Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nakabibighaning Burren ng Ireland

Ang Nakabibighaning Burren ng Ireland

Ang Nakabibighaning Burren ng Ireland

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND

HINDI lahat ay nabibighani rito. Para sa ilan, isa lamang itong tigang at mabatong ilang. “Wala itong sapat na tubig upang lunurin ang isang tao, sapat na kahoy para ibitay siya, ni sapat na lupa upang ilibing siya,” ang sabi ng Ingles na tenyente heneral na si Edmund Ludlow, mga ilang panahon pagkatapos niyang makapunta roon noong 1651.

Gayunman, karamihan sa mga pumapasyal dito ay naaakit sa lugar na ito. Maraming dahilan ang mga naturalista, botaniko, arkeologo, istoryador, at libu-libong iba pa na regular na pumupunta rito para ituring ito na “isang nakabibighani at kamangha-manghang lupain.” Saan ba ang lugar na ito? Bakit ba ito nakaaakit sa maraming iba’t ibang tao?

“Isang Mabatong Lugar”

Ito ay nasa mismong gilid ng Europa​—sa kanlurang baybayin ng Ireland, sa pagitan ng kilala-sa-daigdig na Dalisdis ng Moher sa timog at ng Baybayin ng Galway sa hilaga. Tinatawag itong Burren. Ang pangalang ito ay mula sa salitang Irish na boireann, at ito ay nangangahulugang “isang mabatong lugar.”

Puro bato ang tanawin. “Palibhasa’y inihantad ng isang kakaibang kaganapan sa heolohiya,” ang sabi ng isang handbuk, sa maraming lugar ay “nagkalat ang malalaking sahig ng kulay-abong batong-apog kasama ang malalaking bato na makikita hanggang sa maaabot ng tanaw.” Sa katunayan, ang buong lugar ng Burren ay isang malaking deposito ng batong-apog na sumasaklaw sa lawak na 1,300 kilometro kuwadrado. Ang kalakhang bahagi nitong “mahiwaga, makulimlim at tulad-buwan na lugar” ay waring walang kalupa-lupa.

Tulad ng “Isang Malaking Storage Heater”

Ang hangin at ulan na humubog sa mga sahig o tipak ng batong-apog, na tinatawag na mga clint, ang nagbigay ng talagang kamangha-manghang hugis at anyo, anupat ang Burren ay nagkaroon ng kahanga-hanga at kakaibang ganda. Pero hindi ang kakaibang ganda ng Burren ang unang nakaakit sa mga taong nanirahan dito libu-libong taon na ang nakalipas. Mas interesado sila sa kakaibang kakayahan ng Burren na maglaan ng lugar kung saan makapanginginain ang kanilang mga baka sa buong taon.

Ang napakalawak na lugar ng batong-apog​—mahigit sa 900 metro ang lalim sa ilang lugar​—ay nagsisilbing “isang malaking storage heater, na nag-iipon ng init sa tag-araw at unti-unting naglalabas nito sa taglamig.” Kasama ang nakababalanseng epekto ng temperatura ng karagatan, nakalikha ito ng isang napakagandang kapaligiran para sa pagbubukid ng mga sinaunang naninirahan.

Mga Sinaunang Tagapagtayo sa Burren

Kagaya ng mga sinaunang magsasakang iyon, makikita sa buong lupain ng Burren ang mga bakas ng nakalipas na mga salinlahi. Napakaraming malalaking bato ang nagsilbing libingan. Ang isa sa pinakakilala ay ang monumentong Poulnabrone, na itinayo bago pa man ng kapanahunan ni Kristo. Siyempre, ang makikita na lamang natin ngayon ay ang pinakabalangkas ng orihinal na libingan​—malalaking tipak ng batong-apog na ginamit ng mga sinaunang tagapagtayo upang itayo ang monumentong ito para sa kanilang “kilaláng mga patay.” Noong una itong itinayo, ang sabi ng mga eksperto, ang libingan ay tinabunan ng napakalaking bunton ng mga bato at lupa.

Matagal nang panahon bago pa dumating sa Ireland ang mga Celt, nag-iwan ng ebidensiya ng kanilang pagkanaroroon ang mga naninirahan sa Burren sa pamamagitan ng paggawa ng mga libingang bato na tinatawag na kalsong mga libingan dahil sa hugis-kalso ang mga ito. Noong 1934, sa lugar na tinatawag na Gleninsheen, natagpuan ng isang kabataang lalaki ang inaakala niyang isang “kakatwang bagay.” Ito pala’y isang magandang ginintuang kulyar​—na itinuturing ngayon bilang “isa sa pinakamainam na nagawa ng mga panday-ginto noong Huling Yugto ng Panahon ng Tanso sa Ireland.”

Napakahiwaga ng sinaunang mga taong ito. Sino ba talaga sila? Ano ang kanilang pinaniniwalaan? Ano ba ang layunin ng kanilang mga gusali, gaya niyaong nakahantad sa pinakataluktok ng tinatawag na Burol ng Turlough? Ang misteryosong lugar bang ito ay isang sinaunang kuta sa burol, o sinadya ba itong gawin na isang sagradong lugar para sa pantanging relihiyosong mga ritwal? Walang sinuman ang talagang nakaaalam.

Nang maglaon, ang mga komunidad ay nagtayo ng mga sinaunang pabilog na homisted na may bakod na bato. Kasunod namang itinayo ang maraming simbahan, monasteryo, at kastilyo.

