUTUHAN
Kung paano tayo nakikinabang sa pantubos at kung paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova.
1. Paano natin mapapasaya si Jehova?
ISIPING nagbigay ka ng isang napakagandang regalo sa taong mahalaga sa iyo at alam mong kailangan niya iyon. Paano kung nalaman mong itinago lang niya iyon at hindi na niya ginamit? Siguradong malulungkot ka. Pero kung nagpasalamat siya sa iyo at lagi niyang ginagamit iyon, siguradong magiging masaya ka. Ang punto? Ibinigay ni Jehova ang Anak niya para sa atin dahil mahal na mahal niya tayo. Kaya talagang magiging masaya siya kapag ipinakita natin na nagpapasalamat tayo sa regalo at pag-ibig niya.—Juan 3:16; Roma 5:7, 8.
2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Sa paglipas ng panahon, baka mabawasan ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Kung mangyari iyan, para bang itinago at kinalimutan natin ang regalo ng Diyos. Kaya para hindi mabawasan ang pagpapahalaga natin sa ginawa ng Diyos at ni Kristo, dapat lagi nating pag-isipang mabuti iyon. At makakatulong sa atin ang artikulong ito. Pag-uusapan natin kung paano tayo nakikinabang sa pantubos ngayon at kung paano tayo makikinabang sa hinaharap. Aalamin din natin kung paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo sa pag-ibig ni Jehova, lalo na sa panahong ito ng Memoryal.
KUNG PAANO TAYO NAKIKINABANG NGAYON
3. Paano tayo nakikinabang ngayon sa pantubos?
3 Ngayon pa lang, nakikinabang na tayo sa pantubos ni Kristo. Halimbawa, pinapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin dahil sa pantubos. Hindi naman siya obligadong gawin iyon, pero gusto niya. Nagpapasalamat ang salmista sa ginawang iyon ng Diyos kaya sinabi niya: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5; 103:3, 10-13.
4. Para kanino ibinigay ni Jehova ang pantubos? (Lucas 5:32; 1 Timoteo 1:15)
4 Baka maramdaman ng ilan na hindi sila karapat-dapat patawarin ni Jehova. Ang totoo, lahat tayo, hindi karapat-dapat. Sinabi nga ni apostol Pablo na ‘hindi siya karapat-dapat tawaging apostol.’ Pero sinabi rin niya: “Dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.” (1 Cor. 15:9, 10) Kapag pinagsisihan na natin ang mga kasalanan natin, papatawarin tayo ni Jehova. Bakit? Hindi dahil karapat-dapat tayo dito kundi dahil mahal niya tayo. Kaya kung nararamdaman mong hindi ka karapat-dapat patawarin ni Jehova, tandaan mo na hindi ibinigay ni Jehova ang pantubos para sa mga hindi nagkakasala. Ibinigay niya iyon para sa mga nagsisising makasalanan.—Basahin ang Lucas 5:32; 1 Timoteo 1:15.
5. Obligado ba si Jehova na patawarin tayo? Ipaliwanag.
5 Huwag nating isipin na dapat lang na patawarin tayo ni Jehova dahil matagal na tayong naglilingkod sa kaniya. Totoo, pinapahalagahan ni Jehova ang katapatan natin. (Heb. 6:10) Pero ibinigay niya ang Anak niya bilang regalo, hindi bilang bayad sa mga nagawa nating paglilingkod sa kaniya. Kaya maling isipin na obligado si Jehova na patawarin tayo. Kasi kung ganoon, para nating sinasabi na hindi natin kailangan ang pantubos.—Ihambing ang Galacia 2:21.
6. Bakit ginawa pa rin ni Pablo ang lahat para paglingkuran si Jehova?
6 Alam ni Pablo na hindi siya karapat-dapat sa pagpapatawad ni Jehova. Kaya bakit ginawa pa rin niya ang lahat para paglingkuran ang Diyos? Kasi gusto niyang ipakitang nagpapasalamat siya sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. (Efe. 3:7) Gaya ni Pablo, ginagawa rin natin ang lahat sa paglilingkod para ipakitang nagpapasalamat tayo sa awa ni Jehova, hindi para maging karapat-dapat dito.
7. Paano pa tayo nakikinabang ngayon sa pantubos? (Roma 5:1; Sant. 2:23)
7 Posible na rin tayong maging malapít kay Jehova a kasi ibinigay niya ang pantubos. Gaya ng natalakay sa naunang artikulo, hindi tayo bahagi ng pamilya ni Jehova noong ipinanganak tayo. Pero dahil sa pantubos, puwede tayong magkaroon ng “mapayapang kaugnayan sa Diyos” at maging malapít sa kaniya.—Basahin ang Roma 5:1; Santiago 2:23.
