“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?”
“Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan. Siya ang dapat mong paglingkuran, at sa kaniya ka dapat mangunyapit.”—DEUT. 10:20.
1, 2. (a) Bakit isang katalinuhan na pumanig kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
MAKATUWIRAN lang na mangunyapit tayo kay Jehova. Wala nang mas makapangyarihan, matalino, o maibigin kaysa sa ating Diyos! Sino ba naman sa atin ang ayaw pumanig sa kaniya? (Awit 96:4-6) Pero ang ilang mananamba ng Diyos ay nahihirapang magpasiya kapag kailangan nilang manindigan sa panig ni Jehova.
2 Tatalakayin sa artikulong ito ang halimbawa ng ilan na nagsasabing nasa panig sila ni Jehova pero ginagawa naman ang kinapopootan niya. Ang mga ulat na ito ay may mahahalagang aral na tutulong sa ating manatiling tapat kay Jehova.
SINUSURI NI JEHOVA ANG PUSO
3. Paano nagmalasakit si Jehova kay Cain, at ano ang sinabi Niya sa kaniya?
3 Tingnan ang nangyari kay Cain. Wala siyang ibang sinasamba maliban kay Jehova. Pero ang pagsamba ni Cain ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos. May mga binhi ng kasamaang tumutubo sa kaniyang puso. (1 Juan 3:12) Nagmalasakit si Jehova kay Cain at sinabi: “Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, ang kasalanan ay nakaabang sa pasukan, at ikaw ang hinahangad niyaon; at mapananaigan mo ba naman iyon?” (Gen. 4:6, 7) Para bang sinasabi ni Jehova kay Cain, “Kung magsisisi ka at maninindigan sa aking panig, nasa panig mo ako.”
4. Kahit binigyan ng pagkakataong pumanig kay Jehova, ano ang ginawa ni Cain?
4 Kung itinuwid lang ni Cain ang pag-iisip niya, sinang-ayunan sana ulit siya ni Jehova. Pero hindi nakinig si Cain. Nagpadala siya sa kaniyang maling pag-iisip at sakim na pagnanasa kaya nakagawa siya ng mga pagkakamali. (Sant. 1:14, 15) Noong nasa kabataan pa si Cain, maaaring hindi man lang sumagi sa isip niya na sasalansangin niya si Jehova. Pero nang maglaon, nangyari ang hindi inaasahan—nagrebelde siya sa Diyos at pinatay ang kaniyang kapatid!
5. Anong uri ng pag-iisip ang makapag-aalis ng pagsang-ayon ni Jehova sa atin?
5 Gaya ni Cain, ang isang Kristiyano sa ngayon ay maaaring nalilihis na ng landas kahit sinasabi niyang sumasamba siya kay Jehova. (Jud. 11) Halimbawa, baka nag-iisip na siya ng imoral na mga bagay, sakim na pagnanasa, o nagkikimkim ng galit sa isang kapuwa Kristiyano. (1 Juan 2:15-17; 3:15) Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umakay sa paggawa ng kasalanan. Samantala, baka aktibo naman siya sa ministeryo at regular sa mga pulong. Maaaring hindi alam ng iba ang ating iniisip at ginagawa, pero nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay at alam niya kung hindi tayo buong-pusong naninindigan sa panig niya.—Basahin ang Jeremias 17:9, 10.
6. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na ‘mapanaigan’ ang ating makasalanang hilig kapag naninindigan tayo sa panig niya?
6 Sa kabila nito, hindi tayo agad sinusukuan ni Jehova. Kapag napapalayo na sa Diyos ang isa, hinihimok siya ni Jehova: “Manumbalik [ka] sa akin, at manunumbalik ako sa [iyo].” (Mal. 3:7) Lalo na kapag may pinaglalabanan tayong mga kahinaan, gusto ni Jehova na manindigan tayo laban sa kasamaan. (Isa. 55:7) Kung gagawin natin ito, patutunayan niyang nasa panig natin siya dahil palalakasin niya tayo sa espirituwal, emosyonal, at pisikal para ‘mapanaigan’ ang ating makasalanang hilig.—Gen. 4:7.
