Nadama Nila ang Pag-ibig
NAKATIRA si Yomara at ang mga kapatid niyang sina Marcelo at Hiver sa isang maliit na nayon sa Guatemala. Nagpa-Bible study si Yomara sa mga Saksi, at di-nagtagal, nagpa-Bible study rin ang mga kapatid niya. Pero may problema. Bulag silang tatlo, at hindi sila nakakabasa ng braille. Kaya binabasa ng nagba-Bible study sa kanila ang mga parapo at ang mga teksto sa Bibliya kapag nag-aaral sila.
Problema rin nila ang pagdalo sa pulong. Apatnapung minuto ang biyahe papunta sa pinakamalapit na Kingdom Hall, at hindi nila kayang bumiyahe nang walang kasama. Pero tinulungan sila ng mga kapatid na makadalo sa lahat ng pulong. At nang magkaroon na sila ng mga bahagi sa midweek meeting, tinulungan sila ng mga kapatid na kabisaduhin ang mga bahagi nila.
Noong Mayo 2019, nagkaroon na ng mga pulong sa nayon nila. Mayroon na ring lumipat na mag-asawang regular pioneer doon. Gusto ng mag-asawang ito na turuan ang magkakapatid na bumasa at sumulat ng braille, kahit hindi naman nila alam kung paano iyon gagawin. Kaya pumunta sila sa isang library para pag-aralan ang braille at kung paano ito ituturo sa magkakapatid.
Sa loob lang ng ilang buwan, nakakapagbasa na ng braille ang magkakapatid kaya mas sumulong sila sa espirituwal. a Mga regular pioneer na ngayon sina Yomara, Marcelo, at Hiver. At si Marcelo ay isa nang ministeryal na lingkod. Buong linggo silang busy sa paglilingkod kay Jehova. At nakakahawa ang sigasig nila.
Sobrang laki ng pasasalamat ng tatlong magkakapatid sa pag-ibig at suporta ng kongregasyon. “Sa simula pa lang, nadama na namin ang pagmamahal ng mga Saksi,” ang sabi ni Yomara. “Marami kaming mabubuting kaibigan sa kongregasyon, at bahagi rin kami ng isang pamilya sa buong mundo na pinagkakaisa ng pag-ibig,” ang sabi pa ni Marcelo. Gustong-gusto na ni Yomara at ng mga kapatid niya na makita na maging paraiso ang lupa.—Awit 37:10, 11; Isa. 35:5.
a Ang brosyur na Learn to Read Braille ay dinisenyo para tulungan ang mga bulag o may diperensiya sa paningin na matutong bumasa at sumulat ng braille.