Ipanalo ang Labanan Para sa Iyong Isip
SINASALAKAY ka! Ang pangunahing kalaban mo, si Satanas, ay may napakamapanganib na sandata laban sa iyo. Ano ito? Propaganda! Sinasalakay ng sandatang ito hindi ang iyong katawan kundi ang iyong isip.
Alisto si apostol Pablo sa panganib ng satanikong propaganda, pero may mga Kristiyano noon na hindi. Halimbawa, may ilan sa Corinto na masyadong nagtiwala sa sarili at nag-isip na napakalakas nila sa espirituwal kaya hindi sila mabubuwal. (1 Cor. 10:12) Kaya naman nagbabala si Pablo: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Cor. 11:3.
Ipinakikita ng mga sinabi ni Pablo na hindi tayo dapat maging kampante. Para maipanalo mo ang labanan para sa iyong isip, dapat mong alamin ang panganib na dulot ng propaganda at protektahan ang iyong sarili.
NAPAKAMAPANGANIB NG PROPAGANDA
Ano ba ang propaganda? Sa artikulong ito, tumutukoy ito sa paggamit ng may-kinikilingan o mapandayang impormasyon para manipulahin ang pag-iisip at pagkilos ng mga tao. Para sa ilan, ang propaganda ay katumbas ng “kasinungalingan, pagpilipit, panlilinlang, manipulasyon, [at] pagkontrol sa isip,” at iniuugnay nila ito sa “mga taktikang hindi etikal, mapaminsala, at hindi patas.”—Propaganda and Persuasion.
Napakamapanganib ng propaganda. Gaya ng gas na hindi nakikita, walang amoy, at nakalalason, unti-unti itong nakaiimpluwensiya sa ating pag-iisip nang hindi natin namamalayan. Dahil hindi ito madaling mahalata, sinabi ni Vance Packard, isang eksperto sa paggawi ng tao: “Marami sa atin ang naiimpluwensiyahan at namamanipula—nang hindi natin napapansin.” Sinabi ng isang iskolar na dahil sa propaganda, ang mga lalaki at babae ay “madaling naudyukang gumawa ng kahindik-hindik na mga paggawi”—gaya
ng ‘pagkapoot at paglipol ng lahi, digmaan, diskriminasyon dahil sa relihiyon at marami pang di-makatuwirang paggawi.’—Easily Led—A History of Propaganda.Kung nagagawa tayong dayain ng mga tao sa kanilang propaganda, paano pa kaya si Satanas? Pinag-aralan niya ang paggawi ng tao mula pa nang likhain tayo. Nasa kapangyarihan na niya “ang buong sanlibutan.” Puwede niyang gamitin ang alinmang bahagi nito para ipalaganap ang kaniyang mga kasinungalingan. (1 Juan 5:19; Juan 8:44) Napakagaling ni Satanas sa ‘pagbulag sa pag-iisip ng mga tao’ kung kaya ‘nailigaw na niya ang buong tinatahanang lupa.’ (2 Cor. 4:4; Apoc. 12:9) Paano mo malalabanan ang kaniyang propaganda?
PATIBAYIN ANG IYONG DEPENSA
Itinuro ni Jesus ang simpleng paraan para malabanan ang propaganda: “[Alamin] ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Gaya ng isang sundalo sa digmaan, kailangan mo ng mapagkakatiwalaan at maaasahang impormasyon para huwag kang madaya ng iyong kalaban. Inilaan ito ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Doon, makikita mo ang kailangan mo para malabanan ang propaganda ni Satanas.—2 Tim. 3:16, 17.
Siyempre pa, alam iyan ni Satanas, ang dakilang propagandista. Kaya ginagamit niya ang kaniyang sistema ng mga bagay para hadlangan ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Huwag kang magpadaya sa kaniyang mga pakana! (Efe. 6:11) Tiyakin na ‘lubos mong naiintindihan’ kung ano ang saklaw ng katotohanan. (Efe. 3:18) Kailangan dito ang pagsisikap. Gaya ng sinabi ng awtor na si Noam Chomsky: “Walang sinumang makapagpapasok ng katotohanan sa utak mo. Ikaw mismo ang dapat tumuklas nito para sa iyong sarili.” Kaya ‘tuklasin mo ito para sa iyong sarili’ at ‘maingat na suriin ang Kasulatan sa araw-araw.’—Gawa 17:11.
