Kahanga-hangang mga Pandamdam sa Daigdig ng mga Hayop
Kahanga-hangang mga Pandamdam sa Daigdig ng mga Hayop
INAAKALA ng daga na ligtas siya sa dilim samantalang kumakaripas ito ng takbo sa paghahanap ng pagkain. Subalit hindi nito naisip ang kakayahan ng ulupong na “makita” ang lumalabas na init mula sa katawan ng daga—isang maling akala na nakamamatay. Nagtatago naman nang husto ang isdang kitang sa ilalim ng buhangin sa isang akwaryum ng mga pating, kung saan lumalangoy ang isang gutóm na pating patungo sa direksiyon nito. Hindi nakikita ng pating ang kitang; subalit, sa isang kisap-mata, huminto ang pating at isinisid ang ilong nito sa buhangin, at nilamon ang kitang.
Oo, ang ulupong at ang pating ay mga halimbawa ng mga hayop na may pantanging mga pandamdam na hindi taglay ng mga tao. Sa kabilang dako naman, maraming nilalang ang may mga pandamdam na katulad ng sa atin subalit mas matalas o mas malawak ang saklaw. Magandang halimbawa nito ang mata.
Mga Matang Nakakakita ng mga Bagay na Di-nakikita ng Tao
Ang iba’t ibang kulay na nakikita ng ating mata ay napakaliit na bahagi lamang ng electromagnetic spectrum. Halimbawa, hindi nakikita ng ating mata ang radyasyong infrared, na mas mahaba ang wavelength kaysa sa liwanag na pula. Subalit, ang mga ulupong ay may dalawang maliliit na sangkap, o butas, sa pagitan ng kanilang mata at butas ng ilong na nakakakita sa radyasyong infrared. * Kaya, kahit na sa dilim ay matutuklaw nila nang walang mintis ang sisilaing hayop na mainit ang katawan.
Sa dulo ng kulay-lila ng nakikitang ispektrum ay ang ultraviolet (UV) na liwanag. Bagaman di-nakikita ng ating mata, ang UV na liwanag ay nakikita ng maraming nilalang, pati na ng mga ibon at mga insekto. Halimbawa, nalalaman ng mga pukyutan ang kinaroroonan nila ayon sa posisyon ng araw—kahit na sa maulap na araw kapag nakakubli ang araw—sa pamamagitan ng paghanap sa bughaw na langit at pagkakita sa disenyo ng anyong nabubuo ng UV na liwanag na nahahati sa dalawa. May mga disenyo namang makikita sa maraming namumulaklak na halaman na nasasaklaw lamang ng UV, at ang ilang bulaklak ay mayroon pa ngang “tanda ng nektar”—isang seksiyon na may magkakaibang liwanag ng UV—upang ituro sa mga insekto ang nektar. Sa gayunding paraan ipinakikilala ng ilang prutas at binhi ang kanilang sarili sa mga ibon.
Dahil sa nakikita ng mga ibon ang mga wavelength ng UV at dahil sa ang liwanag na ito ay nagdaragdag ng kinang sa kanilang balahibo, malamang na mukhang mas makulay ang tingin ng mga ibon sa isa’t isa kaysa sa nakikita natin. Nakakakita sila ng “mas matingkad na kulay na hindi natin nakikita,” ang sabi ng isang dalubhasa sa mga ibon. Ang kakayahang makakita ng UV na liwanag ay maaaring tumutulong pa nga sa ilang lawin at dumagat upang makita ang maliliit na daga o mga dagang bukid. Paano? Ang maliliit na lalaking daga, sabi ng babasahing BioScience, “ay naglalabas ng ihi at dumi na nagtataglay ng mga kemikal na sumisipsip ng UV, anupat nasusundan ang dinaraanan ng daga dahil sa ihi nito.” Kaya, “natutunton [ng mga ibon] ang mga lugar kung saan maraming maliliit na daga” at doon sila tumututok.
