TALAMBUHAY
Nakita Kong Nagtatagumpay ang mga Tapat
MALAMANG na hindi mo malilimutan ang mga pag-uusap na naging napakahalaga sa iyo. Para sa akin, hindi ko makakalimutan ang pag-uusap namin ng isang kaibigan ko mga 50 taon na ang nakakaraan habang nakaupo kami sa tabi ng sigâ sa Kenya. Nangitim na kami dahil ilang buwan na kaming naglalakbay. Pinag-uusapan namin noon ang isang pelikula na may nabanggit tungkol sa relihiyon nang sabihin ng kaibigan ko, “Hindi ganiyan ang sinasabi ng Bibliya.”
Natawa ako kasi hindi ko inakalang relihiyoso pala ang kaibigan ko. “Ano’ng alam mo sa Bibliya?” ang tanong ko. Hindi siya agad nakasagot. Pagkatapos, sinabi niya na Saksi ni Jehova pala ang nanay niya, at may mga natutuhan siya mula sa kaniya. Gusto kong malaman kung ano pa ang alam niya, kaya kinulit ko siya.
Gabing-gabi na nang matapos ang pag-uusap namin. Sinabi sa akin ng kaibigan ko na ayon sa Bibliya, si Satanas ang tagapamahala ng mundong ito. (Juan 14:30) Baka matagal mo nang alam iyan, pero bago lang iyan sa akin at pinag-isip ako ng sinabi niya. Lagi kong naririnig na mabuti at patas ang Diyos, pero hindi iyan ang nakikita ko sa mundo. Kahit 26 pa lang ako noon, marami na akong nakitang masasamang bagay na nagpalungkot sa akin.
Piloto ng United States Air Force ang tatay ko. Kaya kahit bata pa lang ako, alam ko nang puwede talagang magkaroon ng digmaang nuklear. Puwede kasing magpakawala ng bombang nuklear ang militar anumang oras. Kasagsagan ng digmaan sa Vietnam noong nasa kolehiyo ako sa California. Sumasali ako sa kilos-protesta ng mga estudyante. Hinahabol kami ng mga pulis, at halos hindi kami makahinga at makakita dahil sa tear gas. Puro kaguluhan at rebelyon noon. Maraming politiko ang ipinapatay. Nagpoprotesta at nagra-riot naman ang mga tao. May kani-kaniya silang opinyon kung ano ang dapat gawin. Kaya litong-lito ang lahat.
Noong 1970, nagkaroon ako ng trabaho sa hilagang baybayin ng Alaska at napakalaki ng kinita ko. Pagkatapos, pumunta ako sa London, bumili ng motorsiklo, at naglakbay patimog nang hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pagkaraan ng ilang buwan, nakarating ako sa Africa. Sa paglalakbay ko, may nakilala akong mga tao na gusto ring matakasan ang mga problema nila.
Kaya dahil sa mga nakita at narinig ko, naintindihan ko ang itinuturo ng Bibliya na isang masamang espiritu ang kumokontrol sa mundong ito. Pero kung hindi ang Diyos ang kumokontrol sa mundo, ano’ng ginagawa niya? Gusto kong malaman ang sagot.
Nang sumunod na mga buwan, nalaman ko ang sagot. At sa paglipas ng panahon, nakilala at minahal ko ang mga taong nananatiling tapat sa tunay na Diyos anuman ang sitwasyon.
NORTHERN IRELAND—“ANG LUPAIN NG BOMBA AT BALA”
Pagbalik ko sa London, kinontak ko ang nanay ng kaibigan ko, at binigyan niya ako ng Bibliya. Pagkatapos, noong nasa Amsterdam ako, sa Netherlands, nakita ako ng isang Saksi habang nagbabasa ng Bibliya sa kalsada, at tinuruan pa niya ako tungkol dito. Nang maglaon, pumunta ako sa Dublin, Ireland, at nakita ko ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. At nang kumatok ako sa pinto nila, nakilala ko si Arthur Matthews, isang matalino at makaranasang brother. Nagpa-Bible study ako sa kaniya, at pumayag naman siya.
