Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nang Masunog ang “Kabisera ng Ilang”

Nang Masunog ang “Kabisera ng Ilang”

Nang Masunog ang “Kabisera ng Ilang”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NOONG Enero 18, 2003, ginising ng nakatatakot na lagablab ng apoy ang mga residente ng kabiserang lunsod ng Australia, ang Canberra. Nagmistulang bola ng apoy ang araw noong umagang iyon dahil sa makapal na lambong ng usok. Ang hangin ay mainit, tuyo, at nakapapaso. Matindi ang tagtuyot sa Australia, anupat ang mga puno, dahon, at maliliit na halaman ay natuyot at lumutong. Sa loob ng maraming linggo, sinalanta ng apoy ang malawak na kagubatan ng eukalipto na nakapalibot sa lunsod na ito, na magiliw na tinatawag na Kabisera ng Ilang.

Noong hapong iyon, naganap ang di-inaasahan dahil sa malakas at nakapapasong hangin. Tumawid ang apoy sa mga puwang at hangganan, at mabilis na kumalat ito sa kagubatan ng pino na tumutubo sa loob at palibot ng timog-kanlurang panig ng Canberra.

Sumabog ang Kagubatan

Si Elliot, isang boluntaryong bombero, ay nagsabi: “Napakalakas ng pagsabog ng kagubatan ng pino noong alas 3:00 n.h. anupat kami at ang mga karatig-pook ay napaulanan ng nagliliyab na mga baga. Nakapangingilabot na makitang sinasalubong kami ng apoy na 40 metro ang taas.” Ang matinding init at malakas na hangin ay gumawa ng sarili nitong lagay ng panahon, na lumikha ng bola ng apoy na mabilis na rumagasa sa karatig-pook ng Chapman, anupat binunot ang mga puno at tinupok ang mga bahay. Napakaraming poste ng kuryente ang nasunog at naputol, anupat nagbagsakan ang mga kawad na may kuryente. Sa loob ng isang oras, 230 bahay ang natupok.

Nanghina ang loob ng mga bombero sa tindi ng sunog. Sinabi ni Elliot: “Nakalulungkot makitang nasusunog ang mga bahay, yamang kailangan naming piliin kung alin ang ililigtas at alin ang hahayaan na lamang masunog. Lalong nakalulungkot makita ang umiiyak at napipighating mga tao na bumabalik sa dating kinatatayuan ng kanilang bahay.”

Ang Resulta Pagkatapos ng Sunog

Apat katao ang namatay sa mga sunog, at daan-daan ang napinsala. Isang biktima, na 36-na-taóng-gulang na babae, ang tumakbo upang bumalik sa kaniyang bahay upang isalba ang mga litrato. Bumagsak ang bubong ng bahay, at nakulong siya sa loob. Hindi na siya mailigtas.

Nang humupa ang hangin at apoy, 530 bahay ang natupok, anupat 2,500 ang nawalan ng tahanan. Lubhang nasira ang mga serbisyo para sa kuryente, gas, at mga imburnal, na nagdulot ng mga problema sa kalusugan. Nagsiksikan sa emergency room ng Canberra Hospital ang mga taong may problema sa palahingahan. Nakalulungkot, habang napupuno ang mga evacuation center, sinimulan namang nakawan ng mga walang-pusong kriminal ang mga bahay. Ngunit marami ring salaysay ng kabayanihan at kabaitan ng tao ang naiulat. Nagtulungan ang magkakapitbahay, sinagip ng mga estranghero ang mga hayop, pinatuloy ng mga paaralan ang mga nawalan ng tahanan, at ipinagsanggalang ng mga boluntaryong bombero ang mga gusali ng iba, habang nasusunog mismo ang kani-kanilang bahay.

Bagaman tutubo uli ang mga puno at muling maitatayo ang mga bahay sa dakong huli, sinabi ng punong ministro na si John Howard na ang epekto ng pagkawasak ay “isang bagay na hindi mawawala . . . sa isipan ng mga taga-Canberra.”

[Picture Credit Line sa pahina 25]

AP Photo/Fairfax, Pat Scala