Bakit Napakatalas ng Paningin ng mga Ibon?
Kamangha-mangha ang paningin ng ibon. “Ang pangunahing dahilan,” sabi ng aklat na All the Birds
of the Bible, “ay sapagkat ang sapin na himaymay kung saan nabubuo ang larawan sa retina ay mas maraming selula sa paningin kaysa sa mata ng iba pang nilalang. Ang dami ng mga selula sa paningin ay nakaaapekto sa kakayahan ng mata na makakita ng maliliit na bagay sa malayo. Samantalang ang retina ng mata ng tao ay may mga 200,000 selula ng paningin sa bawat milimetro kuwadrado, triple naman ng bilang na iyan ang taglay ng karamihan sa mga ibon, at ang mga lawin, buwitre, at mga agila ay may milyon o higit pang selula sa bawat milimetro kuwadrado.” Bukod pa riyan, ang ilang ibon ay may karagdagang bentaha dahil sa dalawang foveae—mga bahagi ng mata na lubusang nakakakita nang malinaw—sa bawat mata nito, anupat nagbibigay sa kanila ng matalas na paningin kahit nasa malayo at mabilis ang bagay na nakikita. Gayunding mata ang taglay ng mga ibong nanghuhuli ng lumilipad na mga insekto.Ang mga ibon ay mayroon ding pambihirang malalambot na lente na mabilis na nakapagpopokus. Isip-isipin kung gaano kapanganib ang buhay habang lumilipad—lalo na sa kagubatan at mga palumpungan—kung ang lahat ng bagay ay malabo. Oo, kaylaking karunungan ang ipinahihiwatig sa disenyo ng mata ng mga ibon! *
Ang Pandamdam sa Kuryente
Ang situwasyon na nabanggit sa simula tungkol sa nakatagong kitang at pating ay aktuwal na nangyari sa isang makasiyensiyang pag-aaral tungkol sa mga pating. Nais malaman ng mga mananaliksik kung nadarama ng mga pating at mga pagi ang katiting na mga electric field na nanggagaling sa buháy na mga isda. * Upang malaman, ikinubli nila sa mabuhanging sahig ng akwaryum na kinaroroonan ng mga pating ang mga electrode at isinaksak sa kuryente na may katugmang boltahe. Ang resulta? Paglapit na paglapit ng pating sa mga electrode, may-kabangisan nitong sinunggaban ang mga ito.
Taglay ng mga pating ang tinatawag na passive electroreception; nadarama nila ang mga electric field kung paanong naririnig ng tainga ang tunog. Subalit ang electric fish ay mayroong active electroreception. Katulad ng mga paniki na naglalabas ng akustikang tunog at nakauunawa ng kahulugan ng alingawngaw, ang mga isdang ito ay naglalabas ng mga electric wave o pulse, depende sa uri, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pantanging mga reseptor, nararamdaman nito ang anumang galaw sa mga electric field na ito. * Kaya nakikilala ng electric fish ang mga hadlang, potensiyal na mga masisila, o isang katalik pa nga.
Isang Likas na Kompas
Isipin kung ano ang magiging buhay mo kung ang iyong katawan ay nasasangkapan ng isang likas na kompas. Tiyak na hindi problema ang maligaw! Sa loob ng katawan ng maraming nilalang, kasali na ang mga pukyutan at isdang tabáng, natuklasan ng mga siyentipiko ang napakaliliit na kristal ng magnetite, o lodestone, isang likas na magnetikong substansiya. Ang mga selulang may mga kristal na ito ay nakakonekta sa sistema ng nerbiyos. Kaya makikita sa mga pukyutan at isdang tabáng ang kakayahang makaramdam ng mga magnetic field. Sa katunayan, ginagamit ng mga pukyutan ang magnetic field ng lupa para gumawa ng mga bahay-pukyutan at matunton ang kanilang pupuntahan.