“HUWAG KAYONG PALÍLIGAW”
7. Paano naiwala ni Solomon ang kaniyang magandang katayuan kay Jehova?
7 Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Haring Solomon. Noong nasa kabataan pa siya, umasa siya kay Jehova para sa patnubay. Binigyan siya ng Diyos ng dakilang karunungan at sa kaniya ipinagkatiwala ang pagtatayo ng maringal na templo sa Jerusalem. Pero naiwala ni Solomon ang pakikipagkaibigan kay Jehova. (1 Hari 3:12; 11:1, 2) Ipinagbabawal ng Kautusan ng Diyos sa isang haring Hebreo na ‘magparami ng asawa para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi malihis.’ (Deut. 17:17) Sumuway si Solomon, at nag-asawa ng 700 babae. Nagdala pa siya sa kaniyang sambahayan ng 300 pang babae. (1 Hari 11:3) Karamihan sa kaniyang mga asawa ay hindi Israelita, na sumasamba sa huwad na mga diyos. Kaya sinuway rin ni Solomon ang kautusan ng Diyos na huwag mag-asawa ng banyaga.—Deut. 7:3, 4.
8. Ano ang napakalubhang kasalanang ginawa ni Solomon na nakasakit sa damdamin ni Jehova?
8 Ang unti-unting pagsuway ni Solomon sa mga kahilingan ni Jehova ang umakay sa kaniya para gumawa ng napakalubhang kasalanan. Nagtayo si Solomon ng altar para sa diyosang si Astoret at maaaring isa pang altar para sa diyos-diyosang si Kemos. Sumama siya sa kaniyang mga asawa para sumamba roon. Sa dinami-dami ng lugar, doon pa itinayo ni Solomon ang mga altar sa bundok na nasa harap mismo ng Jerusalem, kung saan niya itinayo ang templo ni Jehova! (1 Hari 11:5-8; 2 Hari 23:13) Marahil dinaya ni Solomon ang sarili niya at inisip na babale-walain ni Jehova ang pagsuway niya basta patuloy pa rin siyang naghahain sa templo.
9. Ano ang resulta nang hindi pakinggan ni Solomon ang mga babala ng Diyos?
9 Pero hinding-hindi binabale-wala ni Jehova ang pagkakasala. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kaniyang puso ay kumiling upang lumayo kay Jehova . . . , na siyang nagpakita sa kaniya nang makalawang ulit. At may kaugnayan sa bagay na ito ay nag-utos siya sa kaniya na huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya tinupad ang iniutos ni Jehova.” Bilang resulta, inalis ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon at suporta. Nawala sa mga inapo ni Solomon ang pamamahala sa nagkakaisang kaharian ng Israel at dumanas sila ng maraming kapahamakan.—1 Hari 11:9-13.
10. Ano ang puwedeng maging banta sa ating magandang katayuan kay Jehova?
10 Gaya ng nangyari kay Solomon, isa sa pinakamalaking banta sa ating espirituwalidad ang pakikipagkaibigan sa mga hindi nakauunawa o gumagalang sa mga pamantayan ni Jehova. Posibleng kaugnay nga sa kongregasyon ang ilan pero baka mahina naman sa espirituwal. Ang iba naman ay puwedeng mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, o kaeskuwela na hindi sumasamba kay Jehova. Alinman dito, basta hindi sila nagpapahalaga sa mga pamantayan ni Jehova, darating ang panahon na sisirain nila ang ating magandang katayuan sa Diyos.
11. Ano ang tutulong sa atin para malaman kung dapat iwasan ang isang kasama?
11 Basahin ang 1 Corinto 15:33. Karamihan sa mga tao ay may magagandang katangian, at marami sa mga di-Saksi ang hindi naman nakikibahagi sa masasamang gawain. Kung ganiyan ang mga kakilala mo, makaaasa ka bang mabuti silang kasama? Tanungin ang iyong sarili kung ano ang magiging epekto nila sa iyong kaugnayan kay Jehova. Mapasusulong ba nila ito? Ano ang nasa puso nila? Halimbawa, puro na lang ba tungkol sa uso, pera, gadyet, paglilibang, o iba pang sekular na mga tunguhin ang pinag-uusapan nila? Madalas ba silang mamintas o mahilig sa malalaswang biruan? Nagbabala si Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mat. 12:34) Kung sa tingin mo ay magiging banta sa iyong magandang katayuan kay Jehova ang mga kasama mo, kumilos agad. Limitahan ang pakikisama sa kanila at kung kailangan, putulin ang gayong pakikipagkaibigan.—Kaw. 13:20.
