Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?

Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?

Digmaang Nuklear​—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?

“Totoo ang posibilidad ng pagkalipol sa pamamagitan ng nuklear. Umiiral ito sa ngayon, . . . sa kabila ng katotohanan na mahigit nang isang dekada ang lumipas mula nang magwakas ang Cold War.”​—Dating kalihim ng tanggulan ng Estados Unidos na si Robert S. McNamara at si James G. Blight, propesor ng ugnayang internasyonal sa Watson Institute for International Studies.

NOONG 1991, nang magwakas ang Cold War, ang minutero ng bantog na doomsday clock ay iniatras sa 17 minuto bago ang “hatinggabi.” Ang larawan ng doomsday clock ay inilagay sa pabalat ng magasing Bulletin of the Atomic Scientists at naging isang sagisag kung gaano kalapit ang daigdig sa ipinapalagay na digmaang nuklear (hatinggabi). Nang taóng iyan, ang minutero ay mas lumayo pa sa hatinggabi kaysa nang kauna-unahang gamitin ang orasan noong 1947. Gayunman, sapol nang panahong iyon, umabante na naman ang minutero. Halimbawa, noong Pebrero 2002, inabante ang oras sa pitong minuto bago ang hatinggabi, na ikatlong pag-abante mula nang magwakas ang Cold War.

Bakit kinailangang iabante ng mga tagapaglathala ng makasiyensiyang magasing ito ang orasan? Bakit nila nadarama na isang banta pa rin ang digmaang nuklear? At sino ang banta sa kapayapaan?

Isang Lihim sa “Pagbabawas”

“Mahigit na 31,000 sandatang nuklear ang nananatili pa rin,” ang paliwanag ng Bulletin of the Atomic Scientists. Nagpatuloy pa ito: “Siyamnapu’t limang porsiyento ng mga sandatang ito ang nasa Estados Unidos at Russia, at mahigit na 16,000 ang ikinalat sa iba’t ibang lugar at nakahandang gamitin.” Maaaring mapansin ng ilan na waring may problema sa bilang ng umiiral na nuklear na mga warhead. Hindi ba’t naideklara na ng nuklear na mga superpower na binawasan na nila ang kanilang mga warhead at ginawang tig-6,000 na lamang ang bawat isa sa kanila?

Narito ang lihim ng “pagbabawas.” Ganito ang paliwanag ng Carnegie Endowment for International Peace: “Ginamit sa pagbibilang ng 6,000 warhead ang espesipikong mga tuntunin sa pagtatala at pag-iimbentaryo na pinagkasunduan sa START [Strategic Arms Reduction Talks]. Mananatili sa dalawang bansa ang libu-libong karagdagang tactical at reserve weapon.” (Amin ang italiko.) Ayon sa Bulletin of the Atomic Scientists, “marami sa mga warhead ng Estados Unidos na inalis sa imbakan ng mga sandatang nakahandang gamitin ay itatago sa bodega (kasama ng mga 5,000 warhead na dati nang nakareserba) sa halip na lansagin ang mga ito.”

Kaya bukod pa sa libu-libong nakahandang-gamitin na mga strategic nuclear weapon na nakareserba pa rin​—na kayang direktang ilunsad sa iba’t ibang kontinente​—may libu-libong iba pang nuclear warhead gayundin ng iba pang tactical nuclear weapon na dinisenyo para salakayin ang mas malalapit na target. Walang alinlangan, ang dalawang nuklear na superpower ay marami pa ring nuklear na sandata sa kanilang mga arsenal upang lipulin nang ilang ulit ang populasyon ng buong daigdig! Ang pagpapanatili ng gayon karaming mapanganib na mga sandata ay malamang na makaragdag ng isa pang banta​—ang di-sinasadyang paglulunsad ng nuklear na mga missile.

