Alam Mo Ba?
Bakit nagbibigay ng dote ang mga Israelita noon?
NOONG panahon ng Bibliya, ang isang lalaki o ang pamilya niya ay nagbibigay ng dote sa pamilya ng babae kapag napagkasunduan na ng mga pamilya nila ang kasal nila. Ang dote ay puwedeng mahahalagang bagay, hayop, o pera. Kung minsan, puwede ring paglingkuran ng lalaki ang pamilya ng babae, gaya ng nangyari kay Jacob na pumayag na magtrabaho sa tatay ni Raquel nang pitong taon para mapakasalan si Raquel. (Gen. 29:17, 18, 20) Bakit ito ginagawa noon?
Sinabi ng iskolar ng Bibliya na si Carol Meyers: “Ang dote ay makakatulong sa pamilya ng babae para mapunan ang mawawalang serbisyo ng anak na babae, na mahalaga sa [nagsasakang] mga pamilya.” Mapapatibay rin ng dote ang pagkakaibigan ng mga pamilya na nagiging magkakamag-anak pagkatapos ng kasal. Ang bagong magkakapamilyang iyon ay puwedeng magtulungan sa mahihirap na sitwasyon. Ang dote ay magsisilbi ring katibayan na ikakasal na ang isang babae at na mula sa poder ng tatay niya, mapupunta na siya sa poder ng asawa niya.
Sa pagbibigay ng dote, hindi naman ibig sabihin na ang babae ay isang bagay na nabibili o naibebenta. Sinasabi ng aklat na Ancient Israel—Its Life and Institutions: “Dahil sa obligasyong ito na magbayad ng pera, o ng katumbas nito, sa pamilya ng babae, nagmumukhang binibili ang isang babaeng Israelita para mapangasawa. Pero lumilitaw na ang [dote] ay mas itinuturing na pampunô sa magiging kawalan ng pamilya sa halip na kabayaran para sa babae.”
Sa ngayon, may mga bansa pa rin na sumusunod sa kaugalian ng pagbibigay ng dote. Kapag humihingi ng dote ang Kristiyanong mga magulang, dapat na ‘makita ng lahat ang pagiging makatuwiran’ nila—hindi sila hihingi nang sobra-sobra. (Fil. 4:5; 1 Cor. 10:32, 33) Sa ganitong paraan, ipinapakita nila na hindi sila “maibigin sa pera,” o sakim. (2 Tim. 3:2) Kung hindi rin hihiling ng napakalaking dote ang Kristiyanong mga magulang, hindi mapipilitan ang magiging manugang nilang lalaki na saka na lang magpakasal kapag may maibibigay na siyang dote. Hindi rin niya mararamdaman na kailangan niyang huminto sa pagpapayunir dahil kailangan niyang magtrabaho nang husto para makaipon ng napakalaking dote.
Sa ilang bansa naman, may batas tungkol sa dote. Sa ganitong sitwasyon, sinusunod ng Kristiyanong mga magulang ang mga batas na iyon. Bakit? Dahil hinihiling ng Salita ng Diyos sa mga Kristiyano na dapat silang “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad” at sumunod sa mga batas na hindi labag sa utos ng Diyos.—Roma 13:1; Gawa 5:29.