Ang Burren sa Ilalim ng Lupa

Maging sa ilalim ng lupa, isang kawili-wiling lugar ang Burren. Tumatagos ang tubig sa mga deposito ng batong-apog na may maliliit na butas na siyang lumilikha ng “isa sa pinakakamangha-manghang daigdig ng Ireland sa ilalim ng lupa.” Punung-puno ng mga kuweba ang batong-apog. Buháy pa rin ang karamihan sa mga kuwebang ito, samakatuwid nga, dumadaloy pa rin sa mga ito ang mga batis, ilog, at mga talon. Masusumpungan sa isang kuweba, na tinatawag na Poll an Ionain, ang diumano’y pinakamahabang nakabiting stalactite sa Europa​—mahigit sa siyam na metro ang haba!

Yamang mapanganib ang marami sa mga kuwebang ito, ginagalugad na lamang ng mas maiingat na bisita ang masasabing ligtas na mga lugar ng kuwebang panturista ng Burren, ang Kuweba ng Aillwee, ang tanging kuweba na bukas sa publiko. Makikita mo rito ang mga bakas ng isang uri ng hayop sa Ireland na nalipol na sa loob ng mahigit na isang libong taon​—ang brown bear. Waring dito sa kuwebang ito nagpapalipas ng taglamig ang mga oso, kung saan ang temperatura ay nananatiling 10 digri Celsius sa buong taon. Sa kaloob-looban ng bundok ng batong-apog, mamamangha ka sa kakaibang mga hugis ng mga stalactite at stalagmite, at iba pang kakatwang mga anyo ng bato. Maguguniguni mo rin ang puwersa ng tubig na bumulwak noon sa kahanga-hangang mga kuweba.

Isang “Metropolis ng mga Halaman”

Ang kapansin-pansing uri ng mga halaman dito ang talagang nagpapaiba sa Burren. Ang lupaing ito “ang isa sa mga lugar sa Europa na may pinakamaraming uri ng halaman at pinakakamangha-manghang likas na tirahan,” ang sabi ng isang manunulat. Kasama rito ang baybay-dagat at tabi ng bundok, parang at kakahuyan. Mayroon itong daan-daang libis na napalilibutan ng mga bato, na nabuo libu-libong taon na ang nakalipas nang bumagsak ang ilan sa magkakarugtong na mga kuweba sa Burren. Ang kakaibang mga lawa na tinatawag na mga turlough ay nagiging mga kaparangan sa mga buwan ng tag-init, kapag bumaba ang kapantayan ng tubig. Ang mga batong pader​—na ang ilan sa mga ito ay libu-libong taon nang umiiral​—ay makikita sa lahat ng dako ng malalapad na batong-apog at sa bawat kapirasong lupa na tinutubuan ng mga halaman.

Lalong nagiging kakaiba ang kamangha-manghang tirahang ito dahil sa mga bitak at awang nito, na tinatawag na mga grike, sa mga sahig ng batong-apog. Ang mga bitak na ito ay maaaring umabot hanggang dalawang metro ang lalim. Sa bawat awang, nabubuo ang bukud-bukod na mga isla ng lupa na naglalaan ng silungan at iba’t ibang kanlungan kung saan tumutubo ang lahat ng uri ng halaman.

Sa buong Burren, ang sabi ng botanikong si Cilian Roden, “nananagana ang pambihira at kagila-gilalas na mga halaman na karaniwang nakakahawig ng mga daisy o mga dawag.” Bagaman mahigit sa 600 iba’t ibang uri ng halaman ang magkakahalo rito, hindi lamang ang pagkasari-sari o kasaganaan ng halaman ang dahilan kung bakit naiiba ang Burren. Ang dahilan kung bakit kakaiba ito ay ang pambihirang pagsasama-sama ng mga uri ng halaman. Ang “paglago ng mga halamang Artiko, Alpino, at Mediteraneo, mga panananim na ayaw at mahihilig sa apog, na pawang tumutubo nang sama-sama sa maliit na sulok na ito sa kanlurang Ireland” ay nakalito sa mga botaniko sa loob ng daan-daang taon.

Ang magandang blue spring gentian, na itinuturing na halamang alpino, ay tumutubo maging sa kapantayan ng dagat sa Burren. Magkakatabi naman ang mga halamang Artiko, gaya ng mga mountain aven, at ang mga halamang subtropikal, gaya ng maidenhair fern. Mahigit na 20 uri ng orkid ang nananagana sa buong Burren. Sagana rin dito ang mga wild thyme, wood sorrel, bloody cranesbill, bird’s-foot trefoil, thrift, at marami pang iba. Angkop na angkop ang pagkakalarawan sa Burren bilang isang “metropolis ng mga halaman.”

Oo, mabato ito. Ngunit hindi isang tigang na ilang ang Burren. Ipinakikita nito ang kagandahan at pagkasari-sari ng mga nilalang. Pinasisigla nito ang isip, pinupukaw ang mga pandamdam at imahinasyon, at pinaliligaya ang isa. Pumasyal ka sa Ireland at tingnan ang kabigha-bighaning Burren!

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HILAGANG IRELAND

IRELAND

Ang Rehiyon ng Burren

[Larawan sa pahina 23]

Malawak na tanawin ng Burren

[Larawan sa pahina 23]

Ang matarik na Dalisdis ng Moher ay may lalim na 200 metro patungo sa Atlantiko

[Larawan sa pahina 23]

Nakasingit na larawan: Maging sa ilalim ng lupa, ang Burren ay isang kawili-wiling lugar

[Credit Line]

Courtesy of Aillwee Caves

[Picture Credit Line sa pahina 22]

Courtesy www.burrenbeo.com

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Mga bulaklak: Courtesy www.burrenbeo.com