Di-sinasadyang Digmaang Nuklear

“Ang mga hukbong nuklear ng Estados Unidos ay kontrolado ng estratehiyang ‘launch on warning’ [paglulunsad ng mga sandatang nuklear sa oras na magbabala ng pagsalakay],” ayon kina Robert S. McNamara at James G. Blight, na sinipi sa pasimula. Ano ang ipinahihiwatig nito? “Nakahanda nang ilunsad ang aming mga warhead samantalang nasa himpapawid ang mga warhead ng Russia,” ang kanilang paliwanag, na nagsabi pa: “Palilipasin lamang ang 15 minuto, ayon sa tuntunin, mula sa unang babala ng pagsalakay ng Russia at sa paglulunsad ng aming mga missile.” Ayon sa isang dating opisyal ng Estados Unidos sa paglulunsad ng stategic nuclear missile, “halos lahat ng missile na nasa lupa ay nakahandang ilunsad sa loob ng dalawang minuto.”

Dahil sa kalagayang ito ng pagiging handa, may panganib na mailunsad nang hindi sinasadya ang isang missile bunga ng isang maling babala. “Hindi lamang miminsan,” ang paliwanag ng isang artikulo sa U.S.News & World Report, “na nagkamaling magbigay ng mga utos para sa totoong paglulunsad noong panahong nagsasanay sa paggamit ng nuklear ang mga Amerikano.” Nangyari rin sa Russia ang katulad na maling mga babala. Nang magkaroon ng maling babala noong 1995 dahil sa research rocket ng Norway, inumpisahan nang galawin ng presidente ng Russia ang mga kodigo sa paglulunsad ng nuklear na mga missile.

Matinding panggigipit ang nararanasan ng mga may pananagutang magpasiya dahil sa nakahanda-para-maglunsad na estratehiyang ito. Mabuti na lamang, nabatid ng mga kumandante noon na mali ang babala, kung kaya naiwasan ang digmaang nuklear. May kinalaman sa insidente noong 1979, ganito ang paliwanag ng isang mananaliksik: “Ang pumigil sa [paglunsad ng] mga missile ng mga Amerikano ay ang mga early-warning satellite namin, na nagpakita na walang mga missile ng Sobyet sa himpapawid.” Gayunman, nasisira sa paglipas ng panahon ang gayong mga sistema ng early-warning satellite. Ikinababahala ng mga mananaliksik at analista ang “paghinto o paglihis sa itinalagang mga landas ng karamihan sa early-warning satellite ng Russia.” Kaya nga, gaya ng sinabi ng retiradong bise-admiral ng Estados Unidos ilang taon na ang nakararaan, “napakalaki ng tsansang mangyari anumang oras sa ngayon, gaya noon, ang pagpapasimula ng pagsalakay o paglulunsad ng missile dahil sa maling pagkaunawa, di-tamang pinagmulan ng utos, o aksidente.”

Bagong mga Miyembro ng Samahang Nuklear

Bagaman ang malalaking nuklear na arsenal ay pag-aari ng dalawang nuklear na superpower, may iba pang makapangyarihang mga bansa na gumagamit ng nuklear gaya ng Gran Britanya, Pransiya, at Tsina. Kamakailan, ang India at Pakistan ay naging bagong mga miyembro ng idineklarang makapangyarihang mga bansa na gumagamit ng nuklear, na tinatawag na samahang nuklear. Bukod pa sa mga bansang ito, ang iba pa, kasali na ang Israel, ay kadalasang tinutukoy na mga bansang naghahanap​—o marahil nagtataglay na​—ng mga sandatang nuklear.

Ang pulitikal na labanan na kinasasangkutan ng alinman sa mga miyembro ng samahang nuklear, kasali na ang bagong mga miyembro, ay maaaring pagmulan ng mga digmaang nuklear. “Ang krisis sa pagitan ng India at Pakistan . . . ay isang pangyayaring nagpakita ng muntik-muntikang pagsiklab ng digmaang nuklear na hindi pa nangyari sa pagitan ng ibang dalawang pamahalaan na may alitan sapol noong Cuban Missile Crisis,” ang paliwanag ng Bulletin of the Atomic Scientists. Palibhasa’y nakikita ang lumalalang kalagayan noong pasimula ng 2002, naging totoong-totoo sa maraming tao ang kinatatakutang nuklear na pagsalakay.

