Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Turkey
SINIKAP ng unang-siglong mga Kristiyano na mapaabutan ng ‘mabuting balita ng kaharian’ ang pinakamaraming tao. (Mat. 24:14) Naglakbay pa nga sa ibang lupain ang ilan. Halimbawa, pumunta si apostol Pablo sa rehiyong kinaroroonan ngayon ng Turkey at malawakang nangaral doon bilang misyonero. * Pagkalipas ng mga 2,000 taon, noong 2014, muling nagkaroon ng espesyal na kampanya ng pangangaral sa Turkey. Bakit inorganisa ang kampanyang ito? Sino ang mga nakibahagi?
“ANO’NG MERON?”
Mahigit 2,800 ang mamamahayag sa Turkey, pero 79 na milyon ang populasyon nito. Ibig sabihin, ang ratio ng mamamahayag sa populasyon ay 1 sa bawat 28,000. Kaya naman, kaunting-kaunti pa lang sa mga nakatira sa bansang ito ang nakakausap ng mga mamamahayag. Ang tunguhin ng espesyal na kampanya ay para maabot ang pinakamaraming tao sa loob ng maikling panahon. Noong panahon ng kampanya, mga 550 kapatid na nagsasalita ng Turkish mula sa ibang bansa ang nagpunta sa Turkey at nangaral kasama ng lokal na mga mamamahayag. Ano ang resulta?
Isang malawak na patotoo ang naibigay. Isang kongregasyon sa Istanbul ang sumulat: “Nang makita kami ng mga tao, nagtanong sila: ‘Meron bang espesyal na kombensiyon? Kahit saan may mga Saksi ni Jehova!’” Sumulat naman ang isang kongregasyon sa lunsod ng Izmir: “Isang lalaking nagtatrabaho sa sakayan ng taxi ang lumapit sa isang lokal na elder at nagtanong, ‘Ano’ng meron? Dinagdagan n’yo ba ang gawain n’yo?’” Oo, napansin ang kampanya.
Talagang nasiyahan sa pangangaral ang mga kapatid mula sa ibang bansa. Si Steffen, na mula sa Denmark, ay nagsabi: “Araw-araw, nakakapangaral ako sa mga hindi pa nakarinig ng tungkol kay Jehova. Pakiramdam ko, naipapakilala ko talaga ang pangalan ni Jehova.” Isinulat ni Jean-David na mula sa France: “Ilang oras kaming nangaral sa iisang kalye, at ang saya-saya! Maraming hindi nakakakilala sa mga Saksi ni Jehova. Sa halos lahat ng pinto, nakapagpasimula kami ng pag-uusap, nakapagpanood ng isa sa mga video natin, at nakapag-iwan ng literatura sa may-bahay.”
Sa loob lang ng dalawang linggo, ang 550 nakibahagi sa kampanya ay nakapagbigay ng mga 60,000 literatura. Isang malawak na patotoo nga ang naibigay!
Sumidhi ang sigasig sa ministeryo. Ang espesyal na gawaing ito ay nakapagpasigla sa lokal na mga kapatid. Pinag-isipan ng marami ang pagpasok sa buong-panahong paglilingkod. Sa katunayan, tumaas nang 24 na porsiyento ang bilang ng mga regular pioneer sa Turkey sa loob ng 12 buwan pagkatapos ng kampanya.
Sinabi ng mga kapatid na nakibahagi sa kampanya kung ano ang naging epekto nito sa kanilang ministeryo pagkauwi nila sa kani-kanilang bansa. Isinulat ni Şirin, isang sister mula sa Germany: “Madali lang para sa mga kapatid sa Turkey na magpatotoo nang di-pormal. Napakamahiyain ko pagdating sa di-pormal na pagpapatotoo. Pero dahil sa kampanyang ito, sa halimbawa ng lokal na mga kapatid, at sa maraming panalangin, nagagawa ko na ang hindi ko kaya noon. Nakapangaral pa nga ako at nakapagbigay ng mga tract sa subway! Hindi na ako mahiyain gaya noon.”
“May mga natutuhan ako na magagamit ko sa aking ministeryo,” ang sabi ni Johannes na mula sa Germany. “Gusto talaga ng mga kapatid sa Turkey na ibahagi ang katotohanan sa pinakamaraming tao. Nagpapatotoo sila sa bawat pagkakataon. Ganiyan din ang ginawa ko pagbalik ko sa Germany. Ngayon, nakakapangaral na ako sa mas maraming tao kaysa dati.”
“Ang laki ng epekto ng kampanyang ito sa ministeryo ko. Mas lumakas ang loob ko at mas nagtitiwala na ako kay Jehova,” ang komento ni Zeynep na mula sa France.