Sobrang sipag kong mag-aral, at gustong-gusto kong basahin ang mga aklat at magasin na inilathala ng mga Saksi. At siyempre, tuwang-tuwa akong basahin ang Bibliya. Sa mga pulong, nakikita ko ang mga bata na sinasagot ang mga tanong na matagal nang pinag-iisipan ng mga edukadong tao: ‘Bakit may kasamaan? Sino ang Diyos? Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao?’ Sa mga Saksi ni Jehova lang ako nakipagkaibigan. Madali ko lang nagawa iyon kasi wala naman akong ibang kakilala sa Ireland. Tinulungan nila akong mahalin si Jehova at gawin ang kalooban niya.
Noong 1972, nabautismuhan ako. Pagkalipas ng isang taon, nagpayunir ako at lumipat sa isang maliit na kongregasyon sa Newry, Northern Ireland. Umupa ako ng isang bahay na gawa sa bato sa gilid ng bundok. May mga baka sa kalapít na bukid, at doon ako nagpapraktis ng mga pahayag sa harap ng mga baka. Mukha talaga silang nakikinig habang ngumunguya ng damo. Hindi sila makakapagbigay ng payo, pero tinulungan nila ako na magkaroon ng audience contact. Noong 1974, naatasan akong maglingkod bilang special pioneer at sumama ako kay Nigel Pitt, na naging malapít kong kaibigan.
Noong panahong iyon, napakagulo sa Northern Ireland. Tinawag pa nga ito ng iba na “ang lupain ng bomba at bala.” Karaniwan na lang ang pamamaril, away sa kalsada, at pagpapasabog ng mga
sasakyan. Madalas na politika at relihiyon ang dahilan ng problema. Pero alam ng mga Protestante at mga Katoliko na walang kinakampihan ang mga Saksi sa politika. Kaya ligtas at malaya kaming nakakapangaral. Karaniwan nang alam ng mga tao sa teritoryo kung kailan at saan magkakaroon ng gulo, kaya binababalaan nila kami para makaiwas kami dito.Pero may mga panganib pa rin. Isang araw, nangaral kami ni Denis Carrigan, isa ring payunir, sa isang kalapít na bayan kung saan walang Saksi. Minsan na kaming nakapunta roon. Pinagbintangan kami ng isang babae na mga espiyang sundalo raw kami ng Britain; siguro dahil wala kaming Irish accent. Takot na takot kami. Malaman lang nila na kaibigan ka ng mga sundalo, puwede ka nilang patayin o barilin sa tuhod. Habang naghihintay kami sa pagdating ng bus, nakita namin ang isang kotse na pumarada sa café kung saan kami inakusahan ng babae. Lumabas ang babae at kinausap ang dalawang lalaki sa kotse, habang itinuturo kami. Sakay ng kotse, lumapit ang dalawang lalaki sa amin at tinanong kami tungkol sa iskedyul ng bus. Pagdating ng bus, kinausap nila ang driver. Hindi namin naririnig ang pinag-uusapan nila. Kaya akala namin, ipinapaligpit nila kami sa labas ng bayan kasi wala namang ibang pasahero. Pero hindi iyon ang nangyari. Pagkababa namin, tinanong ko ang driver, “Ano’ng sinabi sa iyo kanina ng mga lalaki tungkol sa amin?” Ang sagot niya: “Huwag kayong mag-alala. Sinabi ko sa kanila na kilala ko kayo. Kaya ligtas kayo.”
Noong 1976, sa isang pandistritong asamblea a sa Dublin, nakilala ko si Pauline Lomax, na isang special pioneer mula sa England. Taong espirituwal siya, mapagpakumbaba, at maganda. Lumaki siya at ang kapatid niyang si Ray sa katotohanan. Pagkaraan ng isang taon, nagpakasal kami ni Pauline at patuloy kaming naglingkod bilang special pioneer sa Ballymena, Northern Ireland.