Isa pa, ang pagkagawa ng iba pang armas para sa lansakang paglipol ay lumikha ng higit pang posibilidad para sa paggamit ng bombang nuklear. Sa pagtalakay sa lihim na ulat ng Pentagon, sinabi ng The New York Times na “ang posibleng paggamit ng nuklear na mga armas para wasakin ang istak ng biyolohikal na mga sandata, kemikal na mga armas at iba pang sandata para sa lansakang paglipol na pag-aari ng kaaway” ay maaaring naging bahagi na ng patakaran ng Amerika sa nuklear.

Ginising ng mga pagsalakay ng terorista sa Estados Unidos noong Setyembre 11, 2001 ang mundo sa isa na namang bantang nuklear. Marami ang naniniwala sa ngayon na nagtatangkang gumawa ang mga organisasyon ng terorista​—o baka nga mayroon na sila​—ng mga sandatang nuklear. Paano nangyari iyon?

Mga Terorista at mga “Dirty Nuke”

Posible bang bumuo ng isang bombang nuklear na gumagamit ng sangkap na ipinagbibili sa black market (ilegal na kalakalan ng mga produkto)? Ayon sa magasing Time, ang sagot ay oo. Iniulat ng magasin ang tungkol sa isang pangkat na binuo para hadlangan ang nuklear na terorismo. Sa kasalukuyan, ang pangkat ay “nakabuo na ng mahigit sa isang dosenang” gawang-bahay na mga bomba sa pamamagitan ng paggamit ng “teknolohiyang masusumpungan sa karaniwang tindahan ng elektroniks, na ginagamit ang uri ng nuclear fuel na ipinagbibili sa black market.”

Lumaki ang posibilidad ng nuklear na pagnanakaw dahil sa pag-aalis ng mga armas at paglalansag ng mga sandatang nuklear. “Ang pagtatanggal ng libu-libong sandatang nuklear ng Russia mula sa mga missile, bomba, at submarino na mahigpit na binabantayan at ang pagtatago ng mga ito sa mga bodega na hindi gaanong nababantayan ay makatutukso lamang sa determinadong mga terorista,” ang sabi ng magasing Time. Kapag nakuha ng isang maliit na grupo ng mga tao ang nilansag na mga piyesa ng sandatang nuklear at pagkatapos ay buuin itong muli, hindi magtatagal ay makakabilang na ang gayong grupo sa samahang nuklear!

Sinabi ng magasing Peace na hindi na kailangang makabuo ng isang bomba para makasali sa samahang nuklear. Ang pawang kailangan ay makakuha ng sapat na dami ng nahahating uranyum o plutonium. Sinabi ng magasin: “Malaki ang tsansang magpasabog ng bomba ang mga teroristang nagmamay-ari ng makabagong uranyum na magagamit sa sandata sa pamamagitan ng paghahalo lamang ng tigkakalahati ng bawat sangkap.” Gaano karaming purong nuklear na sangkap ang kailangan? Ayon sa magasing iyan, “makasasapat na ang tatlong kilo.” Halos kasindami ito ng sangkap sa paggawa ng mga sandatang nuklear na nakumpiska sa inarestong mga ismagler noong 1994 sa Czech Republic!

