Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasa Krisis ang mga Adhikain ng Olympics

Nasa Krisis ang mga Adhikain ng Olympics

Nasa Krisis ang mga Adhikain ng Olympics

NANG imungkahi ni Baron Pierre de Coubertin ang pagpapanumbalik ng Olympics, naglagay siya ng ilang mararangal na adhikain. Tunay, ang makabagong kredo ng Olympics, na ipinalalagay na gawa ni Coubertin, ay nagsasabi: “Ang pinakamahalagang bagay sa Olympic Games ay hindi ang manalo kundi ang makabahagi . . . Ang mahalagang bagay ay hindi ang manaig kundi ang lumaban nang mahusay.”

Naniniwala si Coubertin na ang pakikilahok sa mabuting paligsahan ay magdudulot ng kapuri-puring pagkatao, makatutulong sa mabuting pagpapasiya, at makapagtataguyod ng matuwid na paggawi. Binanggit pa nga niya ang isang ‘relihiyon ng isport.’ Sa pakiwari niya, ang Olympics ay makapagtuturo sa mga tao na mamuhay sa kapayapaan.

Ngunit nang mamatay si Coubertin noong 1937, anumang pag-asa sa bagay na ito ay naglaho. Ang palaro ay pinatigil na nang minsan dahil sa digmaang pandaigdig, at namumuo ang tensiyon para sa isa pang malaking digmaan. Sa ngayon, nasa mas malubhang krisis ang mga adhikain ng Olympics. Bakit nagkagayon?

Ang Olympics at Droga

Sa loob ng mga dekada, ang mga atleta ay gumamit ng mga drogang nagpapahusay-sa-kakayahang maglaro upang makalamang sa paligsahan, at hindi naiwasan ng Olympics ang salot na ito. Tunay, ngayon, 25 taon matapos pasimulan ang di-umano’y napakahigpit na pagsusuri sa droga, ang paggamit ng mga atleta ng Olympics sa ipinagbabawal na mga sangkap ay nagpapatuloy na isang suliranin.

Ang ilang atleta ay bumaling sa mga steroid upang makalamang. Ang ilan ay gumamit ng mga stimulant. Popular naman ang mga growth hormone sa mga sprinter (ubod-bilis na mananakbo sa malapitang distansiya) at sa iba pang mga atleta na gumagamit ng lakas sapagkat tumutulong ang mga ito sa mga atleta upang mabilis na makabawi mula sa matitinding pagsasanay, at nagpapalakas ang mga ito ng kalamnan. Samantala, isang bersiyon ng genetically engineered (binago ang henetikong kayarian) na erythropoietin ang mas gustong droga ng mga mananakbo ng malayuang distansiya, manlalangoy, at ng mga nag-i-ski sa kabukiran sapagkat pinatitindi nito ang kanilang pagbabata sa pamamagitan ng pagpapasigla sa paggawa ng mga pulang selula ng dugo.

Mauunawaan naman, tinawag ni Dr. Robert Voy, dating direktor ng pagsusuri sa droga para sa U.S. Olympic Committee, ang mga atleta na “isang naglalakad na laboratoryo.” Idinagdag pa niya: “Ang Olympics ay naging isang lugar ng pagsusuri para sa mga siyentipiko, kimiko at mga doktor na walang etika.” Kumusta naman ang tungkol sa pagsusuri? Si Dr. Donald Catlin, direktor ng isang laboratoryo sa pagsusuri ng droga sa Estados Unidos, ay nagsasabi: “Ang tusong atleta na gustong gumamit ng droga ay bumaling sa mga droga na hindi namin kayang suriin.”

Panunuhol at Katiwalian

Yamang iilan lamang sa mga lunsod ang may kakayahang makipagtawaran upang maging punong-abala ng Olympics, gagawin ng ilan sa kanila ang lahat upang makuha ang paligsahan. Halos dalawang taon na ang nakalilipas, nasangkot sa iskandalo ang International Olympic Committee (IOC). Ang mga sinasabing mga suhol na umaabot sa $400,000 na ibinigay sa mga miyembro ng IOC sa panahon ng matagumpay na pakikipagtawaran ng Lunsod ng Salt Lake para sa 2002 Winter Games ay nagdulot ng alinlangan sa etika ng mga kasangkot sa proseso ng pagpili sa pagdarausan ng palaro.

