Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtuturo kay Kristi na Ibigin ang Diyos

Pagtuturo kay Kristi na Ibigin ang Diyos

Pagtuturo Kay Kristi na Ibigin ang Diyos

ISINILANG ang aming anak na babae, si Kristi, noong 1977. Di-nagtagal pagkatapos noon, sinabi sa amin ng aming doktor ang nakapanlulumong balita: Isinilang si Kristi na may malubhang suliranin sa pandinig at di-gaanong malalang anyo ng cerebral palsy. Wala kaming kamalay-malay na magiging napakalaki pala ng epekto nito sa aming buhay.

Pagkalipas ng ilang buwan, nagsimula na kaming pumasok ng aking asawang si Gary sa pantanging mga klase sa lunsod ng Melbourne, Australia, kung saan natuto kami kung paano makitungo sa aming anak. Dinalaw rin namin ang National Acoustic Laboratory sa Melbourne. Doon ay kinabitan ng maliliit na hearing aid ang sampung-buwang-gulang na si Kristi. Ayaw na ayaw niya sa mga kagamitang iyon, at yamang may mga kawad ang mga ito na nakakabit sa kaniya, mabilis niyang tinatanggal ang mga ito na kasimbilis ng paglalagay namin sa mga ito sa kaniyang maliliit na tainga! Kailangan din siyang magsuot ng pamigkis upang may pagtalian ng mga batirya, na talaga namang mabigat.

Dahil sa cerebral palsy, nahirapang matutong lumakad si Kristi. Nangahulugan ito na kailangan siyang magpaterapi linggu-linggo sa isang physical therapist. Subalit pagsapit niya sa gulang na tatlong taon, nagsimulang lumakad nang mag-isa si Kristi, bagaman maraming beses siyang nabuwal. Nagpatuloy ang physical therapy hanggang sa umabot siya ng limang taon. Samantala, lumipat kami sa isang karatig-bayan ng Benalla, kung saan pinatatakbo ni Gary ang kaniyang negosyo.

Edukasyon ni Kristi

Itinawag-pansin sa amin ng isang guro para sa mga bingi ang pantanging edukasyon na kakailanganin ni Kristi. Nangahulugan iyon ng panibagong paglipat, sa pagkakataong ito ay sa Bendigo naman, isang lunsod na may paaralan para sa mga bingi. Yamang ipinagdadalang-tao ko noon ang aming ikalawang anak, ipinagpaliban namin ang paglipat na ito hanggang sa maging apat na taóng gulang si Kristi at ang aming bagong anak na lalaki naman, si Scott, ay maging limang buwan. Sa isang ospital sa Bendigo, nagsimula ang lingguhang sesyon sa speech therapy​—terapi na nagpatuloy sa loob ng sumunod na sampung taon. Kami ni Gary ay nagsimula na ring mag-aral ng wikang pasenyas.

Ang pinakamalaking ikinababahala namin ay ang espirituwal na edukasyon ni Kristi. Alam mo, kami ni Gary ay parehong Saksi ni Jehova, at determinado kami na palakihin si Kristi “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ngunit paano namin magagawa iyon? Sinabi ng prinsipal ng paaralan na pinapasukan ni Kristi: “Ang pagtuturo kay Kristi tungkol sa Diyos ang konseptong pinakamahirap ituro. Hindi mo nakikita ang Diyos, kaya paano mo ito maipaliliwanag sa kaniya?” Kaylaki ngang hamon ang napapaharap sa amin noon! Di-nagtagal ay nalaman namin na kakailanganin dito ang maraming panahon, pag-aaral, at pagtitiis.

Sa simula, gumamit kami ng mga larawan at dayagram, anupat pinananatiling simple ang aming pananalita hangga’t maaari. Isinama namin siya sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa gawaing pangangaral, bagaman wala siyang gaanong naiintindihan sa mga nangyayari. Habang nasasanay si Kristi sa wikang pasenyas, nabubuksan sa kaniya ang isang bagong daigdig! Gayunman, maraming salita, parirala, at konsepto sa Bibliya ang mahirap ipaliwanag. Ang isa sa kaniyang paboritong aklat ay Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, * na pantanging isinulat para sa mga bata. Ang makukulay na larawan​—lakip na ang ilang dayagram na ginawa namin​—ay napatunayang napakahalaga. Nang maglaon, nagsimulang lumago sa puso ni Kristi ang pag-ibig sa Diyos.