Ang basurang nuklear ay maaaring maging isang uri ng nuklear na armas. “Ang talagang nakababahala sa mga eksperto ay ang nakamamatay na kombinasyon ng basurang radyoaktibo at pangkaraniwang mga pampasabog,” ang sabi ng The American Spectator. Ang ganitong uri ng mga armas, mga kagamitang nagkakalat ng radyasyon, ay kilala bilang mga dirty nuke o dirty bomb (bombang nuklear na gawa sa basurang nuklear). Gaano kapanganib ang mga ito? Ginagamit sa mga dirty bomb “ang pangkaraniwan at malalakas na pampasabog para ikalat ang mga sangkap na malalakas ang radyasyon na nilayong lasunin ang mga pinupuntirya sa halip na puksain sila sa pamamagitan ng pagsabog at init,” ang paliwanag ng IHT Asahi Shimbun. Nagpatuloy pa ito: “Ang maaaring maging epekto nito sa tao ay ang pagkakasakit dahil sa radyasyon hanggang sa mabagal at unti-unting pagkamatay.” Bagaman sinasabi ng ilan na hindi naman labis na nakapipinsala ang paggamit ng madaling-kunin na basurang nuklear, ikinababahala ng marami ang pagkakaroon ng purong nuklear na sangkap sa black market. Ayon sa kamakailang surbey sa buong daigdig, mahigit na 60 porsiyento ng lahat ng tumugon ang nakadarama na magaganap sa susunod na sampung taon ang nuklear na terorismo.

Walang alinlangan, totoong-totoo pa rin ang bantang nuklear sa daigdig. Ganito ang komento ng Guardian Weekly ng Britanya noong Enero 16-22, 2003: “Mas malaki ang posibilidad na bumaling ang Estados Unidos sa paggamit ng mga sandatang nuklear kaysa sa anumang panahon noong malalagim na araw ng cold war. . . . Patuloy na naghahanda ang Estados Unidos para sa digmaang nuklear.” Kung gayon, makatuwirang itanong: Maiiwasan kaya ang digmaang nuklear? May pag-asa ba para sa isang daigdig na malaya sa bantang nuklear? Sasagutin ang mga katanungang ito sa susunod na artikulo.

[Kahon sa pahina 6]

Ikalawang Panahong Nuklear?

Ipinahayag ng kolumnistang si Bill Keller (ang punong editor sa ngayon ng The New York Times) na sumusulat sa The New York Times Magazine ang kaniyang opinyon na pumasok na ang mga bansa sa ikalawang panahong nuklear. Ang una ay tumagal hanggang noong Enero 1994, nang sumang-ayon ang Ukraine na isuko ang mga sandatang minana nito mula sa dating Unyong Sobyet. Bakit niya nasabing ikalawang panahong nuklear?

Sumulat si Keller: “Naihayag ang ikalawang panahong nuklear dahil sa dagundong na umalingawngaw sa disyerto ng Rajasthani noong 1998, nang subukang pasabugin ng kahahalal na nasyonalistang gobyerno ng Hindu sa India ang limang bomba. Gayundin ang ginawa ng Pakistan pagkaraan ng dalawang linggo.” Ano ang kakaiba sa mga pagsubok na ito mula sa naunang panahong nuklear? “Ito’y mga sandatang nuklear na partikular na ginawa para sa isang rehiyon.”

Kaya, paano makadarama ng katiwasayan ang daigdig sa pagkakaroon ng dalawa pang aktibong miyembro ng samahang nuklear? Si Keller ay nagpatuloy: “Lumalaki ang potensiyal na magkaroon ng digmaan na nagsasangkot ng isang bansang gumagamit ng nuklear sa tuwing may bagong bansang nakakakuha ng mga sandatang nuklear.”​—“The Thinkable,” The New York Times Magazine, Mayo 4, 2003, pahina 50.

Pinalala pa ang situwasyon ng balita na maaaring nagtataglay ang Hilagang Korea ng “sapat na plutonium anupat malapit na itong makagawa ng anim na bagong bombang nuklear. . . . Nadaragdagan araw-araw ang panganib na magtatagumpay ang Hilagang Korea sa paggawa ng bagong mga sandatang nuklear, at marahil ay susubukin pa nga ang isa sa mga ito para patunayan ang tagumpay nito.”​—The New York Times, Hulyo 18, 2003.

[Larawan sa pahina 7]

Ipinakita ng isang opisyal ng gobyerno ang modelo ng isang bombang nuklear na mukhang maleta

[Credit Line]

AP Photo/Dennis Cook

[Larawan sa pahina 7]

Nasisira na ang lumang mga “early-warning satellite”

[Credit Line]

NASA photo

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Lupa: NASA photo