May panahong naglingkod ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Belfast, Londonderry, at sa iba pang mapanganib na lugar. Talagang napatibay kami sa pananampalataya ng mga kapatid doon! Iniwan nila ang kinalakhan nilang relihiyon at mga paniniwala, pati na ang diskriminasyon at poot, para maglingkod kay Jehova. Talagang pinagpala at pinrotektahan sila ni Jehova!
Sampung taon akong tumira sa Ireland. At noong 1981, naimbitahan kaming mag-aral sa ika-72 klase ng Gilead. Pagka-graduate namin, naatasan kaming maglingkod sa Sierra Leone, West Africa.
SIERRA LEONE—PANANAMPALATAYA SA GITNA NG KAHIRAPAN
Tumira kami sa isang missionary home kasama ang 11 mababait na kapatid. Mayroon kaming isang kusina, tatlong toilet, dalawang paliguan, isang telepono, isang washing machine, at isang dryer. Madalas mawalan ng kuryente at sa iba’t ibang oras pa. May mga daga sa kisame, at may pumapasok naman na mga kobra sa basement.
Kahit ganoon ang kalagayan namin, masaya pa rin kami sa ministeryo. May respeto ang mga tao sa Bibliya at nakikinig silang mabuti. Marami ang nagpa-Bible study at naging mga Saksi. Tinatawag ako ng mga tagaroon na “Mister Robert.” At si Pauline naman, “Missus Robert.” Pero di-nagtagal, dumami ang trabaho ko sa tanggapang pansangay. Kaya nabawasan ang panahon ko sa ministeryo. Ang tawag na tuloy ng mga tao kay Pauline ay “Missus Pauline.” Ako naman, naging
“Mister Pauline.” At nagustuhan iyan ni Pauline!Mahirap lang ang maraming kapatid, pero laging inilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan nila, at kung minsan, sa kahanga-hangang paraan. (Mat. 6:33) Naalala ko ang isang sister na mayroon lang sapat na pambili ng pagkain para sa kanilang mag-iina sa araw na iyon. Pero ibinigay niya ang lahat ng ito sa isang brother na may sakit para makabili ito ng gamot sa malaria. Nang araw ding iyon, may biglang dumating na babae sa bahay ng sister para magpaayos ng buhok at binayaran siya nito. Marami ang may ganiyang karanasan doon.
NIGERIA—PAG-AARAL NG ISANG BAGONG KULTURA
Siyam na taon din kaming tumira sa Sierra Leone. Pagkatapos, lumipat kami sa Bethel sa Nigeria, na isang mas malaking tanggapang pansangay. Kagaya pa rin ng trabaho ko sa Sierra Leone ang trabaho ko sa Nigeria. Pero para kay Pauline, isa itong mahirap at malaking pagbabago. Noon, gumugugol siya ng 130 oras kada buwan sa ministeryo, at may masusulong siyang Bible study. Pero ngayon, naatasan siya sa sewing room, kaya maghapon siyang nananahi ng mga sirang damit. Matagal-tagal din bago siya nakapag-adjust. Pero nakita niya na talagang pinapahalagahan ng iba ang ginagawa niya, at mas nagpokus siya sa pagpapatibay sa ibang mga Bethelite.
Bago sa amin ang kultura sa Nigeria, at marami pa kaming kailangang matutuhan. May isang pagkakataon na isinama ng isang brother sa opisina ko ang isang sister na bagong tanggap sa Bethel para ipakilala ito sa akin. Nang kakamayan ko na siya, bigla siyang sumubsob sa paanan ko. At nagulat ako! Dalawang teksto agad ang naisip ko: Gawa 10:25, 26 at Apocalipsis 19:10. Naisip ko, ‘Dapat ko bang sabihin sa kaniya na huwag gawin iyon?’ Pero naisip ko rin na natanggap siya sa Bethel, kaya alam niya ang itinuturo ng Bibliya.