Natuklasan din ng mga nagsisiyasat ang magnetite sa isang uri ng baktirya na nakatira sa burak sa sahig ng dagat. Kapag nabubulabog ang burak, naaapektuhan ng magnetic field ng lupa ang magnetite ng baktirya upang mailagay sa tamang posisyon ang baktirya nang sa gayon ay makabalik ito nang ligtas sa kanilang tirahan sa sahig ng dagat. Kung hindi, mamamatay ang mga ito.
Maaari ring taglay ng maraming hayop na nandarayuhan ang magnetikong pandamdam—kasali na rito ang mga ibon, pagong, salmon, at mga balyena. Gayunman, ang mga ito ay waring hindi umaasa sa pandamdam lamang na ito kundi, sa halip, waring naglalayag sila sa pamamagitan ng iba’t ibang pandamdam. Halimbawa, ginagamit ng salmon ang kanilang matalas na pang-amoy upang masumpungan ang batis kung saan sila isinilang. Nalalaman ng mga starling sa Europa ang kanilang patutunguhan batay sa posisyon ng araw; at ang iba pang mga ibon ay batay naman sa mga bituin. Subalit gaya ng binanggit ng propesor sa sikolohiya na si Howard C. Hughes sa kaniyang aklat na Sensory Exotica—A World Beyond Human Experience, “malayo pa nating maunawaan ang mga ito at ang iba pang mga hiwaga sa kalikasan.”
Kinaiinggitang Pandinig
Kung ihahambing sa mga tao, maraming nilalang ang nagtataglay ng kamangha-manghang pandinig. Bagaman naririnig natin ang mga tunog na mula 20
hanggang 20,000 hertz (siklo sa bawat segundo), ang mga aso ay nakaririnig naman mula 40 hanggang 46,000 hertz, at ang mga kabayo, sa pagitan ng 31 at 40,000 hertz. Kasimbaba naman ng 16 na hertz ng infrasonic na mga tunog (mas mababa sa tunog na naririnig ng tao) ang naririnig ng mga elepante at mga baka. Dahil sa mas malayo ang naaabot ng mabababang frequency, ang mga elepante ay maaaring makipagtalastasan sa layong apat na kilometro o higit pa. Sa katunayan, sinasabi ng ilang mananaliksik na magagamit natin ang mga hayop na iyon upang bigyan tayo ng patiunang babala sa mga lindol at masamang lagay ng panahon—na kapuwa naglalabas ng infrasonic na tunog.Malawak din ang naaabot ng pandinig ng mga insekto, ang ilan ay umaabot sa antas ng ultrasonic na tunog na nakahihigit ng dalawang oktaba ang taas kaysa sa naaabot ng pandinig ng tao at sa iba pang saklaw ng infrasonic na tunog. Ang ilang insekto ay nakaririnig sa pamamagitan ng mga lamad na maninipis, lapád at parang salamin sa tainga, na nasa halos lahat ng bahagi ng katawan maliban sa ulo. Ang iba naman ay nakaririnig sa tulong ng maninipis na buhok na tumutugon hindi lamang sa tunog kundi sa pinakabanayad na kilos din naman ng hangin, gaya niyaong kilos ng kamay ng tao. Ipinaliliwanag ng matalas na pakiramdam na ito kung bakit napakahirap hampasin ang mga langaw!
Gunigunihin mo na puwedeng marinig ang mga yabag ng mga insekto! Ang gayong kamangha-manghang pandinig ay taglay ng nag-iisang lumilipad na uri ng mamal sa daigdig—ang paniki. Sabihin pa, nangangailangan ng pantanging pandinig ang mga paniki upang makapaglakbay sa dilim at makahuli ng mga insekto sa pamamagitan ng echolocation, o sonar. * Ganito ang sabi ni Propesor Hughes: “Gunigunihin ang isang sistemang sonar na mas sopistikado kaysa sa masusumpungan sa ating pinakamodernong mga submarino. Ngayon, isipin mong ang sistemang iyon ay ginagamit ng isang maliit na paniki na magkakasiya sa palad ng iyong kamay. Ang lahat ng kalkulasyon na nagpapangyari sa paniki na matiyak ang layo, ang bilis, at maging ang partikular na uri ng insektong pinupuntirya ay ginagawa ng utak na mas maliit pa sa kuko ng iyong hinlalaki!”
