Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinag-aalinlanganan si Moises

Pinag-aalinlanganan si Moises

ANG mga Judio, Kristiyano, at mga Muslim ay madalas na di-magkasundo sa maraming bagay. Gayunman, sa kabila ng kanilang mga di-pagkakasundo, ang mga relihiyong ito sa paanuman ay may iisang bagay na pinagkakasunduan: ang matinding paggalang sa taong kilala bilang Moises. Kinikilala siya ng mga Judio bilang “ang pinakadakila sa lahat ng mga gurong Judio”​—ang tagapagtatag ng bansang Judio. Itinuturing naman siya ng mga Kristiyano na tagapagpauna ni Jesu-Kristo. Itinuturing ng mga Muslim si Moises na kabilang sa kanilang kauna-unahan at pinakadakilang mga propeta.

Kaya naman si Moises ay isa sa pinakamaimpluwensiyang mga tao sa kasaysayan ng tao. Magkagayunman, sa loob ng mahigit na isang siglo na, si Moises ay pinag-aalinlanganan ng mga iskolar at mga klero. Hindi lamang ang paniniwala hinggil sa paggawa ni Moises ng mga himala at pag-akay sa mga Israelita palabas ng Ehipto ang kinukuwestiyon ng marami kundi kung siya nga ba ay talagang umiral. Ang aklat na Moses​—A Life, ni Jonathan Kirsch, ay nagsabi: “Ang tanging masasabi namin tungkol sa makasaysayang Moises ay na may isang taong katulad ng lalaking inilarawan sa Bibliya na maaaring napakatagal nang nabuhay sa isang panahon at lugar noon na walang nakaaalam, at ang kaniyang mga kabayanihan ay maaaring parang butil lamang ng buhangin na unti-unting bumuo sa perlas ng alamat at kuwentong-bayan sa paglipas ng maraming siglo hanggang sa siya ay maging ang kahanga-hanga at kontrobersiyal na tauhan na nasusumpungan natin sa mga pahina ng Bibliya.”

Sa unang tingin, parang may katuwiran ang gayong pag-aalinlangan. Halimbawa, sinasabi ng mga kritiko na may natuklasang mga arkeolohikal na patotoo na nagpapatunay ng gayong pag-iral ng mga tauhan sa Bibliya gaya ni Haring Jehu ng Israel, subalit wala pang natutuklasang arkeolohikal na katibayan na nagpapatunay sa pag-iral ni Moises. Gayunman, hindi naman ito ebidensiya na si Moises ay isang alamat lamang. Nangangatuwiran noon ang mga mapag-alinlangan na ang ibang taong nabanggit sa Bibliya, gaya nina Haring Belsasar ng Babilonya at Haring Sargon ng Asirya, ay mga alamat din​—hanggang sa mapatunayan ng arkeolohiya noong dakong huli ang kanilang pagiging makasaysayan.

Pinaaalalahanan tayo ng awtor na si Jonathan Kirsch: “Napakakaunti ng mga nalabi at mga relikya ng Israel sa Bibliya anupat hindi dapat ipagtaka o pag-alinlanganan ang hindi pagbanggit kay Moises sa ibang mapagkukunan ng impormasyon maliban sa Bibliya.” Ayon kay Kirsch, hindi basta masasabing bunga lamang ng kathang-isip si Moises, yamang “ang isang talambuhay na sagana sa detalye at may nakaulat na pag-uusap, na napakasalimuot . . . , ay hindi maaaring gawa-gawa lamang.”

Ikaw man ay nananampalataya o hindi, malamang na mayroon kang kahit kaunting nalalaman sa pinakamahahalagang pangyayari sa buhay ni Moises: ang kaniyang pakikipagtagpo sa Diyos sa nagliliyab na palumpong, ang Pag-alis ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at ang paghahati ng Dagat na Pula. Ngunit may dahilan bang maniwala na ang alinman sa mga bagay na ito ay talagang nangyari? O si Moises ay isang tauhan lamang sa mitolohiya? Bibigyang-pansin ng susunod na artikulo ang kawili-wiling mga tanong na ito.