Sa buong pag-uusap namin, asiwang-asiwa ako. Pagkatapos nito, nag-research ako. Nalaman ko na ang ginawa ng sister ay kaugalian pa rin pala sa ilang bahagi ng bansa. Kahit ang mga lalaki, ginagawa rin iyon bilang pagpapakita ng respeto. Hindi ito pagsamba kasi may mga halimbawa rin sa Bibliya na gumawa nito. (1 Sam. 24:8) Mabuti na lang, wala akong nasabing ikakapahiya ng sister dahil sa pagiging walang-alam ko.
b Nalaman niya ang katotohanan noong kabataan pa siya, pero nagkaroon siya ng ketong. Kaya inilipat siya sa lugar ng mga may ketong, at siya lang ang Saksi roon. Kahit may pagsalansang, natulungan niya ang mahigit 30 ketongin na tanggapin ang katotohanan at nakapagtatag siya ng isang kongregasyon sa lugar na iyon.
Maraming kapatid sa Nigeria ang nagpakita ng kahanga-hangang katapatan sa loob ng maraming taon. Isa na riyan si Isaiah Adagbona.KENYA—NAGING MATIYAGA SA AKIN ANG MGA KAPATID
Noong 1996, naatasan kaming maglingkod sa sangay sa Kenya. Nakarating na ako sa bansang ito gaya ng binanggit ko sa simula at ngayon lang ulit ako nakabalik. Tumira kami sa Bethel. At maraming vervet monkey roon. Kapag may dalang prutas ang mga sister, inaagaw nila ang mga ito. Isang araw, naiwang bukas ng isang sister sa Bethel ang bintana niya. Pagkauwi niya, nakita niya ang isang pamilya ng mga unggoy na kinakain ang pagkain sa kuwarto niya. Napasigaw siya at tumakbo papalabas. Nagulat din ang mga unggoy at nagtalunan palabas ng bintana.
Umugnay kami ni Pauline sa isang kongregasyon na nagsasalita ng Swahili. Di-nagtagal, naatasan akong mangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat (tinatawag ngayong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya). Kaunti pa lang ang alam ko sa wikang Swahili. Patiuna kong pinag-aaralan ang materyal para mabasa ko ang mga tanong. Pero kung wala sa parapo ang komento ng mga kapatid, hindi ko na iyon naiintindihan. Nakakaasiwa iyon! Hiyang-hiya ako sa mga kapatid. Pero talagang humanga ako sa kanila. Dahil sa pagiging matiyaga at mapagpakumbaba nila, hinayaan nila akong mangasiwa sa pag-aaral.
UNITED STATES—PANANAMPALATAYA SA GITNA NG KASAGANAAN
Wala pa kaming isang taon sa Kenya nang tawagin kami sa Bethel sa Brooklyn, New York, noong 1997. Ngayon, nasa isang bansa na kami na sagana sa materyal, na puwede ring maging problema. (Kaw. 30:8, 9) Pero kahit ganito ang sitwasyon sa bansa, nakapokus pa rin sa espirituwal ang mga kapatid. Ginagamit nila ang kanilang panahon at pag-aari, hindi para magpayaman, kundi para suportahan ang gawain ng organisasyon ni Jehova.
Sa loob ng maraming taon, nakita namin ang pananampalataya ng mga kapatid sa iba’t ibang kalagayan. Sa Ireland, nakakaranas sila ng kaguluhan. Sa Africa, nakakaranas sila ng kahirapan at malayo sila sa isa’t isa. Sa United States naman, sagana sila sa materyal. Pero kahit sa mga kalagayang iyon, nananatili pa rin silang tapat kay Jehova. Tiyak na napakasaya ni Jehova habang pinagmamasdan ang bayan niya na nagpapakita ng pag-ibig sa kaniya sa anumang sitwasyon!
Napakabilis lumipas ng panahon—“mas mabilis pa sa pag-ikot ng panghabi.” (Job 7:6) Ngayon, nasa pandaigdig na punong-tanggapan na kami sa Warwick, New York, at masaya kaming naglilingkod kasama ng mga kapatid na talagang may pagmamahal sa isa’t isa. Masaya kami at kontento na gawin ang magagawa namin para suportahan ang ating Hari, si Kristo Jesus, na malapit nang magbigay ng gantimpala sa maraming tapat sa kaniya.—Mat. 25:34.