Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Displey ng mga Bahay na Gawa sa Troso

Isang Displey ng mga Bahay na Gawa sa Troso

Isang Displey ng mga Bahay na Gawa sa Troso

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Slovakia

SA ILANG lupain, ang kasaysayan at kagandahan ng mga tahanan noong nakalipas na panahon ay pinakaiingat-ingatan sa mga museong nasa labas. Ang gayong mga museo ay mga kalipunan ng tradisyonal na mga gusaling pinagsama-sama sa isang lugar upang ipaalam sa makabagong henerasyon ang paraan ng pamumuhay at panlasa sa sining ng kanilang mga ninuno.

Pasyalan natin ang isang mahusay na halimbawa ng museong nasa labas, na masusumpungan sa sentro ng Europa sa rehiyon ng Orava sa hilagang Slovakia.

Ang Museo sa Nayon ng Orava

Ang museo sa Orava sa Zuberec ay nagbibigay ng makatotohanang ideya tungkol sa kasaysayan ng rehiyong ito. Kabilang sa museo, na itinatag noong 1967, ang mga bahay mula sa 74 na kalapit na mga nayon at bukirin gayundin mula sa liblib na mga pamayanan. Ang lahat ng gusaling ito ay dinala at maingat na itinayong muli sa lugar na ito.

Dito ay mapapasyalan natin ang 11 buong estado, na kumakatawan sa mga tahanan ng kapuwa prominente at pangkaraniwang mga tao sa Orava​—mga alkalde, maharlika, magsasaka, katulong na magsasaka, at bihasang mga manggagawa. Yamang ang pangunahing hanapbuhay ng mga residente sa Orava sa loob ng maraming siglo ay ang agrikultura, kasama na ang pagpaparami ng baka at tupa, marami ritong gusaling pang-agrikultura. Kabilang dito ang mga imbakan ng dayami, isang giikan, mga bangan ng gatas, at isang kubo ng pastol at kulungan ng tupa, gayundin ang mga kamalig at mga bodegang gawa sa troso. Makakakita rin tayo ng isang bahay-pukyutan, tradisyonal at gawang-kamay na mga kagamitan, kampanaryo, at simbahang gawa sa kahoy, na may kasama pang gawa-gawang sementeryo!

Habang tinitingnan natin ang loob ng mga bahay, mapapansin natin na ang isang pangkaraniwang bahay sa Orava ay binubuo ng apat na bahagi​—isang silid sa harapan, bulwagan sa pasukan ng bahay, kusina, at isang pribadong silid sa likod ng bahay. Maaaring mayroon din itong mababang silong na nilatagan ng malalapad na bato. Ang mga bahay ay itinayo sa pamamagitan ng inukit na mga troso, na ang palibot ng mga bintana at pintuan ay karaniwan nang pininturahan ng puti. Ang mga bubong at ang kanilang mararangyang kabalyete ay napalilibutan ng mga tisa o tabla. Kung minsan ay lupa ang pinakasahig ng salas, pero sa kabila nito, ang mga pader ay pinaputi o marahil ay pinatungan ng entrepanyong gawa sa pinakinis na kahoy. Ginagawa ang pagluluto sa isang apuyan sa kusina, na may tsiminea para labasan ng usok. Umaabot ang init ng kusina sa salas.

Sama-samang Pagtatrabaho at Paglalaro

Ang disenyo ng mga istrakturang ito na gawa sa kahoy ay mapanghahawakang patotoo sa matibay na buklod sa pagitan ng mga salinlahi at komunidad. Naorganisa ang mga tahanan at nayon dahil sa pagtutulungan. Sa katunayan, halos imposibleng mabuhay sa malulupit na kalagayan sa rehiyong ito sa bundok kung hindi lubusang nagtulungan ang mga tao sa isa’t isa. Sama-samang nagtrabaho ang mga pamilya at kapitbahay sa pagpapastol ng mga baka, tupa, at gansa, at ang buong nayon ay nagkakaisa sa paggapas ng mga bukirin at pagdadala sa palengke ng mga produkto sa bukid. Minamantini rin ng komunidad ang mga pastulan at mga daang hindi nasementuhan.

Sa kabila ng kanilang mahirap na pagtatrabaho, sa pangkalahatan ay masaya ang buhay sa nayon, lalo na kung panahon ng anihan. Ang saganang produksiyon ng gatas at pagsilang ng mga guya at kordero ay nagdudulot ng kasiyahan. Sa gayong mga okasyon, maririnig sa mga burol ang mga awitin at himig ng mga tagaroon​—na inaawit nang may armonya at sinasaliwan ng tugtog ng pipa, silindro, o akordiyon. Sa taglamig naman, ang mga dalaga at mga ginang ay nagsasama-sama sa paghihimulmol ng mga gansa, na ang balahibo ay ginagamit sa mga unan at makakapal na kubrekama. Nagpapalipas naman ng oras ang mga lalaki sa pagkukuwentuhan habang nagtatrabaho, at sa pagtatapos ng araw, nagsasama-sama ang lahat para magsayawan. Sa ilang lugar sa rehiyong ito, nagpapatuloy pa rin ang gayong mga tradisyon hanggang sa kasalukuyan.

Isang Sulyap sa Nakaraan

Ang dalubhasang mga artisano na nagtayo ng maiinam na lumang estrakturang ito na gawa sa kahoy ay gumawa ng mga disenyong salig sa mga simulain at plano ng pagtatayo na ipinasa sa sali’t salinlahi. Mabisang ginamit ang lokal na mga materyales sa mga disenyo. Karagdagan pa, makikita ang praktikal na karunungan at sining sa magandang pagkakapuwesto ng mga gusali sa kapaligiran nito. Maliwanag na naging dibdiban sa kanilang pagtatrabaho ang mga tagapagtayo.

Ganito ang sinabi ni Ludwig Mies van der Rohe, kilaláng arkitekto sa buong daigdig: “May kahulugan ang bawat putol ng palakol at may-damdaming ipinahahayag ang bawat ukit ng pait. . . . Ang kahusayan ng buong mga salinlahi ay naingatan dito. Talagang pinag-isipan ang pagpili ng materyales at pinagbuhusan ng emosyon ang mga gusaling ito! Tunay na kalugud-lugod at kabigha-bighani ang mga ito! Para silang alingawngaw ng sinaunang mga awitin!”

Samantalang sandali tayong huminto para hangaan ang arkitektura sa museong ito na nasa labas, sinisikap din nating gunigunihin ang mga taong tumira sa mga gusaling ito habang ginagampanan nila ang kanilang pang-araw-araw na gawain. Sana, madala natin ang kapayapaan ng di-nagmamadaling buhay na ito sa ating makabago at nag-aapurang daigdig.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Zuberec

[Mga larawan sa pahina 15]

(1) Mga tahanang gawa sa troso; (2) hitsura sa loob; (3) mga residenteng nagpapatugtog ng musika at sumasayaw suot ang kanilang tradisyonal na mga damit