8. Bakit dapat nating ipagpasalamat kay Jehova ang pribilehiyo ng panalangin?
8 Dahil may malapít tayong kaugnayan kay Jehova, may pribilehiyo tayong manalangin sa kaniya. Hindi lang mga panalangin ng malalaking grupo ang pinapakinggan ni Jehova. Pinapakinggan din niya ang personal na panalangin ng bawat isa sa atin. Napapanatag tayo kapag nananalangin, pero hindi lang iyan ang nagagawa nito. Pinapatibay rin nito ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos. (Awit 65:2; Sant. 4:8; 1 Juan 5:14) Noong nasa lupa si Jesus, madalas siyang manalangin. Alam kasi niya na nakikinig sa kaniya si Jehova at na titibay ang kaugnayan niya sa Ama niya. (Luc. 5:16) Kaya nagpapasalamat tayo na puwede tayong maging kaibigan ni Jehova at manalangin sa kaniya dahil sa sakripisyo ni Jesus.
KUNG PAANO TAYO MAKIKINABANG SA HINAHARAP
9. Paano makikinabang sa hinaharap ang mga tapat na lingkod ng Diyos dahil sa pantubos?
9 Paano naman makikinabang sa hinaharap ang mga tapat na lingkod ng Diyos dahil sa pantubos? Bibigyan sila ng buhay na walang hanggan. Para sa marami, parang imposible iyan kasi wala pang taong nabuhay nang walang hanggan. Pero ang layunin ni Jehova para sa mga tao ay mabuhay sila magpakailanman. Kung hindi nagkasala si Adan, walang mag-iisip na imposible ang buhay na walang hanggan. At kahit mahirap isipin ngayon ang buhay na walang hanggan, alam nating mangyayari iyon kasi napakalaki ng ibinayad ni Jehova—ang buhay ng kaniyang Anak.—Roma 8:32.
10. Ano ang pinapanabikan ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa?
10 Kahit sa hinaharap pa ang buhay na walang hanggan, gusto ni Jehova na panabikan na natin ito ngayon. Para sa mga pinahiran, pinapanabikan nilang mabuhay sa langit at mamahalang kasama ni Kristo. (Apoc. 20:6) Excited naman ang ibang mga tupa na mabuhay sa Paraisong lupa, kung saan wala nang pagdurusa. (Apoc. 21:3, 4) Isa ka ba sa ibang mga tupa na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan dito sa lupa? Hindi iyan mas mababang gantimpala! Ang totoo, nilalang tayo para mabuhay sa lupa. Kaya siguradong magiging masaya tayo.
11-12. Ano ang ilan sa mga pagpapalang pinapanabikan mo sa Paraiso? (Tingnan din ang mga larawan.)
11 Isipin mong nasa Paraiso ka na. Hindi ka na mag-aalalang magkakasakit ka o mamamatay. (Isa. 25:8; 33:24) Ibibigay ni Jehova ang lahat ng mabubuting bagay na gusto mo. Mahilig ka ba sa mga halaman o hayop? Gusto mo bang matutong mag-drawing o tumugtog ng isang instrument? Sa Paraiso, kailangan ng mga architect, tagapagtayo, at magsasaka. Kailangan din ng mga marunong magluto, gumawa ng mga tool, at mag-aalaga at magpapaganda sa lupa. (Isa. 35:1; 65:21) Mayroon tayong buhay na walang hanggan para matuto ng anumang bagay na gusto natin malaman.
12 Siguradong masayang-masaya rin tayo kapag binuhay-muli ang mga mahal natin! (Gawa 24:15) Mag-e-enjoy ka rin na matuto pa tungkol kay Jehova habang pinag-aaralan mo ang napakaraming nilalang niya. (Awit 104:24; Isa. 11:9) At higit sa lahat, masasamba na natin si Jehova nang hindi nakokonsensiya kasi hindi na tayo magkakasala. Ipagpapalit mo ba ang magagandang pagpapalang ito para “pansamantalang magpakasaya sa kasalanan” ngayon? (Heb. 11:25) Siguradong hindi! Sulit ang anumang sakripisyong gagawin natin ngayon para sa mga pagpapalang ito. Tandaan, hindi laging mananatiling pag-asa ang Paraiso kasi darating ang panahon na magiging totoo na ito. Posible ang lahat ng ito dahil mahal na mahal tayo ni Jehova at ibinigay niya ang Anak niya!