Ang kaibahan sa pagitan ng pagkamapagpatuloy at tahasang panunuhol ay kadalasang mahirap makilala yamang ang mga lunsod na maaaring maging punong-abala ay nagbibigay ng maluluhong regalo para sa mga pumipili ng lugar. Umabot sa 20 miyembro ng IOC ang isinangkot sa iskandalo sa Lunsod ng Salt Lake, at 6 sa kanila ang sa kalaunan ay pinaalis. Kung tungkol sa 2000 Games sa Australia, ang lahat ng pagsisikap upang panatilihin ang isang malinis na impresyon ay naglaho nang ang presidente ng Australian Olympic Committee ay umamin: “Buweno, hindi kami nanalo [sa tawaran] dahil lamang sa kagandahan ng lunsod at ng mga pasilidad nito sa isport na inialok namin.”

Ang maluhong istilo-ng-buhay ng ilan sa nakatataas na mga miyembro ng IOC ay lalo pang nagpalala sa pag-aalinlangan. Sinabi noon ng dating pinunong Suiso ng International Rowing Federation, si Tommy Keller, na sa kaniyang pangmalas ay tinitingnan ng ilang mga opisyal ng isport ang Olympics bilang isang paraan ng “pagtupad sa kanilang sariling personal na kasiyahan.” Idinagdag pa niya na ang puwersang nag-uudyok ay waring “ang paghahangad ng salapi at ang katuparan ng personal na mga ambisyon.”

Malakas na Negosyo

Walang makapagkakaila na ang Olympics ay nagsasangkot ng malaking halaga ng salapi. Karaniwan na, lumilikha ang mga ito ng matataas na rating (popularidad) sa telebisyon at ng mga anunsiyo na malalaki ang kita, na nagpapangyaring isang malaking paraan sa pagbebenta ang pag-iisponsor sa palaro.

Isaalang-alang ang 1988 Olympics, kung saan siyam na multinasyonal na mga kompanya ang nagbayad ng kabuuang halaga na mahigit sa $100 milyong dolyar sa IOC para sa pandaigdig na mga karapatan sa pagbebenta. Ang 1996 Summer Games sa Atlanta ay tumubo ng kabuuang halaga na $400 milyon para sa katulad na mga karapatan. At hindi pa kasali riyan ang mga karapatan sa telebisyon. Isang TV network sa Amerika ang nagbayad ng mahigit sa $3.5 bilyon para sa mga karapatan na isahimpapawid ang Olympic Games sa pagitan ng taóng 2000 at 2008, at iniulat na sa loob ng apat-na-taóng yugto, 11 isponsor sa buong daigdig ang magbabayad ng $84 milyon bawat isa. Kaya, ang ilang tao ay nagpahayag ng pangmalas na bagaman ang Olympics ay dating kumakatawan sa adhikain ng kahusayan ng tao, sa ngayon ang palaro ay pangunahin nang pagkakataon upang kumita ng salapi na kumakatawan sa kasakiman ng tao.

Ano ang Naging Problema?

Sinasabi ng ilang dalubhasa na ang krisis sa Olympics ay matutunton sa dalawang pangunahing pangyayari na nagsimula noong mga unang taon ng dekada ng 1980. Ang una ay ang pasiya na bigyan ng karapatan ang indibiduwal na internasyonal na mga pederasyon ng isport na magpasiya kung sinong mga atleta ang karapat-dapat para sa Olympics. Bagaman dati ay nililimitahan ng IOC ang paglahok sa mga amatyur, pinasimulang pahintulutan ng mga pederasyon noon ang propesyonal na mga atleta na lumahok sa kani-kanilang mga paligsahan sa Olympics. Ngunit taglay-taglay ng propesyonal na mga atleta ang saloobing propesyonal. Ang basta ‘paglalaro nang mahusay’ ay hindi nakapagbibigay ng mga dolyar na bayad para sa pag-iindorso ng mga produkto, at hindi nagtagal at ang pagwawagi ay siyang naging pinakamahalaga. Hindi nakapagtataka, iyan ang nagpasigla sa paggamit ng mga drogang nagpapahusay-sa-kakayahang maglaro.