HUMIHILING SI JEHOVA NG BUKOD-TANGING DEBOSYON
12. (a) Ano ang niliwanag ni Jehova sa mga Israelita di-nagtagal pagkaalis nila sa Ehipto? (b) Paano tumugon ang mga Israelita sa hinihiling ng Diyos na bukod-tanging debosyon?
12 May mga aral pa tayong matututuhan sa nangyari di-nagtagal matapos palayain ang Ex. 19:16-19) Sa eksenang ito, isiniwalat ni Jehova sa mga Israelita ang kaniyang sarili bilang isang “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” Tiniyak niya sa kanila na magiging tapat siya sa mga umiibig sa kaniya at sumusunod sa kaniyang mga utos. (Basahin ang Exodo 20:1-6.) Para bang sinasabi ni Jehova sa bayan niya, “Kung patutunayan ninyong nasa panig ko kayo, patutunayan ko ring nasa panig ninyo ako.” Paano ka tutugon sa gayong pangako ng katapatan mula sa Diyos na Jehova? Tiyak na gagawin mo rin ang ginawa ng mga Israelita. “Sumagot [sila] sa iisang tinig at nagsabi: ‘Ang lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.’” (Ex. 24:3) Pero di-nagtagal, nasubok ang katapatan ng mga Israelita.
mga Israelita sa Ehipto. Ang bayan ay nagkakatipon noon sa harap ng Bundok Sinai. Doon, ipinakita ni Jehova ang kaniyang presensiya sa kamangha-manghang paraan. Makahimalang namuo ang madilim na ulap. Nagpalabas si Jehova ng kulog, kidlat, usok, at ng tila isang malakas at mahabang tunog ng tambuli. (13. Paano nasubok ang katapatan ng mga Israelita?
13 Natakot ang mga Israelita sa madilim na ulap, kidlat, at sa iba pang kasindak-sindak na mga tanda mula sa Diyos. Pumayag si Moises sa kanilang kahilingan na maging tagapagsalita nila sa lahat ng pakikipag-usap kay Jehova sa Bundok Sinai. (Ex. 20:18-21) Nagtatagal si Moises sa taluktok ng bundok. Mananatili ba ang mga Israelita sa ilang nang wala ang kanilang pinagkakatiwalaang lider? Lumilitaw na masyadong nakadepende kay Moises ang pananampalataya ng bayan. Nabalisa sila at sinabi kay Aaron: “Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, sapagkat kung tungkol sa Moises na ito, ang lalaking nag-ahon sa amin mula sa lupain ng Ehipto, hindi nga namin alam kung ano na ang nangyari sa kaniya.”—Ex. 32:1, 2.
14. Paano dinaya ng mga Israelita ang kanilang sarili, at ano ang reaksiyon ni Jehova?
14 Alam ng bayan na isang malubhang kasalanan kay Jehova ang idolatriya. (Ex. 20:3-5) Pero di-nagtagal, sumamba sila sa ginintuang guya! Kahit kitang-kita ang pagsuway na ito, dinaya ng mga Israelita ang kanilang sarili at inisip na nasa panig pa rin sila ni Jehova. Aba, sinabi pa nga ni Aaron na ang pagsamba nila sa guya ay “isang kapistahan para kay Jehova”! Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Nadama niyang pinagtaksilan siya. Sinabi ni Jehova kay Moises na ang bayan ay “gumawi nang kapaha-pahamak” at ‘lumihis mula sa daan na iniutos Niyang lakaran nila.’ Dahil ‘lumagablab ang galit’ ni Jehova, inisip pa nga niyang lipulin ang bagong-tatag na bansang Israel.—Ex. 32:5-10.
15, 16. Paano ipinakita nina Moises at Aaron na naninindigan sila sa panig ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
15 Ipinasiya ni Jehova na huwag lipulin ang mga Israelita. Dahil sa awa niya, nagkaroon ng pagkakataon ang tapat na mga mananamba na manindigan sa panig niya. (Ex. 32:14) Nang makita ni Moises ang walang-taros na pagsasaya ng bayan—sigawan, awitan, sayawan sa harap ng idolo—pinagdurog-durog niya ang ginintuang guya. Saka niya sinabi: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Dito sa akin!” Bilang tugon, ang “lahat ng mga anak ni Levi ay nagsimulang pumisan” kay Moises.—Ex. 32:17-20, 26.
