Mula Olympia Hanggang Sydney
Mula Olympia Hanggang Sydney
ITINUTURING ng marami ang Olympic Games bilang ang pinakamahalagang paligsahang pampalakasan sa daigdig. “Walang ibang paligsahan sa isport ang nakaaakit ng napakalaking atensiyon,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Ilang milyong katao ang dumadalo sa palaro, at daan-daang milyon sa palibot ng daigdig ang nanonood sa mga ito sa telebisyon.”
Isang Maikling Kasaysayan
Ang Olympic Games ay nagsimula libu-libong taon na ang nakalipas. Sa paniniwalang ang palakasan ay nagpapalugod sa mga kaluluwa ng mga patay, ang sinaunang mga Griego ay nagdaos ng pambansang mga kapistahan na pinagsama ang relihiyon at isport. Kabilang dito ang palarong Isthmian, Nemean, Olympic, at Pythian. Sa mga ito, mataas ang pagpapahalaga sa Olympics, sapagkat pinararangalan ng mga ito si Zeus, na itinuturing ng mga Griego na hari ng mga diyos.
May katibayan na ang sinaunang Olympics ay nagtatampok lamang ng isang paligsahan, isang takbuhan. Ngunit nang maglaon ay ibinilang nila ang iba pang paligsahan, gaya ng mga karera ng karuwahe at mahihigpit na pagsubok sa pagbabata. Dumagsa ang mga bisita mula sa lahat ng dako para sa okasyon. Upang matiyak ang kanilang kaligtasan, isang kasunduan na nagbabawal ng pagdidigmaan ang ipinatutupad sa loob ng isang panahon kapuwa bago at pagkatapos ng palaro.
Nang mapasakapangyarihan ang Roma, ang Olympics ay nagsimulang humina. Tunay, minalas ng maraming Romano ang palakasan taglay ang paghamak. Ang isang eksepsiyon ay si Emperador Nero. Sumali siya sa palaro noong 67 C.E. at nanalo sa bawat paligsahan na kaniyang sinalihan. Wari bang alam na ng mga kalahok kung ano ang mas makabubuti para sa kanila! Sa paanuman, noong 394 C.E., itinigil ang Olympics.
Ang Pagpapanumbalik ng Olympics
Halos 15 siglo ang nakalipas, ang mga bagay na nahukay ng mga arkeologong Aleman sa kapatagan ng sinaunang Olympia ay nagdulot ng panibagong interes sa palaro. Pagkatapos, iminungkahi ni Baron Pierre de Coubertin, isang 29-taóng-gulang na Pranses, ang pagpapanumbalik sa paligsahan. Kaya naman, noong 1896 ang unang makabagong Olympic Games ay ginanap sa Atenas. Mula nang taóng iyan, ang Olympics ay ginaganap, na may iilang eksepsiyon, tuwing ikaapat na taon.
Marami sa ngayon ang may pananabik na umaasam sa palaro. Sa taóng ito, ang mga ito’y magaganap sa Sydney, Australia, mula Setyembre 15 hanggang Oktubre 1. Ang mapapabilang ay 28 isport, 292 paligsahan, at 635 sesyon, na may kalahok na mahigit sa 10,300 atleta.
Gayunman, sa nakalipas na mga taon, ang Olympics ay napalibutan ng kontrobersiya. Maraming tao pa nga ang nagsasabing nasa krisis ang mga adhikain ng Olympics. Ang pagsulyap sa likod ng mga pangyayari ay totoong magiging kapuwa nagsisiwalat at nakababahala.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Scala/Art Resource, NY