May-kabaitang ipinakilala sa amin ng prinsipal sa paaralan ni Kristi ang iba pang mga Saksi na nagpapalaki ng binging mga anak. Isang malaking pagsulong ang nangyari nang ipaliwanag ng mga Saksing ito kung paano makapangangaral ang mga bingi sa mga taong nakaririnig. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pag-aabot sa kanila ng kard na naglalaman ng nakalimbag na maka-Kasulatang mensahe. Kaya nang handa na si Kristi upang ibahagi sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, madali na niyang nagawa ito! Siya ay naging di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita sa edad na 14 na taon. Noong 1994, nabautismuhan siya sa gulang na 17 taon.

Gayunman, kailangan ni Kristi ang mabubuting kasama, at mahirap para sa kaniya na makipagkaibigan sa mga Saksing nakaririnig. Kaya sinimulan namin ni Gary na magdaos ng mga klase sa wikang pasenyas sa mga miyembro ng aming kongregasyon na interesadong tumulong sa mga bingi. Ang ilang dumalo sa aming mga klase ay nakapagtrabaho nang maglaon bilang mga interprete sa mga bingi. Ngunit ang mas mahalaga, marami sa mga natuto ng wikang pasenyas ang lubhang nasiyahan na makipagtalastasan kay Kristi. Mas lubusan na ngayong nakikinabang si Kristi sa aming mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea. Aktibo siyang nakikibahagi sa mga ito hanggang sa ngayon. Labis na pinahahalagahan ni Kristi ang maibiging interes na ipinakikita sa kaniya ng mga kapatid.

Isang araw, ipinahayag sa amin ni Kristi ang kaniyang hangaring maging isang regular pioneer, o buong-panahong ebanghelisador. Tinulungan siya ni Gary na magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho, at makaraang isaayos ang iba pang mga bagay, naatasan si Kristi bilang regular pioneer noong 1995. Noong 2000, nakakuha rin siya ng part-time na trabaho sa isang paaralang elementarya. Doon, tumutulong siya sa pagtuturo sa mga batang bingi.

Si Kristi, si Gary, ang aming anak na lalaking si Scott, at ako ay pawang nakikibahagi ngayon sa kagalakan ng paglilingkod bilang mga regular pioneer. Nalulugod kaming gumugol ng panahon sa pagtuturo sa mga tao tungkol sa ating Diyos, si Jehova!

‘Ang mga Kahilingan ng Aming Puso’

Ang pagiging bingi ni Kristi ay patuloy na nagiging hamon para sa aming lahat. Kung minsan, kapag nakikibahagi si Kristi sa ministeryong Kristiyano, walang maaaring mag-interprete para sa kaniya at wala siyang makausap upang ibahagi ang kaniyang mga naiisip at nadarama. Sinabi niya: “Para bang naninirahan ako sa isang bansa kung saan nagsasalita ng iba’t ibang wika ang lahat ng naroroon.” Magkagayunman, natutuhan naming lahat na harapin nang matagumpay ang kaniyang situwasyon.

Naaaliw kami sa mga salita sa Awit 37:4: “Magkaroon ka rin ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.” Ang pinananabikang pag-asa ni Kristi ay ang marinig ang musika at mga tunog ng kalikasan at makapagsalita siya sa kaniyang mga minamahal sa paraang naririnig nila. Pinananabikan ko ang araw na maririnig ni Kristi ang aking tinig. Nananampalataya kami na malapit nang ipagkaloob sa amin ang mga kahilingang ito ng aming puso, gaya ng ipinangangako ng Bibliya.​—Isaias 35:5.​—Ipinadala.

[Talababa]

^ par. 8 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 14]

Si Kristi, nang siya ay 14 na buwan, kasama “Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya”

[Larawan sa pahina 15]

Inihaharap ni Kristi ang mabuting balita na ginagamit ang isang nakalimbag na kard

[Larawan sa pahina 15]

Sina Scott, Kristi, Gary, at Heather Forbes ngayon