Ang ikalawang pangunahing pangyayari ay naganap noong 1983 nang ang IOC ay umasang kumita sa tinawag ng dalubhasa nito sa pagbebenta na “ang pinakamahalagang di-napagsamantalahang sagisag sa daigdig”​—ang mga argolya ng Olympics. Ito ang nagpaunlad sa kalagayan ng di-masupil na komersiyalismo na naging tatak ng Olympics. Ganito ang sabi ni Jason Zengerle: “Sa kabila ng lahat ng pag-uusap tungkol sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagsasama-sama sa mga tao sa daigdig . . . , ang Olympics ay wala talagang ipinagkaiba mula sa . . . iba pang pakitang-taong palabas ng isport.” Gayunman, nangangahulugan ba ito na hindi makakamit ang mga adhikain na iminungkahi ng kilusan ng Olympics?

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

MGA KATOTOHANAN TUNGKOL SA OLYMPICS

Ang Sagisag ng Olympic ay binubuo ng limang argolya, na kumakatawan sa mga kontinente ng Aprika, Asia, Australia, Europa, at Hilaga at Timog Amerika. Kabit-kabit ang mga ito upang sumagisag sa pagkakaibigan sa isport ng lahat ng tao.

Ang sawikain ng Olympic ay Citius, Altius, Fortius​—salitang Latin para sa “mas mabilis, mas mataas, mas matapang.” Ang kahaliling salin na “mas matulin, mas mataas, mas malakas” ay nilikha ng isang edukador mula sa Pransiya.

Ang apoy ng Olympic ay nagliliyab sa altar ni Zeus noong panahon ng sinaunang palaro. Sa ngayon, isang sulo ang sinisindihan sa pamamagitan ng mga sinag ng araw sa Olympia, at pagkatapos ito ay dinadala sa pagdarausan ng palaro.

Ang tradisyon ng Olympic ay maraming milenyo na. Ang unang naiulat na Olympic Games ay naganap noong 776 B.C.E., ngunit marami ang nagsasabi na ang pinagmulan ng palaro ay nagmula pa nang hindi bababa sa limang siglo bago nito.

[Credit Line]

AP Photo/Eric Draper

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

ANG PAGDARAUSAN NG OLYMPICS SA SYDNEY

Mula noong Setyembre 1993, nang manalo ang Sydney sa tawaran para sa 2000 Olympic Games, ang lunsod ay tarantang-taranta na sa paghahanda sa pagsalubong sa mga panauhin na bumibilang ng sampu-sampong libo. Maraming gawain ang isinagawa upang linisin ang lugar, magtayo ng mga pagdarausan na pinakamataas ang kalidad sa daigdig, at baguhin ang dating mga tambakan ng basura upang maging magkakatabing mga latian, parke, at wawa, na may lawak na 760 ektarya.

Ang Sydney Olympic Village, na itinayo upang panuluyan ng lahat ng atleta at mga opisyal, ay ang pinakamalaking nayon sa daigdig na pinatatakbo ng enerhiya ng araw. Ang SuperDome​—ang pinakamalaking sentro ng isport at libangan na nasa loob ng gusali sa Timog Hemispero​—ang may pinakamalaking pribadong kawing ng kuryente na pinatatakbo ng enerhiya ng araw sa Australia, at ito’y gumagana sa pamamagitan ng enerhiya na halos walang nililikhang mga pasingaw ng greenhouse gas.

Nangingibabaw sa hugis ng mga gusali sa likod ng SuperDome ay ang mga kurba-kurba at sala-salapid na mga biga ng Olympic Stadium. Ginugulan ito ng $435,000,000 upang maitayo at ito ang pinakamalaking Olympic stadium sa buong mundo, na makapagpapaupo ng 110,000. Apat na Boeing 747 na eroplano ang maaaring pumarada nang tabi-tabi sa ilalim ng pangunahing arko ng istadyum! Sa itaas, ipinagsasanggalang ng mga tisang kisame na napaglalagusan ng liwanag ang mga manonood mula sa ultraviolet na mga sinag ng araw. “Sa loob ng ilang buwan sa 2000,” ang sabi ni Alan Patching, punong ehekutibo ng istadyum, “ang lugar na ito ang magiging pinakamahalagang lugar ng Australia.” Pagkatapos ay naglakas-loob siyang humula: “Ito’y magiging simbolo pagkatapos niyan, gaya ng Opera House.”

[Larawan sa pahina 4]

Baron Pierre de Coubertin

[Credit Line]

Culver Pictures

[Picture Credit Line sa pahina 7]

AP Photo/ACOG, HO