Yamang ang eksaktong echolocation ay depende rin sa kalidad ng tunog na lumalabas, ang mga paniki ay may “kakayahang kontrolin ang tono ng kanilang boses sa mga paraan na kaiinggitan ng sinumang mang-aawit sa opera,” ang sabi ng isang reperensiya. * Maliwanag, sa pamamagitan ng mga suson ng balat sa mga ilong ng ilang uri, nasasagap at nakikilala ng mga paniki ang tunog. Ang lahat ng mga katangiang ito ay lumilikha ng sonar na napakasalimuot anupat nakabubuo ito ng isang “akustikang larawan” ng mga bagay na kasingnipis ng buhok ng tao!
Bukod sa mga paniki, di-kukulangin sa dalawang uri ng ibon—ang mga sibad ng Asia at Australia at
ang mga oilbird ng Amerika sa tropiko—ang gumagamit din ng echolocation. Gayunman, waring ginagamit nila ang kakayahang ito sa paglipad lamang sa madidilim na kuweba kung saan sila humahapon.Sonar sa Dagat
Ginagamit din ng mga balyena ang sonar, bagaman tutuklasin pa ng mga siyentipiko kung paano nga ito gumagana. Ang sonar ng mga lampasot ay nagsisimula sa matinis na mga tunog, na pinaniniwalaang nagmumula, hindi sa lalamunan, kundi sa ilong. Ang melon—ang bilog na himaymay ng taba sa noo ng lampasot—ang sumasagap ng tunog at tumatantiya sa kinaroroonan ng mga bagay na nasa harap ng hayop. Paano naririnig ng mga lampasot ang kanilang mga alingawngaw? Waring ito’y hindi sa pamamagitan ng kanilang mga tainga kundi sa pamamagitan ng kanilang ibabang panga at nauugnay na mga sangkap, na nakakonekta sa gitnang tainga. Kapansin-pansin, makikita sa lugar na ito ang uri ng taba na makikita sa melon ng lampasot.
Ang sonar na mga tunog ng lampasot ay eksaktung-eksaktong nakakatulad ng isang matematikal na waveform na tinatawag na Gabor function. Ang sabi ni Hughes, pinatutunayan ng function na ito na ang mga tunog ng lampasot “ay magkatulad na magkatulad sa matematikal na paraan.”
Nababago ng mga lampasot ang lakas ng kanilang sonar na mga tunog mula sa isa lamang bulong hanggang sa nakabibinging 220 decibel. Gaano
kalakas iyan? Buweno, ang malakas na musikang rock ay nakalilikha ng 120 decibel, at ang putok ng malaking baril ay 130 decibel. Palibhasa’y nasasangkapan ng mas malakas na sonar, natutunton ng mga lampasot ang mga bagay na kasinliit ng walong sentimetrong bola na 120 metro ang layo at posibleng mas malayo pa sa tahimik na tubig.Kung pag-iisipan mo ang kamangha-manghang mga pandamdam ng nabubuhay na mga bagay, hindi ka ba nalilipos ng pagpipitagan at pagkamangha? Karaniwang gayon ang nadarama ng mapagpakumbaba at may-kabatirang mga tao—anupat ipinaiisip muli sa atin nito ang tanong na paano tayo ginawa. Tunay, ang ating mga pandamdam ay walang-sinabi kung ihahambing sa ilang hayop at mga insekto. Gayunpaman, tayo lamang ang naaantig ng nakikita natin sa kalikasan. Bakit gayon ang nadarama natin? At bakit gusto natin na hindi lamang maunawaan ang nabubuhay na mga bagay kundi malaman din ang kanilang layunin at matutuhan ang ating sariling dako sa gitna nila?