Mas napalapít ang mga mamamahayag sa isa’t isa. Hindi makakalimutan ang pag-ibig at pagkakaisa ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa. “‘Natikman’ namin ang pagkamapagpatuloy ng mga kapatid,” ang sabi ni Jean-David, na binanggit kanina. Dagdag pa niya: “Tinanggap nila kami bilang mga kaibigan at kapamilya. Binuksan nila ang kanilang mga tahanan para sa amin. Alam ko na isa tayong internasyonal na kapatiran; maraming beses ko na itong nabasa sa ating literatura. Pero ngayon, naranasan
ko ito mismo. Kaya mas ipinagmamalaki ko na maging bahagi ng bayan ni Jehova, at nagpapasalamat ako sa kaniya sa pribilehiyong ito.”“Galing man sa Denmark, France, Germany, o Turkey, para kaming isang pamilya. Para bang binura ng Diyos ang hangganan ng mga bansa gamit ang isang malaking pambura,” ang sabi ni Claire na mula sa France.
Idinagdag ni Stéphanie na mula sa France: “Natutuhan namin sa espesyal na kampanyang ito na ang nagbubuklod sa atin ay hindi ang kultura o wika kundi ang pag-ibig natin kay Jehova.”
MGA PANGMATAGALANG PAKINABANG
Marami sa mga kapatid ang gustong bumalik sa Turkey para tumulong sa napakalaking gawain doon. Marami-rami na ang gumawa niyan. Ang mga need-greater na ito ay talagang pinahahalagahan.
Halimbawa, may isang maliit na isolated group sa isang lugar na may 25 mamamahayag. Sa loob ng maraming taon, iisa lang ang elder doon. Isip-isipin ang kagalakan nila nang anim na need-greater mula sa Germany at Netherlands ang lumipat noong 2015 para tumulong!
PAGLILINGKOD SA “FRONT LINE”
Ano ang masasabi ng mga need-greater sa buhay nila sa Turkey? Totoo, hindi ito laging madali, pero sulit na sulit ang buhay bilang need-greater. Ganito ang sabi ng ilan:
“Dahil hindi marami ang aking materyal na pag-aari, mas malaya ako at nakakapagpokus sa pinakamahahalagang bagay,” ang sabi ni Federico, isang may-asawang brother na mahigit 40 anyos at mula sa Spain. Iminumungkahi ba niya ang ganitong uri ng paglilingkod? “Oo naman!” ang sabi niya. “Kapag nangibang-bansa ka para tulungan ang mga tao na makilala si Jehova, inilalagay mo ang iyong sarili sa kaniyang mga kamay. Mas mararamdaman mo ang pangangalaga ni Jehova.”
“Kasiya-siya para sa amin ang maglingkod sa front line, wika nga, at magbahagi ng katotohanan sa mga taong hindi pa nakakarinig nito,” ang sabi ni Rudy, isang may-asawang brother na halos 60 anyos na at mula sa Netherlands. “Napakasaya ko
kapag nakikita ko ang kaligayahan ng mga taong tumatanggap ng katotohanan.”Sinabi ni Sascha, isang may-asawang brother na mahigit 40 anyos at mula sa Germany: “Tuwing nasa ministeryo ako, may mga nakakausap ako na ngayon lang nakarinig ng katotohanan. Napakasaya ko kapag natutulungan ko silang makilala si Jehova.”
Si Atsuko, isang may-asawang sister na mahigit 30 anyos at mula sa Japan, ay nagsabi: “Dati, gustong-gusto ko nang dumating ang Armagedon. Pero noong lumipat ako sa Turkey, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil nagtitiis pa rin siya. Habang nakikita ko kung paano pinangangasiwaan ni Jehova ang mga bagay-bagay, lalo kong gustong mapalapít sa kaniya.”
Ganito ang komento ni Alisa, isang sister na mahigit 30 anyos at mula sa Russia: “Ang paglilingkod kay Jehova sa ganitong uri ng ministeryo ay nakatulong sa akin na matikman ang kaniyang kabutihan.” (Awit 34:8) Sinabi pa niya: “Hindi lang naging Ama si Jehova sa akin, naging malapít ko rin siyang Kaibigan, na mas nakikilala ko dahil sa iba’t ibang kalagayan. Ang buhay ko ay punô ng masasayang sandali, kapana-panabik na mga karanasan, at napakaraming pagpapala!”
“TANAWIN ANG MGA BUKID”
Dahil sa espesyal na kampanya ng pangangaral sa Turkey, mas marami ang napaabutan ng mabuting balita. Pero malaki pa rin ang di-pa-nagagawang teritoryo. Araw-araw, nakakausap ng mga need-greater na lumipat sa Turkey ang mga taong wala pang alam tungkol kay Jehova. Gusto mo bang maglingkod sa ganiyang teritoryo? Kung oo, pinasisigla ka namin: “Itingin [mo] ang [iyong] mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Makatutulong ka ba sa isang lugar kung saan ang mga bukid ay “mapuputi na para sa pag-aani”? Kung oo, gumawa ng praktikal na mga hakbang para maabot ang iyong tunguhin. Isang bagay ang sigurado: Ang higit pang pagsisikap para ibahagi ang mabuting balita “sa pinakamalayong bahagi ng lupa” ay magdudulot sa iyo ng saganang pagpapala na walang katulad!—Gawa 1:8.
^ par. 2 Tingnan ang brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ p. 32-33.