Tandaan na ayaw ni Satanas na makapag-isip ka nang malinaw o makapangatuwiran sa mga bagay-bagay. Bakit? Ayon sa isang reperensiya, ang propaganda ay “malamang na mas epektibo kung ang mga tao . . . ay hinahadlangang mag-isip nang mapanuri.” (Media and Society in the Twentieth Century) Kaya huwag magbulag-bulagan at basta na lang tanggapin ang naririnig mo. (Kaw. 14:15) Gamitin ang iyong bigay-Diyos na kakayahang mag-isip at kakayahan sa pangangatuwiran para makapanindigan ka sa katotohanan.—Kaw. 2:10-15; Roma 12:1, 2.
MAG-INGAT SA TANGKANG PAGWATAK-WATAKIN TAYO
Ang mga estratehista sa militar ay gumagamit ng propaganda para pahinain ang loob ng mga kalabang sundalo at hindi na makipaglaban ang mga ito. Baka impluwensiyahan nila ang mga ito na mag-away-away o linlangin silang ibukod ang kanilang sarili mula sa kanilang mga kasama. Ayon sa isang heneral, isang dahilan ng pagkatalo ng Germany noong Digmaang Pandaigdig I ay dahil “nabighani [ang mga tao] sa propaganda ng kalaban gaya ng kunehong nabibighani ng isang ahas.” Gumagamit din si Satanas ng katulad na mga taktika para magkawatak-watak tayo. Halimbawa, naghahasik siya ng pagtatalo-talo sa gitna ng magkakapatid na Kristiyano o iniimpluwensiyahan niya silang ibukod ang kanilang sarili mula sa organisasyon ni Jehova dahil sa hinanakit o inaakalang kawalang-katarungan.
Huwag kang magpadaya! Magpagabay ka sa Salita ng Diyos. Halimbawa, para mapanatili ang pagkakaisa sa kongregasyon, pinasisigla ka ng Bibliya na patuloy na “lubusang patawarin” ang iyong mga kapatid at lutasin agad ang mga pagtatalo. (Col. 3:13, 14; Mat. 5:23, 24) Nagbababala rin ito laban sa pagbubukod ng ating sarili mula sa kongregasyon. (Kaw. 18:1) Tiyaking matibay ang iyong depensa laban sa satanikong propaganda. Tanungin ang sarili: ‘Noong huling pagkakataon na nasaktan ako ng isang kapatid, ano ang ginawa ko? Nagpagabay ba ako sa espiritu ng sanlibutan o sa espiritu ng Diyos?’—Gal. 5:16-26; Efe. 2:2, 3.
HUWAG HAYAANG MASIRA ANG IYONG TIWALA
Kapag humina ang katapatan ng isang sundalo sa kaniyang lider, hindi na siya makikipaglaban nang husto. Kaya naman sinisikap ng mga propagandista na sirain ang tiwala sa pagitan ng sundalo at ng kaniyang kumandante. Baka gumamit sila ng ganitong propaganda: “Hindi mo mapagkakatiwalaan ang iyong mga lider!” at “Huwag mong hayaang ipahamak ka nila!” Para maging kapani-paniwala ang mga ito, baka samantalahin nila ang mga pagkakamaling nagagawa ng mga lider. Ganiyan ang ginagawa ni Satanas. Hindi siya sumusuko
para sirain ang iyong tiwala sa mga inatasan ni Jehova na manguna sa kaniyang bayan.Ang iyong depensa? Manatili sa organisasyon ni Jehova at matapat na suportahan ang mga inatasan niyang manguna—sa kabila ng kanilang mga kahinaan. (1 Tes. 5:12, 13) Kapag napapaharap sa mapanirang pagsalakay ng mga apostata at iba pang manlilinlang ng isipan, huwag kang “madaling matinag mula sa [iyong] katinuan”—kahit mukhang makatuwiran ang kanilang mga paratang. (2 Tes. 2:2; Tito 1:10) Sundin ang payo na ibinigay kay Timoteo. Manghawakan sa katotohanang natutuhan mo, at tandaan kung saan mo ito natutuhan. (2 Tim. 3:14, 15) Napakaraming ebidensiya na nagpapakitang makapagtitiwala ka sa tapat na aliping inatasan ni Jehova na halos sandaang taon na niyang ginagamit para akayin tayo sa daan ng katotohanan.—Mat. 24:45-47; Heb. 13:7, 17.
