Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Magandang Moldavite

Ang Magandang Moldavite

Ang Magandang Moldavite

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CZECH REPUBLIC

Ano ang iyong naiisip kapag narinig mo ang salitang “moldavite”? Sa ilang wika, maaaring maisip ng isa na ang salitang iyan ay tumutukoy sa isang bagay na nanggaling sa ilog ng Moldau sa Sentral Europa, na sa kasalukuyan ay tinatawag na Ilog Vltava. O baka maisip mo naman ang isang pambihira at magandang bato. Kapansin-pansin, tumutukoy ang moldavite sa dalawang bagay na ito.

Ang moldavite ay isang berde at malasalaming bagay. Makikita ito sa timugang bahagi ng Czech Republic, malapit sa Ilog Vltava. Iniuuri ito bilang isang tektite​—isang terminong nagmula sa terminong Griego na tektos, na nangangahulugang “tinunaw,” o “binubò.” Ganito ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica: “Ang mga tektite ay naging paksa ng puspusan at masusing pagsusuri sa siyensiya noong kalakhang bahagi ng ika-20 siglo dahil sa di-nalalaman at posibleng pinagmulan nito sa malayong kalawakan, ngunit ngayon ay batid nang nabuo ang mga ito dahil sa pagkatunaw at mabilis na paglamig ng mga bato sa lupa na lubusang nadurog ng napakalakas na pagbagsak ng malalaking meteorite, kometa, o asteroid sa ibabaw ng Lupa.”

Masusumpungan ang mga tektite sa bawat kontinente maliban sa Antartiko at Timog Amerika. Dahil sa gayong pambihirang pinagmulan ng mga moldavite, maaaring isipin ng ibang mga tao na ang mga ito ay may mahiwaga at kosmikong lakas at kapangyarihang makapagpagaling. Gayunman, ang mga moldavite ay mga bato lamang​—bagaman ang mga ito ay napakagaganda at kahanga-hanga.

Ang pambihirang mga batong ito ay may matingkad na berdeng kulay. Di-tulad ng ibang mga tektite, maaaring tabasin ang mga ito upang maging makapigil-hiningang mga batong hiyas. Maaaring tingnan at hangaan ng mga bumibisita sa Czech Republic ang mga moldavite sa seksiyon ng mga mineral sa Pambansang Museo sa Prague.

Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Kay Jehova ang lupa at ang lahat ng naririto.” (Awit 24:1) Kasama rito ang lahat ng mahahalagang bato sa buong daigdig. Maaaring maisip mo iyan kapag nagkaroon ka ng pagkakataong makita at hangaan ang isang magandang moldavite!

[Larawan sa pahina 31]

Di-pa-natatabas na mga “moldavite”

[Larawan sa pahina 31]

Tinabas na “moldavite”

[Larawan sa pahina 31]

Alahas na “moldavite”

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Tinabas na moldavite at mga larawan sa ibaba: Z knihy Svĕt drahých kamenů