[Mga talababa]
^ par. 5 May mga 100 uri ng ulupong.
^ par. 10 Ang mga mambabasang interesado sa isyu ng ebolusyon laban sa matalinong disenyo ay inaanyayahang basahin ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 12 Kapag nasa ilalim ng tubig, lahat ng nabubuhay na nilalang, kasali na ang mga tao, ay naglalabas ng kaunti, subalit nadarama, na electric field.
^ par. 13 Ang electric fish na tinutukoy namin dito ay naglalabas ng katiting lamang na kuryente. Hindi ito dapat ipagkamali sa mga electric fish na naglalabas ng mas matataas na boltahe, gaya ng mga electric ray at electric eel, na nagpapawalang-malay bilang pandepensa o panghuli ng masisila. Maaari pa ngang mapatay ng mga electric eel ang isang kabayo!
^ par. 21 Ang pamilya ng paniki ay binubuo ng mga 1,000 uri. Taliwas sa popular na palagay, matalas ang paningin ng lahat ng mga ito, subalit hindi lahat ay gumagamit ng sonar. Ginagamit ng ilan, gaya ng mga bayakan, ang kanilang matalas na paningin sa gabi upang humanap ng pagkain.
^ par. 22 Ang mga paniki ay naglalabas ng masalimuot na tunog na may frequency na mula 20,000 hanggang 120,000 hertz o mas mataas pa.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
Mag-ingat Kayo mga Insekto!
“Sa bawat araw, bandang dapit-hapon, isang nakapanggigilalas na pangyayari ang nagaganap sa mabababang burol malapit sa San Antonio, Texas [E.U.A.],” ang sabi ng aklat na Sensory Exotica—A World Beyond Human Experience. “Sa malayo, aakalain mong nakakakita ka ng isang pagkalaki-laking maitim na ulap na pumapailanlang mula sa ilalim ng lupa. Gayunman, hindi ito isang ulap ng usok na nagpapadilim sa kalangitan sa dapit-hapon, kundi ang lansakang pag-alis ng 20 milyong walang-buntot na paniki ng Mexico mula sa loob ng Bracken Cave.”
Tinataya kamakailan na ang bilang ng mga paniking lumalabas sa Bracken Cave ay 60 milyon. Kapag pumailanlang sa taas na 3,000 metro sa kalangitan sa gabi, hinahanap nila ang kanilang paboritong pagkain, mga insekto. Bagaman ang lahat ng paniki ay sabay-sabay na gumagawa ng ultrasonic na tunog sa kalangitan sa gabi, hindi nagkakalituhan ang mga ito, sapagkat ang bawat isa sa natatanging mga mamal na ito ay nasasangkapan ng isang lubhang sopistikadong sistema upang matunton ang sarili nitong alingawngaw.
[Larawan]
Bracken Cave
[Credit Line]
Courtesy Lise Hogan
[Larawan]
Walang-buntot na paniki ng Mexico—sonar
[Credit Line]
© Merlin D. Tuttle, Bat Conservation International, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Mga pukyutan—paningin at magnetikong pandamdam
[Larawan sa pahina 7]
“Golden Eagle”—paningin
[Larawan sa pahina 7]
Pagi—pandamdam sa kuryente
[Larawan sa pahina 7]
Pating—pandamdam sa kuryente
[Larawan sa pahina 7]
Mga “starling”—paningin
[Larawan sa pahina 7]
Salmon—pang-amoy
[Credit Line]
U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C.
[Larawan sa pahina 7]
Pagong—posibleng may magnetikong pandamdam
[Larawan sa pahina 8]
Elepante—may pandinig sa mababang “frequency”
[Larawan sa pahina 8]
Aso—may pandinig sa mataas na “frequency”
[Larawan sa pahina 9]
Lampasot—sonar