HUWAG MANGHINA DAHIL SA PANANAKOT
Tandaan din na hindi laging tuso ang propaganda ni Satanas. Kung minsan, gumagamit siya ng pananakot—“isa sa pinakamatatandang anyo ng propaganda.” (Easily Led—A History of Propaganda) Halimbawa, ang mga Asiryano ay gumamit ng “pananakot kasama ng propaganda” para madaig ang kanilang mga kaaway, ang isinulat ng Britanong propesor na si Philip M. Taylor. Gagamitin ni Satanas ang takot sa tao, takot sa pag-uusig, takot sa kamatayan, at iba pang uri ng negatibong takot para madaig ka at pahintuin ka sa paglilingkod kay Jehova.—Isa. 8:12; Jer. 42:11; Heb. 2:15.
Huwag hayaang gamitin ni Satanas ang takot para pahinain ang iyong loob o sirain ang iyong katapatan. Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong katakutan yaong mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay hindi na makagawa ng anupaman.” (Luc. 12:4) Magtiwala sa pangako ni Jehova na babantayan ka niya, bibigyan ka ng “lakas na higit sa karaniwan,” at tutulungan kang makayanan ang mga tangkang pananakot.—2 Cor. 4:7-9; 1 Ped. 3:14.
Siyempre pa, may panahong makadarama ka ng takot at panghihina. Tandaan ang pampatibay ni Jehova kay Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.” (Jos. 1:9) Kapag nababalisa ka, agad na manalangin kay Jehova. Makatitiyak ka na “ang kapayapaan ng Diyos . . . ay magbabantay sa [iyong] puso at sa [iyong] mga kakayahang pangkaisipan” para magkaroon ka ng lakas na labanan ang lahat ng propaganda ni Satanas.—Fil. 4:6, 7, 13.
Natatandaan mo pa ba ang propagandang ginamit ng Rabsases, ang sugo ng mga Asiryano, laban sa bayan ng Diyos? Parang sinasabi niya, ‘Walang makapagliligtas sa inyo mula sa Asirya. Kahit si Jehova na Diyos ninyo ay walang magagawa para sa inyo.’ Idinagdag pa nga niya: ‘Si Jehova mismo ang nagsabi sa amin na wasakin ang lupaing ito.’ Ano ang tugon ni Jehova? “Huwag kang matakot dahil sa mga salita na narinig mong sinalita nang may pang-aabuso ng mga tagapaglingkod ng hari ng Asirya tungkol sa akin.” (2 Hari 18:22-25; 19:6) Pagkatapos, nagsugo si Jehova ng isang anghel na pumatay ng 185,000 Asiryano sa loob lang ng isang gabi!—2 Hari 19:35.
MAGING MARUNONG—LAGING MAKINIG KAY JEHOVA
Nakapanood ka na ba ng pelikula kung saan kitang-kita mo na ang isang tao ay dinadaya at minamanipula? Para bang gusto mo siyang sabihan: ‘Huwag kang maniwala! Nagsisinungaling sila!’ Isip-isipin na sinasabi rin ng mga anghel sa iyo: “Huwag kang magpalinlang sa mga kasinungalingan ni Satanas!”
Kaya takpan ang iyong mga tainga sa propaganda ni Satanas. (Kaw. 26:24, 25) Makinig kay Jehova at magtiwala sa kaniya sa lahat ng ginagawa mo. (Kaw. 3:5-7) Sundin ang kaniyang maibiging panawagan: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.” (Kaw. 27:11) Kung gayon, maipapanalo mo ang labanan para sa iyong isip!