IPAKITA ANG PASASALAMAT SA PAG-IBIG NI JEHOVA
13. Paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo sa pag-ibig ni Jehova? (2 Corinto 6:1)
13 Paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil ibinigay niya ang pantubos? Unahin natin sa ating buhay ang paglilingkod sa kaniya. (Mat. 6:33) Hindi ba namatay si Jesus para “ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli”? (2 Cor. 5:15) Siguradong ayaw nating bale-walain ang walang-kapantay na kabaitang iyon ni Jehova.—Basahin ang 2 Corinto 6:1.
14. Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo sa patnubay ni Jehova?
14 Maipapakita rin nating nagpapasalamat tayo sa pag-ibig ni Jehova kung susunod tayo sa patnubay niya. Paano? Makikita iyan sa mga desisyong gagawin natin. Halimbawa, baka iniisip mo kung kailangan mo ba talaga ng mataas na edukasyon o kung anong klase ng trabaho ang kukunin mo. Isaalang-alang kung ano ang gusto ni Jehova na gawin mo. (1 Cor. 10:31; 2 Cor. 5:7) Kapag sinunod natin ang patnubay ni Jehova, lalong titibay ang pananampalataya at kaugnayan natin sa kaniya. At nagiging mas totoo rin ang pag-asa natin.—Roma 5:3-5; Sant. 2:21, 22.
15. Sa panahon ng Memoryal, paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova?
15 May isa pang paraan para maipakitang pinapahalagahan natin ang pag-ibig ni Jehova. Gamitin natin ang panahon ng Memoryal para ipakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil sa pantubos. Siguradong inaayos na natin ang schedule natin para makadalo tayo sa Memoryal. Pero gusto rin nating imbitahan ang iba na dumalo. (1 Tim. ) Ipaliwanag natin sa kanila kung ano ang mayroon sa Memoryal. Makakatulong din kung ipapapanood natin sa kanila ang mga video na 2:4Bakit Namatay si Jesus? at Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus sa jw.org. Dapat ding siguraduhin ng mga elder na maiimbitahan nila ang mga inactive. Isipin na lang kung gaano kasaya ang mga nasa langit, pati na tayo, kapag may nanumbalik na nawawalang tupa ni Jehova! (Luc. 15:4-7) At sa mismong Memoryal, batiin natin ang mga kapatid, pero lalo na ang mga bisita at mga matagal nang hindi nakadalo. Gusto nating maramdaman nila na welcome sila!—Roma 12:13.
16. Bakit dapat nating pag-isipan kung kaya pa nating dagdagan ang nagagawa natin sa ministeryo ngayong panahon ng Memoryal?
16 Puwede mo pa bang dagdagan ang mga nagagawa mo para kay Jehova ngayong panahon ng Memoryal? Magandang paraan iyan para maipakita mong nagpapasalamat ka sa lahat ng ginawa ng Diyos at ni Kristo para sa iyo. Kapag mas marami tayong panahon sa pangangaral, mas mararamdaman natin ang tulong ni Jehova kaya mas titibay ang pagtitiwala natin sa kaniya. (1 Cor. 3:9) Sikapin ding sundan ang pagbabasa ng Bibliya sa Memoryal na nasa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw o sa chart na makikita sa workbook para sa pulong. Puwede mo pa ngang gawing study project ang mga tekstong iyon.
17. Paano natin mapapasaya si Jehova? (Tingnan din ang kahong “ Mga Paraan Para Maipakitang Nagpapasalamat Tayo sa Pag-ibig ni Jehova.”)
17 Baka limitado lang ang kaya mong gawin sa mga natalakay sa artikulong ito dahil sa sitwasyon mo. Pero tandaan na hindi ikinukumpara ni Jehova ang nagagawa mo sa nagagawa ng iba. Ang mahalaga sa kaniya ay kung gaano mo siya kamahal. Masayang-masaya siya kapag nakikita niyang pinapahalagahan mo ang napakagandang regalo niya—ang pantubos.—1 Sam. 16:7; Mar. 12:41-44.
18. Bakit nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo?
18 Naging posible lang na mapatawad tayo, maging malapít kay Jehova, at magkaroon ng buhay na walang hanggan dahil sa pantubos. Lagi sana nating ipakitang nagpapasalamat tayo sa pag-ibig ni Jehova, kasi iyon ang nagpakilos sa kaniya na ibigay ang mga pagpapalang ito. (1 Juan 4:19) Lagi rin sana nating ipakitang nagpapasalamat tayo kay Jesus, kasi mahal na mahal niya tayo at isinakripisyo niya ang buhay niya para sa atin.—Juan 15:13.
AWIT BLG. 154 Ang Pag-ibig ay Hindi Nabibigo