16 Kahit kasama si Aaron sa paggawa ng idolo, nagsisi naman siya at sumama sa mga Levitang pumanig kay Jehova. Ang mga matapat na ito ay hindi lang pumanig kay Jehova kundi ibinukod din nila ang kanilang sarili mula sa mga gumagawa ng masama. Matalinong pagkilos iyan. Nang araw na iyon, libo-libo ang namatay dahil sa idolatriya. Ex. 32:27-29.
Pero ang mga pumanig kay Jehova ay pinangakuan ng pagpapala.—17. Ano ang itinuturo sa atin ng pananalita ni Pablo tungkol sa ginintuang guya?
17 Itinawag-pansin ni apostol Pablo ang tungkol sa ginintuang guya at nagbabala: “Ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong . . . maging mga mananamba sa idolo, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. [Ang mga halimbawang ito ay isinulat] bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay. Dahil dito siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Cor. 10:6, 7, 11, 12) Gaya ng sinabi ni Pablo, kahit ang mga tunay na mananamba ay puwede pa ring makagawa ng mali. Baka iniisip ng mga nagpapadala sa tukso na mayroon pa rin silang magandang katayuan kay Jehova. Pero ang basta pagnanais ng isa na maging kaibigan ni Jehova o pagsasabing tapat siya sa kaniya ay hindi laging nangangahulugang sinasang-ayunan na nga siya ni Jehova.—1 Cor. 10:1-5.
18. Ano ang posibleng tumangay sa atin papalayo kay Jehova, at ano ang magiging resulta nito?
18 Kung paanong nabalisa ang mga Israelita sa pagkaantala ng pagbaba ni Moises mula sa Sinai, ang mga Kristiyano sa ngayon ay puwede ring mabalisa sa waring pagkaantala ng araw ng paghatol ni Jehova at ng pagdating ng bagong sanlibutan. Baka iniisip natin na napakalayo pa o mahirap paniwalaan ang katuparan ng mga pangakong iyan. Kapag hinayaan ito, baka unahin na natin ang pansariling mga kagustuhan kaysa sa kalooban ni Jehova. Sa paglipas ng panahon, tatangayin tayo nito papalayo kay Jehova at sa kalaunan, makagagawa tayo ng mga bagay na hinding-hindi natin gagawin kung matibay ang ating espirituwalidad.
19. Anong mahalagang katotohanan ang hindi natin dapat kalimutan, at bakit?
19 Hindi natin dapat kalimutan na si Jehova ay humihiling ng taos-pusong pagsunod at bukod-tanging debosyon. (Ex. 20:5) Ang paglayo mula sa pagsamba kay Jehova ay nangangahulugan ng paggawa ng kalooban ni Satanas, at isa lang ang resulta nito—kapahamakan! Kaya pinayuhan tayo ni Pablo: “Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Cor. 10:21.
MANGUNYAPIT KAY JEHOVA!
20. Kahit nakagawa tayo ng maling hakbang, paano tayo tinutulungan ni Jehova?
20 May pagkakatulad ang ulat ng Bibliya tungkol kay Cain, kay Solomon, at sa mga Israelita sa Bundok Sinai. Binigyan sila ng pagkakataong “magsisi . . . at manumbalik.” (Gawa 3:19) Maliwanag na hindi agad sinusukuan ni Jehova ang mga nakagagawa ng maling hakbang. Pinatawad ni Jehova si Aaron. Sa ngayon, ang mga babala ni Jehova ay puwedeng magmula sa mga ulat ng Bibliya, publikasyon, o mababait na payo ng isang kapatid. Kapag nakinig tayo sa mga babala, tiyak na kaaawaan tayo ni Jehova.
21. Ano ang dapat na maging determinasyon natin kapag nasusubok ang ating katapatan kay Jehova?
21 May layunin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. (2 Cor. 6:1) Binibigyan tayo nito ng pagkakataong “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa.” (Basahin ang Tito 2:11-14.) Hangga’t nabubuhay tayo “sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay,” mapapaharap tayo sa mga sitwasyong susubok sa ating bukod-tanging debosyon kay Jehova. Lagi sana tayong manindigan sa kaniyang panig dahil ‘si Jehova na ating Diyos ang dapat nating katakutan, siya ang dapat nating paglingkuran, at sa kaniya tayo dapat mangunyapit’!—Deut. 10:20.