Tinanggap ng Korte Suprema ang Kaso
Tinanggap ng Korte Suprema ang Kaso
NITONG NAKARAANG MGA TAON, tinatanggap ng Korte Suprema taun-taon ang pormal at nasusulat na opinyon ng mga 80 hanggang 90 kaso mula sa mahigit na 7,000 kahilingan—mahigit lamang sa 1 porsiyento!
Noong Mayo 2001, isinampa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang Petisyon para sa isang Writ of Certiorari (nasusulat na kahilingan mula sa mataas na hukuman upang ipadala ng mababang hukuman ang mga rekord ng isang kaso para suriin itong muli) sa Korte Suprema, na nagtatanong: “Ayon sa konstitusyon, masasabi bang ang mga relihiyosong ministro na nakikibahagi sa gawaing salig sa Kasulatan at dantaon nang nakikipag-usap tungkol sa kanilang relihiyosong mga paniniwala sa bahay-bahay ay katumbas ng mga tagapaglako ng kalakal, anupat obligado silang sundin ang mga pagbabawal malibang kumuha sila ng pahintulot sa munisipyo upang makipag-usap tungkol sa Bibliya o mag-alok ng mga literaturang salig sa Bibliya nang walang bayad?”
Noong Oktubre 15, 2001, binigyan ng notisya ang Legal Department ng Watchtower na tinanggap na ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., et al. v. Village of Stratton et al. para suriin itong muli!
Tinakdaan ng Korte ang pagtanggap nito sa kaso salig sa espesipikong isyu may kinalaman sa kalayaan sa pagsasalita, yaon ay, kung kasali ba sa ipinagsasanggalang ng Unang Susog (First Amendment) sa kalayaan sa pagsasalita ang karapatan ng mga tao na makipag-usap sa iba tungkol sa isang bagay nang hindi muna ipinakikilala ang kanilang sarili sa ilang awtoridad ng pamahalaan.
Ngayon, kailangan ang bibigang argumento ng mga abogado ng magkabilang panig hinggil sa kaso sa harap ng siyam na hukom ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Naroroon ang mga abogado ng mga Saksi; at ang mga abogado ng Nayon ng Stratton. Ano kaya ang mangyayari sa hukuman?
[Kahon sa pahina 5]
ANO BA ANG UNANG SUSOG?
“SUSOG I (ANG PAGTATATAG NG RELIHIYON; KALAYAAN SA RELIHIYON, PAGSASALITA, PAMAMAHAYAG, PAGTITIPON, PETISYON) Ang Kongreso ay hindi gagawa ng batas may kaugnayan sa pagtatatag ng relihiyon, o sa pagbabawal sa malayang pagsasagawa nito; o sa pagbabawas ng kalayaan sa pagsasalita o sa pamamahayag; o sa karapatan ng mga tao na magtipon nang mapayapa, at magpetisyon sa Pamahalaan na alisin ang sanhi ng mga karaingan.”—Ang Konstitusyon ng Estados Unidos.
“Ang Unang Susog ay siyang saligan ng demokratikong proseso sa Estados Unidos. Ipinagbabawal ng Unang Susog na pagtibayin ng Kongreso ang mga batas na naghihigpit sa kalayaan sa pagsasalita, sa pamamahayag, sa mapayapang pagtitipon, o sa pagpepetisyon. Itinuturing ng maraming tao ang kalayaan sa pagsasalita na siyang pinakamahalagang kalayaan at ang saligan ng lahat ng iba pang mga kalayaan. Ipinagbabawal din ng Unang Susog na pagtibayin ng Kongreso ang mga batas na nagtatatag ng isang relihiyon ng estado o naghihigpit sa kalayaan ng relihiyon.” (The World Book Encyclopedia) Kapansin-pansin, sa Cantwell v. Connecticut, 310 U.S. 296 (1940), isang mahalagang desisyon na kinasasangkutan din ng mga Saksi ni Jehova, nagpasiya ang Korte Suprema ng Estados Unidos na ang mga garantiya ng Unang Susog ay nagbabawal hindi lamang sa “Kongreso” (ang pederal na pamahalaan) kundi sa lokal na mga awtoridad din naman (estado at munisipyo) na pagtibayin ang mga batas na lalabag sa mga karapatan ng Unang Susog at hindi ayon sa konstitusyon.
[Mga larawan sa pahina 5]
Photograph by Franz Jantzen, Collection of the Supreme Court of the United States
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Apektado ang iba’t ibang anyo ng pagbabahay-bahay sa kasangkot na isyu